Tubig sa London—Isang Bagong Sukat
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britanya
LONDON, ang kabiserang lunsod ng Inglatera, ay mayroon na ngayong isa sa pinakamakabagong sistema ng patubig sa daigdig. Ito’y natapos ng dalawang taon na mas maaga sa iskedyul na nagkakahalaga ng $375 milyon. Ang kadalubhasaan na natamo sa pagtatayo nito ay ikinakalakal na sa ibang mga bansa.
Bakit kailangan ang gayong pagkamahal-mahal na proyekto, at ano ang nagawa nito?
Bago Kapalit ng Luma
Ang pinakalumang water main (sentrong pinakamalaking tubo ng tubig) sa London ay itinayo noong 1838. Pagkalipas ng apatnapung taon ang tubig ay iniigib pa rin sa mga timba mula sa pampublikong poso na nasa lansangan sa mas mahihirap na lugar sa lunsod. “Ang pagbubukas ng gripo sa madaling araw ng isang taong may susi ay napakahalaga, . . . sapagkat kapag umalis na ang may karapatan sa susi wala ni isa mang tulo ng tubig ang makukuha hanggang sa susunod na umaga,” sabi ng isang manunulat.
Napakagaling ng ginawa ng mga inhinyero noong panahong Victoria nang kanilang paabutin ang panustos na tubig sa bawat bahay, anupat naglagay ng bakal na mga water main at padaluyan na may iba’t ibang lalim sa ilalim ng mga lansangan. Gayunman, sapol noon, ang nadaragdagang dami, bigat, at pagyanig ng sasakyan, kasali na ang higit na presyon ng pagbomba na kailangan upang matiyak ang sapat na pagdaloy ng tubig sa malalayong lugar—hanggang sa 30 kilometro sa ilang kalagayan—ay nagbunga ng pagsabog ng mga tubo. Nagbunga ito ng kaguluhan sa trapiko nang sarhan ang mga lansangan para kumpunihin ang water main. Tinataya na 25 porsiyento ng lahat ng tubig na naiigib mula sa mga imbakan sa Inglatera ay naubos dahil sa mga depekto sa mga tubong naghahatid ng tubig.
Karagdagan pa, ang pangangailangan ng London para sa tubig ay tumindi pa sa nakalipas na 150 taon—mula sa 330 milyong litro hanggang sa mahigit na 2 bilyong litro bawat araw. Ang mga washing machine, dishwasher, paghuhugas ng kotse, at pagdidilig sa mga hardin kung tag-araw ang nakaragdag pa sa tuminding pangangailangan. Ang pangangailangan na pagbutihin ang suplay ng tubig sa metropolis ay naging mahigpit. Subalit ano ang maaaring gawin?
Malaking Pagpaplano
Ang pagpapalit ng lumang mga tubo sa pamamagitan ng paglalagay ng mas matitibay na tubo sa mga lansangan ding iyon ay imposible. Totoong napakalaki ng magagastos bukod pa sa kaabalahang idudulot nito sa mga taga-London. Kaya, pinag-isipan ang proyekto noong nakalipas na sampung taon ng Thames Water Ring Main. Madaragdagan nito nang malaki ang suplay ng tubig sa London. Ang proyekto ay 80 kilometro, 2.5 metro ang lapad ng tubo ng tubig, o tunel, na nakabaon sa katamtamang lalim na 40 metro sa ilalim ng lunsod at makapaghahatid ng mahigit na 1 bilyong litro ng tubig sa isang araw. Ang gayong ring main (karugtong ng sentrong pinakamalaking tubo ng tubig) ay nagpapahintulot na makontrol ang daloy sa magkabilang direksiyon, anupat ginagawang posible na masarhan ang anumang bahagi upang maimantini sa anumang oras. Ang tubig ay padadaluyin lamang sa tunel mula sa mga planta na dumadalisay sa tubig at tuwirang ibobomba sa naroroon nang mga tubong nagsusuplay, o mga imbakan ng tubig.
Bakit ang tunel, ang pinakamahaba sa Britanya, ay kailangang maging gayong kalalim? Sapagkat nasa ilalim ng London ang 12 sala-salabat na riles ng tren gayundin ang karaniwan nang dami ng mga sasakyang pampubliko, at maliwanag na hindi ito kailangang masagasaan ng tunel. Nang hindi inaasahang makaharap ng mga inhinyero ang napakalalim na mga pundasyong pilote ng isa sa mga gusali, na hindi natuklasan sa pasimula ng surbey, nabalam ang trabaho ng mahigit na sampung buwan.
Ang pagtatayo ay iniskedyul nang baitang-baitang. Walang malalaking problema ang inaasahan sa paghuhukay sa lupa ng London, subalit kinailangang iwan muna ang paggawa ng tunel sa mahigit na isang taon sa pinasisimulang lugar, ang gawing timog ng Thames sa Tooting Bec. Doon ay nalagusan ng mga gumagawa ng tunel ang suson ng buhangin na may napakalakas na presyon ng tubig, na siyang tumangay sa pambutas na makina. Upang malutas ang suliraning ito, ipinasiya ng mga kontraktor na patigasin ang lupa sa pamamagitan ng pagpapaagos ng brine solution sa temperaturang -28 digri Celsius sa mga butas. Dahil sa naglubog ng isa pang poste sa kalapit, nabutas nila ang mga bloke ng yelo upang makuha muli ang napabaong makina at magpatuloy sa pagbutas.
