Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 3/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Walang Babaing mga Pari
  • “Kamatayan sa Loob ng Drawer”
  • Umuunting Bilang ng mga Hayop
  • Pinalalaganap ng mga Tsuper ng Trak ang AIDS
  • Anong mga Gantimpala ng Kapayapaan?
  • Humihina ang Interes sa Relihiyon
  • Ipinagbibiling mga Pagbasbas
  • Pakikitungo sa Barumbadong mga Tsuper
  • Ang Pandaigdig na Kampeonato at ang Diyos
  • “Obstacle Course” Para sa Maliliit na Tao
  • Pagod—Isang Di-Nakikitang Silo sa mga Drayber ng Trak
    Gumising!—1997
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
    Gumising!—1988
  • Handa Na ba Akong Magmaneho?
    Gumising!—1989
  • Nakagalit Nang Labis sa Klerong Anglikano ang Ordinasyon ng mga Babae
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 3/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Walang Babaing mga Pari

Bagaman isiniwalat ng surbey ng Gallup na inaakala ng mahigit na dalawang-katlo ng mga miyembro ng Iglesya Katolika na kinapanayam na ang mga babae ay dapat pahintulutang maging mga pari, may katatagang sinabihan ni Papa John Paul II ang mga Katoliko na ipagwalang-bahala ang ideang ito. Sa isang sulat sa mga obispo, ganito ang sabi ng papa: “Ipinahahayag ko na ang simbahan ay walang awtoridad sa anumang paraan na maggawad ng ordinasyon ng pagkapari sa mga babae at na ang pasiyang ito ay tuwirang susundin ng lahat na tapat na mga tagasunod ng iglesya.” Ang sulat ng papa na pinamagatang “Ang Pagpapanatili ng Ordinasyon ng Pagkapari Tanging sa mga Lalaki” ay nilakipan ng opisyal na kapahayagan na nagsabi pa nang ganito: “Yamang hindi wasto na lantarang pagtalunan ang bagay na ito, laging hinihiling nito ang lubusan at walang pasubaling pagsang-ayon ng tapat, at ang pagtuturo salungat dito ay katumbas ng pag-akay sa mga budhi sa pagkakamali.” Dalawang buwan maaga rito, 32 babae ang inordina bilang mga pari sa Church of England, ang kauna-unahang babaing mga pari sa kasaysayan ng iglesyang iyon. Kaya naman, 700 miyembro ng Anglikanong klero ang nagpahayag ng kanilang hangarin na magpakumberti sa Romanong Katolisismo, bagaman 35 klerigo lamang ang nagbitiw sa tungkulin. Inaakala ng ilang opisyal ng Batikano na ang sulat ng papa ay bahagyang nilayon upang sabihin sa di-sumasang-ayon na mga paring Anglikano na sila’y tinatanggap sa Iglesya Katolika Romana.

“Kamatayan sa Loob ng Drawer”

“Sa malalaking lungsod, ang tukso na magkaroon ng armas sa loob ng bahay ay dumarami,” sabi ng Veja sa ilalim ng ulong-balita na “Kamatayan sa Loob ng Drawer.” Subalit ganito ang sabi ng isang taong asintadong bumaril na taga-Brazil: “Walang sinuman ang maliliban sa mga aksidente sa mga armas, at ang tanging paraan upang maiwasan ang mga ito ay huwag bumili ng baril.” Yamang ang mga kriminal ay higit na sanay sa mga baril at ginagamit itong panggulat, “ang pagkakataon na magbunga ito nang maganda sa kaniya na may layong ipagtanggol ang kaniyang sarili sa isang sagupaan ay napakaliit.” Ganito ang sabi ng isang opisyal ng pulisya: “Kapag walang armas, ang isang tao ay magsisikap na mapanaigan ang tunggalian nang may katalinuhan at hindi nang may kapusukan.”

Umuunting Bilang ng mga Hayop

Minsang ipinagmalaki ng Zimbabwe ang pinakamalaking bilang ng itim na rhino nito sa daigdig. Subalit ang bilang ay umunti mula sa halos 3,000 noong 1980 hanggang sa humigit-kumulang na 300 sa ngayon, ulat ng pahayagang The Star sa Johannesburg. Ang ilegal na mangangaso ay patuloy na pumapatay ng mga hayop dahil sa napakamahal na mga sungay nito. Nitong kamakailang mga taon ipinabatid ng pamahalaan ang mahigpit na batas na nagpapahintulot sa mga opisyal sa departamento ng parke na pumatay ng ilegal na mga mangangaso. Ang problema ay na hindi sapat na makapagtustos ang pamahalaan ng pondo sa Departamento ng Pambansang Parke at Buhay-Iláng upang mabisang masubaybayan ang mga lugar ng mga rhino. Iniuulat ng The Star na dahil sa ilegal na pangangaso, “ang bilang ng elepante sa Zimbabwe [ay umunti] mula 80 000 hanggang sa humigit-kumulang na 60 000 sa nakalipas na sampung taon.”

