Pinalakas ng Pag-asa sa Kaharian
NOONG Abril 1987 minasdan ni Lila, isang babae na mga otsenta’y singko anyos, ang pagkamatay ng kaniyang asawa sa isang ospital malapit sa Portland, Oregon. Ang mga mata ng nakikiramay na mga narses ay nakatitig sa kaniya. Minasdan niya ang bangkay at saka lumapit at tinapik ito.
“Ikaw ay naging isang mabuting asawa,” sabi niya. “Makikita kita sa pagkabuhay-muli!” Pagkatapos siya ay bumaling at nagsabi: “Sinabi ko iyon sapagkat ako ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Hayaan ninyong ipaliwanag ko.” Sinabi niya ang tungkol sa pagkabuhay-muli at ang bagong sanlibutan ng Diyos.
Pagkatapos, nang siya’y palabas ng ospital, ang espesyalista sa puso na gumamot sa kaniyang asawa ay lumapit sa kaniya sa pasilyo. Ang doktor ay huminto at nagpahayag ng kaniyang pakikiramay. Agad niyang ipinaliwanag kung paanong makikita niyang muli ang kaniyang asawa sa bagong sanlibutan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Siya ay nakapagbigay ng mahabang patotoo bago nakaalis ang doktor, na ang sabi: “Lila, sana nga’y ganiyan ang mangyari sa iyo.” Habang siya’y paalis na, sabi ni Lila: “Mangyayari ito, at nais kong makita ka rin doon!”
Lingid sa kaalaman ni Lila, ang doktor ay dinalaw ng mga Saksi ni Jehova. Ngayon, palibhasa’y nasaksihan niya kung paanong ang pananampalataya ni Lila ay nagpalakas sa kaniya sa mahirap na panahon ng kamatayan ng kaniyang asawa at pagkarinig sa kaniyang positibong pag-asa sa hinaharap, ang doktor ay napalakas-loob. Siya at ang kaniyang asawa ay nagpatuloy sa kanilang pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova.
Pagkaraan ng ilang buwan, noong Enero 1988, si Lila ay nagkasakit at nauwi sa ospital. Siya ay hindi tumutugon sa paggagamot at wari bang namamaalam na. Nabalitaan ng espesyalista sa puso ang tungkol dito at agad niyang dinalaw si Lila sa intensive-care unit. Siya ay nagtanong: “Bueno, Lila, kumusta ka na?”
“Hindi gaanong mabuti, sa palagay ko.”
“Nangungulila ka kay Erick, ano?”
“Oo, sa palagay ko nangungulila ako sa kaniya, higit kailanman.”
Pagkatapos binanggit ng doktor kay Lila ang tungkol sa pangako ng Bibliya na makitang muli si Erick sa pagkabuhay-muli, gayundin ang pag-asa sa walang-hanggang buhay sa kasakdalan sa bagong sanlibutan. Sa katunayan, ang mga bagay na ito mismo ang sinabi sa kaniya ni Lila noon nang mamatay ang asawa niya! Ito ang pinakamagaling na medisina na maibibigay niya kay Lila. Si Lila ay sumigla, nakalabas sa ospital nang linggong iyon, at nakibahagi muli sa ministeryong Kristiyano taglay ang panibagong lakas.
At kumusta naman ang espesyalista sa puso? Siya at ang kaniyang asawa ay nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos at nabautismuhan sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Corvallis, Oregon, noong Hunyo 1988.—Isinulat.