Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/22 p. 4-7
  • Sino ang Nakatira sa Dako ng mga Espiritu?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Nakatira sa Dako ng mga Espiritu?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Si Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat
  • Mga Anghel, Makapangyarihang mga Ministro ng Diyos
  • Si Satanas at ang mga Demonyo, Mga Kaaway ng Diyos at ng Tao
  • Nasaan ang mga Ninuno?
  • Pagbabalik sa Alabok
  • Ang mga Espiritu ay Hindi Nabuhay at Namatay sa Lupa
    Espiritu ng mga Patay—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga Bang Umiiral Sila?
  • Puwede Mo Bang Makita ang mga Espiritu?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Mga Espiritung Nilalang—Kung Paano Nila Tayo Naaapektuhan
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Ang Ating Matalik na Kaibigan ay Nasa Dako ng mga Espiritu
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/22 p. 4-7

Sino ang Nakatira sa Dako ng mga Espiritu?

ANG daigdig ay naging isang “supermarket” ng relihiyosong mga paniniwala at mga kredo. Sa Aprika lamang ay may libu-libong relihiyosong grupo, na ang bawat isa’y may sariling mga opinyon sa kung ano ang nangyayari sa dako ng mga espiritu. Subalit para sa maliwanag at makatotohanang larawan, kailangang bumaling tayo sa Bibliya. Ipinakikilala nito ang mga espiritu​—kapuwa mabuti at masama​—na nakatira sa dako ng mga espiritu. Ipinakikita rin nito kung sino ang matagumpay nating malalapitan para sa tulong at proteksiyon.

Si Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat

Itinuturo ng tradisyunal na relihiyon sa Aprika na isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat ang nangangasiwa sa mga ninuno at sa mga dibinidad. Ganito ang sabi ng aklat na African Mythology: “Walang alinlangan na halos lahat, kung hindi man lahat, ng mga tao sa Aprika ay naniniwala sa isang Kataas-taasang Persona, ang maylikha ng lahat ng bagay.” Ganito naman ang sabi ng aklat na African Religion in African Scholarship: “Yamang ang Diyos ang lubos na sumusupil sa sansinukob, lahat ng iba pang kinapal at lahat ng kapangyarihang umiiral ay dahil sa Kaniya. Taglay Niya ang lubos na awtoridad at kapangyarihan.”

Ang Bibliya ay sumasang-ayon na may Isang kataas-taasan na naghahari sa dako ng mga espiritu. Inilalarawan siya nito bilang “ang Diyos ng mga diyos at ang Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, makapangyarihan at kakila-kilabot, na hindi pinakikitunguhan ang sinuman nang may pagtatangi ni tumatanggap man ng suhol.”​—Deuteronomio 10:17.

Sa buong Aprika ay may daan-daang pangalan at mga titulo na ibinibigay sa isa na itinuturing na kataas-taasan. Gayunman, ano ba ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa banal na pangalan? Ang salmista ay sumulat: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Ang banal na pangalang ito ay lumilitaw ng mahigit na 7,000 ulit sa ulat ng Bibliya, bagaman pinalitan ito ng ilang tagapagsalin ng Bibliya ng mga titulong gaya ng “Diyos” o “Panginoon.”

Sapagkat si Jehova ay sukdulan sa kapangyarihan, maaari niya tayong tulungan. Inilalarawan niya ang kaniyang sarili bilang “isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-awa at katotohanan, na nagpapakita ng maibiging-awa sa libu-libo, nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa ano mang paraan ay hindi nagtatangi mula sa kaparusahan.”​—Exodo 34:6, 7; 1 Samuel 2:6, 7.

Mga Anghel, Makapangyarihang mga Ministro ng Diyos

Bago pa nilalang ni Jehova ang mga tao o maging ang lupa mismo, nilalang niya ang espiritung mga persona sa langit. Sinasabi ng Bibliya na nang “itatag [ng Diyos] ang lupa . . . , lahat ng [anghel na] mga anak ng Diyos ay naghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:4-7) Milyun-milyon ang mga anghel. Ang lingkod ni Jehova na si Daniel ay sumulat tungkol sa isang pangitain ng makalangit na mga bagay na doo’y nakita niya ang “sanlibong libu-libo na patuluyang nagmiministro sa [Diyos], at makasampung libo na sampung libo ang patuluyang nakatayo sa mismong harap niya.”​—Daniel 7:10.

