Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/8 p. 12-13
  • Talaga bang Mayroong Diyablo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Talaga bang Mayroong Diyablo?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapaliwanag sa Asal ng Tao
  • Kung Bakit Siya Namumuno ng Isang Organisasyon
  • Sino ang Nagsasabi ng Katotohanan Tungkol sa Diyablo?
  • Totoo Bang May Diyablo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Isang Kaaway ng Buhay na Walang-Hanggan
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Ang Diyablo—Hindi Lamang Basta Pamahiin
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • “Salansangin Ninyo ang Diyablo” Gaya ng Ginawa ni Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/8 p. 12-13

Ang Pangmalas ng Bibliya

Talaga bang Mayroong Diyablo?

NOONG bata ka pa, takot ka ba sa dilim? Marahil naguniguni mo ang isang halimaw na nakatago sa labas ng inyong bintana, naghihintay na agawin ka mula sa iyong mga magulang. Ngayon bilang isang adulto, na nakababasa ng makatotohanang impormasyon at nakapag-iisip ng mas makatuwiran, ang iyong mga pagkatakot noong bata ka ay tila katawa-tawa. “Kaya,” sabi ng ilang kritiko, “bakit hindi gumawa ng isang karagdagang hakbang at ilagay ang Diyablo sa ganoon ring kategoriya​—hindi totoo gaya ng isang halimaw sa guniguni ng isang bata?”

Walang tunay na Diyablo? Ganiyan mismo ang tinitiyak sa iyo ng isang relihiyosong pulyeto: “Walang ipinababatid ang Bibliya na ganiyang halimaw ng kabalakyutan” at, “Sa mga salitang Diyablo at Satanas taglay natin ang . . . simulain ng kasalanan at kasamaang likas sa katangian ng tao.” O gaya ng pagsasabi ng isang guro ng Sunday-school sa Estados Unidos: “Ang mga tao lamang ang mga diyablo.” Tila ba napakasimple ng lahat ng ito​—marahil ay masyadong simple?

Pagpapaliwanag sa Asal ng Tao

Kung tayong mga tao lamang ang mga diyablo, bakit nga lahat halos sa atin ay nagmamalasakit sa kapakanan ng ating pamilya? Isang halimbawa, bilang mga indibiduwal ang karamihang mga tao ay naglalaan ng pagkain para sa kani-kanilang mga pamilya; hindi nila sasadyaing lasunin ang kanilang sarili, at umiiwas sila sa mga nagbabanta-sa-buhay na mga panganib. Walang maka-diyablo tungkol diyan! Subalit, kapag ang mismong mga taong ito ay kumikilos nang sabay-sabay bilang mga bansa, may humahadlang sa kanilang pangmalas sa kapakanan ng bawat isa. Bilang mga bansa, hinahayaan nilang mabulok ang sobrang pagkain sa halip na pakanin ang kanilang nagugutom na populasyon. Dinudumhan nila ang kapaligiran ng lupa. Nagsasandata sila para sa kapuwa nila pagkalipol​—sa nukleyar na digmaan. Kataka-taka, isang paggawing pagpuksa-sa-sarili!

Anong impluwensiya ang nasa likod ng ganitong kapuna-punang asal ng tao? Ito ba’y mentalidad ng karamihan? O ng ilang di-makatuwirang mga pinuno? Tiyak na higit pa ang nasasangkot. Tanging ang Bibliya ang nagpapakilala sa isa na “bumulag sa kaisipan” ng isang di-naniniwalang pandaigdig na “sistema ng mga bagay.” Sino? “Ang isa na tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa.” Kaniyang matagumpay na minamaneobra ang organisadong sangkatauhan kaya tinatawag siya ng Bibliya na “ang diyos” ng sistemang ito ng sanlibutan.​—2 Corinto 4:​4; Apocalipsis 12:9.

Ang “diyos” na ito ay hindi isang nakasisindak na halimaw na nagtatago sa labas ng inyong bintana. Subalit isa siyang makapangyarihang dalubhasa sa pulitikal na estratehiya, isang di-nakikitang espiritung kinapal, na, sa bigong pagtatangka na sirain ang katapatan ni Jesus, ay nag-alok kay Jesus ng bawat kaharian ng sanlibutan. (Lucas 4:6, 7) Maliwanag, nakapagbigay na ng gayong kapangyarihan si Satanas sa ibang nauna bago pa niya ito inialok kay Jesus, sapagkat inihahayag ng aklat ng Bibliya na Daniel na bilang mga deputado, ang mga rebeldeng anghel ay tumanggap ng kapangyarihan sa mga pandaigdig na imperyo​—na may mga opisyal na titulong gaya ng “prinsipe ng Persya” at “prinsipe ng Gresya.”​—Daniel 10:​20, 21.

