Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 8—c. 563 B.C.E. patuloy—Isang Kaliwanagan na Nangako ng Pagpapalaya
“Ang pagsubok ng isang relihiyon o pilosopya ay ang dami ng mga bagay na maipaliliwanag nito.”—Amerikanong makata ng ika-19 na siglo Ralph Waldo Emerson
KAUNTI, kung mayroon man, ang tiyak na nalalaman tungkol sa kaniya. Sinasabi ng tradisyon na siya ay pinanganlang Siddhārtha Gautama, na siya ay isang prinsipe, at na siya ay ipinanganak noong mga 600 taon bago isinilang si Kristo sa kaharian ng Sakya sa gawing hilaga ng India. Siya ay tinawag na Sakyamuni (pantas ng tribo ng Sakya) at Tathagata, isang titulo na di-tiyak ang kahulugan. Malamang na makikilala mo lamang siya sa kaniyang mas-kilalang titulo, ang Buddha.
Si Gautama ay pinalaki sa malapalasyong kapaligiran, subalit sa gulang na 29 bigla niyang nabatid ang paghihirap sa paligid niya. Nais niya ng isang paliwanag, hindi gaya ng mga tao sa ngayon na taimtim na nagtataka kung bakit umiiral ang kabalakyutan at paghihirap. Iniiwan ang kaniyang asawa at sanggol na lalaki, tumakas siya tungo sa ilang, kung saan siya ay namuhay ng buhay ng isang asetiko sa loob ng anim na taon. Nahiga siya sa mga tinik at sa loob ng ilang panahon ay nabuhay sa isang butil na bigas sa isang araw. Subalit ito ay hindi nagdala ng kaliwanagan.
Ngayon halos 35 anyos, si Gautama ay nagpasiya sa mas katamtamang landasin, isa na tinawag niyang Gitnang Daan, o Landas. Siya’y nanatang mananatiling nakaupo sa ilalim ng isang punong igos hanggang sa matamo niya ang kaliwanagan. Sa wakas, pagkatapos ng isang gabi ng mga pangitain, inaakala niyang ginantimpalaan ang kaniyang paghahanap. Mula noon siya ay nakilala bilang ang Buddha, ibig sabihin, “naliwanagang isa.” Subalit hindi inaangkin ni Gautama ang pagsarili sa titulo. Kaya ito ay dapat na laging gamitin na may kasamang pantukoy, isang buddha o, sa kalagayan ni Gautama, ang Buddha.
Ang Daan sa Pagpapalaya
Ang mga diyos na Hindu na sina Indra at Brahma ay sinasabing nagmakaawa kay Buddha na sabihin ang kaniyang bagong tuklas na mga katotohanan sa iba. Sinimulan niyang gawin ang gayon. Bagaman pinananatili ang mapagparayang saloobin ng Hinduismo na ang lahat ng relihiyon ay may kabutihan, ang Buddha ay salungat sa sistema nito sa lipunan (caste system) at sa pagdiriin nito sa mga handog na hayop. Tinanggihan niya ang pag-aangkin nito na ang Vedas ng Hindu ay mga kasulatan na mula sa Diyos. At bagaman hindi niya ikinakaila na posibleng umiiral ang Diyos, ipinasiya niyang hindi kabilang sa Diyos ang pagiging isang Maylikha. Ang batas ng sanhi at dahilan, sabi niya, ay walang pasimula. At hinigitan pa niya ang Hinduismo, sinasabing siya’y nangangako sa kaniyang unang sermon: “Ito, mga monghe, ang gitnang landas ng kaalaman na . . . umaakay tungo sa pag-unawa, na umaakay tungo sa karunungan, na nakatutulong sa kahinahunan, sa kaalaman, sa sakdal na kaliwanagan, sa Nirvana.”