Ang unang espiritung persona na nilalang ni Jehova ay ang isa na nakilala bilang si Jesu-Kristo. (Juan 17:5; Colosas 1:15) Bago siya nabuhay bilang isang tao sa lupa, si Jesus ay nabuhay sa langit bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang. Pagkamatay niya bilang isang tao, si Jesus ay binuhay-muli tungo sa langit, kung saan binalikan niya ang buhay bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang.​—Gawa 2:32, 33.

Si Jesus ay nagtataglay ng dakilang kapangyarihan sa langit. Sa Judas 9, si Jesus, na kilala rin bilang Miguel, ay tinatawag na “ang arkanghel,” na nangangahulugang siya ang pinuno, o pangunahing, anghel. (1 Tesalonica 4:16) Nagtataglay rin siya ng awtoridad sa lupa. Ibinigay sa kaniya ni Jehova ang “kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya.” (Daniel 7:13, 14) Sa kabila ng kaniyang malaking awtoridad, si Jesus ay nananatiling nagpapasakop sa kaniyang Ama, si Jehova.​—1 Corinto 11:3.

Bagaman ang tapat na mga anghel ay nagmiministro kay Jehova, sila rin ay nagmiministro sa mga lingkod ng Diyos sa lupa. Ang apostol Pablo ay sumulat: “Hindi ba silang lahat [mga anghel] ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?” (Hebreo 1:14) Sila’y lalo nang nababahala na matutuhan ng mga tao ang katotohanan tungkol kay Jehova. Nakita ni apostol Juan sa isang pangitain ang isang “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.’”​—Apocalipsis 14:6, 7.

Si Satanas at ang mga Demonyo, Mga Kaaway ng Diyos at ng Tao

Nakalulungkot nga, hindi lahat ng mga anghel ay naging tapat sa Diyos. Ang ilan ay naghimagsik sa kaniya, naging mga kaaway kapuwa ng Diyos at ng sangkatauhan. Ang pangunahing rebelde ay si Satanas na Diyablo.

Bagaman ikinakaila ng marami ngayon na umiiral si Satanas, walang nagkakaila na umiiral ang masama. Ang paniniwala sa masama at ang hindi paniniwala na ito ay may pinagmulan ay umaakay sa “isang di-maiiwasang problema,” sabi ng aklat na The Death of Satan. “Inaakala nating hindi na ipinagagamit ng ating kultura ang bokabularyong ito.”

Sa kabaligtaran, ang Bibliya ay may bokabularyo at ipinaliliwanag ang katotohanan tungkol sa pinagmulan ng masama. Ipinaliliwanag nito na ang mga nilalang na anghel na nilikha ni Jehova ay pawang matuwid at mabuti; hindi siya lumalang ng anumang balakyot na mga anghel. (Deuteronomio 32:4; Awit 5:4) Subalit, ang mga anghel, gaya ng mga tao, ay binigyan ng kakayahang pumili sa pagitan ng tama at mali. Ang isa sa sakdal na mga espiritung anak ay nagkaroon ng masakim na nasa na agawin ang pagsambang nararapat lamang kay Jehova. Sa gayo’y tinawag siyang Satanas, na nangangahulugang “Manlalaban.” (Ihambing ang Santiago 1:14, 15.) Si Satanas ay hindi lamang manlilinlang, gaya ng itinuturo ng ilang relihiyon sa Aprika; ni siya man ay isang “guwardiya” na nangangalaga sa regular na naghahain sa kaniya. Ipinakikilala siya ng Bibliya na talagang masama at mabalasik.

Ang iba pang anghel ay nakisama sa paghihimagsik ni Satanas sa Diyos. Ang mga demonyong anghel na ito ay mga kaaway rin ng mga tao sa lupa. Sila rin ay malisyoso at masama. Noon, pinangyari nila ang ilang mga tao na maging pipi at bulag. (Mateo 9:32, 33; 12:22) Ang iba naman, pati ang mga bata, ay pinahirapan nila ng karamdaman o pagkabaliw. (Mateo 17:15, 18; Marcos 5:2-5) Maliwanag, walang makatuwirang tao ang magnanais na magkaroon ng kaugnayan kay Satanas o sa mga demonyong iyon.

Nasaan ang mga Ninuno?

