Pagmamasid sa Daigdig
ISANG MASAMANG TAON PARA SA RELIHIYON
Sang-ayon sa isang ulat sa Los Angeles Times, ang mga tao sa Estados Unidos ay nawawalan ng paggalang sa organisadong relihiyon. Ang mga surbey ng Gallup noong 1988 ay nagpakita na, kung ihahambing sa 1986, mas maraming Amerikano ang nawalan ng pagtitiwala sa inaasal ng klero at inakala nila na ang relihiyo’y nawawalan ng impluwensiya sa lipunan. Binanggit ng ulat na ang pagkawalang-tiwala ay halatang-halata sa mga minoridad at Evangelical, o “born-again,” mga Kristiyano, binabanggit bilang maliwanag na sanhi ang mga iskandalong kinasangkutan ng mga predikador sa telebisyon na sina Jimmy Swaggart at Jim Bakker.
MARUMING HANGIN
Sang-ayon sa The Star ng Johannesburg, mas maraming ulan ng asupre ang bumabagsak buhat sa himpapawid sa itaas ng silangang Transvaal ng Timog Aprika kaysa saanman sa Kanlurang daigdig. Ang karamihan ng ulan ng asupre ay nanggagaling sa mga istasyon na ang pinanggagalingan ng koryente ay karbon ang gatong at posibleng kasindami ng 57.5 tonelada por kilometro kuwadrado. Iyan ay walong beses ang tindi kaysa iniuulan sa Kanlurang Alemanya, na kung saan ang nakakatulad na pag-ulan ay nakagawa na ng “di-mareremedyuhang pinsala sa mga gubat, pananim at mga gusali.” Ang asupre ay isang pangunahing sangkap ng acid rain. Natuklasan ng isang pag-aaral na ang ulan sa silangang Transvaal ay halos kasing-asidiko ng suka. Yamang ang lagay ng panahon sa Timog Aprika ay waring kinukulong ang polusyon malapit sa lupa, marami ang nababahala sa mga panganib na inihaharap nito sa kalusugan. Ang mga magulang ay nangangamba sa kanilang mga anak. Binanggit ng Saturday Star na ang asó ay nagiging sanhi ng “isa sa pinakamataas na mga inirereklamong kapansanan ng tainga, ilong, at lalamunan sa daigdig.”
PAG-ABUSO SA ALAGANG HAYOP AT PAG-ABUSO SA ANAK
Ipinakita ng isang pag-aaral kamakailan na ang pag-abuso sa mga hayop sa tahanan ay maaaring isang tanda na nagaganap din sa tahanang iyon ang pag-abuso sa bata, ayon sa iniulat ng magasin sa E.U. na Parents. Sa 57 pamilyang may problema sa pag-aabuso sa bata, mga 88 porsiyento ang nag-aabuso rin ng kanilang mga hayop. Karaniwan nang isang magulang ang umaabuso sa isang alagang hayop, subalit ang inabusong mga anak ay maaari ring bumaling at ibuhos ang kanilang galit sa mga hayop. Ang organisasyon na nagsagawa ng pag-aaral ay nagpayo sa mga magulang, guro, at sa iba pa na pakinggan ang kanilang mga anak pagka ang mga ito’y nagsasabi tungkol sa pag-abuso sa hayop sa kanilang mga tahanan. Ganito ang mungkahi ng artikulo: “Ituro sa mga anak na anumang uri ng pag-aabuso ay masama.”
“BINAYARAN UPANG MAGSAWALANG-KIBO”
Isang AMA (Australian Medical Association) surbey ng mga magasin ng mga babae, na inilathala sa loob ng katamtama’y limang taon, ang nagsiwalat na ang mga magasing may dalang anunsiyo ng sigarilyo ay waring sumisensura sa materyal na nagbibilad ng nakapipinsalang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo. Sa mga magasing sinurbey, mayroong sampung beses na dami ng mga artikulo tungkol sa pagpapapayat at pagdidiyeta kung ihahambing sa paninigarilyo. Ang mga magasin ay inakusahan ng pangkalahatang kalihim ng AMA ng sadyang pagwawalang-bahala sa mga panganib na dulot ng paninigarilyo at siya’y muling nanawagan na ipagbawal ang pag-aanunsiyo ng tabako. “Ang mga magasin ay binabayaran upang magsawalang-kibo at sila nga’y nagsasawalang-kibo,” ang sabi niya. “Iyan ay nakahihiya at kawalan ng responsabilidad.”
ISANG MALAKING TAGAPAGBUTAS PARA SA MGA SOBYET
Isang dambuhalang makinang tagapagbutas ng tunnel ang binuo sa Richmond, Canada, para sa isang hydroelectric project sa Unyong Sobyet, ayon sa pag-uulat ng The Vancouver Sun. Ang makinang iyan ay may timbang na 660 tonelada at may habang 28 metro. Ang kaniyang 59 na mga disc cutters na bakal, na naka-set sa isang 8.5 metro ang diyametrong cutterhead, ay nakapagbabarena ng matigas na bato na hanggang 10 centimetro bawat minuto. Ang sampung motor na pinaaandar ng koryente ng makinang ito ay may lahat-lahat na 2,800 horsepower. Ito’y gagamitin upang bumutas ng dalawang 5.5 kilometrong tunnel para sa Irganaisk hydroelectric project sa Kabundukang Caucasus. Anim na mga makinang kahawig nito ang sa kasalukuyan ay bumubutas ng tunnel sa ilalim ng English Channel.—Tingnan ang Gumising! Abril 22, 1989.
