Meroë—Patotoo ng Limot Na Kadakilaan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
HALOS nakalimutan ng daigdig ang sinaunang lungsod ng Meroë. Nasa gawing silangang pampang ng Ilog Nilo mga 210 kilometro hilagang-silangan ng Khartoum, Sudan, ang Meroë ang dating maringal na kabisera ng Imperyong Etiope. Subalit ngayon ito ay isa na lamang pag-aaral ng mga kaguhuan. Ang gumuguhong mga templo nito, bakanteng mga palasyo, at pira-pirasong mga gawa ng sining ay ilan lamang sa tagapagpagunita ng isang maluwalhating kahapon. Tingnan natin ang ilan sa sinaunang kaguhuan.
Sa gawi rito ang lugar ng templo ni Amon. Dati ito ay mga 140 metro ang haba. Kahit na ngayon ang mga labí nito ay umuungos sa buhangin ng disyerto. Granitong mga istatuwa ng mga lalaking tupa, ang ilan ay makikita pa rin, ay dating nakahanay sa malapad na daan patungo sa pasukan ng templo.
Sa malapit sa lugar ng templo, makikita mo pa ang ilan sa mga istatuwa, mga inukit, at mga ipininta na saganang nakapalamuti sa maharlikang mga palasyo. O baka gusto mong hangaan ang magandang inukit na mga haligi na nakapaligid sa kalapit na swimming pool. Ang sistema ng tuberiyas na dating nagpapalabas ng tubig tungo sa pool sa pamamagitan ng nakabukang mga bibig ng maliliit, ulong-leon na mga istatuwa ay napakagaling kahit na sa mga pamantayan ng ika-20 siglo. Sa kabila ng pamiminsala ng panahon, araw, at buhangin ng disyerto, ang matingkad na mga kulay na nakapalamuti sa mga haligi na nakapaligid sa pool na iyon ay hindi ganap na kumupas.
Sa dulong silangan ng Meroë ay nakatayo ang Templo ng Araw, dating prominente sa pagsamba ng mga maninirahan ng lungsod na ito. Bagaman hindi malaki na gaya ng templo ni Amon, gayumpaman ito ay saganang napalalamutian ng asul at dilaw na sahig at mga dingding na tisa, gayundin ng inukit na mga tanawin na nagpapakita ng mga tagumpay ng militar.
Ang mahalagang patotoo sa kadakilaan ng Meroë ay ang libingan. Sa ibayo ng malawak na palanas na disyerto, subalit malapit sa bayan, ay ang ilang iba’t ibang piramide. Bagaman kulang sa laki at kamaharlikaan ng dakilang mga piramide ng Ehipto, ang mga libingang ito ay kahanga-hanga rin. May sapat na katibayan dito ng limot nang maharlikang istilo-ng-buhay. Sa kasikatan nito ang Meroë ay isang natatanging lungsod—isang sinaunang Paris, Washington, o Moscow.
Ngunit sino ang nakatira at nagtrabaho rito? At ano ang umakay sa kamatayan ng lungsod?
Ang Bayan at ang Kanilang Kasaysayan
Ang mga nagtatag ng Meroë ay mga Cushita, o mga Etiope. Ang mga ipininta at inukit sa dingding ay maliwanag na nagpapakita ng kanilang Aprikanong mga katangian. Ang kulturang Ehipsiyo ay nag-iwan din ng bakas nito sa Meroë, subalit sa pagtatapos ng ikalawang milenyo B.C.E., ang Ethiopia ay kumalas sa pamamahala ng Ehipto.
Sa dakong huli ng ikawalong siglo B.C.E., ang Ethiopia ay aktuwal na nasakop ng Ehipto at pinamunuan ito sa loob ng 60 taon. At bagaman marami ang nag-aakalang ang Ehipto lamang ang imperyong bumangon sa Aprika, hindi ito totoo. Ang isa sa mga pinuno ng Ethiopia noong ikawalong siglo B.C.E., si Haring Tirhakah, ay binabanggit pa nga sa Bibliya.
Sang-ayon sa ulat ng Bibliya, ang Asirianong haring si Sennacherib ay nakikipagbaka sa Libna at kasabay nito ay naghahandang sumalakay sa Jerusalem. Walang anu-ano, ang salita ay dumating na si Haring Tirhakah ay papunta na upang makipagbaka sa mga Asiriano. (2 Hari 19:8, 9; Isaias 37:8, 9) Gayunman, ang mga inskripsiyong Asiriano ay nagsasabi na si Tirhakah ay natalo sa Eltekeh. Pagkalipas na limampung taon, ang pangingibabaw ng Etiope sa Libis ng Nilo ay nagwakas nang lubusang lupigin ng Asiria ang Ehipto.—Nahum 3:8-10; Isaias 20:3-6.