Dahil sa karanasang ito, nakita ng mga inhinyero ang pangangailangan na gumawa ng bagong sistema ng pagpapaletada ng semento. Nakita rin ang pangangailangan sa naiibang uri ng makina sa paggawa ng tunel na babagay sa mabuway na lupa. Ang sagot ay ang earth pressure balance machine ng Canada. Tatlo ang binili, at bilang resulta, ang bilis sa paggawa ng tunel ay nadoble na umabot sa 1.5 kilometro sa isang buwan.
Pagtatayo sa Pamamagitan ng Computer
Ang tradisyunal na pagsusurbey ng lupa sa pamamagitan ng theodolite ay isinagawa mula sa mga bubong upang masilip ang sukat na pagtatayuan ng mga poste, at ang mga resulta ay sinusuri sa elektronikong pamamaraan. Sa umpisa ang pamamaraang ito ay sapat na, subalit minsang mapasimulan ang paggawa ng tunel, paano matitiyak ang eksaktong paghahanay sa ilalim ng lupa?
Kaya, ang modernong teknolohiya ang nangasiwa sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS). Ang kagamitang ito na pansurbey ay binubuo ng isang satellite receiver na nakatutok sa sasakyang pangkalawakan ng GPS na umiikot sa lupa. Nagagawang ihambing ng kagamitan ang mga hudyat mula sa maraming umiikot na satelayt. Kapag ang mga sukat na ito ay naitugma na sa computer, ang posisyon ng lahat ng 21 poste at 580 butas ay nakikita sa kahabaan ng talunton sa mga mapa ng Ordnance Survey. Taglay ang mga impormasyong ito, ang mga gumagawa ng tunel ay napapatnubayan nang may katumpakan.
Kontrolado ng Computer
Ang pagtugon sa mga pangangailangan ng anim na milyon katao ay hindi biru-birong gawa. Ang pangangailangan ay maaaring magbagu-bago hindi lamang sa pana-panahon kundi araw-araw. Nangangailangan ito ng walang-patid na pagsubaybay upang matiyak na napananatili ang tamang presyon at kalidad ng tubig sa lahat ng panahon. Paano naging posible ang mahalagang koordinasyong ito? Sa pamamagitan ng sistema ng pagkontrol ng computer na nagkakahalaga ng $5 milyon.
Ang bawat nagbobombang poste ay kontrolado ng sarili nitong computer, at napananatili ang mababang halaga nito sa pamamagitan ng paggamit ng mura, mababa ang konsumong kuryente. Ang mga pangunahing computer sa Hampton, sa kanluran ng London, ang nagpapatakbo ng buong network. Ang mga computer ay kumukuha ng impormasyon mula sa mga kableng fiber-optic na nakapirme sa mga tubo sa pinakadingding ng tunel at itinatawid sa pamamagitan ng mga monitor ng telebisyon na naka-closed-circuit.
Ang kalidad ng tubig ay sinusuri araw-araw, linggu-linggo, at buwan-buwan. “May 60 sapilitang mga pagsusuri para sa 120 elemento sa pagsusuri ng kalidad ng tubig. Kalakip sa mga ito ang mga pag-aanalisa para sa mga elemento na gaya ng nitrate, tig-kakaunting elemento, pestisidyo, at iba pang mga kemikal na pantunaw,” paliwanag ng pahayagang The Times. Ang mga pagsukat na ito ay nagagawa na ngayon nang awtomatiko at inihahatid sa punong-tanggapan ng computer para magbigay-kahulugan at umaksiyon kung kinakailangan. Ang mga tagatikim ng tubig ay nagsasagawa rin ng paminsan-minsang mga pagtasa sa kalidad nito.
Pag-iisip sa Hinaharap
Ang kamangha-manghang gawang ito ng modernong inhinyeriya ay nakapaglalaan na ngayon ng 583 milyong litro ng maiinom na tubig sa araw-araw sa maraming tao na nakapangalat sa mahigit na 1,500 kilometro kuwadrado ng Greater London. Kapag ito’y lubusan nang gumagana, matutugunan nito ang halos 50 porsiyento ng kasalukuyang pangangailangan, anupat hindi na magigipit ang ibang pinagmumulan ng panustos.
Maging ito man ay hindi pa makasasapat. Kaya ngayon pa lamang ay isinasagawa na ang mga plano upang mapaabot pa ng 60 kilometro ang ring main sa pasimula ng susunod na siglo. Tunay nga na isang napakagaling na solusyon sa isang mahirap na problema!
[Dayagram sa pahina 15]
Cross section sa ilalim ng London, na ipinakikita ang water main sa ilalim ng iba pang ginagamit na tunel
S
Bagong water main at mga poste
Ilog Thames
Mga tunel para sa riles ng tren sa ilalim ng lupa
N
[Credit Line]
Salig sa larawan: Thames Water
[Larawan sa pahina 16]
Pagtatayo ng water main
[Credit Line]
Larawan: Thames Water
[Larawan sa pahina 17]
Makina sa paggawa ng tunel para sa water main
[Credit Line]
Larawan: Thames Water