Pinalalaganap ng mga Tsuper ng Trak ang AIDS

Itinuturing ang mga tsuper ng trak sa India na nasa pangkat ng madaling mahawahan ng virus ng AIDS (HIV). Dahil sa gumugugol ng matagal na panahon na malayo mula sa kanilang mga pamilya, libu-libong tsuper ang kalimitang nagtutungo sa mga bahay aliwan sa Bombay, kung saan ipinakikita ng mga pagtaya na mula sa 50 hanggang 60 porsiyento ng 80,000 babaing nagbibili ng aliw na nagtatrabaho roon ay positibong may HIV. Mula sa Bombay sinasaklaw ng mga tsuper ng trak ang buong bansa. Ang ilang nayon na malapit sa mga haywey ay naglalaan ng mga kubo kung saan ang mga babaing taganayon ay kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa mga tsuper ng trak. Ang mga lugar ding ito ay pinupuntahan ng mayayamang lalaki sa kalapit na mga lungsod, at gaya ng sinabi sa The Times of India, ito’y “nagtatatag ng masalimuot at di-matuntong kawing ng pagkahawa sa virus.” Pinalalala pa ang problema, maraming tsuper ng trak ang mapamahiing naniniwala na ang pakikipagtalik ay mahalaga upang mapanatiling presko ang kanilang mga katawan kapag nagmamaneho nang mahabang oras sa napakainit na temperatura.

Anong mga Gantimpala ng Kapayapaan?

“Ano ang nangyari sa inaasam-asam na ‘mga gantimpala ng kapayapaan’?” tanong ng magasing Valeurs Actuelles sa Pransiya. Dahil sa pagbawa ng kaigtingang dulot ng Cold War at sa katulad na pagbabawas ng mga badyet sa militar ng maraming pamahalaan, nadagdagan ang pag-asa sa paano man na ang bahagi ng pagkalaki-laking salapi na dating ginugugol sa mga armas ay maibabaling sa makataong mga programa upang masugpo ang karukhaan at sakit. Tinutukoy ang pinakahuling Human Development Report ng UN, sinabi ng magasin na ang mga pagbawas sa ginugugol ng militar sa loob ng nakalipas na pitong taon ay kumakatawan sa natipong “mga ipon” na halos 935 bilyong dolyar, subalit wala namang kasamang pagtaas sa ginugugol sa makataong mga programa. Sinabi rin ng ulat na maraming bansa ang patuloy na gumugugol mula tatlo hanggang apat na ulit ang kahigitan sa mga armas kaysa kanilang pinagsamang mga programa sa edukasyon at kalusugan.

Humihina ang Interes sa Relihiyon

Patuloy na sumisidhi ang kawalang-interes ng mga Hapónes sa relihiyon, pahayag ng isang surbey na isinagawa ng pahayagang Yomiuri Shimbun. Ayon sa “Surbey ng Pambansang Kabatiran sa Relihiyon,” na isinasagawa tuwing limang taon simula noong 1979, ang tumbasan ng mga naniniwala sa partikular na relihiyon ay umabot kamakailan sa mababang rekord na 1 sa 4. Bakit humihina ng ganito ang interes sa relihiyon? Kapansin-pansin, 47 porsiyento ng mga sinurbey ang nagreklamo na ang mga relihiyon ay “masigasig pagdating sa pera.” Pinaratangan naman ng iba ang mga relihiyon ng “mapusok na pangangaral,” “labis na pagkasangkot sa pulitika,” at “walang sapat na relihiyosong mga lider na karapat-dapat sa paggalang.” Gayunman, “44 na porsiyento ang nag-aakala na ang Diyos o si Buddha ay ‘umiiral.’ ”

Ipinagbibiling mga Pagbasbas

Dahil sa nakakaharap ang malubhang kakapusan sa pondo, bumaling ang maraming pari ng Russian Orthodox Church sa pagpapabayad ng mga basbas, bagaman hindi lahat ng mga pari ay sumasang-ayon sa lantarang negosyong ito. Sinipi ng The Moscow Times ang isa sa pari ng Russian Orthodox na nagsasabi: “Maraming simbahan ang may malaking pangangailangan sa pera para sa pagpapakumpuni.” Kaya ang mga pari ay naniningil para sa pagbasbas ng mga tindahan, apartment, bar, at mga pasugalan. Ang mga kotse ay maaari ring basbasan. Depende sa tatak ng kotse, ang isang pari, na nagtatrabaho malapit sa isang bilihan ng segunda-manong mga kotse, ang sumisingil mula 30,000 hanggang 50,000 ruble, ($15 hanggang $25) para sa mga pagbasbas, na kalakip ang mga panalangin, insenso, at pagwiwisik ng “banal na tubig.”

