Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Lihim ng Kaligayahan?
  • DNA at ang Dead Sea Scrolls
  • Lumalaganap na Pagbagsak ng Pamilya
  • Mga Kasalanan ng mga Ama
  • Abangan: Ang Unang Bansa sa Asia na Walang mga Kagubatan
  • “Pinagpala ang mga Saksi ni Jehova”
  • Tagapagpaganda sa mga Elepante
  • Mga Batang Biktima ng Digmaan
  • Nagkukulang na Barya
  • Pag-asa Para sa mga Biktima ng Atake sa Puso
  • Mga Ama—Kung Bakit Sila Nawawala
    Gumising!—2000
  • Dumaraming Pamilya na May Nagsosolong Magulang
    Gumising!—2002
  • Ano ang Katotohanan Hinggil sa Dead Sea Scrolls?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Garing—Gaano Kahalaga Ito?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Ang Lihim ng Kaligayahan?

Bagaman ang mga taga-Britanya ay mas malulusog at mas mayayaman kaysa noong 25 taon na nagdaan, sila ay karaniwan nang di-gaanong maligaya, ayon sa isang surbey na iniulat sa The Daily Telegraph ng London. Pinatotohanan ng isang Amerikanong sosyologo, na sumasang-ayon sa mga pagsusuring ito ng Social Trends Report mula sa Central Statistical Office, na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa “makabuluhang buhay” lakip na ang “pagtataguyod ng kapaki-pakinabang ng mga tunguhin.” Pagkatapos kapanayamin ang halos 400 katao, dalawang mananaliksik mula sa New Zealand ang nagkaroon ng gayunding konklusyon​—na ipinalalagay ng karamihan ng mga tao ang kaligayahan sa “pagpapahalaga sa kaayusan at layunin ng kanilang pag-iral.” Ang mga may-asawa at yaong mga may matinding relihiyosong mga paninindigan ay mas malamang na makaranas ng pagkakontento. May kaugnayan sa pagbagsak ng pag-aasawa at relihiyosong paniniwala sa Britanya, ang pahayagan ay nagtapos sa pagsasabing “bilang isang bansa, tayo’y magpapatuloy na higit na hindi maligaya.”

DNA at ang Dead Sea Scrolls

Kaagad na sinimulan ang pag-unawa sa sinaunang Dead Sea Scrolls pagkatapos na matuklasan ang mga ito sa disyerto ng Judea noong 1947. Hanggang sa kasalukuyan, halos 15 balumbon ang naisalin na. May natitira pang mga 10,000 piraso na kasinlaki ng hinlalaki mula sa daan-daang iba pang mga balumbon. Ang pagdikit-dikit ng mga piraso ay nakasisiphayo. Ang mga gilid ay sirang-sira na para pagdikit-dikitin pa gaya ng isang jigsaw puzzle, at yamang ang bawat piraso ay nagtataglay ng iilang titik lamang, ang mga ito ay hindi maaaring mapagsama para bigyang-kahulugan. Ngayon, ayon sa International Herald Tribune, ang siyensiya ay makatutulong. Paano? Ang pagsulat ay ginawa sa mga balat ng hayop, kaya ang pag-uuri ng DNA ang makapagpapakilala sa uri, kawan, at indibiduwal na hayop na pinagmulan ng bawat piraso. Ito, ayon sa inaasahan ng mga iskolar, ang mas magpapadali upang mauri at mapagtugma ang mga piraso.

Lumalaganap na Pagbagsak ng Pamilya

“Sa buong mundo, kapuwa sa mayayaman at mahihirap na bansa, ang kayarian ng buhay pampamilya ay sumasailalim ng matinding pagbabago,” sabi ng The New York Times, na nagkokomento sa pinakahuling ulat. “Ang kaguluhan sa pamilya ay walang kinikilalang antas sa lipunan o bansa.” Ipinakikita ng ulat, salig sa isang pagsusuri ng Population Council sa maraming bansa, ang mga kausuhang gaya ng dumaraming pagdidiborsiyo at dumaraming dalagang-ina. “Ang idea na ang pamilya ay isang matatag at nagbubuklod na yunit kung saan ang ama ang tagapaglaan sa kabuhayan at ang ina ang nagsisilbing tagapangalaga sa emosyon ay isang mitolohiya na,” sabi ni Judith Bruce, isa sa awtor ng pagsusuri. Ang pagguho ng pag-aasawa, alin sa paghihiwalay, pagpapabaya, o pagdidiborsiyo, ay mabilis na dumarami, at ang mga dalagang-ina ay nagiging karaniwan saanman. Halimbawa, kasindami ng sangkatlo ng lahat ng isinilang sa Hilagang Europa ay isinilang ng mga dalagang-ina. Itinawag-pansin ng mga mananaliksik ang “pagiging malaya ng kababaihan,” lakip na ang kanilang pangkabuhayang kalagayan at dumaraming ginagampanan sa trabaho, bilang pangunahing salik sa maraming pagbabago sa pamilya. Ang kapansin-pansing eksemsiyon sa pangkaraniwa’t pangkalahatang kausuhan ay ang Hapón, kung saan ang mga dalagang-ina at mga sambahayan ng nagsosolong magulang ay bibihira pa rin. Gayunman, tatlong-kapat ng diborsiyadong mga ama doon ay hindi nagbibigay ng suporta sa bata.