‘Ano ba ang Nirvana?’ maitatanong mo. “Mahirap makasumpong ng isang maling sagot sa tanong na ito,” sabi ng mananalaysay na si Will Durant, “sapagkat iniwan ng Panginoon ang punto na malabo, at binigyan-kahulugan ng kaniyang mga tagasunod ang salita ng lahat ng kahulugan sa ilalim ng araw.” “Walang isang Budistang palagay,” sang-ayon sa The Encyclopedia of Religon, sapagkat ito’y “sarisari ayon sa kultura, sa makasaysayang panahon, sa wika, sa paaralan, at maging sa indibiduwal.” Tinatawag ito ng isang manunulat na “ang ganap na kawalan ng pagnanasa, ang walang katapusang kahungkagan . . . , ang walang-hanggang katahimikan ng kamatayan nang walang pagsilang-muli.” Ang iba, kung tungkol sa kahulugan nito sa Sanskrit na “umihip,” ay nagsasabi na para itong isang apoy na namamatay kapag naubos ang gatong nito. Sa paano man, ang Nirvana ay nangangako ng pagpapalaya.
Ang kailangan upang makamit ang pagpapalaya ay binuod ni Buddha sa Apat na Dakilang Katotohanan: Ang buhay ay kirot at paghihirap; kapuwa ito pinangyayari ng masidhing paghahangad sa buhay at ng pagpapalayaw sa pagnanasa; ang landasin ng karunungan ay sugpuin ang masidhing paghahangad na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Makawalong Landas. Ang Landas na ito ay nangangailangan ng tamang paniwala, tamang hangarin, tamang pananalita, tamang pagkilos, tamang pamumuhay, tamang pagsisikap, tamang kaisipan, at tamang pagbubulaybulay.
Tagumpay sa Ibang Bansa, Pagkatalo sa Sariling Bayan
Mula sa simula nito, ang Budismo ay nakasumpong ng handang pagtugon. Isang pangkat ng mga materyalista ng panahong iyon, tinatawag na Charvakas, ay inihanda na ang daan. Tinanggihan nila ang sagradong mga kasulatang Hindu, kinutya ang paniniwala sa Diyos, at itinakwil ang relihiyon sa pangkalahatan. Malaki ang kanilang impluwensiya at nakatulong sa paglikha ng tinatawag ni Durant na “isang kahungkagan na halos pumilit sa paglago ng isang bagong relihiyon.” Ang kahungkagang ito, pati na “ang intelektuwal na pagkabulok ng matandang relihiyon,” ay nakatulong sa pagbangon ng dalawang pangunahing mga kilusan sa reporma noong panahong iyon, ang Budismo at Jainismo.
Noong kalagitnaan ng ikatlong siglo B.C.E., malaki ang ginawa ni Haring Aśoka, na ang imperyo ay sumasakop sa karamihan ng subkontinente ng India, upang gawing popular ang Budismo. Pinatibay niya ang mga aspekto nito sa pagmimisyonero sa pagpapadala ng mga misyonero sa Ceylon (Sri Lanka) at maaaring sa iba pang mga bansa. Noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon, ang Budismo ay lumaganap sa buong Tsina. Mula roon ito ay kumalat sa Hapón mula sa Korea. Noong ikaanim at ikapitong siglo C.E., masusumpungan ito sa lahat ng bahagi ng silangan at timog-silangan ng Asia. Ngayon, mayroon nang mahigit na 300 milyong Budista sa buong daigdig.
Kahit na bago pa ang kaarawan ni Haring Aśoka, ang Budismo ay sumusulong. “Sa pagtatapos ng ikaapat na siglo B.C., ang mga misyonerong Budista ay nasumpungan sa Atenas,” sulat ni E. M. Layman. At sabi pa niya na pagkatapos maitatag ang Kristiyanismo, nakaharap ng unang mga misyonero nito ang doktrinang Budista saanman sila magtungo. Sa katunayan, nang ang mga misyonerong Katoliko ay unang magtungo sa Hapón, sila’y napagkamalang isang bagong sekta ng Budismo. Papaano nangyari ito?
