Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 2/22 p. 5-7
  • Ano ang Sanhi ng Suliranin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Sanhi ng Suliranin?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Gagawa ng mga Pasiya?
  • Ang Tungkol sa Pribadong Buhay
  • Pakikitungo sa mga Bata
  • Pag-aagawan sa Pagmamahal
  • Isang Kalunus-lunos na Pagbabago
  • Pagtatamasa ng Isang Mainit na Ugnayan ng Magbiyenan
    Gumising!—1990
  • Pangangalaga sa mga May Edad Na mga Hamon at Gantimpala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mula sa Bibig ng mga Sanggol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Pangangalaga sa mga May Edad—Isang Lumalagong Problema
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 2/22 p. 5-7

Ano ang Sanhi ng Suliranin?

“MASAMA sa pamilya ang sobrang asin!” sabi ng ina. “Ngunit ang pagkain ay walang kalasa-lasa!” giit ng manugang-na-babae. Siya’y naghulog ng karampót na asin pagtalikod ng ina.

Dahil sa sinisikap ng bawat isa na siya ang masunod, sa dakong huli’y kapuwa sila kumakain ng ulam na hindi gusto ng sinuman sa kanila. Subalit ang mga kahihinatnan ay maaaring mas malubha pa kaysa riyan. Ang mga alitan ng magbiyenan ay maaaring umakay sa mental at emosyonal na labanan na tumatagal ng mga taon.

Para sa marami, ang ganitong uri ng alitan ay tila hindi maiiwasan. “Gaano man kahusay ang pakikitungo ng isang pamilya sa isa’t isa, magkakaroo’t magkakaroon ng alitan sa pagitan ng isang ina at ng kaniyang manugang-na-babae,” sulat ni Dr. Shigeta Saito, tagapangulo ng Japan Mental Hospital Association. Subalit ang suliranin ay hindi limitado sa Silangan.

Iniuulat ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya na “ang kaugalian ng pag-aasawa at paglipat upang makipisan sa mga magulang ng alinman sa babae o lalaki ay nagdulot ng mga suliranin sa maraming pamilya, at maraming batang-batang ginang ang nagdurusa dahilan sa madalas na mapakialam at mapaghari-hariang saloobin ng kaniyang biyenang-babae.”

Sa mga bansa sa kapuwa Silangan at Kanluran, maraming pahayagan at mga magasing may mga tudling ng personal na payo may kaugnayan sa mga alitan ng magbiyenan. Kung gayon, ano kaya ang maaaring sanhi ng mga suliranin?

Sino ang Gagawa ng mga Pasiya?

Kapag dalawang babae ang gumagamit ng iisang kusina, ang usapin ay kadalasang: Sino ang gagawa ng mga pasiya? “Ang aming mga panlasa’t mga pamamaraa’y magkaiba, at ako’y natataranta tuwing magkakaroon ng pagtatalo,” sabi ng isang babaing nakipisan sa kaniyang biyenang-babae ng mahigit na 12 taon.

“Sa loob ng unang sampung taon, pinagtalunan namin ang mga walang-kuwentang bagay,” sabi ng isa pang manugang-na-babae. Ang mga pagtatalo’y maaaring bumangon kahit sa walang kapararakang mga bagay gaya ng kung paano isasampay ang mga kamiseta sa sampayan. Kahit na kung ang mga babae’y hindi naninirahan sa iisang bahay, ang kalagayan ay maaaring maging magulo. Ang dumadalaw na biyenang-babae na nagkokomento na, “Ayaw ng aking anak na lalaki ang ganiyang pagkaluto ng steak,” ay maaaring magbunga ng panghabang-buhay na mga samâ ng loob. Ang lahat ng ito’y nauuwi sa kung sino ang gagawa ng kung anong mga pasiya at para kanino.

Binabanggit ang usaping ito, si Takako Sodei, katulong na propesor ng pangangasiwa sa tahanan sa Ochanomizu Women’s University ay nagsasabi: “Kahit na kung ang isa ay nakikipisan sa isang anak na lalaki at manugang-na-babae o sa isang anak na babae at manugang-na-lalaki, imposibleng suportahan ng isang sambahayan ang dalawang babae na nakikipagkumpitensiya sa isa’t isa para sa kapangyarihan. Mahalagang magkaroon ng hiwalay na tirahan o ayusin ang kalagayan at hayaang ang isa ang maging tagapangasiwa ng tahanan at ang isa ay katulong na tagapangasiwa ng tahanan.” Ang dalawang salinlahi ay dapat gumawa ng makatuwirang kasunduan salig sa pisikal at mental na kalagayan ng nakatatanda at ang karanasan, o kawalan ng karanasan, niyaong nakababata.

Ang Tungkol sa Pribadong Buhay

Kapag dalawa o higit pang mga salinlahi ang nakatira sa iisang tahanan, kailangang isakripisyo nang kaunti ng mga miyembro ng pamilya ang kanilang pribadong buhay (privacy). Gayumpaman, tungkol dito, bawat miyembro ay malamang na may kakaibang panukat. Ang may kabataang mag-asawa ay maaaring maghangad ng higit na pribadong buhay, samantalang ang mga matatanda na ay maaaring sabik sa higit pang pakikipagsamahan.

Halimbawa, inaakala ng isang manugang-na-babaing naninirahan malapit sa Tokyo na pinanghihimasukan ng kaniyang biyenang-babae ang kanilang pribadong buhay. Papaano? Sa pamamagitan ng pagkuha ng personal na mga labada niya at ng kaniyang asawa, pagtutupi nito, at pagliligpit ng mga iyon. Hindi niya ipinalagay na wasto para sa kaniyang biyenang-babae na gawin ang personal na mga bagay na ito para sa kanila. Sa kabilang dako, ang kaniyang biyenang-babae, si Tokiko, ay nabalisa nang itapon ng kaniyang manugang-na-babae, habang naglilinis ng bahay, ang mga bagay na iningatan ni Tokiko sa loob ng maraming taon.