Mga Kasalanan ng mga Ama

Inamin ng Religious Affairs Ministry ng Israel na ito’y nagtatago ng lihim ng talaan ng ilang libong Judio na pinagbawalang makipag-asawa sa ibang Judio dahil sa pagiging supling ng ipinagbawal na mga pag-aasawa. Ang ilan na nagbabalak mag-asawa ay nagsabi na kanilang natuklasan lamang ito nang halos matatapos na ang mga plano nila sa pagpapakasal. Ang Ortodoksong lupon ng rabbi ang nagpapasiya. Nang ipatala nina Shoshana Hadad at Masoud Cohen ang kanilang apat-na-taóng-gulang na anak na lalaki sa Interior Ministry, natuklasan nila ang kanilang pag-aasawa ay nawalang-bisa noong 1982 “dahil sa kasalanan na nagawa ng pamilya ng asawang babae mga 2,500 taon na ang nakalipas,” ulat ng Times Union ng Albany, New York. Ganito pa ang sabi nito: “Ang kautusan ay salig sa isang makasaysayang sabi-sabi. Ipinalagay ng mga rabbi na ang malayong ninuno ni Hadad . . . ay ilegal na napakasal sa isang diborsiyada noong mga 580 B.C.” Sapol noon, walang sinuman sa pamilya ng Hadad ang pinahintulutang makipag-asawa sa kaninumang may pangalang Cohen. Ang mga Cohen ay itinuring na mga inapo ng orihinal na mga saserdote sa templo at dapat na sumunod sa pantanging mga pagbabawal. “Kung ang lolo sa tuhod ay nakagawa ng bagay na masama noong kapanahunan ng Unang Templo, kailangan ba kaming magdusa dahil dito hanggang sa ngayon?” tanong ni Shoshana. Sinabi ng Religious Affairs Ministry na ang mag-asawa ay mapapaharap din sa kriminal na mga paratang dahil sa diumanong panlilinlang sa rabbi na nagkasal sa kanila.

Abangan: Ang Unang Bansa sa Asia na Walang mga Kagubatan

Ang Pilipinas ay napapaharap sa lubusang pagkawala ng mga kagubatan, ang babala ng United Nations Development Programme (UNDP). “Ang pagdami ng populasyon at di-masupil na mga gawain ng pagpuputol ng kahoy,” ang sumisira sa parami nang paraming mga lupain na natatamnan ng mga puno sa Pilipinas. Bago ang ikalawang pandaigdig na digmaan, 60 hanggang 70 porsiyento ng bansa ang nasasaklawan ng mga kagubatan. Sa ngayon 15 porsiyento na lamang. “Sa taóng 2000,” ulat ng Update, ang newsletter ng UNDP, “ang Pilipinas ay maaaring maging ang unang bansa sa Asia na mawawalan ng lahat ng magubat at natatamnan ng puno na lupain nito.”

“Pinagpala ang mga Saksi ni Jehova”

Gaya ng maraming ibang bansa, isang iskandalo sa dugo ang sumabog sa Italya. Diumano’y libu-libong litro ng dugo ang ipinamahagi sa mga sentro ng salinan ng dugo nang walang sapat na pagsusuri o walang wastong pangkaligtasang mga hakbang ng pag-iingat ang isinagawa, sa gayo’y inihahantad ang libu-libong tao sa panganib na mahawahan ng mga sakit na gaya ng AIDS at hepatitis. Nagkokomento tungkol sa nakagigitlang kalagayan na mas inuuna pa ang kita kaysa personal na kalusugan, pinasimulan ni Luigi Pintor, editor ng pahayagang Il Manifesto sa Italya, ang kaniyang artikulo na ganito ang sabi: “Pinagpala ang mga Saksi ni Jehova, na . . . tumangging magpasalin ng dugo dahil sa relihiyosong mga kadahilanan. Habang kanilang binabasa sa ngayon ang mga pahayagan, sila lamang ang hindi kailangang mag-alala tungkol sa nagaganap . . . sa mga negosyo sa dugo at sa mga klinika na nagbebenta at nagsasalin ng dugo, plasma, at ng katulad na mga sangkap sa kanilang kapuwa.”

