‘Ang Ating Kahihiyan ay Hayag sa Buong Daigdig’
ANG The New York Times ng Hulyo 20, 1990, ay may paulong-balita na: “Nagbitiw ang Prelado sa Canada Dahil sa Iskandalo sa Sekso ng mga Klerigo.” Ano ba ang kuwento? Isa pang kaso ng mga klerigong pinaratangan ng seksuwal na pag-abuso sa mga batang lalaki. Sa pagkakataong ito ang iskandalo ay sa lalawigan ng Newfoundland, Canada, at ang klero ay Katoliko. Ano ang gumagawa ritong naiiba?
Ang Times ay nag-uulat: “Ang Arsobispo ng Newfoundland ay nagbitiw pagkatapos na ang mga paratang na niwalang-bahala o hindi mabisang pinakitunguhan ng herarkiya ng Iglesya Katolika Romana ang tatlong taóng iskandalo na kinasasangkutan ng sinasabing seksuwal na pag-abuso sa mga sakristan, mga kabataang ulila at iba pa ng mga paring Romano Katoliko at ng mga karaniwang tao ng simbahan.” Unang pinaratangan ng malubhang kahalayan noong 1979, isang pari ang hinatulan kamakailan ng hanggang apat na taóng pagkabilanggo pagkatapos aminin ang pagkakasala sa 36 na mga pagsasakdal!
Karaniwan na ang mga kasong ito ay pinagtatakpan, at walang mahalagang disiplina ang isinasagawa. Marahil ang pari ay inililipat sa ibang parokya o tungkulin, kung saan muling magsisimula ang kabuhungan. Sa pagkakataong ito ang arsobispo ay naudyukang magbitiw pagkatapos magsabi: “Tayo’y makasalanang iglesya. Tayo’y hubad. Ang ating galit, ang ating hirap, ang ating dalamhati, ang ating kahihiyan ay hayag sa buong daigdig.”—Ihambing ang Apocalipsis 17:15-18.
Ipinakikita ng isang pagtatanong ng hukuman na ang mga pagsasakdal ay ginawa sa loob ng mahigit na 15 taon, subalit ang mga opisyal ng pulisya at ng gobyerno ay hindi “kumilos laban sa mga maysala.” At masahol pa, ang herarkiya ng simbahan ay walang tiyak na pagkilos. Sila’y pinaratangan na mas nababahala sa nagkasalang mga pari kaysa mga biktima. Gayunman, ano ba ang sinasabi ng Bibliyang Katoliko tungkol sa gayong imoral na mga gawain?
Tungkol sa mga gumagawa ng kasamaan, ang New American Bible, St. Joseph Edition, ay nagsasabi: “Dahil sa karumihan ng kanilang pita ay ibinigay sila ng Diyos sa kahalayan; sila’y gumagawa sa ikasasama ng kanilang katawan, . . . at iniwan ng mga lalaki ang katutubong pagsiping sa mga babae at nagningas sa karumihan ng kanilang pita sa isa’t isa. Ang mga lalaki ay gumawa ng kahiya-hiyang mga bagay sa mga kapuwa lalaki . . . Bagaman nalalaman nila ang kautusan ng Diyos na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan; hindi lamang gayon ang kanilang ginagawa kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.”—Roma 1:24-32.
Ano ang sinasabi ng Bibliyang Katoliko na mangyayari sa sinumang di nagsisisi? “Hindi baga ninyo nalalaman na ang masasama ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya: walang mapakiapid, . . . walang gumagamit sa sekso sa lisyang paraan . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” Gayunman, may salig-Bibliyang disiplina para sa gayong mga tao: pagtitiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano, gaya ng sinasabi ni Pablo: “Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga taong imoral . . . , na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na ‘kapatid’ kung siya’y imoral . . . Maliwanag na huwag man lamang kayong makisalo sa gayong tao. . . . ‘Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao.’”—1 Corinto 5:9-13; 6:9, 10, NAB.