Pagtatamasa ng Isang Mainit na Ugnayan ng Magbiyenan
SA WAKAS, nakumbinsi ni Fujiko, ang nagdadalamhating manugang-na-babaing binanggit sa pambungad na artikulo, ang kaniyang asawa na umalis sa apartment ng mga magulang nito at lumipat sa isa na kalapit-bahay. Subalit hindi gaanong bumuti ang mga bagay-bagay. Ang pakikialam ng kaniyang mga biyenan ay nagpatuloy, at ang kaniyang kalungkutan ay nanatili. Pagkatapos isang araw isang estranghero ang dumalaw sa kaniya.
Ang pagdalaw na iyon ang nagpasimula kay Fujiko sa isang landasing nagbunga ng isang binagong personalidad, at pinasulong nito ang kaniyang ugnayan sa ibang tao. Nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Di nagtagal, labis na nagbago ang kaniyang saloobin anupat ibig ng kaniyang biyenang-lalaki na dumalo sa mga pag-aaral upang makita niya mismo ‘kung anong uri ng relihiyon ang nagpabago ng gayon sa kaniyang personalidad.’
Pagkilala sa Bagong Buklod
Ang Bibliya ay nagbibigay ng malinaw na larawan ng maka-Kasulatang kaayusan ng pag-aasawa. Matapos likhain ng Diyos ang unang mag-asawang tao at pagbuklurin sila, itinatag niya ang sumusunod na simulain: “Kaya’t iiwan ng lalaki ang ama niya at ina niya at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Kaya nararapat kilalanin ng bagong mag-asawa na pumasok na sila sa isang bagong buklod. Dapat na silang makipisan sa isa’t isa bilang nabubukod na yunit bagaman nakikitira pa sila sa kanilang mga biyenan.
Gayumpaman, ang paglisan sa ama’t ina ay hindi nangangahulugan na kapag ang mga anak ay nag-asawa na maaari na nilang talikuran ang kanilang mga magulang at na hindi na nila kailangang igalang at parangalan ang mga ito. “Huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na,” ang payo ng Bibliya. (Kawikaan 23:22) Subalit, sa pag-aasawa, mayroong pagbabago sa mga ugnayan. Habang isinasaisip ito ng bawat miyembro ng pamilya, maaaring makinabang ang bagong mag-asawa sa karanasan at karunungan ng mga magulang.
Si Timoteo, ang kagalang-galang na binatang ipinagsama ni apostol Pablo sa kaniyang mga paglalakbay-misyonero, ay pinalaki ng kaniyang Judiong ina, si Eunice. Gayumpaman, ang kaniyang lola na si Lois ay maliwanag na may bahagi rin sa paghubog sa kaniyang buhay. (2 Timoteo 1:5; 3:15) Hindi ibig sabihin nito na may karapatang makialam ang mga lola sa pagsasanay sa bata at maglagay ng mga pamantayan na iba kaysa yaong sa mga magulang. May tamang paraan upang makatulong ang nakatatandang salinlahi sa nakababata sa pagsasanay ng mga bata.—Tito 2:3-5.
“Ang Talagang Pantas na Babae”
Kung magtutulungan ang dalawang salinlahi sa gayong sensitibong usapin gaya ng pagsasanay sa bata, kapuwa sila kailangang kumilos nang may karunungan. “Ang talagang pantas na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay,” sabi ng isang kawikaan ng Bibliya, “ngunit ginigiba ito ng mangmang ng kaniyang sariling mga kamay.” (Kawikaan 14:1) Papaano maitatayo ng isang babae ang kaniyang bahay? Sinabi ni Tomiko na ang pakikipagtalastasan ang nakatulong sa kaniya upang ayusin ang kaniyang kaugnayan sa kaniyang manugang-na-babae, si Fujiko. “Nabibigo ang mga plano kung saan walang may pagtitiwalang pag-uusap,” payo ng Bibliya.—Kawikaan 15:22.
