Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/8 p. 8-11
  • Mga Batang Walang Tahanan—Mayroon Bang Solusyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Batang Walang Tahanan—Mayroon Bang Solusyon?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagmamalasakit ang Diyos
  • Hahadlangan ba ng Di-Kasakdalan ng Tao ang Layunin ng Diyos?
  • Paano Mo Ihahanda ang Iyong Sarili Para sa Kinabukasan?
  • Mga Walang Tahanan—Isang Suliraning Pandaigdig
    Gumising!—1988
  • Ang mga Taong Palaboy—Ang Kanilang Masaklap na Kalagayan Isang Problemang Hindi Malutas
    Gumising!—1985
  • 1987—Taon ng mga Walang Tahanan
    Gumising!—1987
  • Kawalan ng Tirahan—Ano ang Solusyon?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/8 p. 8-11

Mga Batang Walang Tahanan​—Mayroon Bang Solusyon?

ANG mga taong tunay na nagmamalasakit sa kanilang kapuwa ay hindi basta na lamang susuko na para bang wala nang magagawa para sa kapakanan ng mga batang walang tahanan. Natatanto nila na higit pa sa isang bubong sa ulunan ang kailangan ng mga batang lansangan. Ang mga bata ay umuunlad kapag sila ay may kapayapaan ng isip, maligayang gawain, mabuting kalusugan, at tiwala sa sarili. Ang mga lalaki’t babaeng mapagkawanggawa ay kusang naghahandog ng kanilang sarili para sa mga kapakanan ng mga walang tahanan, at iyan ay kapuri-puri. Subalit sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, ang suliranin ng mga batang lansangan ay nananatili.

Ang dahilan ay ang kasalukuyang sistemang gumagawa ng mga kalagayang nagbubunga ng mga batang walang tahanan ay hindi maaayos. Tulad ito ng isang sirang kotse na hindi na maaaring kumpunihin. Sa katunayan, hindi ba natin dapat kilalanin na ang mismong kakayahan lamang ng tao ay hindi makapagdudulot ng isang makatarungang lipunan ng tao?

Gayumpaman, nakagagalak, ang isang pagbabago ay posible​—subalit hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao. Tanging ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang may kakayahan at karunungang alisin nang lubusan ang anumang nakapipinsala sa lupa. Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay nagsasabi sa atin tungkol sa isang pamamahala ng kaniyang makalangit na Kaharian at kung paano tutuparin nito ang nasa ng tao para sa matuwid na mga kalagayan dito sa lupa.​—Daniel 2:44.

Nagmamalasakit ang Diyos

Sa palagay mo kaya’y posible para sa Diyos na alisin ang kasalukuyang sistema at ipakilala ang isang bagong paraan ng pamumuhay? Kung gayon, alalahanin na hindi lamang ang kaligtasan ng tao kundi, higit sa lahat, ang pangalan ng Diyos na Jehova ang nasasangkot. Dahil sa siya ang Maylikha, ang pinakadakilang halimbawa ng kaayusan at pagkilos nang napapanahon, tinitiyak niya sa atin na siya’y kikilos sa kaniyang tamang panahon at paraan, at ito’y sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Sa katunayan, ang Kahariang iyon ay hindi isang bagay na di-tiyak at malabo kundi isang makalangit na pamahalaan, na makapagbibigay ng pangangasiwa at patuluyang pagtuturo upang ilaan ang mga tunay na pangangailangan ng tao.​—Isaias 48:​17, 18.

Maisasapuso ng isang batang walang tahanan ang mga salita ni David sa Awit 27:​10: “Bagaman pabayaan ako ng aking sariling ama at ng aking sariling ina, ako’y kukupkupin ni Jehova.” Nakakapagpatibay-loob ring malaman na ang isang mababang katayuan sa sanlibutan ay hindi hadlang sa isa na matutuhan ang layunin ng Diyos. Sinasabi ng Kawikaan 22:​2: “Ang isang mayaman at ang isang may kaunting tinatangkilik ay nagkasalubong kapuwa. Si Jehova ang Maylikha sa kanilang lahat.” Oo, ang mga kapus-palad, kung taimtim, ay makatitiyak na ang Diyos na Jehova’y handang tumulong sa kanila.​—Awit 10:​14, 17.

