Pasko—Ang Pinagmulan Nito
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
MGA tatlong araw na lamang bago ang Pasko ng 1993, kinilala ni Papa John Paul II na ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi nagmumula sa Bibliya. Tungkol sa petsang Disyembre 25, inamin ng papa: “Sa araw na iyon sa sinaunang pagano, ipinagdiriwang ang kapanganakan ng ‘Di-mabihag na Araw’ upang tumapat sa winter solstice.” Paano, kung gayon, nagsimula ang Pasko? Ang papa ay nagpatuloy: “Waring makatuwiran at likas lamang sa mga Kristiyano na palitan ang kapistahang iyan ng isang pagdiriwang ng tangi at tunay na Araw, si Jesu-Kristo.”
“Sa ibang salita,” sulat ng peryodistang si Nello Ajello sa La Repubblica, “may nagpahayag na si Jesus ay isinilang sa isang haka-haka, imbento, huwad na petsa.” Kailan nagsimula ang pag-iimbentong ito ng petsa? Isang balitang inilabas mula sa Batikano ang nagsabi: “Ang kapistahan ng Pasko ay lumitaw sa kauna-unahang pagkakataon noong 354 [C.E.].”
Kumusta naman ang Enero 6, ang Epipaniya o Pista ng Tatlong Hari, na ipinagugunita ang pagdalaw ng mga Mago sa bagong silang na si Jesus? “Karamihan ng mga ebidensiya ay umaakay sa atin na maniwala na ang pagpili ng Enero 6, gaya niyaong sa Disyembre 25 para sa kapistahang Romano na nagdiriwang sa kapanganakan ni Jesus, ay naimpluwensiyahan din ng isang paganong anibersaryo,” patuloy na ulat ng balita. “Sa katunayan, sa Alexandria kapag gabi sa pagitan ng Enero 5 at 6, ipinagdiriwang ng mga pagano ang kapanganakan ng diyos Aeon (diyos ng panahon at walang-hanggan). . . . Waring nais ng Simbahan na gawing Kristiyano ang kapistahang ito.”
Hindi kailanman binigyang-karapatan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na pagsamahin ang tunay na pagsamba at paganong mga kaugalian. Bagkus, sinabi niya sa kanila na ituro ang “lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Higit pa riyan, nang harapin ng mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan, tinanong sila ni Jesus: “Bakit ninyo nilalabag ang utos ng Diyos alang-alang sa inyong tradisyon?” (Mateo 15:3, New International Version) Ang katanungang iyan ay maitatanong din sa tinatawag na mga Kristiyano na nagpapanatili ng mga kaugaliang pagano sa ngayon.