Mga Batong Lumilipad
NAKAKITA ka na ba ng bulalakaw na nag-aalab sa langit sa isang maaliwalas na gabi? Hindi na matatagalan at malamang ay makakikita kang muli. Ayon sa mga siyentipiko tinatalunton ng mga kuwitis na ito ng kalikasan ang mga landas nila sa himpapawid ng lupa nang halos 200,000,000 ulit sa isang araw!
Ano ba ang mga ito? Ang mga ito ay basta mga tipak ng mabato o metalikong bagay na kilala bilang mga meteoroid (bulalakaw) na nagliliyab sa puting init habang ang mga ito’y pumapasok sa atmospera ng lupa. Ang maningning na guhit ng liwanag na kanilang natunton sa kalangitan gaya ng napagmasdan sa lupa ay kilala bilang bulalakaw.
Karamihan sa bulalakaw ay lubusang nasusunog bago pa man ito makarating sa lupa, subalit ang ilan ay nakaliligtas sa matinding init at nakararating sa ibabaw ng lupa. Ang mga ito’y kilala bilang mga meteorite. Tinataya ng ilang siyentipiko na sa bawat araw mga 1,000 tonelada ng lumilipad na batong ito ang nalalaglag sa lupa.a
Ang mga pagbanggang ito ay bihirang maging panganib para sa tao, pangunahin nang dahil sa pagkaliliit ng mga lumilipad na mga batong ito. Sa katunayan, ang karamihan ng bulalakaw ay likha ng mga meteorite na kasinlaki ng butil ng buhangin. (Tingnan ang kahon, “Mga Bato na Mula sa Malayong Kalawakan.”) Subalit ano naman ang libu-libong mas malalaking bato na lumilipad sa kalawakan? Kuning halimbawa ang isa na kilala bilang Ceres, na halos 1,000 kilometro ang diyametro! At may halos 30 iba pa na kilalang bato na ang diyametro ay mas malaki pa sa 190 kilometro. Ang mas malalaking bato na ito ay aktuwal na maliliit na planeta. Tinatawag ito ng mga siyentipiko bilang mga asteroid.
Ano kung ang isa sa mga asteroid na ito ang bumangga sa lupa? Ang waring panganib na ito ay isang mahalagang dahilan kung bakit sinusuri ng mga siyentipiko ang mga asteroid. Bagaman ang karamihan sa mga asteroid ay umiikot sa pagitan ng lugar ng Mars at Jupiter, ang ilan na natunton ng mga astronomo ay talagang bumabagtas sa orbita ng lupa. Ang panganib ng banggaan ay pinagtibay ng pag-iral ng pagkalalaking hukay gaya ng Meteor Crater (kilala rin bilang Barringer Crater) malapit sa Flagstaff, Arizona, E.U.A. Ang isa sa mga teoriya ng pagkalipol ng mga dinosauro ay ang malakas na banggaan na bumago sa atmospera at nagbulusok sa lupa sa mahabang yugto ng malamig na panahon kung saan ang mga dinosauro ay hindi nakaligtas.
Ang gayong kapaha-pahamak na banggaan sa ngayon ay malamang na lumipol sa sangkatauhan. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na “mamanahin ng matuwid ang lupa at mananahan doon magpakailanman.”—Awit 37:29.
[Talababa]
a Ang pagtaya ay nagkakaiba-iba.
[Kahon sa pahina 23]
Isang Bola ng Apoy na Nakunan ng Videotape
Ang ilang meteor ay di-pangkaraniwan ang liwanag at laki. Ang mga ito’y kilala bilang mga bola ng apoy. Noong Oktubre 9, 1992, ang bola ng apoy na ipinakita sa larawan sa itaas ang gumuhit sa kalangitan sa ilang estado sa Estados Unidos. Ang bola ng apoy ay unang nakita sa West Virginia at lumitaw sa mahigit na 700 kilometrong kahabaan ng bansa. Isang piraso, tumitimbang ng 12 kilo, ang bumagsak sa isang nakaparadang kotse sa Peekskill, New York.
