Mula sa Aming mga Mambabasa
Kalinisan
Ang pagbasa ko sa “Pagharap sa Hamon ng Kalinisan” (Setyembre 22, 1988) ay nagpangyari sa akin na gunitain kung paano ako pinalaki. Upang sabihin sa inyo ang totoo, ako’y lumaki sa isang kalagayan na hindi mabuti sa kalusugan at hindi malinis, lahat ay dahil sa kawalang-alam at kakulangan ng kaalaman. Pagkatapos kong basahin ang labas na ito, nagtataka ako kung paano ako nanatiling buhay sa gayong kalagayan na hindi mabuti sa kalusugan. At, salamat din sa inyong nakatutulong na talaan sa pahina 10 at 11. Nakatulong ito sa akin na huwag ipagpaliban ang paggawa sa mga bagay-bagay. Kaagad kong nilinis ang paminggalan, atb. Nakipagbaka ako at nagtagumpay sa mga ipis.
S. M., St. Lucia, West Indies
Namamatay na mga Bata
Bilang isang doktor, nais kong ipahayag ang reaksiyon ko sa “Angaw-angaw na Bata ang Namamatay—Ano ang Makapagliligtas sa Kanila?” (Setyembre 22, 1988). Pinahahalagahan ko ang mga hakbang na binanggit ninyo upang sugpuin ang mga kamatayang ito: mas mahusay na pagkain (pangunahin nang idiniriin ang pagpapasuso sa sanggol) at mas mabuting tuntunin sa pangangalaga sa kalusugan. Gayunman, binanggit ninyo ang mga bakuna bilang isa sa mga hakbang na inilalaan upang magligtas ng buhay. Iniiwasan ninyong “masangkot” sa pagsasabi na ang Gumising! ay hindi nagrirekomenda ng isang uri ng medikal na paggamot. Sa palagay ko, ang bagay na inilathala ninyo ang impormasyong ito ay katumbas na rin ng pagpanig dito. Hindi ba’t mapanganib na unahin ang kapakanan ng pamayanan kaysa kapakanan ng indibiduwal? Ang bilang ng masama, nakamamatay pa nga, na mga komplikasyon ay nagpapatunay na ang tao ay narumhan ng mga bakuna.
D.G., M.D., Pransiya
Sa tuwina’y nasusumpungan ko ang inyong mga artikulo na kawili-wili, at pinahahalagahan ko ang inyong mga repaso. Gayunman, sa inyong labas noong Setyembre 22, wari bang wala kayong gaanong kabatiran tungkol sa bisa at panganib ng mga bakuna.
J. V., Pransiya
Maraming bagay na ginagawa ng mga tao sa paghahangad na mapabuti ang kalusugan ay hindi gaanong kanais-nais. Ang ilan ay umiinom ng gamot na may di-kanais-nais na masamang epekto, palibhasay’y naniniwala sila na mas nakahihigit ang pakinabang sa panganib. Gayundin ang palagay ng marami sa bakuna. Itinuturing namin ang bakuna na isang personal na bagay, bagaman dapat tanggapin ng isa ang anumang legal na resulta ng kaniyang pasiya.—ED.
Araling-Bahay ng mga Magulang
Nang dalawin namin ang mga paaralan taglay ang magasing “Mga Magulang—Kayo Man ay May Araling-Bahay!” (Setyembre 8, 1988), kami’y sinabihan na dapat muna naming iharap ito sa Superintendente ng mga Paaralan. Nang ako’y magbalik pagkatapos kong iwan ang isang kopya sa kaniyang sekretarya, iminungkahi kong mag-iwan ng ilang magasin sa pahingahan ng mga guro. Subalit sinabi niya: “Mas mabuti pa, yamang nabasa ko na ang impormasyon, bakit hindi ka na lang magdala ng isang daang kopya sa tanggapan ko, at ipapamahagi namin ito sa lahat ng mga guro.”
K. A., Estados Unidos
Ako’y isang assistant principal sa isang mababang paaralan ng 655 mga estudyante. Pagkatapos kong iwan ang isang kopya ng Gumising! sa prinsipal, ipinasiya niyang gumawa ng isang serye ng mga liham sa mga magulang batay sa magaling na labas na ito. Sa umpisa siya ay nababahala na baka hindi pumayag ang tagapaglathala na siya ay sumipi mula sa Gumising!, subalit tiniyak ko sa kaniya na hindi ito problema. Gayunman, maaaring tiyakin din ninyo ito sa kaniya.
S. S., Estados Unidos
Wala kaming tutol sa paggamit ng impormasyon sa “Gumising!” sa gayong layunin basta ba ang “Gumising!” ay bibigyang-kredito bilang ang pinagmulan nito.—ED.