SOCCER VOODOO
Anong lihim na “armas” ang ginagamit ng Bahia Sports Club, nagwagi sa 1988 Union Cup para sa soccer sa Brazil, upang makatiyak ng tagumpay? “Mistisismo,” ayon sa pag-uulat ng magasing Veja ng Brazil. Bago magsimula ang bawat laro, ang masahista at dresser ng koponan ay naghahanda ng pampaligong dagta ng lavender at isa pang pampaligong nilagyang ng bawang para sa mga manlalaro. “Kung makalimutan kong ihanda ang pampaligong ito, ito’y hinihingi sa akin ng mga manlalaro,” sabi niya. At, bago magtakbuhan ang mga manlalaro sa dakong pinaglalaruan, siya’y nagsisilid ng isang ulo ng bawang sa medyas ng bawat isa. “Totoo, hindi ang voodoo ang nagpapapanalo sa laro,” sabi ng masahista. “Subalit ito’y may matinding sikolohikong epekto at nagsisilbing panakot sa katunggaling mga manlalaro.”
INTERESANTENG PAYO PARA SA INA
Nang isang inang Romano Katoliko ang sumulat para humingi ng payo sa isang paring Katoliko na editor ng isang regular na tudling sa pahayagang Australyano na Sunday Telegraph, siya’y tumanggap ng isang tugon na marahil hindi niya inaasahan. Ang kaniyang liham ay nagpahayag ng kalungkutan dahilan sa ang kaniyang pinakamatandang anak na babaing may asawa, bagaman pinalaking isang Katoliko, ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang tugon ng klerigo ay may ilang interesanteng payo. Sa isang bahagi ay sinulat niya: “Siya’y kailangang maging malaya . . . sa paggawa ng kaniyang sariling paraan ng pamumuhay. Magkaroon ka ng kaaliwan sa bagay na siya’y sumusunod sa isang relihiyon. Mas mabuti ang maging isang aktibong Saksi ni Jehova kaysa isang di-aktibong Katoliko.”
PAULIT-ULIT NA NABIBILANGGO
Halos 63 porsiyento ng lahat ng mga presong nakalaya sa mga piitang estado sa Estados Unidos ang inarestong muli dahil sa malubhang krimen nang hindi lumalampas ang tatlong taon, ayon sa isang kamakailang ulat ng Kagawaran ng Hustisya. Ang pinalayang mga preso na wala pang 25 taóng gulang na naaresto ng 11 o higit pang beses ang may pinakamataas na katumbasan ng muli’t muling pagkabilanggo—94 na porsiyento sa kanila ang muling naaresto.
KUNG SAAN HARI ANG BISIKLETA
Sa loob lamang ng isang taon, ang Tsina ay nakagawa ng 41 milyong bisikleta, ulat ng magasing Asiaweek. Iyan ay nangangahulugan na 3,400 bisikleta ang nagawa para sa bawat nayaring kotse. Sa kabaligtaran naman, ang Estados Unidos ay nakagawa ng 82 bisikleta lamang sa bawat 100 kotse na nayari. At ang mga bisikletang iyon “sa kalakhang bahagi ay magagarang mga makinang makasampung ibayo ang tulin at ginawa upang tumagal ng isa o dalawang taon,” ang sabi ng magasin. Para sa mga Intsik ang mga bisikleta ay totoong praktikal. “Isang-katlo ng lakas na nagagamit sa paglalakad ang nagagamit sa pamimisikleta. Ang isang maliit na kotse ay kumukunsumo ng 50 beses na dami ng enerhiya kaysa isang taong namimisikleta,” ayon sa Asiaweek.
KALIGAYAHAN—WALANG ASAWA O MAY-ASAWA?
Noong nakaraan, ipinakita ng mga pag-aaral na ginawa sa Estados Unidos na ang mga taong may-asawa, sa pangkalahatan, ay nag-ulat ng mas mataas na antas ng personal na kaligayahan kaysa mga walang asawa. Baka ito ay nagbabago na. Ipinakikita ng natipong impormasyon kamakailan sa 13 pambansang mga surbey na ginawa mula noong 1972 patuloy hanggang 1986 ng National Opinion Research Center na bumaba ang bilang ng mga may-asawang nasa antas ng kaligayahan. Samantalang noong 1972, 38 porsiyento niyaong mga may-asawa ang nagsabing sila’y “napakaligaya” sa kanilang buhay, noong 1986 ang mga ulat ay bumaba hanggang sa umabot sa 31 porsiyento. Subalit, sa mga walang asawa, na mga nagsabing sila’y “napakaligaya” ang bilang ay tumaas mula sa 15 porsiyento noong 1972 hanggang 27 porsiyento noong 1986.
NAKAMAMATAY ANG MGA SODA MACHINE
Ang pagyugyog sa isang soda vending machine nang paroo’t parito upang makakuha ka ng soda ay isang mapanganib na pagsisiste. Ito’y maaaring makamatay. Isang doktor sa U.S. Army ang sumulat sa The Journal of the American Medical Association na may nalalaman siyang 15 mga kabataang lalaki na nasaktan ng natumbang mga soda machine sa loob lamang ng mahigit na dalawang taon. Tatlo sa kanila ang namatay. Sila’y nangasaktan, ang sabi ng doktor sapagkat ang mga soda machine ay sobra-sobra ang bigat pagka punung-puno, kung kaya’t ang todu-todong paghatak o pagyugyog ay magpapabagsak sa makina. Minsang ang isang makina’y itulak mong paabante nang sobra-sobra, baka ang puwersa ng lakas ay umabot hanggang 450 kilo sa ibabaw na harapan ng makina. Ang mga biktimang nakaligtas ay nagulat sa bigat ng mga makina.