Ang natatanging bagay tungkol sa pangyayaring ito ay dahil sa padaplis na anggulo na paraan ng pagpasok ng meteoroid sa atmospera, isang maliwanag na bola ng apoy ang nalilikha na tumagal ng 40 segundo. Ito’y naglalaan ng di-mapapantayang pagkakataon upang makunan ito ng video, at ito’y ginawa mula sa di-kukulanging 14 na iba’t ibang anggulo. Ayon sa magasing Nature, “ito ang unang mga gumagalaw na larawan ng isang bola ng apoy mula sa natuklasang meteorite.”
Ang bola ng apoy ay nadurog sa di-kukulanging 70 piraso, na lumitaw sa ilang videotape bilang isa-isang nagliliwanag na bumabagsak na bagay. Bagaman isa lamang meteorite mula sa pangyayaring ito ang natuklasan, naniniwala ang mga siyentipiko na isa o mahigit pang mga piraso ang maaaring pumasok sa atmospera ng lupa at bumagsak sa lupa. Iyan lamang ang natira mula sa malaking meteoroid na dati’y tumitimbang ng halos 20 tonelada.
[Kahon sa pahina 24]
Mga Bato na Mula sa Malayong Kalawakan
Asteroid: Kilala rin bilang isang planetoid o isang maliit na planeta. Ang pagkaliliit na planetang ito ay naglalakbay sa isang orbita sa palibot ng araw. Ang karamihan ay may di-pantay na hugis na nagpapahiwatig na ang mga ito ay mga piraso ng minsang mas malalaking bagay.
Meteoroid: Isang maliit-liit na tipak ng metaliko o mabatong bagay na lumulutang sa kalawakan o bumabagsak sa atmospera. Inaakala ng ilang siyentipiko na ang karamihan ng mga meteoroid ay mga piraso mula sa mga asteroid na likha ng banggaan o ng mabatong labí mula sa patay nang mga kometa.
Meteor: Kapag ang meteoroid ay pumasok sa atmospera ng lupa, ang pagkikiskisan sa hangin ay nagdudulot ng matinding init at maliwanag na pagbabaga. Ang guhit ng mainit na nagbabagang gas ay pansamantalang nakikita bilang guhit ng liwanag sa kalangitan. Ang guhit ng liwanag ay kilala bilang meteor. Tinatawag ito ng marami bilang bulalakaw o nahuhulog na bituin. Ang karamihan sa mga meteor ay unang namamataan kapag ang mga ito’y halos 100 kilometro mula sa pinakaibabaw ng lupa.
Meteorite: Kung minsan ang meteoroid ay napakalaki anupat hindi ito lubusang nasusunog kapag pumasok sa ating atmospera, at bumabangga ito sa ibabaw ng lupa. Meteorite ang katawagan para sa gayong meteoroid. Ang ilan ay napakalaki at napakabigat. Isang meteorite sa Namibia, Aprika, ang tumitimbang ng mahigit sa 60 tonelada. Ang ibang malalaking meteorite na tumitimbang ng 15 tonelada o mahigit pa ay natagpuan sa Greenland, Mexico, at sa Estados Unidos.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
Ang Ida at ang Munting Buwan ito
Samantalang kinukunan ng larawan ang asteroid na nagngangalang Ida, ang sasakyang pangkalawakan na Galileo, patungo sa Jupiter, ay nakagawa ng di-inaasahang tuklas—ang unang dokumentadong halimbawa ng isang buwan na umiikot sa asteroid. Gaya ng iniulat sa Sky and Telescope, tinataya ng mga siyentipiko na ang hugis-itlog na buwan na ito, nagngangalang Dactyl, ay may sukat na 1.6 por 1.2 kilometro. Ang orbita nito ay halos 100 kilometro mula sa pinakagitna ng asteroid na Ida, na sumusukat ng 56 por 21 kilometro. Ang kulay na infrared ng mga ito ay nagpapahiwatig na kapuwa ang Ida at ang munting buwan nito ay bahagi ng pamilyang Koronis ng mga asteroid, na inaakalang mga piraso ng nag-iisa, malaking bato na sumabog dahil sa banggaan sa kalawakan.
[Credit Line]
NASA photo/JPL
[Larawan sa pahina 25]
Ang Meteor Crater, malapit sa Flagstaff, Arizona, E.U.A., ay 1,200 metro ang diyametro at 200 metro ang lalim
[Credit Line]
Kuha nina D.J.Roddy at K.Zeller, U.S. Geological Survey
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Sara Eichmiller Ruck