Pagmamasid sa Daigdig
Pangkukulam sa Gitna ng mga Takas
Ang mga takas mula sa nagdidigmaang Rwanda ay sinasalot ng isa pang problema sa kanilang mga kampo sa Ngara, hilagang bahagi ng Tanzania: pangkukulam. Ayon sa paglilingkod balita na Reuters, pantanging binigyang pansin ng UNHCR (United Nations High Commissioner for Refugees) ang pangkukulam bilang isang “seryosong problema” sa mga kampo. Gabi-gabi, ayon sa tagapagsalita ng UNHCR na si Chris Bowers, dalawa o tatlo katao ang napapatay sa mga ritwal ng kulto. Ganito ang paliwanag niya: “Batid namin na ang pangkukulam ay nasasangkot sapagkat nasusumpungan naming putul-putol ang mga bangkay sa isang pantanging paraan.” Noong dakong huli ng 1994, mga 580,000 katao ang nakatira sa mga kampo ng Ngara, na may 2,000 bagong dumarating na takas araw-araw. Sinipi ng Reuters ang isa sa pinagmulan ng impormasyon ng UN na ganito ang sabi: “Lumalaganap ang pangkukulam at hindi namin alam kung paano pakikitunguhan ito.”
Mga Paring “Diskonektado”
Ang mga teleponong nabibitbit ay maaaring ang pinakakombinyenteng paraan sa komunikasyon, subalit isang obispo sa Finland ang nagpasiya na anumang bagay na labis kahit mabuti ay nakasasama rin. Ayon sa Reuters, iginiit ng obispo na “ang nabibitbit na telepono ay dapat maglingkod, hindi mang-alipin, sa gumagamit nito” at nag-utos sa mga manggagawa sa simbahan at mga ministro na ihinto ang kanilang paggamit ng mga kagamitang ito. Waring nakarating sa pandinig ng obispo ang mga reklamo ng mga nagsisimba—sinasagot ng ilang klero ang mga tawag sa telepono sa panahon ng serbisyo sa simbahan. Ang isa sa gayong tawag ay iniulat na dumating sa kalagitnaan ng serbisyo sa libing. Sa katulad na paraan, nagpayo ang isang magasing Katoliko sa Italya sa mga pari na huwag nilang dalhin ang kanilang mga telepono sa panahon ng pangungumpisal—pagkatapos na magreklamo ang isang babae na kaniyang narinig ang telepono ng pari na tumunog habang siya’y nangungumpisal ng kaniyang mga kasalanan.
Mabuti Para sa mga Ina—Masama Para sa mga Bata
Maraming babae ang umiinom ng pildoras na iron para sa kanilang kalusugan upang dagdagan ang dugo, subalit hindi alam ng ilan kung gaano kapanganib ang mga pildoras ding iyon sa mga bata na makaiinom ng mga ito. Ayon sa magasing Safety+Health, ang pildoras na iron ay humahantong sa nakamamatay na pagkalason sa mga bata na wala pang anim na taon ang edad. Iminungkahi ng pamahalaan ng Estados Unidos na ang lahat ng gayong mga pildoras ay ipakete nang isa-isa sa mahirap buksang plastik na pakete sa halip na sa mga bote. Kaya, sa anumang kalagayan ang mga ina ay pinapayuhan na itago ang mga pildoras na iron na hindi maaabot ng mga bata, gaya ng ginagawa nila sa ibang mga pildoras at gamot.
