Ipinaliliwanag ng mga Kardinal Kung Bakit Nag-aalisan ang mga Katoliko sa Simbahan
“ANG pagbangon at paglaganap ng mga sekta o bagong mga kilusang relihiyoso ay isang palatandaan sa kasaysayan ng relihiyon sa ating panahon. Ang mga sekta ay kumikilos taglay ang matinding sigasig,” sabi ni kardinal Francis Arinze ng Nigeria sa isang pantanging pulong ng matataas ang ranggong mga klerong Katoliko na ginanap sa Vatican noong Abril 1991. Ito’y iniulat sa lingguhang edisyong Ingles ng magasin sa Vatican na L’Osservatore Romano. Si kardinal Ernesto Corripio Ahumada, arsobispo ng Lungsod ng Mexico, ay mas espisipiko sa kaniyang pahayag. Sinabi niya ang tungkol sa paglaganap ng bagong mga grupo ng relihiyon: “Ang pinakamalaganap na sektang huwad na Kristiyano ay ang mga Saksi ni Jehova at mga Mormon.” Inilista ni kardinal Angel Suquía Goicoecha, arsobispo sa Madrid, Espanya, ang mga Saksi ni Jehova na kabilang sa mga “naging matatag sa maraming bansa.”a
Bakit epektibo ang mga grupong ito sa mga bansa at mga dakong nakararami ang mga Katoliko? Ang ilang kardinal ay nagsaad ng sarisaring dahilan. Si kardinal Ricardo J. Vidal, arsobispo ng Cebu, Pilipinas, ay nagsabi: “Ang pinakaepektibong paraan upang gawin ito ay waring ang tahasang pagsalakay sa mga turo at mga gawain ng Katoliko, lalo na ang tungkol sa debosyon kay Maria, ang paggamit ng mga istatuwa, ang kulto ng mga santo, ang sakramento ng pangungumpisal, ang tuntunin tungkol sa hindi pag-aasawa ng mga pari, atb.”
Iyan ay isang kawili-wiling pangungusap dahilan sa katotohanang hindi sinimulan ng unang-siglong mga Kristiyano ang mga gawaing ito.b Inuulit ng pag-amin ng kardinal ang pangungusap ng isa pang preladong Katoliko, si Kardinal Newman, na sumulat noong 1878: “Ang paggamit ng mga templo, at ang pag-aalay nito sa partikular na mga santo . . . , ang paghahandog ng pasasalamat . . . , ang agua bendita . . . , mga imahen nitong dakong huli . . . , ay pawang nanggaling sa pagano, at ginawang banal sa paglalakip nito sa Simbahan.”
Ano ang iba pang dahilan na binanggit ng mga kardinal sa tinatawag na kahinaan ng kanilang kawan? Ang isang dahilan, sabi ni Kardinal Vidal, “ay ang kakulangan ng mga pari na maaaring maglingkod, sa personal na paraan, sa mga pangangailangan ng mga tapat na Katoliko. Hindi kataka-taka, kung gayon, na marami sa ating mga diyosesis ay malawak na bukirin para sa gawaing pangungumberte ng mga sekta.” Subalit bakit ang kakulangan ng mga pari? Ang pangunahing dahilan ay ang hindi maka-Kasulatanag kahilingan na nagbabawal sa mga pari na mag-asawa na ipinatupad sa mga pari sa lahat ng simbahang Latin sapol noong ika-12 siglo. Kahit na ang Katolikong Jerusalem Bible ay nagsasabi sa 1 Timoteo 4, mga talatang 1 at 3: “Maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ang iba’y magsisitalikod sa pananampalataya . . . Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa.”—Ihambing ang 1 Corinto 9:5; 1 Timoteo 3:1, 2.
Ano ang sagot na ibinigay ni Kardinal Vidal sa kaniyang kapuwa mga prelado sa problema kung bakit nag-aalisan ang mga Katoliko sa simbahan? “Nariyan ang hamon na basahin at pag-aralan, manalangin at mamuhay ayon sa nasusulat na Salita ng Diyos.” At iyan mismo ang hinihimok ng mga Saksi ni Jehova na gawin ng lahat ng taimtim na mga tao, anuman ang kanilang sosyal o relihiyosong pinagmulan. Iyan ang dahilan kung bakit sila ay masikap sa pangangaral ng “Mabuting Balitang ito ng kaharian . . . sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa” bago wakasan ng Diyos ang sanlibutang ito na dominado ni Satanas. Kung nais mong ‘basahin at pag-aralan ang nasusulat na salita ng Diyos,’ pakisuyong makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang lokal na Kingdom Hall.—Mateo 24:14, JB; 1 Juan 5:19.
[Mga talababa]
a Noong 1991 may mahigit na 320,000 aktibong mga Saksi sa Mexico, mahigit na 88,000 sa Espanya at 180,000 sa Italya.
b Para sa maka-Kasulatang palagay tungkol sa lahat ng mga gawaing Katoliko na ito, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 254, 183, 352, 80, 42, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.