Kung gayon, nagtayo si Satanas ng isang malawak na organisasyon​—kapuwa bilang “pinuno ng [nakikitang] sanlibutan” at “pinuno ng [di-nakikitang] mga demonyo.” (Juan 14:​30; 16:​11; Mateo 12:24) Ang matalinong unawang ito, na ang Diyablo ay namumuno ng isang pandaigdig na organisasyon, ay maraming ipinaliliwanag.

Kung Bakit Siya Namumuno ng Isang Organisasyon

Kung paanong ang isang pinuno ng organisadong krimen ay maaaring mangasiwa ng maraming ilegal na operasyon​—mga droga, prostitusyon, pagnanakaw, pagsusugal, pagpupuslit at iba pa​—ng hindi personal na inilalantad ang kaniyang sarili sa lahat ng kaniyang mga tauhan, gayon gumagamit si Satanas ng isang organisasyon upang supilin ang higit na nakararami kaysa magagawa niya kung siya’y nag-iisa. Ang kaniyang estratehiya? Bukod sa panliligalig sa mga indibiduwal, pinakikitunguhan niya at ng kaniyang mga demonyo ang mga tao na para bang sila’y isang kawan ng baka. Hindi na kailangang personal na akayin ang bawat isa. Iligaw lamang ang ilan na nasa unahan ng kawan, at magsisisunod ang karamihan. Pagkatapos ay ibubuhos ang pansin sa mga nailigaw.

Oo, ang Diyablo ay tunay na tunay, subalit ang kaniyang tunay na sarili ay bahagya lamang ang pagkakahawig sa karikaturang nakikita natin sa mga cartoons o sa malalabong teoriya ng mga teologo. Malabo? Oo, gaya ng pagpansin ng aklat na Satan, A Portrait: “Ang paniwala kay Satanas ay lumabo,” sa ika-19 na siglo, at ang mga teologo ay “nagsikap na ipaliwanag si Satanas bilang anuman liban sa isang personang espiritu.”

Sino ang Nagsasabi ng Katotohanan Tungkol sa Diyablo?

Ang pagiging handang mag-alinlangan ng modernong mga relihiyon sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa Diyablo ay nagsisilbing mainam sa kapakanan ng isang materyalistikong lipunan na hindi na rin nakatitiyak mismo tungkol sa Diyos. “Sa ngayon,” sabi ni Ruth Ansher sa kaniyang aklat na The Reality of the Devil, “ang Diyablo ay naglaho at . . . ang Diyos mismo ay nagtungo sa labas.”

Sa pamamagitan ng pagbibigay ng alinlangan sa pangmalas ng Bibliya, winalang-bahala ng makabagong relihiyosong “mga dalubhasa” ang katotohanang naglalagay sa kasaysayan sa isang malinaw na tanawin. Inamin ng manunulat ng dula na taga-Romania na si Eugène Ionesco sa isang pahayagang Aleman: “Ang kasaysayan ay hindi natin mauunawaan kung ating aalisin ang demonikong elemento.”​—Welt am Sonntag, Setyembre 2, 1979.

Mayroon bang maglalakas-loob na magtaguyod ng katotohanan tungkol sa papel na ginagampanan ng diyablo sa pandaigdig na krisis ngayon? Maliwanag, mayroon! Pansinin ang “Deklarasyon Laban kay Satanas at Para kay Jehova” na buong-pagkakaisang pinagtibay sa isang kombensiyon noong 1928. Itinalaga nito ang mga Saksi ni Jehova na ipahayag, tulad ng isang sigaw ng digmaan laban sa kaaway ng tao, si Satanas, na ang dumarating na dakilang digmaan ng Armageddon ay malapit nang tumapos kay Satanas at sa kaniyang balakyot na organisasyon.

Tunay, nagpapatotoo ang kasaysayan na ang Diyablo’y isang tunay na kaaway ng bawat isa sa atin. Subalit, maliwanag, hindi tayo pinabayaan ni Jehovang Diyos. Bakit hindi mag-aral nang higit pa? Mahalagang makilala ang ating kaaway, “upang huwag tayong malamangan ni Satanas, sapagkat tayo’y hindi walang-malay sa kaniyang mga hangarin.”​—2 Corinto 2:11.

[Blurb sa pahina 13]

Ang tunay na Diyablo ay may bahagya lamang pagkakahawig sa relihiyosong mga larawan o sa malalabong teoriya ng mga teologo

[Blurb sa pahina 12]

“Sa ngayon ang Diyablo ay naglaho at . . . ang Diyos mismo ay nagtungo sa labas.”

[Credit Line]

Gustave Doré

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share