Noong panahong iyon ang lungsod ng Napata ang kabisera ng Ethiopia. Subalit noong 540 B.C.E., sinimulan ng Meroë ang 800-taóng paghahari bilang ang kabisera ng imperyo. At bagaman ang imperyo ay humina sa kapangyarihan at impluwensiya, ang Meroë ay mayroon pa ring kapangyarihan.
Noong panahon ng pananakop ng Romano, isang Etiopeng bating ang tinulungan ni Felipe na ebanghelisador na maging Kristiyano. (Gawa 8:26-29, 38) Sinasabi ng Bibliya na ang taong ito ay isang tesorero sa ilalim ni Candace, reyna ng mga Etiope. Ang pangalang Candace ay lumilitaw na isang titulo na ipinatutungkol sa mga reyna na nagpuno mula sa Meroë. Kaya ang Meroë ay may kaugnayan kahit na sa kongregasyong Kristiyano.
Takipsilim ng Isang Imperyo
Bakit, kung gayon, naglaho sa alaala ang Meroë? Kakaunti ang impormasyon. Higit pang nagpapasalimuot sa mga bagay ay ang katotohanang ang sinaunang wikang Cushita ay kailangan pang maunawaan. Ang kabit-kabit na pagsulat Meroitiko na makikita sa mga pasukan ng templo, palasyo, at iba pang mga gusaling bato na nagkalat sa lahat ng kaguhuan ay pambihira, bagaman isang binagong bersiyon ng Ehipsiyong hieroglyphics ay ginamit noong mas naunang panahon. Ang mga salitang Meroitiko ay mababasa at mabibigkas ngunit, sayang, hindi maunawaan. Kaya umaasa lang kami sa ilang haka-haka upang matiyak kung ano nga ang naganap.
Marahil inalis ng sumisikat na kaharian ng Axum sa Meroë ang lakas nito sa pangangalakal, na humantong naman sa paghina ng imperyo. Anuman ang kaso, sa wakas ay sinalakay at nilipol ng Axum ang Meroë noong 350 C.E. Ang Meroë, at ang mga kapatid na lungsod nito, ang kabihasnan nito, at ang kultura nito sa gayon ay naglaho sa kasaysayan hanggang sa matuklasan kamakailan ng arkeolohikal na mga paghukay ang kanilang maluwalhating kahapon.
Ang pagkatataas na bunton ng dumi ng metal na nagkalat sa tanawin malapit sa sinaunang Meroë ay nagpapahiwatig na alam ng mga tao roon ang lihim ng pagtunaw sa bakal na ore, at nang maramihan pa nga. Sa gitna ng mga kaguhuan ng Meroë, masusumpungan ng isa ang mga gamit sa pagsasaka at digmaan na yari sa bakal. Ang kinaroroonan ng Meroë sa pangunahing ruta ng komersiyo sa pagitan ng Silangan at Kanluran ay nagdala ng maraming negosyante at naglalakbay na mga mangangalakal sa kanilang lugar. Palibhasa’y may daanan sa Indian Ocean sa mga paltok ng Ethiopia at sa Aprika na pakanluran sa timog ng Sahara, madaling ipalaganap ng Meroë ang kaalaman at impluwensiya nito sa ibang bahagi ng Aprika.
Gayumpaman, ang Meroë ay kasali ngayon sa talaan ng di-mabilang na iba pang kaharian na tumikim ng maikling katanyagan at kapangyarihan at saka naglaho. Sa lahat ng dati nitong kasiningan at kayamanan, ang lungsod ngayon ay wala kundi bunton ng mga kaguhuan. Gayunman, walang alinlangan na ang Etiopeng lungsod na ito ng limot nang kadakilaan ay nagkaroon ng di-maaalis na tanda sa pag-unlad at paglawak ng sibilisasyon sa buong Aprika.
[Larawan sa pahina 24]
Larawang inukit sa libingang piramide
[Mapa/Mga larawan sa pahina 25]
Itaas: Kaguhuan ng templo sa Meroë
Ibaba: Libingang piramide sa Meroë
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SUDAN
Meroë
Dagat na Pula
EHIPTO
SAUDI ARABIA