Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 12/15 p. 4-7
  • Ang Pinagmulan ng Modernong Pasko

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pinagmulan ng Modernong Pasko
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mabuway na Saligan
  • Pumasok ang Pagpapasama
  • Isang Pandaigdig na Kapistahan
  • Binago ang Pasko
  • “Ibigin Mo ang Katotohanan at Kapayapaan”
  • Pasko—Ito Ba’y Maka-Kristiyano?
    Gumising!—1988
  • Dapat Mo Bang Ipagdiwang ang Pasko?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Ang Pasko—Bakit Totoong Popular sa Hapón?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pasko—Bakit Pati sa Silangan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 12/15 p. 4-7

Ang Pinagmulan ng Modernong Pasko

PARA sa milyun-milyong tao sa buong daigdig, ang Kapaskuhan ay isang napakasayang panahon sa taon. Ito ay panahon ng saganang pagkain, malaon nang mga tradisyon, at pagsasama-sama ng pamilya. Ang kapistahan ng Pasko ay panahon din ng pagbibigayan ng mga kard at regalo ng mga magkakaibigan at magkakamag-anak.

Subalit mga 150 taon lamang ang nakalipas, ang Pasko ay isang lubhang naiibang kapistahan. Sa kaniyang aklat na The Battle for Christmas, ganito ang isinulat ng propesor sa kasaysayan na si Stephen Nissenbaum: “Ang Pasko . . . ay panahon ng labis na pag-inom na kung kailan ang mga alituntuning umuugit sa paggawi ng mga tao sa publiko ay sandaling tinatalikuran upang magbigay-daan sa walang-habas na ‘karnabal,’ isang uri ng Mardi Gras kung Disyembre.”

Para sa mga taong may mapitagang pangmalas sa Pasko, maaaring nakababahala ang paglalarawang ito. Bakit lalapastanganin ng sinuman ang isang kapistahang inaangking nagpapaalaala sa kapanganakan ng Anak ng Diyos? Baka magulat ka sa kasagutan.

Mabuway na Saligan

Buhat nang pasimulan ito noong ikaapat na siglo, lagi nang napalilibutan ng kontrobersiya ang Pasko. Halimbawa, nariyan ang isyu tungkol sa araw ng kapanganakan ni Jesus. Yamang hindi binabanggit ng Bibliya ang alinman sa araw o buwan ng kapanganakan ni Kristo, sari-saring petsa ang iminungkahi. Noong ikatlong siglo, itinapat iyon ng isang grupo ng mga Ehipsiyong teologo sa Mayo 20, samantalang mas gusto naman ng iba ang mas maagang mga petsa, gaya ng Marso 28, Abril 2, o Abril 19. Pagsapit ng ika-18 siglo, naiugnay na ang kapanganakan ni Jesus sa bawat buwan ng taon! Paano, kung gayon, napili sa wakas ang Disyembre 25?

Sumasang-ayon ang karamihan sa mga iskolar na ang Disyembre 25 ay itinalaga ng Simbahang Katoliko bilang siyang araw ng kapanganakan ni Jesus. Bakit? “Malamang na ang dahilan,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay sapagkat nais ng mga unang Kristiyano na ang petsa ay makasabay ng paganong kapistahang Romano na gumugunita sa ‘araw ng kapanganakan ng di-malupig na araw.’ ” Subalit bakit ang mga Kristiyano na buong-lupit na pinag-usig ng mga pagano sa loob ng mahigit sa dalawa at kalahating siglo ay bigla na lamang susunod sa mga umuusig sa kanila?

Pumasok ang Pagpapasama

Noong unang siglo, binabalaan ni apostol Pablo si Timoteo na pupuslit sa loob ng Kristiyanong kongregasyon “ang mga taong balakyot at mga impostor” at ililigaw ang marami. (2 Timoteo 3:13) Nagsimula ang malaking apostasyang ito pagkamatay ng mga apostol. (Gawa 20:29, 30) Pagkatapos ng umano’y pagkakumberte kay Constantino noong ikaapat na siglo, napakaraming pagano ang dumagsa sa uri ng Kristiyanismo na nangingibabaw noon. Ano ang resulta? Ganito ang sabi ng aklat na Early Christianity and Paganism: “Ang halos maliit na grupo ng talagang taimtim na mga mananampalataya ay naglaho na sa malaking pulutong ng nag-aangking mga Kristiyano.”

Napatunayan ngang totoo ang mga salita ni Pablo! Waring ang tunay na Kristiyanismo ay nilamon na ng pagpapasamang pagano. At lalung-lalo nang halata ang karumihang ito sa pagdiriwang ng mga kapistahan.