Ang pakikipagtalastasan ay hindi nangangahulugan ng pagbubulalas ng lahat ng nasa isip mo nang hindi isinasaalang-alang ang damdamin ng iba. Dito pumapasok ang karunungan. “Ang pantas na tao ay makikinig” sa sasabihin ng iba. Kung minsan ang iyong mga biyenan ay may gustong sabihin, subalit nag-aatubili silang ipahayag ang kanilang sarili. Maging maunawain, at ‘igibin mo ang kanilang mga kaisipan.’ Pagkatapos ‘magbulaybulay’ bago ka magsalita.—Kawikaan 1:5; 15:28; 20:5.
Napakahalaga ng tamang panahon. “Mistulang mga mansanas na ginto sa mga sisidlang pilak ang salitang sinalita sa tamang panahon para roon,” sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. (Kawikaan 25:11) Si Tokiko at ang kaniyang manugang-na-babae ay nagsabi na naghihintay sila ng tamang panahon bago nila ipahayag ang mga kuru-kuro na maaaring makainis sa isa. “Sinisikap kong mag-isip muna bago magsalita kapag mayroon akong nais banggitin sa aking manugang-na-babae,” sabi ni Tokiko. “Iniingatan ko ang mga punto sa aking isipan at nagsasalita ako kapag siya’y nasa mabuting kalagayan at hindi nagugutom. Alam mo na, napakadaling mainis kapag ika’y nagugutom.”
Ang isang pantas na babae ay hindi magsasalita ng masama sa kaniyang mga biyenan. “Tayo man ay mga biyenang-babae o mga manugang-na-babae, dapat nating malaman na anumang masamang sabihin natin tungkol sa kabilang panig, sa dakong huli’y malalaman din nila iyon,” wika ni Sumie Tanaka, isang manunulat na Hapones na nakipisan sa kaniyang biyenang-babae sa loob ng 30 mga taon. Sa halip, iminumungkahi niya ang pagsasalita ng mabuti tungkol sa mga biyenan nang tuwiran at di-tuwiran.
Kung gayon, paano kung hindi tumugon ang iyong mga biyenan sa iyong mga pagsisikap?
Maging Mapagpatawad
Ang malulubhang suliranin sa pagitan ng mga magbiyenan ay bunga ng mga bagay na hindi sana magdudulot ng suliranin kung ito ay ginawa o sinabi ng ibang tao. Yamang lahat tayo ay di-sakdal at “natitisod sa salita,” kung minsan maaari tayong ‘magsalita nang walang-pakundangan gaya ng mga saksak ng isang tabak.’ (Santiago 3:2; Kawikaan 12:18) Gayunman, makabubuting huwag magalit sa bawat walang-ingat na salita.
Sinunod niyaong mga nagtagumpay sa mga suliranin ng magbiyenan ang payo ng Bibliya: “Patuloy na magbata ng mga kahinaan ng isa’t isa at saganang magpatawaran sa isa’t isa kung ang sinuman ay may reklamo laban kaninuman.” (Colosas 3:13) Totoo, hindi madaling pagpaumanhinan ang iyong mga biyenan at patawarin sila, lalo na kung mayroong dahilan para magreklamo. Subalit ang isang malakas na pampasigla sa paggawa niyaon ay ang katiyakan na dahil doon tayo ay tatanggap ng kapatawaran mula sa Diyos mismo para sa ating mga pagkakamali.—Mateo 6:14, 15.
Maging sa mga lupain sa Silangan, kung saan ang mga tao ay tradisyonal na sumusunod sa Buddhismo, Taoismo, Confucianismo, at Shinto, marami ang nakapag-aral ng Bibliya at pinahalagahan ang katotohanan tungkol sa isang mabait na Maylikha. Ang gayong pagpapahalaga ang nakatulong sa kanila na mapagtagumpayan ang tila baga di-madaig na mga damdamin ng kapaitan.
