Britanya, Dugo, at AIDS
EKSAKTONG dalawang taon na ngayon, inilathala ng Ang Bantayan ang artikulong “Tumutulong sa Atin ang mga Pamantayan ni Jehova.” (Awit 20:4) Nagbigay ito ng isang halimbawa ng tulong buhat sa ligtas at tiyak na mga alituntunin ng Diyos, sa pag-iingat sa mga Kristiyano na sumusunod sa kaniyang mga batas sa pag-iwas sa dugo. Noon ang atensiyon ng Estados Unidos ay nagsisimula lamang na ituon sa bagong sakit—AIDS. Naghihinala na ang syndrome na ito ay baka lumaganap sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo. Ang mga mambabasa sa Europa at saanpaman ay maaaring naniniwala noon na ang ganitong sakit na likha ng paglabag sa kautusan ng Diyos ay limitado sa isang malayong lokasyon. Dalawang taon ang nakalipas, sa kasalukuyan ay narito ang impormasyon na galing sa Gran Britanya.
“ANG aking kapatid na babae ay nangangailangang operahin pero natatakot siyang mahawa ng AIDS. Hindi kami mga Saksi ni Jehova, pero puwede bang tulungan ninyo kami sa pamamagitan ng pagrerekomenda ng isang siruhano na umuupera nang walang ginagamit na dugo?” Isa lamang iyan sa mga taos-pusong mga kahilingan na tinanggap kamakailan lamang ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang punong-tanggapan sa London, Inglatiera. Ano ba ang nasa likod ng mga pakiusap na ito?
Sapol nang ito’y magpasimula, ang ipinagmamalaki ng British Blood Transfusion Service ay ang suplay ng dugo na nanggagaling sa mga boluntaryo na nagkakaloob nito. “Ang pamamahinga pagkatapos ng donasyon [ng isang yunit ng dugo], isang inumin at mga biskuwit, at balik na sa trabaho. Bakit hindi mo subukan?” Ang panghihimok ng kanilang anunsiyo. Ang resulta, dalawang milyong boluntaryong donasyon ang nakukuha taun-taon ng 3 porsiyento ng populasyon.
“Ang dugong natitipon buhat sa mga boluntaryong walang bayad, gaya sa Britanya, ay mas mataas ang uri kaysa nakukuha sa mga taong binabayaran,” ang sabi ng The Guardian. Sa ibang pananalita, ang matagal nang paniniwala ay na naiiwasan ng Britanya ang piligro ng impeksiyon buhat sa dugo na binili sa mga alkoholiko o iba pa na walang gaanong maipagbibili. Subalit ang mga pangyayari kamakailan ay nagbunyag ng malulubhang pagkukulang sa bagay na ito, at ang publiko ay nawawalan ng tiwala. Pagkatapos mamatay ang dalawang haemophiliacs, isang kinatawan ng Haemophiliac Society ang nagsabi na ang nanggagaling sa National Health Service na ‘suplay ng dugo ay hindi na maituturing na ligtas.’ Ano ang nangyari?
Bagamat alam na alam noong lumipas na mga taon na imposibleng makilala sa dugo ang bawat sakit at na malubhang impeksiyon, tulad ng hepatitis o malaria, ang maaaring isalin sa pamamagitan ng dugong isinalin, ang ganiyang mga panganib ay hindi gaanong inilalathala sa Britanya. Sa tuwina’y ipinahihiwatig na ang donasyong dugo ay hindi dapat ikabahala. Subalit dalawang nakagigitlang bagay ang nagsama, kayat ganito ang sabi ng The Daily Telegraph: “Ang Britanya ay nagapi sa pakikipaglaban na mahadlangan ang virus ng AIDS na makapasok sa suplay ng dugo.”
