Pagmamasid sa Daigdig
ISANG MARAHAS NA DEKADA
Ang bilang ng pagpatay sa Estados Unidos ay tumataas na naman. Binabanggit ng The New York Times na bagaman ang bilang ay bahagyang bumaba noong maagang 1980’s, pagkatapos ng 1985 dumami na naman ito. Ang bilang ng pinatay noong 1989 ay halos 5 porsiyentong mas mataas sa 20,680 napatay noong 1988, na sa katamtaman ay 1 tao ang napapatay sa bawat 25 minuto. Mga 60 porsiyento ng mga pagpatay ay dahil sa baril at sa gayo’y naging ang ikawalong nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa. Sa mga paaralan lamang, sang-ayon sa isang pag-aaral, hindi kukulangin sa isang libong mag-aaral ang nakikitang nagdadala ng baril sa isang karaniwang araw. Kaya ang mga paaralan sa Lungsod ng New York ay napipilitang magpanatili ng “ikalabing-isa sa pinakamaraming hukbong panseguridad sa E.U.,” sabi ng magasing Time. Para sa Lungsod ng New York, ang taóng 80’s ang pinakamarahas na dekada sa kasaysayan ng lungsod, na may 17,000 mga pagpatay. Ang pagdating ng drogang tinatawag na crack ay nakaragdag sa bilang na iyon.
HEPATITIS NA HINDI NATUTUKLASAN SA DUGO
Limang taon ang nakalipas isang lalaking taga-Timog Aprika ang nagkaroon ng hepatitis B mula sa isang pagsasalin ng dugo noong siya’y operahan sa puso. Ngayon siya ay hindi halos makalakad, nahihirapan, at kailangang magretiro. Tatlong buwan bago ang operasyon, ang nagkaloob ng dugo ay sinuri at nasumpungang walang nakahahawang sakit. At, mayroon siyang mahabang kasaysayan ng pagkakaloob ng dugo—67 mga yunit lahat-lahat. Ang mga tagapagkaloob na paulit-ulit na nagbibigay ng dugo nang hindi nagdadala ng mga impeksiyon ay malawakang ipinalalagay na siyang pinakaligtas na mga tagapagkaloob. Kaya paano nangyari ito? Ang incubation period ng virus ng hepatitis B ay iba-iba mula sa 4 hanggang 26 na linggo. Kaya, ang virus ng tagapagkaloob, sabi ng pahayagang Rapport ng Timog Aprika, “ay nasa yugto pa ng incubation at hindi maaaring matuklasan sa panahon ng panimulang mga pagsubok.”
RELIHIYOSONG MANGGAGANTSO
“Dinaya ng ‘mga bulaang propeta ng daigdig ng mga pamumuhunan’ ang relihiyosong mga Amerikano ng halos $500,000,000 sa nakalipas na limang taon,” sabi ng The Dallas Morning News. Ang “sumisipi-sa-Bibliyang mga manggagantso” ay nakabiktima ng mahigit 15,000 Amerikano sa kanilang relihiyosong mga pakana, sang-ayon sa isang report na inihanda ng pambansang Council of Better Business Bureaus at ng North American Securities Administrators Association. Naudyukan ng dami ng salaping kinikita ng mga ebanghelista sa TV, sinamantala ng mga manggagantso ang dumaraming relihiyosong mga programa upang salakayin ang kanilang mga biktima. “Ang mga pakana ay mula sa palsipikadong mga pamumuhunan na iniaalok ng nag-aangking born-again na mga tagaplano ng negosyo hanggang sa ‘kinasihan ng Diyos’ na mga tagapayo tungkol sa mga barya, mahahalagang metal, real estate at mga programa sa pagmimina ng langis,” sabi ng pahayagan.
PAGGAWA NG EKSEPSIYON
Ang Vaticano ay may pirmihang patakaran na pahintulutan ang indibiduwal na mga pari na uminom ng hindi alkoholikong alak sa panahon ng pagdiriwang ng Misa kung hihilingin nila. Subalit kamakailan ang mga pari sa buong rehiyon ng Friuli sa Italya ay pinagkalooban ng pahintulot na uminom ng katas ng ubas sa panahon ng Misa sa halip ng alak. Bakit? Sang-ayon sa Catholic Herald, ang mga pari ay humiling sapagkat ikinatatakot nila na ang mga alkoholiko sa kanilang mga ranggo ay maaaring “magbalik sa malakas na pag-inom” sa pagtikim ng alak sa Misa. Binanggit din ng pahayagang Katoliko: “Ipinakikita ng mga surbey sa rehiyon ng Friuli na 15 porsiyento ng populasyon ay may suliranin sa pag-inom at na marami sa 400 mga pari sa lugar na iyon ay nasa lubhang-mapanganib na kategorya.”