Milyun-milyong katao sa Aprika at sa ibang dako ang naniniwala na ang kamatayan ay hindi siyang wakas ng buhay kundi isa lamang pagbabago ng kalagayan, isang pagtawid sa buhay sa dako ng mga espiritu, ang tirahan kapuwa ng mga diyos at ng mga ninuno. Ang iskolar na si John Mbiti, isang eksperto sa mga relihiyon sa Aprika, ay sumulat tungkol sa paniniwala sa mga ninuno, na tinatawag niyang ang “nabubuhay na patay”: “Ito ang ‘mga espiritu’ na lubhang pinagkakaabalahan ng mga Aprikano . . . Alam nila at interesado sila sa kung ano ang nangyayari sa pamilya [sa lupa]. . . . Sila ang mga katiwala ng mga pangyayari, tradisyon, etika at gawain ng pamilya. Ang paglabag sa mga bagay na ito ay sukdulang paglabag sa mga ninuno na, sa tungkuling iyan, ay kumikilos bilang di-nakikitang pulis ng mga pamilya at mga pamayanan. Sapagkat sila’y ‘mga tao’ pa, sa gayon ang nabubuhay na patay ang pinakamagaling na pangkat ng mga tagapamagitan sa mga tao at sa Diyos: alam nila ang pangangailangan ng mga tao, sila ‘kamakailan’ ay naritong kasama ng mga tao, at kasabay nito sila’y lubusang makalalapit sa mga alulod ng pakikipagtalastasan sa Diyos.”

Gayunman, ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay? Ipinakikita nito na wala namang “nabubuhay na patay.” Ang mga tao ay alin sa buháy o patay​—hindi kailanman buháy at patay. Ang Salita ng Diyos ay nagtuturo na ang mga patay ay hindi nakaririnig, nakakakita, nakapagsasalita, o nakapag-iisip. Hindi na mababantayan ng mga patay ang mga buháy. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mga patay . . . ay walang kamalayan sa anuman . . . Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naparam na . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], na iyong pinaroroonan.” (Eclesiastes 9:5, 6, 10) “[Ang tao] ay nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:4.

Pagbabalik sa Alabok

Kung nahihirapan kang tanggapin ito, isaalang-alang kung ano ang nangyari sa unang tao, si Adan. Inanyuan ni Jehova si Adan “mula sa alabok na mula sa lupa.” (Genesis 2:7) Nang sumuway si Adan sa utos ni Jehova, ang hatol ay kamatayan. Sinabi ng Diyos sa kaniya: “Ikaw ay [babalik] sa lupa, sapagkat mula roon ikaw ay kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”​—Genesis 3:19.

Bago nilalang ni Jehova si Adan mula sa alabok, si Adan ay hindi umiiral. Kaya nang siya ay ‘bumalik sa lupa,’ muli siyang naging walang buhay, gaya ng alabok. Hindi siya tumawid sa dako ng mga espiritu ng mga ninuno. Hindi siya nagtungo sa langit o sa impiyerno. Nang mamatay siya, iyon ang wakas niya.

Gayundin ba ang nangyayari sa iba pang tao sa kamatayan? Oo, gayon nga. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Lahat [kapuwa ang mga tao at mga hayop] ay patungo sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay babalik sa alabok.” (Eclesiastes 3:20) Ang Bibliya ay nangangako na gigisingin ng Diyos ang mga taong patay tungo sa buhay sa isang lupang paraiso, subalit iyan ay sa hinaharap na panahon pa. (Juan 5:28, 29; Gawa 24:15) Samantala, hindi tayo dapat matakot sa mga patay o maghain sa kanila, yamang hindi sila makatutulong o makapipinsala sa atin.

Nais ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na iligaw ang mga tao tungkol sa kalagayan ng kanilang patay na mga ninuno, kaya itinataguyod nila ang kasinungalingan na ang mga tao ay patuloy na nabubuhay sa kabilang-buhay. Isang paraan na ginagawa nila ito ay sa pamamagitan ng huwad na mga kuwento. (1 Timoteo 4:1) Ginagamit din nila ang mga pangitain, panaginip, at mga midyum ng espiritu upang dayain ang mga tao na mag-akala na nakausap nila ang mga patay. Subalit hindi ang mga patay ang nakausap nila. Sa halip, ito ang mga demonyo na nagkukunwaring ang mga taong namatay. Iyan ang dahilan kung bakit matinding hinahatulan ni Jehova ang mga nagtatanong sa mga patay, tuwiran man o di-tuwiran, sa pamamagitan ng ibang paraan, gaya ng panghuhula.​—Deuteronomio 18:10-12.

[Larawan sa pahina 6]

Dinadaya at tinatakot ng mga demonyo ang mga tao sa pamamagitan ng mga pangitain, panaginip, at mga midyum ng espiritu

[Mga larawan sa pahina 7]

Upang iligaw ang mga tao, ang mga demonyo ay nagkukunwaring yaong mga namatay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share