Ang totoo, ang Hapunan ng Panginoon ang siyang tanging pagdiriwang na iniutos na gawin ng mga Kristiyano. (1 Corinto 11:23-​26) Dahil sa idolatrosong mga gawain na kaugnay sa mga kapistahang Romano, hindi nakibahagi sa mga ito ang mga unang Kristiyano. Dahil dito ay dinusta ng ikatlong-siglong mga pagano ang mga Kristiyano, anupat sinabi: “Hindi kayo pumupunta sa mga palabas; hindi kayo nakikialam sa mga pampublikong pagtatanghal; tinatanggihan ninyo ang mga pampublikong bangkete, at kinasusuklaman ang mga sagradong paligsahan.” Sa kabilang dako, naghambog ang mga pagano: “Sinasamba namin ang mga diyos nang may kasayahan, mga kapistahan, mga awitan at laro.”

Pagsapit ng kalagitnaan ng ikaapat na siglo, humupa ang pagrereklamo. Paano nagkagayon? Habang parami nang paraming huwad na Kristiyano ang nakapapasok sa kawan, dumarami rin ang apostatang mga ideya. Humantong ito sa mga pakikipagkompromiso sa sanlibutang Romano. Bilang komento tungkol dito, ganito ang sabi ng aklat na The Paganism in Our Christianity: “Isang tiyak na patakarang Kristiyano na palitan ang mga kapistahang pagano na napamahal sa mga tao sa pamamagitan ng tradisyon, at bigyan ang mga ito ng Kristiyanong kahulugan.” Oo, namiminsala na ang malaking apostasya. Ang pagiging handa ng mga tinaguriang Kristiyano na tanggapin ang mga paganong pagdiriwang ngayon ay nagdulot ng isang antas ng pagsang-ayon sa loob ng komunidad. Hindi nagtagal, ang mga Kristiyano ay nagkaroon ng maraming taunang kapistahan na gaya sa mga pagano mismo. Hindi nakapagtataka, pangunahin sa mga ito ang Pasko.

Isang Pandaigdig na Kapistahan

Habang lumalaganap sa buong Europa ang nangingibabaw na uri ng Kristiyanismo, kasama rin nitong lumaganap ang Pasko. Tinanggap ng Simbahang Katoliko ang pangmalas na angkop lamang na panatilihin ang isang masayang kapistahan bilang pagpaparangal sa araw ng kapanganakan ni Jesus. Kaya naman, noong 567 C.E., ang Konseho ng Tours ay “nagpahayag na isang sagrado at masayang panahon ang 12 araw mula Pasko hanggang Epifania.”​—The Catholic Encyclopedia for School and Home.

Di-nagtagal at makikita sa Pasko ang maraming katangian ng sekular na mga kapistahan sa pag-aani sa hilagang Europa. Ang pagsasaya ay nanatiling mas pangkaraniwan kaysa sa kabanalan habang nagpapakasasa sa katakawan at paglalasing ang mga nagkakatuwaan. Sa halip na tuligsain ang mahalay na paggawi, sinang-ayunan ito ng simbahan. (Ihambing ang Roma 13:13; 1 Pedro 4:3.) Noong 601 C.E., sumulat si Gregorio I kay Mellitus, ang kaniyang misyonero sa Inglatera, anupat sinabi sa kaniya na “huwag pigilin ang gayong sinaunang paganong mga kapistahan, kundi ibagay ang mga ito sa mga seremonya ng Simbahan, na pinapalitan lamang ang dahilan ng pagdiriwang sa mga ito mula sa pagano tungo sa Kristiyanong layunin.” Gayon ang ulat ni Arthur Weigall, na dating inspektor heneral ng mga sinaunang bagay para sa pamahalaan ng Ehipto.

Noong Edad Medya, nadama ng mga taong palaisip sa pagbabago ang pangangailangang magsalita laban sa gayong mga kalabisan. Nagpalabas sila ng maraming dekreto laban “sa mga pagmamalabis sa pagkakatuwaan kung Pasko.” Ganito ang sabi ni Dr. Penne Restad, sa kaniyang aklat na Christmas in America​—A History: “Idiniin ng ilang klerigo na ang di-sakdal na sangkatauhan ay nangangailangan ng isang panahon ng kawalang-pagpipigil at pagmamalabis, hangga’t isinasagawa iyon sa ilalim ng nasasaklaw ng Kristiyanong pangangasiwa.” Nakaragdag lamang ito sa kalituhan. Subalit hindi na ito mahalaga sapagkat ang mga paganong kaugalian ay naihalo na nang husto sa Pasko anupat ayaw nang talikuran ito ng maraming tao. Ganito ang sinabi tungkol dito ng manunulat na si Tristram Coffin: “Ginagawa lamang ng mga tao sa pangkalahatan ang palagi na nilang ginagawa noon at hindi na gaanong pinapansin ang mga pagtatalo ng mga moralista.”