MAPANG-UYAM NA PAG-IIBIGAN
Ang “pag-iibigan” sa panahong ito ng AIDS at palasak na imoralidad ay naging lubhang mapanganib. Sa isang pagsisikap na bawasan ang mga panganib, mas maraming dalaga ang umuupa ng mga detektib upang imbestigahan ang mga lalaking kanilang idini-date, ulat ng The New York Times. Bagaman ipinalalagay ng mga ahensiyang nag-iimbestiga ang kasalukuyang paglakas ng kanilang negosyo sa paglaganap ng AIDS, sinasabi nila na karaniwan ding hinihiling sa kanila ng mga babae na tingnan ang katayuan sa trabaho, ang credit rating, at edukasyon ng kanilang mga manliligaw, gayundin ang seksuwal na mga gawain. Ang isang ahensiya ng mga detektib ay mayroon pa ngang anunsiyo sa isang magasin sa Chicago. Ito’y nagtatanong: “Kilala mo ba kung sino ang iyong idini-date?” at susog pa nito: “Ngayon higit kailanman, mahalagang malaman mo.”
SALOOBING NAKAMAMATAY
Ang Pransiya ay may isa sa pinakamasamang rekord ng mga namatay sa aksidente sa kotse sa gitna ng industriyal na mga bansa—330 mga kamatayan sa bawat milyong kotse sa daan, kung ihahambing sa 185 sa Estados Unidos, 182 sa Italya, 163 sa Hapón, 162 sa Kanlurang Alemanya, at 127 sa Britaniya. Ang base-sa-Paris na International Herald Tribune ay nag-uulat na sinisi ng mga sikologo na dumadalo sa isang symposium kamakailan tungkol sa gawi sa pagmamaneho ang marami sa mga suliranin sa kawalang-pasensiya, kabiguan, at pagsalakay. Napansin nila na ginagamit ng marami ang kanilang mga kotse bilang isang paraan upang ipakita ang mataas na opinyon nila sa kanilang sarili at ang mababang opinyon nila sa iba.
ANG KABAYARAN NG KASAKIMAN
Bagaman ikinakaila ng ilang siyentipiko na ang polusyon ng tao ay nagpapainit sa ating atmospera, iginigiit ng Pranses na agronomo na si Rene Dumont na ang epekto ay pumapatay na ng mga tao—isang milyon noon lamang nakaraang taon. Sabi niya na ang greenhouse effect ay siyang dahilan ng mga tagtuyot, na siya naman nagiging sanhi ng gutom. Si Dumont, na may mahabang rekord ng matagumpay na paghula ng mga taggutom, ay nagbababala na “tayo ay nasa bingit ng pinakamatinding taggutom sa kasaysayan ng tao.” Sinisisi niya ang krisis sa masakim na pagkunsumo ng enerhiya sa maunlad na mga bansa: “May dalawang bilyong taong namumuhay sa kahirapan sa daigdig at sila ay mga prenda ng ating kasakiman, sa pag-aaksaya natin ng enerhiya.”—The Globe and Mail, Toronto, Canada.
MAY LUNAS BA?
Ang pagpatay sa tatlong batang lalaki, dalawa sa kanila ay seksuwal na inabuso, sa gawing Kanluran ng Estados Unidos ay nagpatindi sa isang debate tungkol sa kung baga may lunas pa kaya ang mga taong ugali nang manghalay ng mga bata. Ang lalaking pinaratangan ng pagpatay ay paulit-ulit na nasentensiyahan sa seksuwal na pagpapayo dahil sa paggawa ng krimen sa mga bata. Bago pa siya nadakip para sa tatlong pagpatay, natapos niya ang walong buwan ng pagpapayo ng isang sikologo na gumugol mismo ng 13 taon sa bilangguan bilang isang tagapuslit ng droga at nasasandatahang magnanakaw. “Kahit na sino ay maaaring magsabit ng isang karatula at tawagin ang kanilang sarili na isang terapis,” reklamo ng hepe ng Association for the Behavioral Treatment of Sex Abusers sa The New York Times. Binanggit ng Times na parami nang paraming propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ang naghihinuha na “ang ilang taong ugali nang manghalay ng mga bata ay talagang wala nang lunas at dapat ikulong habang buhay.”