Maliwanag na malaki ang pagkakatulad ng dalawang relihiyon. Sang-ayon sa mananalaysay na si Durant, ang mga bagay na gaya ng “pagsamba sa mga relikya, ang paggamit ng agua bendita, mga kandila, insenso, ang rosaryo, kasuotan ng pari, patay na wika sa liturhiya, mga monghe at madre, monastikong tonsura at celibato (hindi pag-aasawa dahil sa panata), kumpisal, pag-aayuno, ang kanonisasyon ng mga santo, purgatoryo at mga misa para sa patay.” Sabi pa niya na ang mga bagay na ito “ay waring unang lumitaw sa Budismo.” Sa katunayan, ang Budismo ay sinasabing “limang dantaong maaga sa Iglesya Romano sa pag-imbento at paggamit sa lahat ng mga seremonya at mga anyo na karaniwan sa dalawang relihiyon.”
Ipinaliliwanag kung paano nangyari ang mga pagkakatulad na ito, ang autor na si Layman ay nagpapahiwatig ng iisang pinagmulan. Sulat niya: “Noong panahong Kristiyano . . . ang paganong mga impluwensiya ay naging maliwanag sa mga anyo ng pagsamba ng mga Budista. . . . Ang mga impluwensiyang pagano ay malamang na siya [ring] may pananagutan sa ilang gawa ng pagsamba sa relihiyong Kristiyano.”
Sa kabila ng impluwensiya nito sa buong daigdig, ang Budismo ay dumanas ng malubhang pagkatalo sa sariling bayan. Ngayon, wala pang 1 porsiyento ng populasyon ng India ay Budista; 83 porsiyento ay Hindu. Ang dahilan ay malabo. Marahil ang Budismo ay masyadong mapagparaya anupa’t ito ay basta muling tinanggap ng mas tradisyunal na Hinduismo. O marahil ang mga mongheng Budista ay nagpabaya sa pagpapastol sa karaniwang tao. Ang malaking salik, sa paano man, ay ang pagpasok ng Islam sa India. Ito ay umakay sa pamumunong Muslim na kung saan maraming tao, lalo na sa hilagang bahagi ng India, ay nakumberte sa Islam. Sa katunayan, sa pagtatapos ng ika-13 siglo, halos sangkapat ng populasyon ay Muslim. Samantala, maraming Budista ang bumabalik sa Hinduismo, marahil nasusumpungan nila na ito ay mas nakatutugon sa mahigpit na pagsalakay ng Muslim. Namumuhay sa ngalan nito na pagpaparaya, malugod silang tinanggap na muli ng Hinduismo, pinadadali ang kanilang pagbabalik sa pagpapahayag na ang Buddha ay isang diyos, isang inkarnasyon ni Vishnu!
Ang Maraming Mukha ng Buddha
“Ang unang mga larawan ng Buddha ay ginawa ng mga Griego,” sulat ni E. M. Layman. Sinasabi ng mga Budista na ang mga istatuwang ito ay hindi sinasamba kundi mga pantulong lamang sa pagsamba, idinisenyo upang ipakita ang paggalang sa dakilang Guro. Kung minsan ang Buddha ay ipinakikita na nakatayo, subalit kadalasan ay nakaupong nakakrus ang mga paa, ang mga talampakan ng kaniyang paa ay nakaharap pataas. Kapag ang kaniyang mga kamay ay nakapatong sa isa’t isa, siya ay nagbubulaybulay; kapag ang kaniyang kanang kamay ay nasa kaniyang baba, siya ay nagpapala; at kapag nahihipo ng kaniyang hinlalaki sa kanang kamay ang hintuturo o kapag ang dalawang kamay ay magkasama sa harap ng dibdib, siya ay nagtuturo. Ang ayos na nakahiga ay naglalarawan sa kaniya sa sandali ng pagdaan niya tungo sa Nirvana.
Kung paanong may pagkakaiba-iba sa kaniyang sarisaring ayos, may gayunding pagkakaiba sa kaniyang doktrina. Sinasabing sa loob ng 200 taon pagkamatay niya, 18 bersiyon ng Budismo ang umiiral na. Ngayon, 25 siglo mula sa “kaliwanagan” ni Gautama, ang mga interpretasyong Budista sa kung paano makakamit ang Nirvana ay napakarami.