Ang panghihimasok sa pribadong buhay ay maaaring lumabis. Si Tom at ang kaniyang asawa, na nag-aalaga sa matanda nang ina ni Tom, ay nabubulahaw ng pagpunta-punta ng ina sa kanilang silid sa hatinggabi. Ang kaniyang dahilan? “Gusto ko lang malaman kung ayos ang kalagayan ni Tom,” sabi ng ina. Ang suliranin ay hindi nalutas hanggang nang lumipat sila sa isang dalawang-palapag na apartment at ang ina ay pagbawalan na umakyat sa itaas.

Gayumpaman, sa maraming mga pamilya, ang mga suliranin ay tunay na tumitindi sa pagdating ng ikatlong salinlahi.

Pakikitungo sa mga Bata

Sa mga araw na ito, karaniwan na para sa isang bagong ina na kumunsulta sa iba’t ibang mga aklat para sa mga payo tungkol sa pag-aalaga ng bata. Sa kabilang dako, si lola, dahil sa kaniyang mga taon ng karanasan sa pagsasanay ng bata, ay likas na nakadarama na siya ang kuwalipikadong magbigay ng payo. Ang payong iyon, gayumpaman, ay madalas na minamalas bilang pamimintas, at nagbubunga ito ng alitan.

Kailangang pakitunguhan ni Takako ang suliraning ito nang kaniyang disiplinahin ang kaniyang batang anak na lalaki. Sumugod sa kaniyang silid ang ina at lola ng kaniyang asawa upang siya’y pigilan, nagsisisigaw nang mas malakas kaysa umiiyak na sanggol. Palibhasa’y natakot, tumigil si Takako sa pagdisiplina sa kaniyang anak. Sa dakong huli, nang matanto niya ang kahalagahan ng paglalaan ng disiplina, siya’y nagpasiyang ipagpatuloy ang gayong pagsasanay.​—Kawikaan 23:​13; Hebreo 12:11.

Isang ina na nakatira sa Yokohama ay nakipaglaban rin sa kaniyang biyenang-babae matapos isilang ang mga anak. Ikinainis ng ina ang pagbibigay ng lola ng merienda sa mga bata anupa’t ang mga ito’y busog na pagdating ng oras ng pagkain.

Nagkokomento sa suliraning ito, sabi ni Dr. Saito: “[Ang mga lolo’t lola] ay nagbibigay ng mga kendi at perang panggastos sa kanilang mga apo. Sinusunod nila ang malasariling mga kagustuhan ng bata. Sa madaling salita, pinalalayaw nila ang kanilang mga apo nang walang katapusan.” Ipinapayo niya sa mga bagong ina na ipakitang hindi sila magpapahinuhod pagdating sa pagsasanay ng bata.

Pag-aagawan sa Pagmamahal

Sa alitang ito sa pagitan ng mga biyenang-babae at ng mga manugang-na-babae, may umiiral na tila hindi makatuwiran. “Sa sikolohikal na pananalita,” paliwanag ni Dr. Saito, “nadarama ng ina na inagaw sa kaniya ng manugang-na-babae ang kaniyang anak. Sabihin pa, hindi niya bibigang binabanggit ang gayong kaisipan, sapagkat iya’y masyadong isip-bata. Subalit, sa kaniyang isipan, ang kaisipang ninakaw sa kaniya ang pagmamahal ng kaniyang anak ay malalim na nakaugat sa kaniya.” Ang resulta ay isang maigting na ugnayan, kundi man hayagang pagpapaligsahan sa pagitan nilang dalawa.

Ang kaugaliang ito ay tila tumitindi habang lumiliit ang pamilya. Dahil mas kakaunting anak ang pangangalagaan, ang ina ay mas malapit sa kaniyang anak na lalaki. Pagkatapos ng mga taon ng pamumuhay na kasama ng kaniyang anak na lalaki, alam na alam niya ang mga gusto’t ayaw nito. Bagaman sabik ang bagong ginang na palugdan ang kaniyang asawa, hindi niya taglay ang ganitong matalik na kaalaman, sa paano man sa umpisa. Kung gayon maaaring madaling umusbong ang espiritu ng pakikipagkumpitensiya, na ang ina at ang manugang-na-babae ay nag-aagawan sa pagmamahal ng iisang lalaki.

Isang Kalunus-lunos na Pagbabago

Noong mga sinaunang araw sa Hapón sa ilalim ng pilosopiya ni Confucius, kapag nagkaroon ng gayong mga alitang pampamilya, ang manugang-na-babae ay pinalalayas​—dinidiborsiyo. At iyan ang wakas ng bagay. Subalit, sa ngayon, iba na ang kalagayan.

Sapol noong Digmaang Pandaigdig II, ang nakababatang salinlahi ang humahawak ng pananalapi ng pamilya, at nawawalan ng impluwensiya at autoridad ang nakatatandang salinlahi. Unti-unti, ang kalagayan ay bumaligtad. Ngayon ang matatanda nang mga magulang ay iniiwan sa mga ospital at mga institusyon. Kalunus-lunos na makita ang ganitong kalagayan sa isang lipunan kung saan ang paggalang sa matatanda ay dating uliran!

Paano ba mababaligtad ang kaugaliang palayasin ang matatanda na? Mayroon bang anumang paraan upang ang dalawang babae ay mapayapang manirahang magkasama sa ilalim ng iisang bubong?

[Larawan sa pahina 7]

Kailangang marating ang makatuwirang kasunduan sa kung sino ang gagawa ng mga pasiya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share