Dumaraming Barilan sa Hapón
Ang Hapón ay kilala bilang isa sa pinakaligtas na bansa sa daigdig. Ang taunang bilang ng pagpatay nito ay 1 lamang sa bawat 100,000 katao, samantalang ang bilang ay halos sampung ulit ang taas sa mga bansang gaya ng Thailand at sa Estados Unidos. Kaya, kamakailan ang Hapón ay nabalisa dahil sa pagdami ng pagpatay na nagsasangkot ng mga baril, ulat ng magasing Asiaweek. Mula 1990 hanggang 1993, nagkaroon ng 180 barilan sa isang taon, lahat ng ito ay nagsasangkot ng mga miyembro ng organisadong krimen. Subalit ang nakatatakot, noong 1994 ang bilang ng barilan ay dumami, at pito sa mga biktima ay ordinaryong mga mamamayan. Bagaman may mahihigpit na batas ang Hapón laban sa pribadong pagmamay-ari ng mga baril, sinabi ng pulisya na may halos 100,000 ipinagbabawal na mga baril sa bansa. Pagkatapos na mabaril ang isang doktor sa mataong istasyon ng tren, di-umano’y binaril ng isang pasyente na may sama ng loob, ganito ang sabi ng isang estudyante sa kolehiyo sa isang panayam: “Akala ko’y nangyayari lang ito sa Amerika.”
Teknolohiya at mga Palusot sa Sabbath
Sa Israel, ang pangingilin ng Sabbath sa daigdig ng makabagong teknolohiya ay naghaharap ng ilang tunay na mga hamon sa mga masugid na sumusunod sa Halakah, o sinaunang kalipunan ng Judiong batas. Halimbawa, ang mga Judiong Ortodokso ay nababahala tungkol sa pagdaan sa isang pantutop ng metal. Kapag dahil sa susi ay gumana ang pantutop, kung gayon di-sinasadya nilang napadadaloy nang lubusan ang kuryente—at ito, ayon sa kanilang pangangatuwiran, ay lumalabag sa kautusang Halakah laban sa pagsisindi ng apoy. Kaya isang organisasyon na tinatawag na Tsomet ang nagdisenyo ng isang pantutop ng metal na hindi tumutugon sa ordinaryong mga bagay gaya ng susi, sa gayon ay hindi nakagagambala sa pangingilin ng Sabbath. Gayundin naman, isa pang organisasyon ang lumutas sa problema ng mga doktor na Ortodokso na nangangailangang gumawa ng ilang rutin ng pagsusulat sa panahon ng Sabbath. Sila’y nagdisenyo ng panulat na ang dulo’y felt na ang tinta ay naglalaho pagkalipas ng ilang araw. Paano nakatutulong iyan? Ipinagbabawal ng Halakah ang pagsusulat kung Sabbath subalit binibigyan-kahulugan ang pagsusulat bilang nag-iiwan ng permanenteng marka. Sinipi ng The New York Times ang isang kilalang rabbi na may ganitong pangangatuwiran: “Kung ang [Diyos] ay lumikha ng palusot na bagay, inilagay niya ito upang gamitin.”
Nanganganib na mga Higante
Ang higanteng pawikan ng Galápagos Islands ay kilala sa buong daigdig at iniingatan bilang nanganganib malipol na uri. Kaya, kamakailan naging maliwanag na nakakaharap ng dambuhalang mga reptilyang ito ang bagong panganib. Isang buwan na nag-alab ang sunog sa Isla ng Isabela sa arkipelago ng Galápagos. Humukay ang mga tagapagligtas ng mga trintsera upang ingatan ang mahalagang populasyon ng 6,000 pawikan at inilipat pa nga ang 400 sa mga ito sa isang pantanging preserve. Ang huling hakbang ay isinagawa upang ingatan ang mga pawikan hindi mula sa mga sunog kundi sa mga tao. Ayon sa The Unesco Courier, “ang paghahanap ng pawikan, bagaman ipinagbabawal, ay waring nakaugalian na. Ang karne ng mga pawikan, lalo na ang mga babae, at ang dugo ng mga ito ay ipinalalagay na nakagagamot, liban pa sa pagiging napakakatas nito.” Natagpuan ng mga tagapagligtas ang mga labi ng 42 ng mga higanteng ito na kinain ng mga tao.