“Ang Pag-ibig ay Hindi Nagkukulang Kailanman”
Ang isang maligayang ugnayan ng magbiyenan ay nangangailangan ng isang tiyak na pundasyon. Ang pagtulong sa isang matanda na o maysakit na biyenan dahil lamang sa pagkadama ng obligasyon ay hindi laging gumagawa ng pinakamahusay na ugnayan. Natutuhan ito ni Haruko nang ang kaniyang biyenang-babae ay malapit ng mamatay dahil sa kanser. Ginugol niya ang karamihan ng kaniyang araw sa ospital sa pag-aalaga sa kaniyang biyenang-babae, at karagdagan pa, pinangangalagaan din niya ang sarili niyang pamilya. Nakaranas siya ng labis na kaigtingan anupat nalugas ang marami sa kaniyang buhok.
Isang araw habang ginugupit niya ang kuko ng kaniyang biyenang-babae, hindi sinasadyang nagupit niya ang isa nang sagad na sagad. “Wala ka talagang malasakit sa akin!” bulyaw ng kaniyang biyenang-babae.
Palibhasa’y nabigla sa walang-pagpapahalagang mga salitang iyon, hindi mapigil ni Haruko ang kaniyang pagluha. Pagkatapos natanto niya na naging napakasakit ng mga salitang iyon sapagkat ginagawa niya ang lahat para sa kaniyang biyenang-babae dahil sa obligasyon lamang. Naipasiya niyang hayaang pag-ibig ang puwersang mag-udyok sa kaniyang paglilingkod. (Efeso 5:1, 2) Dahil dito napagtagumpayan niya ang kaniyang nasaktang damdamin at nagbunga ito ng mabuting ugnayan muli sa kaniyang biyenang-babae hanggang sa ito’y mamatay.
Oo, ang pag-ibig gaya ng pagpapakahulugan ng Bibliya ang susi sa paglutas sa mga alitang pampamilya. Basahin kung ano ang sinabi tungkol dito ni apostol Pablo, at tingnan kung ika’y hindi sasang-ayon. “Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob,” sulat niya. “Ang pag-ibig ay hindi naninibugho, ito’y hindi nagmamapuri, hindi mapagpalalo, hindi nag-uugaling mahalay, hindi hinahanap ang sariling kapakanan, hindi nayayamot. Hindi inaalumana ang masama. Hindi nagagalak sa kalikuan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Lahat ay binabata, lahat ay pinaniniwalaan, lahat ay inaasahan, lahat ay tinitiis.” Hindi kataka-taka nang isusog ni Pablo: “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.” (1 Corinto 13:4-8) Paano mo malilinang ang gayong pag-ibig?
Itinatala ng Bibliya ang “pag-ibig” bilang bahagi ng “bunga” ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Kung gayon, karagdagan sa iyong mga pagsisikap, mahalagang taglayin ang espiritu ng Diyos upang malinang mo ang ganitong uri ng pag-ibig. At, maaari mong hilingin kay Jehova, ang Diyos ng Bibliya, na tulungan kang idagdag sa iyong personalidad ang pag-ibig na gaya niyaong taglay niya. (1 Juan 4:8) Lahat ng ito, sabihin pa, ay humihiling na pag-aralan mo ang tungkol sa kaniya sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Magagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan ka, gaya ng ginawa nila kay Fujiko at sa marami pang iba.
Habang ikinakapit mo ang natutuhan mo mula sa Bibliya, masusumpungan mo na hindi lamang huhusay ang ugnayan mo sa Diyos kundi gayundin naman ang iyong ugnayan sa lahat sa paligid mo, pati na sa iyong mga biyenan. Mararanasan mo ang ipinapangako ng Bibliya, yaon ay, “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.”—Filipos 4:6, 7.