Si Erik Zürcher ng University of Leiden sa Netherlands ay nagsasabi na may “tatlong pangunahing pagpapakilala sa loob ng Budismo, ang bawat isa sa kaniyang sariling ideya sa doktrina, mga gawaing pangkulto, sagradong mga kasulatan, at tradisyunal na mga imahen at larawan.” Ang mga pagkilos na ito ay tinatawag na mga sasakyan sa katawagang Budista sapagkat, tulad ng mga bangkang pantawid, inihahatid nila ang isang tao sa ibayo ng ilog ng buhay hanggang sa wakas ay marating niya ang pampang ng pagpapalaya. Pagkatapos ang sasakyan ay maaaring ligtas na iwan. At sasabihin sa iyo ng Budista na ang paraan ng paglalakbay—ang uri ng sasakyan—ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay ang makarating doon.
Kasali sa mga sasakyang ito ang Budismong Theravada, na maliwanag na malapit sa kung ano ang ipinangaral ni Buddha at lalo nang malakas sa Burma, Sri Lanka, Laos, Thailand, at Kampuchea (dating, Cambodia). Ang Budismong Mahayana, lalo nang malakas sa Tsina, Korea, Hapón, Tibet, at Mongolia, ay mas liberal, sapagkat ibinabagay nito ang mga turo nito upang marating ang mas maraming tao. Sa dahilang iyan ito ay tinawag na Mas Malaking Sasakyan kung ihahambing sa Theravada, ang Mas Maliit na Sasakyan. Ang Vajrayana, ang Brilyanteng Sasakyan, karaniwang kilala bilang Tantrismo o Budismong Esoteriko, ay pinagsasama ang ritwal sa pagsasagawa ng Yoga, at ipinalalagay na nagpapabilis sa pagtungo ng isa sa Nirvana.
Ang tatlong pagkilos na ito ay nahahati sa maraming paaralan, ang bawat isa’y naiiba sa interpretasyon ng ilang pangunahing mga elemento, kadalasan dahil sa pantanging pagdiriin sa ilang bahagi ng mga kasulatang Budista. At ayon kay Zürcher, yamang saanman ito magtungo, ang “Budismo ay naiimpluwensiyahan sa sarisaring antas ng lokal na mga paniwala at mga gawain,” hindi nagtagal ang mga paaralang ito ang pinagmulan ng maraming lokal na mga sekta. Katulad ng Sangkakristiyanuhan na may libu-libong nakalilitong mga sekta at mga pagkakabaha-bahagi nito, ang Buddha, sa makasagisag na pananalita, ay maraming mukha.
Budismo at Pulitika
Katulad ng Judaismo at ng nag-aangking Kristiyanismo, hindi tinatakdaan ng Budismo ang sarili nito sa mga gawaing relihiyoso kundi nakatulong din ito sa paghubog sa pulitikal na kaisipan at gawi. “Ang unang pagsasama ng Budismo at pulitikal na pagkilos ay dumating noong panahon ng paghahari ni [Haring] Asoka,” sabi ng autor na si Jerrold Schecter. Ang pagiging aktibo ng Budismo sa pulitika ay nagpapatuloy hanggang sa ating panahon. Noong dakong huli ng 1987, 27 Budistang monghe na taga-Tibet ang inaresto sa Lhasa dahil sa pakikibahagi sa mga demonstrasyon laban sa Intsik. At ang pakikisangkot ng Budismo sa digmaan sa Vietnam noong 1960’s ang nagpangyari kay Schecter na maghinuha: “Ang mapayapang landas ng Gitnang Daan ay pinilipit tungo sa bagong karahasan sa mga demonstrasyon sa lansangan. . . . Ang Budismo sa Asia ay isang natutupok na pananampalataya.”
