Pagpapalamuti sa Tahanan—Isang Kasiya-siyang Hamon
IKAW ay pumapasok sa kainamang tahanan ng isang maypabisita. Ang unang sulyap ay nagsisiwalat ng isang mahusay ang pagkakapalamuting tirahan. Ang pagkakapintura ay malinis at magaling.
Nang maglaon ikaw ay nagulat na malaman na ang lahat ng gawain ay ginawa ng mga miyembro ng pamilya, na tinanggap ang hamon ng pagpapalamuti sa tahanan. Subalit maaaring magkaroon ng mga patibong sa gayong sariling-yari na mga proyekto. Kaya bago mo simulan ang anumang proyektong pagpapalamuti-sa-tahanan, isaalang-alang ang sumusunod.
Piliing Maingat ang mga Materyales
Ang sarisaring materyales na makukuha ngayon ay nagbibigay sa iyo ng maraming mapagpipilian pagdating sa istilo na nais mong ipalamuti sa iyong tahanan. Ano ba ang praktikal sa inyong lugar? Magiging maganda kaya ang isang wallpaper na panggayak? O marahil ay mas gusto mo ang isang veneer o telang pantakip sa dingding? Baka maghinuha ka na ang simpleng pahid ng pintura ay makasasapat na sa iyo. Bago magpasiya sa wakas, isaalang-alang ang praktikal na mga aspekto. Kabilang dito ang halaga, ang tibay ng natapos na gawa, at dali ng pag-iinstala, at ang panahon at pagsisikap na kakailanganin upang mapanatili at linisin ang mga dingding. Lahat ng ito ay dapat na ihambing sa kung magkano ang magagastos kung mga propesyonal ang gagawa.
Ang kulay ng napili mong panggayak na materyal ay mahalaga rin. Katugma kaya ito ng iba pang nasa silid? Kung ang silid ay karaniwang malamig, ang mainit na kulay ng pintura ay lilikha ng damdaming masigla. Ang murang asul o berde na kulay ay gagawa sa mga silid na nasa mas mainit na panig ng bahay na tila mas malamig. Ang madilim o hindi gaanong maliwanag na mga silid ay maaaring paliwanagin ng mapupusyaw-kulay na pintura.
Iplano at Ihanda ang Iyong Trabaho
Ang sekreto ng matagumpay na pagpapalamuti ay ang mabuting paghahanda! Napansin mo ba kung gaano katagal inihahanda ng propesyonal na mga tagapalamuti (decorator) ang mga ibabaw ng pipintahan, kung ihahambing sa panahong ginugugol sa aktuwal na paggawa ng trabaho? Kung gagawin mo ito sa ganang sarili, huwag mong lagtawan ang panahon at pagsisikap sa paghahanda. Iminumungkahi ng mga eksperto na sipatin mo ang ibabaw na tuyô, makinis, at malinis.
Kumpunihin ang napinsalang mga ibabaw sa pagmamasilya sa mga bitak. Saka kuskusin ang kinumpuning ibabaw ng panliha ng salamin o papel de liha upang kuminis. Bago magpintura, punasan ang ibabaw ng mamasá-masáng basahan upang alisin ang alikabok sa palitada ng dingding, at hayaang matuyô.
Kumusta naman ang iyong plano ng kilos? Isinaayos mo bang isama ang buong pamilya? Hindi lamang makakasali rito ang lahat kundi ang lahat ay magkakapuri sa natapos na produkto, at tiyak na iyan ay magpapasigla para sa mas mabuting pangangalaga. Sa halip na sariling-yari na pagpapalamuti sa tahanan, gawin itong sari-sariling-yari na programa. Malaki ang mga pakinabang.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]
PANGANGALAGA SA IYONG MGA BROTSA AT “ROLLERS”
1. Ibaluktot at linisin ang mga buhok ng bagong brotsa upang maalis ang alikabok at lumuwag ang mga buhok.
2. Iwasang ilubog nang husto ang brotsa sa pintura. (Ilubog lamang ang sa pagitan ng sangkatlo at kalahati ng haba ng buhok ng brotsa upang huwag mabaon ang labis na pintura sa tangkay.)
3. Linisin ang brotsa pagkatapos gamitin. Gumamit ng tiner para sa oil-based na pintura at mainit na tubig para sa latex, o pinturang hinahalo sa tubig.
4. Itago ang malinis, tuyóng brotsa sa malinis na papel upang sipsipin ang natitirang pamamasa at ingatang nasa porma ang mga buhok.
5. Sundin ang katulad na mga pamamaraan sa mga roller ng pintura, tinitiyak na patuyuing mabuti ang anumang bahaging metal upang huwag kalawangin at kumupas sa susunod na panahong gamitin mo ito.