Nang magsimula nang manirahan ang mga Europeo sa Bagong Sanlibutan (Kanlurang Hemispero), ang Pasko ay isa nang kilalang kapistahan. Gayunpaman, hindi tinanggap ng mga kolonya ang Pasko. Minalas ng mga repormador na Puritano ang pagdiriwang bilang pagano at ipinagbawal ito sa Massachusetts sa pagitan ng 1659 at 1681.

Nang maalis ang pagbabawal, dumami rin ang nagdiriwang ng Pasko sa lahat ng kolonya, lalo na sa timog ng New England. Subalit kung isasaalang-alang ang kasaysayan ng kapistahan, hindi nakapagtataka na ang ilan ay mas abala sa pagkakatuwaan kaysa sa pagpaparangal sa Anak ng Diyos. Ang isang kaugalian kung Pasko na lalo nang nakagugulo ay yaong pag-iinuman. Ang magugulong pangkat ng mga kabataang lalaki ay pumapasok sa tahanan ng mayayamang kapitbahay at pilit na humihingi ng libreng pagkain at inumin sa paraang trick or treat. Kapag tumanggi ang maybahay, karaniwan nang siya’y pinagsasalitaan ng masama, at kung minsan ay sinisira ang kaniyang bahay.

Lumala ang mga kalagayan noong dekada ng 1820 hanggang sa punto na ang “kaguluhan sa Pasko” ay naging “isang malubhang banta sa lipunan,” sabi ni Propesor Nissenbaum. Sa mga lunsod tulad ng New York at Philadelphia, ang mayayamang may-ari ng lupa ay nagsimulang umupa ng mga guwardiya upang bantayan ang kanilang mga pag-aari. Sinasabi pa man din na inorganisa ng New York City ang una nitong propesyonal na puwersa ng pulisya bilang tugon sa isang marahas na kaguluhan noong Kapaskuhan ng 1827/28!

Binago ang Pasko

Sa ika-19 na siglo naganap ang di-mapapantayang mga pagbabago sa sangkatauhan. Nagsimulang maging mas mabilis ang paghahatid ng mga tao, kalakal, at balita habang nagkakaroon ng sistema ng mga lansangan at mga riles. Ang pagbabago sa industriya ay lumikha ng milyun-milyong trabaho, at ang mga pagawaan ay mabilis na naglabas ng patuloy na suplay ng kalakal. Ang industriyalisasyon ay nagharap din ng bago at masalimuot na mga suliranin sa lipunan, na sa wakas ay nakaimpluwensiya sa paraan ng pagdiriwang ng Pasko.

Matagal nang ginagamit ng mga tao ang mga kapistahan upang patibayin ang ugnayang pampamilya, at gayundin sa Pasko. Sa pamamagitan ng mapiling pagbago sa ilang mas matatandang tradisyon sa Pasko, mabisang nabago ng mga tagapagtaguyod nito ang Pasko mula sa pagiging isang magulo at tulad-karnabal na kapistahan tungo sa pampamilyang kapistahan.

Sa katunayan, noong bandang katapusan ng ika-19 na siglo, ang Pasko ay minalas na isang uri ng panlunas sa mga suliranin ng modernong pamumuhay ng mga Amerikano. “Sa lahat ng mga kapistahan,” sabi ni Dr. Restad, “ang Pasko ang siyang tamang-tamang kasangkapan para sa paghahatid ng relihiyon at relihiyosong damdamin sa tahanan at sa pagtutuwid ng mga kalabisan at kabiguan ng sanlibutan.” Idinagdag pa niya: “Ang pagreregalo, pagkakawanggawa, maging ang palakaibigang pagbabatian kung kapistahan at ang palamuti at pagkakasayahan sa isang punungkahoy na evergreen na nakaayos sa isang sala o, pagkaraan, sa bulwagan ng isang Sunday school, ay naglapit sa mga miyembro ng bawat tradisyonal na pamilya sa isa’t isa, sa simbahan, at sa lipunan.”