Interesado si Jehova sa ating kapakanan at alam niya kung paano tutugunan ang ating matuwid na mga nása. Minsa’y tinanong niya ang mga Israelita sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili? . . . Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutóm, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? Na, pagka nakakita ka ng sinumang hubad, iyong bibihisan siya?” (Isaias 58:​6, 7) Ito ang pagkakapantay-pantay at katarungan na pangyayarihin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Kahariang pamahalaan. Walang hindi bibigyang-pansin o pakikitunguhan na para bang siya’y hindi umiiral. Samakatuwid, ipinaaalam sa atin ng Awit 145:​19: “Kaniyang tutuparin ang nása nila na nangatatakot sa kaniya, kaniya ring didinggin ang kanilang daing na paghingi ng tulong, at kaniyang ililigtas sila.” Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang magiging pangunahing puwersa upang pagkaisahin ang sambahayan ng tao. Bunga nito, ang suliranin ng mga batang walang tahanan ay malulutas. Wala nang maiiwang nag-iisa!

Hahadlangan ba ng Di-Kasakdalan ng Tao ang Layunin ng Diyos?

Hindi, ang mga masamang hilig ng tao ay hindi pahihintulutang humadlang sa layunin ni Jehova na baguhin ang lupa tungo sa isang paraiso ng kaluguran. Yaong mga may pribilehiyong mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, alinman sa sila’y nakaligtas sa digmaan ng Armageddon, gaya ng inilarawan sa Bibliya, o dahil sa sila’y ibinangon mula sa mga patay upang mabuhay muli sa lupa, ay mapapatibay-loob na gawin ang kanilang pinakamabuting magagawa.​—Juan 5:​28, 29; Apocalipsis 16:​14, 16.

Walang sinumang tumutugon ang makakasumpong na ang kaniyang gawain ay hindi mabunga. Ang kaniyang gawain ay pagpapalain nang mabuti. Pakisuyo, pansinin ang pangako ng Diyos: “Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawá ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga anak na kasama nila.” (Isaias 65:​22, 23) Ibig mo ba at ng iyong pamilya na makita ang katuparan ng mga salitang iyon? At anong kagalakang malaman na doon ay hindi ka makakasumpong saanman ng taggutom, kahirapan, kawalan-ng-trabaho, o mga batang walang tahanan!

Walang alinlangan, yaong mga sa kasalukuya’y dumaranas ng kahirapan, tulad ng mga batang walang tahanan, ay higit na magpapahalaga sa mga pagpapala ng isang maligayang pamilya at isang maalwang tahanan. Gaya ng ating mababasa sa Isaias 65:​17: “Ang mga dating bagay ay hindi maaalala, o mapapasa-puso man.” Ang mga taong may pribilehiyong mabuhay sa panahong iyon ay makakasumpong na mawawala na magpakailanman ang di-kanais-nais na mga kalagayan at na ang mga tao ng lahat ng bansa, wika, at lahi ay sama-samang magtatrabaho bilang bahagi ng isang maibiging pagkakapatiran. Ang mga pamilyang makaliligtas hanggang sa panahong iyon ay tiyak na patuloy na magbibigay-kaluwalhatian sa Diyos. Sinasabi ng Awit 37:​11 tungkol sa makalupang Paraisong iyon: “Ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masisiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”

Paano Mo Ihahanda ang Iyong Sarili Para sa Kinabukasan?