MGA AKSIDENTE SA PAGHAHALAMAN
Ang Royal Society for the Prevention of Accidents ay naglabas ng pinakahuling bilang tungkol sa mga kapinsalaan sa paghahalaman sa Britaniya. Sa loob ng isang-taóng yugto, “21 katao ang napatay sa kanilang hardin—14 ay napatay ng makinarya samantalang ‘ang mga halaman at mga punungkahoy’ ang may pananagutan sa pito pang kamatayan,” ulat ng The Medical Post. Ipinahihiwatig ng Britanong estadistika na 151,000 mga hardinero ang ginamot sa mga ospital. Kabilang sa mga pinsala ay 6,400 dahil sa pantabas ng damo, 4,200 dahil sa gunting ng halaman, 4,000 dahil sa tinidor sa halaman, 3,000 dahil sa pala, 2,000 dahil sa pantabas ng halaman, 1,000 dahil sa mga karit, at 1,600 dahil sa mga tikin na kawayan. Ang mga muwebles sa damuhan ay naging sanhi ng 3,200 mga aksidente, ang karetilya ay sumugat ng 1,200, at “ang hamak na pasô ay nakapinsala ng 59 na mga hardinero.”
MGA BABAE AT KRIMEN SA HAPÓN
Ang krimen sa Hapón ay dumarami, at ang mga babae ang may pananagutan sa lumalaking porsiyento nito. Noong 1988 mga 1,641,310 malubhang mga krimen ang nangyari sa Hapón, isang pagsulong sa nakalipas na taon na 63,000. Ang karaniwan nang masunurin-sa-batas na mga Hapones ay nababalisa na makitang ang krimen noong 1989 ay umabot sa pinakamataas na bilang sa lahat ng panahon pagkatapos ng digmaan. Subalit higit na kataka-taka, ulat ng Sankei Shimbun ng Tokyo, na ang mga babae ngayon ang nagsasagawa ng 25 porsiyento ng mga krimen sa Hapón.
PAGTATAPON NG BASURA SA PAMAMAGITAN NG TREN
Ang Amtrak, isang Amerikanong paglilingkod ng perokaril, ay sumailalim ng malupit na pagbatikos kamakailan dahil sa mga gawain nito na pagtatapon ng mga dumi ng tao sa mga riles ng tren. Ang mga palikuran sa mga tren ay laging nagbubuhos ng tubig nang tuwiran sa mga riles ng tren sa ibaba, at tinatawag ng Amtrak ang gawaing ito na “hindi nakapipinsala sa kapaligiran.” Subalit siniyasat ng mga autoridad sa Florida ang mga daang-bakal pagkatapos na magreklamo ang mga mangingisda na sila’y nasabuyan ng dumi nang magdaan ang tren sa tulay ng tren sa ibabaw nila. Nasumpungan ng isang hukuman sa Florida ang Amtrak na nagkasala ng komersiyal na polusyon. Binabalak ng Amtrak na iapela ang kaso at sinasabi nitong iyon ay magkakahalaga ng $147 milyon upang ikapit ang mas masalimuot na mga pamamaraan ng pakikitungo sa dumi. Samantala, hihilingin ng mga kondoktor sa tren ang mga pasahero na huwag bubuhusan ng tubig ang inodoro samantalang ang mga tren ay nagdaraan sa ilang tulay ng tren.
HINDI RELIHIYOSONG MGA LIBING
Habang parami nang parami ang nawawalan ng tiwala sa relihiyon, mas maraming Britano ang nagkakainteres sa sekular na mga libing na hindi kakikitaan ng relihiyon. Ang British Humanist Association ay naglathala ng isang popular ng aklat na pinamagatang Funerals Without God: A Practical Guide to Nonreligious Funerals at nagpadala ng mga boluntaryo upang magsagawa ng sekular na mga libing. Ang tagapag-ugnay ng samahan ay nagsasabing ang mga pamilya ay sawa na sa mga klerigong nagsasabi ng iyo’t iyunding mga salita sa lahat ng libing; kaya sinisikap ng samahan na gawin ang mga libing nito na mas personal. Sa isang libing ng isang taong mahilig sumayaw, ang mga nagdadalamhati ay nagsayaw ng tanggo. Sa libing ng isang tagapagtanghal sa sirkus, ang mga anak ng namatay ay nagsagawa ng salamangka sa harapan ng kabaong.