Pakikitungo sa Barumbadong mga Tsuper

Isang tsuper ang nagpaharurot at may kapusukang sumingit sa harapan mo, o pinailawan ka para tumabi ka upang siya ang dumaan at gumawa ng mahalay na senyas habang siya’y nagdaraan. Kung tutugon ka sa maling paraan, sabi ng mga dalubhasa, maaaring ikamatay mo ito. Iminumungkahi nila ang sumusunod, ayon sa Edisyon ng Timog Aprika ng Reader’s Digest: Magtaglay ng mahinahon, di-nakikipagpaligsahang saloobin. Ituon ang isip sa pagmamaneho, at huwag makipagtitigan sa ibang tsuper. Suriin ang iyong salamin sa pagmamaneho tuwing tatlo hanggang sampung segundo. Kilalanin ang barumbadong tsuper bago pa man ito dumating, at bigyang-daan siya. Magmabagal sa pagmamaneho upang mapahintulutan ang tsuper na sumingit sa harapan mo, o sumenyas at tumabi sa maluwag na daan. “Ang paraan ng iyong pagtugon sa kasunod na barumbadong tsuper,” sabi ng artikulo, “ay maaaring ang susi ng iyong paglayo sa panganib, at kaligtasan mo pa nga.”

Ang Pandaigdig na Kampeonato at ang Diyos

“Sa pagpupunyagi na manalo sa ikaapat na Pandaigdig na Kampeonato sa [soccer] sa [Brazil], ang lahat ng uri ng relihiyosong paghahayag ay angkop,” ulat ng Jornal da Tarde. “Isinasagawa ang mga ritwal bago, sa panahon, at pagkatapos ng mga laro.” Ganito ang sabi ng taga-Brazil na si Bebeto: “Natitiyak ko na ang [Diyos] ay papanig sa Brazil sa Pandaigdig na Kampeonatong ito.” Pagkatapos ng labanan, mapapansin na iniuukol ng mga manlalaro ang tagumpay sa Diyos, ganito ang sulat ni kardinal Dom Lucas Moreira Neves: “Para sa marami, ang pananagumpay sa Pandaigdig na Kampeonato ay maaaring may personal, pampamilya, o panlipunang kahalagahan . . . : pagpapanauli ng paggalang sa sarili at pagtitiwala sa sarili; kaaliwan sa gitna ng maraming kirot; at maging ng catharsis [pagdalisay] para sa pinabayaang bansa.” Kapuna-puna naman, ganito ang sinabi ng sikat na manlalaro ng soccer na si Mauro Silva: “Naiiba sa ilang manlalaro ng koponan sa Brazil, hindi ako naniniwala na tinulungan kami ng Diyos na manalo sa Pandaigdig na Kampeonato. Ang Diyos ay walang pinapanigan, at hindi man lamang siya nababahala sa soccer.”

“Obstacle Course” Para sa Maliliit na Tao

Ang mga tao sa Alemanya na wala pang 5 talampakan ang taas ay karapat-dapat para maging miyembro ng Samahan Para sa Maliliit na Tao, ulat ng Süddeutsche Zeitung. Si Sabine Popp, isa sa miyembro, ay nayayamot na siya’y bansagang unano o isang Lilliputian. “Kami’y totoong mga tao, hindi mga tauhan ng kuwentong engkantada,” aniya. Araw-araw ang buhay ay maaaring maging isang obstacle course para sa maliliit na tao, yamang ang mga bagay na gaya ng mga buton sa elebeytor, swits ng ilaw, makinarya sa tiket, at mga hawakan sa pinto ay kalimitang nakalagay nang napakataas anupat hindi nila ito maabot. Isa pa, ang mga problema na kinakaharap ng maliliit na tao ay hindi lamang pisikal. Si Harald Berndt, tagapangulo ng samahan, ay naghihinanakit na ang lipunan sa pangkalahatan ay hindi kumikilala sa kanilang mga kakayahan. “Ang maliliit na tao ay nakagagawa ng mabubuting bagay sa kabila ng kanilang laki,” paliwanag niya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share