Hindi nasisiyahan sa nakahahapis na mga kalagayan sa pulitika, ekonomiya, lipunan, at moral ng Kanluraning daigdig, ang ibang tao ay bumaling sa Silanganing mga relihiyon, pati na sa Budismo, para sa mga paliwanag. Subalit maibibigay ba ng “isang natutupok na pananampalataya” ang mga kasagutan? Kung ikakapit mo ang simulain ni Emerson na “ang pagsubok ng isang relihiyon . . . ay ang dami ng mga bagay na maipaliliwanag nito,” paano mo tatayahin ang kaliwanagan ni Gautama? Mas mabuti kaya ang iba pang relihiyon sa Asia “Sa Paghahanap ng Tamang Daan”? Para sa kasagutan, basahin ang susunod na labas.
[Kahon sa pahina 18]
Mga Tao, Lugar, at mga Bagay
Adam’s Peak, isang bundok sa Sri Lanka na ipinalalagay na sagrado; ang tatak sa bato roon ay sinasabi ng mga Budistang bakas ng paa ni Buddha, ng mga Muslin na bakas ng paa ni Adan, at ng mga Hindu kay Siva.
Punong Bodhi, ang puno ng igos na sa ilalim nito si Gautama ay naging ang Buddha, “bodhi” ibig sabihin ay “kaliwanagan”; isang usbong ng punungkahoy ay sinasabing buhay pa at sinasamba sa Anuradhapura, Sri Lanka.
Mga Mongheng Budista, makikilala sa kanilang pagkakakilanlang bata, ang bumubuo ng mahalagang elemento ng Budismo; sila’y nangangakong magiging tapat, magiging mahabagin sa tao at sa hayop, manlilimos para sa kanilang ikabubuhay, iiwasan ang libangan, at mamumuhay sa kalinisan.
Dalai Lama, sekular at relihiyosong lider na taga-Tibet, itinuturing ng mga Budista na isang inkarnasyon ni Buddha, na noong 1959 ay ipinatapon; ang “dalai,” mula sa salitang Mongolian para sa “karagatan,” ay kumakatawan sa malawak na kaalaman; ang “lama” ay tumutukoy sa isang espirituwal na guro (gaya ng Sanskrit na guru). Sang-ayon sa mga balita, noong demonstrasyon ng mga taga-Tibet ng 1987, ang Dalai Lama “ay nagbigay ng kaniyang basbas sa sibil na pagsuway subalit hinatulan niya ang karahasan,” sa gayo’y pinangyayari na ipaalaala sa kaniya ng India, ang kaniyang may bisitang bansa, na ang pulitikal na mga pananalita ay maaaring magsapanganib sa kaniyang pagtira roon.
Templo ng Ngipin, isang templong Budista sa Kandy, Sri Lanka, na ipinalalagay na siyang nagtatago ng isa sa mga ngipin ng Buddha bilang isang sagradong relikya.
[Kahon sa pahina 19]
Tsa at “Panalanging” Budista
Sa kabila ng mga pagkakahawig, ang “panalanging” Budista ay mas wastong tawaging “meditasyon.” Isang anyo na partikular na nagdiriin sa disiplina-sa-sarili at taimtim na meditasyon ay ang Budismong Zen. Dinala sa Hapón noong ika-12 siglo C.E., batay ito sa isang Budismong Intsik na kilala bilang Ch’an, na mula sa isang mongheng taga-India na nagngangalang Bodhidharma. Nagpunta siya sa Tsina noong ikaanim na siglo C.E. at lubhang nanghiram mula sa Taoismong Intsik sa paglikha ng Ch’an. Sinasabi na minsa’y pinutol niya ang mga talukap ng kaniyang mata dahil sa silakbo ng galit pagkaraang makatulog samantalang nagbubulaybulay. Ito’y nahulog sa lupa, nag-ugat, at naging ang unang halamang tsa. Ang alamat na ito ay nagsisilbi bilang ang tradisyunal na saligan ng pag-inom ng tsa ng mga mongheng Zen upang manatiling gising samantalang nagbubulaybulay.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga templong Budista, gaya ng Templong Marmol sa Bangkok, Thailand, ay kahanga-hanga
Makikita rin dito ang istatuwa ng isang demonyong Budista na nagbabantay sa templo, at sa ibaba, ang istatuwa ng isang buddha. Karaniwang tanawin ito sa mga bansang Budista