Ang unang kabiglaanan ay dumating nang isiniwalat ng mga ulat ng pahayagan na sa loob ng maraming taon ang Britanya’y bumibili pala ng dugo sa ibang bansa. “Bumibili ng dugo buhat sa mga tao sa mga bansang maralita na kung saan mayroong maraming sakit na naisasalin sa pamamagitan ng dugo,” ang pagtatapat ng isang kinatawan ng union ng isang laboratoryo ng mga produktong may halong dugo. Isa pa, mga 70 milyong yunit ng concentrated Factor VIII ang inaangkat sa Estados Unidos at ginagamit sa mga British haemophiliacs. Ang bawat pangkat ng Factor VIII ay galing sa plasma na kinuha sa 2,500 mga nag-aabuloy ng dugo. Tila nga sa pamamagitan ng pag-angkat nitong produktong ito ng dugo napalipat sa Britanya ang virus ng AIDS.
Ang isa pang nakagulat ay nang mapatunayan na ang AIDS ang nagpasok ng impeksiyon sa sistema galing sa mga nag-abuloy na homoseksuwal sa loob ng British Isles. Bagamat ang mga homoseksuwal ay sinabihan na huwag mag-abuloy ng dugo dahilan sa mas malamang na sila ang may AIDS, ang babala ay hindi gaanong idiniin, ayon sa inamin ng Kagawaran ng Kalusugan. Ang babala sa kanilang pulyeto tungkol sa AIDS ay tumukoy lamang sa “homoseksuwal na mga lalaki na mayroong iba’t-ibang kapareha.” Ang kasalukuyang labis na pag-iimprenta ng papelitong A.I.D.S. at kung papaano kasangkot dito ang mga nag-aabuloy ng dugo ay nagsasabi na “ang aktibong mga lalaking homoseksuwal at biseksuwal” ang “lalo nang madaling tablan” ng AIDS. Subalit huli na ang babala. Nang pasimula ng 1985 mahigit na 40 katao, kasali na ang isang bagong silang na sanggol, ang naimpeksiyunan. Isa pa, nariyan ang suliranin na ang virus ng AIDS ay tumatagal ng hanggang dalawang taon bago mamisa. Kayat ilan pa ang naimpeksiyunan na? Mayroong “time-bomb element,” gaya ng pagkasabi ng The Sunday Times. Kaya ngayon, ang National Blood Transfusion Service ay naghanda kamakailan ng isang karagdagang pulyeto para sa lahat ng ibig mag-abuloy ng dugo sa Britanya, ang Some Reasons Why You Should Not Give Blood.
Mayroon nang mga 50 ang namamatay sa AIDS sa Britanya, buhat sa mahigit na 100 kaso na inireport. Ang dami ng mga taong may ganiyang sakit ay kasalukuyang nadudoble tuwing walong buwan. Isang medikong kabalitaan ng The Sunday Times ang nagsasabi na baka magkaroon ng mahigit na 12,000 kaso sa loob ng limang taon. Tinataya sa United Kingdom ng Royal College of Nursing na ang isang milyong tao sa British Isles ay maaaring maapektuhan pagsapit ng taóng 1991 kung hindi kikilos upang masugpo ang paglaganap ng AIDS.
Ang nagtatanong na binanggit na ay nagsabi: “Sa pakiwari ko’y tama ang mga Saksi ni Jehova sa bagay na ito ng pagsasalin ng dugo.” Mangyari pa, ang Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, ang naipagbabangong-puri. Mga daan-daang taon na ngayon nang kaniyang iutos sa mga Kristiyano na ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:29; 21:25) Ang kaniyang payo at mga pamantayan ay isang proteksiyon sa kaniyang mga lingkod at magpapatuloy ito na gayon.
[Kahon sa pahina 30]
Ano ba ang AIDS?
Ang AIDS ay isang salitang binuo buhat sa Acquired Immune Deficiency Syndrome. Ang AIDS mismo ay hindi pumapatay. Subalit, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalang ito, ang biktima ay napipilayan ang mga sangkap na panlaban sa sakit. Kaya ngayon, ang isang tao na may ganitong sakit ay karaniwan nang namamatay buhat sa isang impeksiyon, tulad baga ng isang pambihirang klase ng pulmonya o kanser sa balat, ang Kaposi’s sarcoma. Ang pananaliksik upang makilala ito at ma-diagnosis ay pinasisimulan lamang, at sa ngayon ay wala pang natutuklasang lunas sa AIDS.