Si Fujiko at ang iba pang binanggit sa mga artikulong ito ay nagtamasa ng gayong kapayapaan—at maaaring ikaw rin. Oo, sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos na Jehova at sa pagsunod sa payo ng kaniyang Salita, ang Bibliya, maaari ka rin magkaroon at panatilihin ang isang mainit na ugnayan sa iyong mga biyenan.
[Kahon sa pahina 8, 9]
Ang Asawang Lalaki—Tagapayapa o Tagasira ng Kapayapaan?
Kapag dalawa o tatlong salinlahi ang nakatira sa ilalim ng iisang bubong, ang papel ng asawang lalaki sa pagpapanatili ng kapayapaan sa pamilya ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Tungkol sa larawan ng isang karaniwang asawang lalaki na tinatakasan ang kaniyang pananagutan, si Propesor Tohru Arichi ng Kyushu University, isang espesyalista sa family sociology, ay sumulat:
“Kapag ang mag-asawa ay nakikipisan sa [ina], nadarama ng ina ang mga pangangailangan ng kaniyang anak na lalaki, at di-sinasadyang pinangangalagaan niya ang kaniyang anak kapag nakikita niya ang gayong mga pangangailangan. Tinatanggap ng anak na lalaki ang gayong pangangalaga ng walang pag-aatubili. Ngunit kung aalalahanin nang kaunti ng anak na lalaki ang kalagayan ng kaniyang asawa at ilalagay ang kaniyang ina sa kaniyang dako kung tungkol sa pakikialam nito, malulutas ang suliranin. Subalit nakalulungkot at kadalasan, hindi iyan natatanto ng anak na lalaki.”
Kung gayon, paano magkakaroon ng isang aktibong papel ang asawang lalaki sa pagkakaroon ng kapayapaan sa kaniyang pamilya? Sabi ni Mitsuharu na ang pagkakapit niya ng mga simulain ng Bibliya ay nakatulong sa kaniyang pamilya. “Ang buklod sa pagitan ng isang ina at ng kaniyang anak na lalaki ay napakalakas kahit na ang anak na lalaki ay naging adulto na,” sabi niya, “kaya kailangang gumawa ng pagsisikap ang anak na lalaki na ‘iwan ang ama niya at ina niya at pumisan sa kaniyang asawa.’ ” Kaniyang ikinapit ang simulain sa pamamagitan ng pakikipag-uusap sa kaniyang asawa lamang ng mga bagay tungkol sa pag-aalaga at pagsasanay sa bata, at hindi niya inihambing ang kaniyang asawa sa kaniyang ina pagdating sa gawaing bahay. “Ngayon,” sabi pa niya, “iginagalang namin at ng aking mga magulang ang isa’t isa. Batid ng bawat isa sa amin kung kailan ang pakikialam ay ikasasamâ ng loob at kung kailan ang tulong at pakikiisa ay pahahalagahan.”
Bilang karagdagan sa ‘pakikipisan sa kaniyang asawa,’ kailangang maging tagapamagitan ang asawang lalaki sa kaniyang ina at sa kaniyang asawa. (Genesis 2:24) Kailangan siyang maging mabuting tagapakinig at hayaang isiwalat nila ang kanilang damdamin. (Kawikaan 20:5) Ang asawang lalaki, na natutong mataktikang hawakan ang mga sitwasyon, ay inaalam muna kung ano ang nadarama ng kaniyang asawa. Pagkatapos, sa harap ng kaniyang asawa, kinakausap niya ang kaniyang ina tungkol sa mga usaping nasasangkot. Sa pamamagitan ng pagganap sa kaniyang papel bilang tagapayapa, makatutulong ang isang anak na lalaki na lumikha ng kaaya-ayang mga ugnayan sa tahanan sa pagitan ng dalawang babaing kaniyang minamahal.
[Larawan sa pahina 9]
Magkaroon ng mga taingang nakikinig at makipagtalastasan
[Larawan sa pahina 10]
Pag-ibig, at hindi ang pagkadama ng obligasyon, ang gumagawa ng maiinam na mga ugnayan