Tagapagpaganda sa mga Elepante

Ang mga elepante sa katimugan ng India sa estado ng Kerala ay nagbubuhat ng napakabigat, kalimitan sa kanilang mahabang pangil. Subalit marami sa elepante ay ginagamit din sa mga prusisyon sa templo at sa relihiyosong mga kapistahan. Bago pa ang mga okasyong ito, isang propesyonal na tagapagpaganda ang nag-aayos, hindi ng mukha ng mga ito, kundi ng mga pangil nito. Namana ng nag-iisang tao sa Kerala na gumagawa ng nakapapagod na gawaing ito, si P. K. Sasidharan, ang kaniyang kasanayan mula sa kaniyang lolo. Paano siya nakapagpapasiya kung gaano ang puputulin sa pangil? Ang mga kahilingan​—salig sa taas, laki, at hugis ng katawan ng elepante​—ay pinagkakaingat-ingatang lihim ng pamilya. Kung nakikipagtulungan ang hayop, gumugugol ng halos tatlong oras ang paggawa, subalit ang isang maligalig na elepante ay nagbabanta ng panganib at maaaring mangailangan ng mas mahabang oras. Maliban pa sa pampagandang mga kadahilanan, ang mga pangil ng nagtatrabahong mga elepante ay nangangailangang putulin sa tuwing ikalawang taon upang mapanatili nang tama ang haba ng mga ito para sa pagbubuhat ng mabibigat.

Mga Batang Biktima ng Digmaan

Noon, karamihan ng mga biktima ng mga digmaan ay mga sundalo. Hindi na ngayon. Sa loob ng nakalipas na sampung taon, ang mga digmaan ay bumalda at pumatay ng mas maraming bata kaysa mga sundalo. Halos dalawang milyong bata ang namatay sa mga digmaan sa nakalipas na dekada, sabi ng The State of the World’s Children 1995, isang ulat ng United Nations Children’s Fund. Ang karagdagan pang 4 hanggang 5 milyon bata ay nabalda, mahigit na 5 milyon ang sapilitang nagtungo sa mga refugee camp, at mahigit na 12 milyon ang nawalan ng tahanan. Ganito ang sabi ng ulat: “ang mga ito’y estadistika ng kahihiyan. At ipinakikita nito ang kapanglawan sa susunod na mga salinlahi at ng kanilang pakikipagpunyagi para sa katatagan at panlipunang buklod.”

Nagkukulang na Barya

“Maraming tao ang hindi man lamang humihinto upang pulutin ang mga barya sa mga panahong ito,” sabi ng isang tagapagsalita ng Royal Mint sa Britanya. Subalit hindi nag-iisa ang Britanya. Sa Estados Unidos, napakaraming barya ang nawawala o itinatapon bawat araw anupat ang mga bangko ay nauubusan. Kamakailan, ang Key Bank of New York ay nag-alok ng 55 sentimo sa sinuman na makapagdadala ng 50 barya. Bilang resulta, limang milyong barya ang nakulekta sa loob ng dalawang linggo. Sa Massachusetts isang malaking lugar ng nagpoproseso ng basura ang nakatitipon ng $1,000 araw-araw sa maliliit na halaga​—karamihan ay barya​—sa pamamagitan ng pagsasala sa mga abo, ulat ng The Sunday Times ng London.

Pag-asa Para sa mga Biktima ng Atake sa Puso

“Ipinalalagay noon na ang pagkauwi sa sakit sa puso ay hindi maiiwasan pagkatapos ng malubhang pinsala sa puso, subalit ang pinsala ay mababago ng ehersisyo,” sabi ni Dr. Peter Liu, direktor ng pananaliksik sa puso sa Toronto Hospital. Kasunod ng matagumpay na pagsusuri sa mga daga, ang mga pasyente na may sakit sa puso sa Cardiac Function Clinic ng ospital “ay pinaglalakad na unti-unting dinaragdagan ang distansiya bawat araw,” ulat ng The Globe and Mail. “Ipinakikita ng unang mga resulta na nababago ng paglalakad sa di-kukulanging isang kilometro araw-araw ang ‘palalang kalagayan’ ng sakit sa puso maging sa mga tao.” Gayunman, ang paglalakad ay dapat na may kabilisan, at ang paglalakad ay dapat isagawa na sinusubaybayan, sabi ni Dr. Liu.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share