“Kamatayang Dulot ng Pamahalaan”
Ang nasa taas ay titulo ng bagong aklat ni R. J. Rummel ng University of Hawaii. Sa yugto ng walong taon, si G. Rummel ay nagtipon ng mga data mula sa “libu-libong mapagkukunan ng impormasyon” tungkol sa paksa ng bahagi ng mga pamahalaan sa pagpaslang sa mga tao sa siglong ito. Ayon sa The Honolulu Advertiser, ang aklat ay nagsasabi nang ganito: “Halos 170 milyong lalaki, babae, at mga bata ang binaril, binugbog, pinahirapan, sinaksak, sinunog, ginutom, nanigas, dinurog, o pinagtrabaho hanggang sa mamatay; inilibing nang buhay, nilunod, binitay, binomba o pinatay sa iba pang pagkarami-raming paraan ng pagpapahirap ng mga pamahalaan sa di-armado, walang-labang mamamayan at mga banyaga.” Ganito ang sabi ni Rummel: “Para bagang ang ating lahi ay sinalanta ng isang makabagong Black Plague.” “Walang ibang siglo ang nakitaan ng pagpaslang sa gayong lawak,” ulat ng pahayagan may kinalaman sa mga pagsusuri ni Rummel.
Kapaki-pakinabang na mga Bulati
“Ang mga bulati ang sekretong gamit ng India sa paghadlang sa paglitaw ng salot,” ulat ng magasing New Scientist. Kapag ang basura ay dumami, ang mga daga at ang iba pang peste na sanhi ng nakamamatay na mga sakit ay naglipana. Ngayon ang likas na uri ng malalim-humukay na bulati, Pheretima elongata, ay ginagamit upang gawing kapaki-pakinabang na abono ang basura. Nang ilagay ito sa mga basurahan, kinain ng mga bulating ito ang basura habang naggagalawan ang mga ito at nakalikha ng mabuting abono na madaling nadudurog. Ang paraang ito, na ginagamit na ngayon sa Bombay, ang nagpoproseso sa apat na toneladang dumi sa katayan ng mga hayop araw-araw. Ang awtoridad sa lugar na iyon na umaasa ngayon sa mga lugar ng sunugan at tambakan ay nagsasaalang-alang ngayon nang may interes sa kapaki-pakinabang na mga bulating ito.
Simbahan at Digmaan
Anong papel ang ginampanan ng Ortodoksong Iglesya sa Serbia sa hidwaan sa mga bansa sa Balkan? Ang katanungang iyan ang tinalakay sa kamakailang komperensiya sa gitna ng Ortodokso at Protestanteng mga lider ng simbahan mula sa Inglatera, Alemanya, Gresya, Russia, Serbia, Sweden, Switzerland, at Estados Unidos. Iniulat ng Christ in der Gegenwart, (The Contemporary Christian), isang Katolikong pahayagan na inilathala sa Alemanya, na ang mga pahayag ay inorganisa ng World Council of Churches at ginanap sa Geneva, Switzerland. Sinundan ang mga pahayag ng mga paratang na ang Ortodoksong Iglesya ng Serbia ay may kinikilingan sa digmaan, “nagbibigay ng napakalaking tulong” sa pinapanigan nito. Sa kabila ng mabibigat na paratang, ang karamihan sa komperensiya ay nagpahintulot sa Ortodoksong Iglesya sa Serbia na panatilihin nito ang pagiging miyembro sa World Council of Churches, bagaman “hindi lahat ng pagkakaiba ng opinyon [ay maaaring] malutas.”
Malaking Negosyo ang Negosyo sa Droga
“Ang negosyo ng droga sa buong daigdig,” sabi ng pahayagang The Sydney Morning Herald sa Australia, “ang naging pangalawa sa pinakamalaking kumita na negosyo sa daigdig kasunod ng negosyo sa armas, kumikita nang $US400 bilyon taun-taon at pinasasama ang sistemang pulitikal sa Asia.” Ang halaga ng salaping ito, sabi ng kalihim-panlahat ng Interpol, “ay may kapangyarihang magpasama sa halos lahat.” Ang Asia ang pinakatampok sapagkat mahigit na 80 porsiyento ng heroin sa mundo ay ginagawa sa Golden Triangle, malapit sa mga hangganan ng Myanmar, Thailand, at Laos, gayundin sa Golden Crescent ng Afghanistan at Pakistan. Ganito pa ang sabi ng pinunong opisyal ng Interpol: “Ang droga ang pangunahing paraan ng pagtustos sa terorismo.”