“Isang Seksuwal na Krisis” sa Gitna ng mga Klero
“ISANG seksuwal na krisis ang sumisira sa sentral na sistema nerbiyosa ng Iglesya Katolika,” sabi ni Jason Berry, isang autor sa Louisiana na tumanggap ng gantimpala buhat sa Catholic Press Association sa kaniyang pagtalakay tungkol sa pedophilia sa National Catholic Reporter. Tungkol sa lisyang seksuwal na mga gawain na ginagawa sa mga bata ng mga klero, si Berry ay nagsabi pa sa The Washington Post:
“Mula noong 1985, maraming kaso ng pedophilia na kinasasangkutan ng mga pari o mga brother ay nairekord sa buong Amerika at Canada. Bunga nito, ang mga diyosesis sa E.U. ay nabaon sa utang dahil sa mga demanda, at mga seguro sapagkat ang gayong mga paggawi ay naglaho. Ang mga pagbabagong ito ay dumating sa gitna na maraming report na kasindami ng 10 hanggang 20 porsiyento ng mga pari sa E.U. ay maaaring aktibo sa homoseksuwal na gawain.”
Ganito ang sabi ng The Providence Sunday Journal ng Rhode Island: “Nakaharap ng mga obispo sa 29 na mga estado . . . ang mga kahilingan para sa mga bayad-pinsala sa mga biktima ng pag-abuso sa sekso na ginawa ng mga klerong Katoliko, at ang Simbahan ay nagbayad na hindi kukulanging $60 milyong sa mga parusa at areglo.” Sa Louisiana inamin ng isang pari ang pagmolestiya sa 35 batang lalaki at nahatulan ng 20 taon sa bilangguan, bagaman, sabi ng Journal, maliwanag na “hindi kukulanging 75 bata ang hinalay niya sa mahigit na 10 taon.” At isang pari sa Rhode Island ang umaming may sala sa 26 na kaso ng pag-abuso sa sekso na kinasangkutan ng mga batang lalaki.
Isiniwalat ng isang imbestigasyon sa Covenant House, isang kanlungan para sa mga naglayas na mga kabataan sa New York City, na ang namamahalang pari ay nagsagawa ng lisyang paggawi sa sekso sa maraming binata at mga batang lalaki. At ang Romano Katolikong arsobispo ng Atlanta ay nagbitiw pagkatapos malaman na siya ay dalawang-taon nang seksuwal na may kaugnayan sa isang dalagang ina.
Isang komperensiya ng mga obispong Katoliko sa E.U. ay tumanggap ng isang report tungkol sa “kapaha-pahamak” na mga pagsasakdal sa mga paring pedophile. Ang 100-pahinang report, sabi ng Journal, “ay detalyadong naglahad ng isang estratehiya upang takdaan ang pagkakautang ng Simbahan dahil sa mga pagsasakdal ng hanggang $1 bilyon [$1,000 milyon] batay sa 30 demanda na hindi pa napagpapasiyahan.” Ang mga demanda ay isinampa ng Katolikong mga magulang ng mga batang nasasangkot. At iniulat ng mga saykayatris na gumagamot sa mga batang biktima na ang mga krimeng ito ay matagalan, kadalasa’y permanente ang pinsala.
Binabanggit ng Salita ng Diyos ang gayong “mahahalay na pita sa sekso” kung saan ang mga lalaki ay “nagniningas sa kanilang karumihan ng pita sa isa’t isa, ang lalaki sa kapuwa lalaki, na gumagawa ng kahalayan,” at sinasabi pa na ang “matuwid na hatol ng Diyos” ay na “yaong nagsisigawa ng mga bagay na iyon ay karapat-dapat sa kamatayan.”—Roma 1:26, 27, 32; tingnan din ang 1 Corinto 6:9, 10.
Walang alinlangan, karamihan ng mga problema ay bumabangon dahil sa hindi maka-Kasulatang gawaing hindi pag-aasawa dahil sa panata (celibacy), na nagbabawal sa mga pari na mag-asawa. Gayunman, ang Bibliya, ang Salita ng Diyos, ay maliwanag na nagsasabi na yaong nasa ministeryong Kristiyano ay maaaring mag-asawa. Gaya ng pagkakasabi rito ng Katolikong Douay Version ng Bibliya: “Dapat nga na ang obispo ay . . . asawa ng isa lamang babae.” (1 Timoteo 3:2) At binabanggit din nito na ang “pagbabawal sa pag-aasawa” ay isang katibayan na “ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya, at makikinig sa mga espiritu ng kamalian, at sa mga aral ng demonyo.”—1 Timoteo 4:1-3.