Katulad nito, marami sa ngayon ang nagdiriwang ng Pasko bilang isang paraan upang pagtibayin ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa at upang makatulong sa pagpapanatili ng pagkakaisa ng pamilya. Sabihin pa, hindi dapat kaligtaan ang espirituwal na aspekto. Milyun-milyong tao ang nagdiriwang ng Pasko bilang pagpaparangal sa kapanganakan ni Jesus. Baka dumadalo sila sa mga pantanging serbisyo sa simbahan, nagsasaayos sa tahanan ng mga tagpo ng Kapanganakan ni Jesus, o nananalangin ng pasasalamat kay Jesus mismo. Subalit paano ba minamalas ng Diyos ang bagay na ito? Sinasang-ayunan kaya niya ang mga bagay na ito? Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya.

“Ibigin Mo ang Katotohanan at Kapayapaan”

Nang nasa lupa si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Namuhay si Jesus ayon sa mga salitang ito. Lagi siyang nagsasalita ng katotohanan. Ganap niyang tinularan ang kaniyang Ama, si “Jehova na Diyos ng katotohanan.”​—Awit 31:5; Juan 14:9.

Sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, niliwanag ni Jehova na kinapopootan niya ang lahat ng anyo ng panlilinlang. (Awit 5:6) Dahil dito, hindi ba isang kabalintunaan na ang napakaraming bagay na may kaugnayan sa Pasko ay may bakas ng kabulaanan? Halimbawa, isipin ang kuwentong-katha tungkol kay Santa Claus. Nasubukan na ba ninyong ipaliwanag sa isang bata kung bakit mas gusto ni Santa na pumasok sa tsiminea sa halip na sa isang pinto, gaya ng malaganap na pinaniniwalaan sa maraming lupain? At paano dinadalaw ni Santa ang milyun-milyong tahanan sa loob lamang ng isang gabi? Paano naman ang tungkol sa lumilipad na reindeer? Kapag natuklasan ng isang bata na siya ay nilinlang sa paniniwalang si Santa Claus ay isang tunay na persona, hindi ba sinisira nito ang kaniyang tiwala sa kaniyang mga magulang?

Maliwanag na sinabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ang mga paganong kaugalian . . . ay naging bahagi ng Pasko.” Kung gayo’y bakit patuloy na pinananatili ng Simbahang Katoliko at iba pang simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang isang kapistahan na ang mga kaugalian ay walang Kristiyanong pinagmulan? Hindi ba ito nagpapakita ng pagpapahintulot sa mga paganong turo?

Samantalang nasa lupa ay hindi hinimok ni Jesus ang mga tao na sambahin siya. Sinabi ni Jesus mismo: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Gayundin naman, pagkatapos ng pagluwalhati kay Jesus sa langit, sinabi ng isang anghel kay apostol Juan na “sambahin mo ang Diyos,” anupat nagpapakita na walang nabago hinggil sa bagay na ito. (Apocalipsis 19:10) Umaakay ito sa tanong na, Sasang-ayunan kaya ni Jesus ang lahat ng pagsambang debosyon na iniuukol sa kaniya, hindi sa kaniyang Ama, sa Kapaskuhan?

Maliwanag, hindi talaga kapuri-puri ang mga katotohanan tungkol sa modernong Pasko. Ito ay pangunahin nang isang inimbentong kapistahan na may maraming katibayan na ito ay matatalunton sa isang masamang nakaraan. Udyok ng isang malinis na budhi kung kaya milyun-milyong Kristiyano ang nagpasiyang huwag magdiwang ng Pasko. Halimbawa, ganito ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Ryan tungkol sa Pasko: “Tuwang-tuwa ang mga tao tungkol sa ilang araw sa loob ng isang taon na ang pamilya ay nagsasama-sama at pawang maligaya. Ngunit ano ba ang lubhang natatangi tungkol dito? Lagi akong nireregaluhan ng aking mga magulang sa buong taon!” Isa pang kabataan, 12-taong-gulang, ang nagsabi: “Hindi ko nadaramang ako’y pinagkakaitan. Nakakatanggap ako ng regalo sa buong taon, hindi lamang sa isang pantanging araw na ang mga tao ay nauubligang bumili ng mga regalo.”

Pinasigla ni propeta Zacarias ang mga kapuwa Israelita na ‘ibigin ang katotohanan at kapayapaan.’ (Zacarias 8:19) Kung tayo, tulad ni Zacarias at ng iba pang tapat na mga tao noong unang panahon, ay ‘umiibig sa katotohanan,’ hindi ba dapat nating iwasan ang anumang huwad na relihiyosong pagdiriwang na lumalapastangan sa “Diyos na buháy at totoo,” si Jehova?​—1 Tesalonica 1:9.

[Larawan sa pahina 7]

“Hindi ko nadaramang ako’y pinagkakaitan. Nakakatanggap ako ng regalo sa buong taon”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share