Maging sa ngayon, posibleng magtamo ng nagbibigay-buhay na kaalaman at pasulungin ang kanais-nais na mga katangian, gaya ng pag-ibig at kabaitan. Papaano nga? Mahal ni Jehova ang sambahayan ng tao, at sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, Kaniyang ‘dinadala ang mga tao kay Kristo’ sa pamamagitan ng pagkaalam ng Kaniyang Salita at pakikitungo sa Kaniyang bayan. (Juan 6:44) Mayroon din siyang organisasyon sa lupa na may programa ng pagtuturo na makatutulong sa iyo na gawin ang kalooban ng Diyos upang ikaw ay makatingin sa hinaharap sa pagtatamo ng isang maligaya at makabuluhang buhay magpakailanman. Sa gayon, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral sa lahat ng nangangailangan. (Mateo 24:14) Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Siyang humahamak sa kaniyang kapuwa ay nagkakasala, ngunit maligaya siya na lumilingap sa mga napipighati.” (Kawikaan 14:21) Nakakagagalak malaman na maging ang mga kapus-palad ay makalalapit sa Diyos kung matuwid ang kanilang motibo. Sumulat ang salmista: “Ngunit ako’y dukha’t nangangailangan. Oh Diyos, magmadali ka alang-alang sa akin. Ikaw ang aking katulong at aking Tagapagligtas. Oh Jehova, huwag kang magluwat.”​—Awit 70:5.

Oo, binibigyan ka ng isang tunay na pag-asa sa hinaharap ng Salita ng Diyos. Subalit, ang karaniwang paggamit ng salitang “pag-asa” ay hindi laging may kahulugan ng katiyakan. Sa Brazil madalas marinig ng isa ang kasabihang: “A esperança é a última que morre” (katulad ng kasabihan na “Ang pag-asa’y walang-hanggang bumubukal”). Ang ideya ay manatiling umaasa kahit na tila walang dahilang umasa. Sa kabaligtaran, naglalaan ang mga Kasulatan ng matitibay na mga dahilan upang panatilihin ang matibay na pananampalataya sa Diyos at pag-asa sa kaniyang mga pangako. Mababasa natin sa Roma 10:​11: “Sinumang naglalagak sa kaniya ng pananampalataya ay hindi mapapahiya.” Ang gayong salig-Bibliyang pag-asa ay hindi hahantong sa pagkasira-ng-loob. Kung paanong ang mga kababalaghan ng ating daigdig ay tunay, nagbibigay-patotoo sa karunungan at pag-ibig ni Jehova, gayon ang katuparan ng mga hula sa Bibliya ay nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng positibong pangmalas, isang tunay na pag-asa sa hinaharap.​—Roma 15:13.

Ang Kaharian ng Diyos ay ang tunay na solusyon para sa mga batang walang tahanan, oo, para sa lahat ng umiibig sa matuwid. Sa pagkakamit ng tumpak na kaalaman sa Bibliya ngayon ay iyong tatamasahin ang kaligayahan at buhay na walang-hanggan sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang paghihintay sa mga pangakong ito ay hindi dulot ng guniguni. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 11:​19: “Siyang matatag sa panig ng katuwiran ay nakahanay na magtamo ng buhay.”

[Kahon sa pahina 11]

Isang Pansamantalang Solusyon?

Ang isang nakasahod na kamay ng isang nakakaawang batang palaboy ay nakaaantig ng puso. Subalit hindi alam ng mga taong nagmamalasakit kung paano tutulungan ang isang batang walang tahanan. Upang hindi gaanong usigin ng budhi, maghuhulog ang ibang tao ng ilang barya sa palad ng bata at mabilis na lalakad palayo. Subalit, bihirang-bihirang ang limos ay gagastusin sa pagkain o tirahan. Sa halip, marahil ay gugugulin ito sa pagbili ng droga o inuming nakalalasing. Samakatuwid, ang ilang mga adultong nagmamalasakit sa mamamayan ay nagbibigay ng kanilang pansin at salapi sa mga programa ng lokal na pamahalaan na nadarama nilang makatutulong sa mga batang walang tahanan. Ang ilang mga tao’y naniniwala na ang isang mas praktikal na hakbang ay ituro ang batang walang tahanan sa kinauukulang ahensiya para sa tulong na kinakailangan. Sa ganitong paraan, nadarama ng mga mamamayang nagmamalasakit na sinisikap nilang gawing mas makatao ang kanilang sariling pamayanan.

[Larawan sa pahina 9]

“Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan.”​—Isaias 65:​22

[Credit Line]

FAO photo

[Larawan sa pahina 10]

“Sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.”​—Isaias 65:​22

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share