Pag-aalis ng mga Maling Akala Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
SAMANTALANG nakikibahagi sa kanilang gawaing pangangaral sa bahay-bahay, nakatagpo ang dalawang Saksi ni Jehova ng isang lalaking nagsabi sa kanila na hindi siya interesado. Ang mga Saksi ay umalis nang tahimik, subalit habang naglalakad sila sa bangketa, napansin nila na sinusundan sila ng lalaki. “Sandali lang, pakisuyo!” ang sigaw ng lalaki. “Nais kong humingi ng paumanhin. Wala akong kaalam-alam tungkol sa mga Saksi, at naniniwala ako na maraming tao ang may maling akala tungkol sa inyo.”
Saka ipinakilala ng lalaki ang kaniyang sarili bilang si Renan Dominguez, ang tsirman sa programa para sa Rotary Club ng South San Francisco, California. Tinanong niya kung maaari bang magpunta sa club ang isang Saksi at magpahayag tungkol sa mga paniwala at mga gawain ng mga Saksi ni Jehova. Isang agenda ang isinaayos. Ang Saksi ay magsasalita sa loob ng 30 minuto at pagkatapos ay sasagutin ang mga tanong mula sa mga tagapakinig. Si Ernest Garrett, isang Saksi sa loob ng maraming taon sa lugar ng San Francisco, ang hiniling na magbigay ng presentasyon sa Rotary Club noong Agosto 17, 1995, at ganito ang kuwento niya:
“Nag-isip ako at nanalangin kung ano ang maaari kong sabihin sa mga miyembro ng Rotary Club, na mga lider sa negosyo at sa komunidad, gaya ng mga bangkero, abogado, at mga doktor. Nagsaliksik ako nang kaunti at nasumpungan ko na ang nailathalang layunin ng Rotary Club ay upang patibayin ang komunidad. Kaya iniharap ko ang impormasyon sa pahina 23 ng brosyur na Jehovah’s Witnesses in the Twentieth Century, na may pamagat na ‘Praktikal na Kahalagahan ng Mabuting Balita sa Inyong Komunidad.’ ”a
“Ipinaliwanag ko na ang mga Saksi ni Jehova ay isang impluwensiya sa bagay na ito. Bawat araw ng linggo, ang mga Saksi ni Jehova ay kumakatok sa mga pinto sa kanilang komunidad. Hangad nilang mahikayat ang kanilang mga kapitbahay na magkaroon ng isang matibay na pamilya—at ang matibay na yunit ng pamilya ay nagbubunga ng matibay na komunidad. Kung mas maraming indibiduwal at mga pamilya ang mahihikayat ng mga Saksi ni Jehova na mamuhay ayon sa mga simulaing Kristiyano, mababawasan ang delingkuwensiya, imoralidad, at krimen sa komunidad. Ang impormasyong ito ay tinanggap nang mainam ng mga miyembro sapagkat ito’y kasuwato ng mga tunguhin ng Rotary Club.”
“Bakit Hindi Kayo Nakikisangkot sa Pulitika?”
“Nang ang miting ay magbukas para sa mga tanong, isa sa unang katanungan ay: ‘Bakit hindi kayo nakikisangkot sa pulitika at sa pamahalaan?’ Saka idinagdag ng ginoong nagtanong nito: ‘Alam ninyo, ang Mabuting Aklat ay nagsasabi: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.” ’ Sinabi ko sa kaniya na tayo ay sumasang-ayon sa pangungusap na iyan at lubusang itinataguyod ito. Binanggit ko na ang karamihan ng mga taong narinig kong sumisipi ng kasulatang iyan ay hindi sinisipi ang natitirang bahagi nito, na nagsasabi: ‘Ibayad ninyo sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.’ (Mateo 22:21) Kaya nga, dapat tayong maghinuha na hindi lahat ng bagay ay kay Cesar. May mga bagay na sa Diyos. Nakakaharap natin ang bagay na dapat nating alamin kung ano ang mga bagay na kay Cesar at kung ano ang mga bagay na sa Diyos.
“Ipinakita ko sa kaniya na nang si Jesus ay tanungin na ‘Kaayon ba ng batas na magbayad ng pangulong buwis kay Cesar o hindi?’ hindi siya sumagot ng oo o hindi. Sinabi niya: ‘Ipakita ninyo sa akin ang baryang pangulong buwis,’ isang denaryong Romano. Siya’y nagtanong: ‘Kaninong larawan at inskripsiyon ito?’ Sinabi nila: ‘Kay Cesar.’ Pagkatapos ay sinabi niya: ‘Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar.’ (Mateo 22:17-21) Sa ibang salita, magbayad ng buwis kay Cesar sapagkat tayo’y nakakakuha ng ilang paglilingkod buhat kay Cesar at tayo’y wastong nagbabayad ng buwis para sa mga ito. Ipinaliwanag ko na ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabayad ng kanilang mga buwis at hindi nila dinadaya ang pamahalaan sa kung ano ang matuwid na nauukol dito.
“Pagkatapos ay binanggit ko na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naniniwala na utang nila ang kanilang buhay kay Cesar. Naniniwala sila na utang nila ang kanilang pagsamba sa Diyos, at matuwid nilang ibinibigay ito sa kaniya. Kaya kung ganito ang aming paninindigan, hindi namin layon na mawalan ng paggalang kay Cesar. Sinusunod namin ang lahat ng batas ni Cesar, subalit kung may pagkakasalungatan, magalang naming pinipiling sundin ang Diyos bilang pinuno sa halip na ang mga tao. Saka sinabi ng taong nagtanong nito sa harap ng grupo: ‘Hindi ko matututulan iyan!’
“Nasagot din namin ang maraming katanungan tungkol sa ating gawaing pangangaral. Marami sa mga miyembro ang lumapit pagkatapos ng miting at kinamayan ako at nagsabi na lubusang sang-ayon sila sa atin—na ang pamilya ang pundasyon ng isang matibay na komunidad. Pagkatapos ay binigyan namin ang bawat miyembro ng brosyur na Jehovah’s Witnesses in the Twentieth Century.
“Pagkatapos ng miting na ito ang tsirman sa programa, si G. Dominguez, ay tumawag sa akin sa telepono at nagtanong kung maaari ba akong magtungo sa kaniyang opisina, sapagkat marami pa siyang katanungan tungkol sa ating mga paniwala. Nagkaroon kami ng mainam na talakayan tungkol sa ilang kasulatan. Higit sa lahat gusto niyang ipaliwanag ko sa kaniya ang ating katayuan may kinalaman sa dugo. Nagsabi siya na siya mismo ay hindi magpapasalin, at na gayon na lamang ang paghanga niya sa impormasyon na ibinigay ko sa kaniya mula sa brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? anupat inanyayahan niya akong bumalik at magsalita sa mga miyembro ng club tungkol sa ating katayuan tungkol sa dugo. Inanyayahan ko ang isa pang Saksi, si Don Dahl, na sumama sa akin sa programang ito. Nagpupunta siya sa mga ospital upang ipakipag-usap ang isyu sa mga doktor kung ang mga Saksi ay magpapaopera. Magkasama, ipinaliwanag namin nang mahusay kung paano tayo nakikipagtulungan sa mga doktor at sa pangasiwaan ng ospital upang liwanagin ang ating maka-Kasulatang katayuan at upang magbigay ng matagumpay na mga mapagpipilian sa pagsasalin ng dugo.”—Levitico 17:10-12; Gawa 15:19-21, 28, 29.
‘Ibig ba Ninyong Sabihin ay Hahayaan Ninyong Mamatay ang Inyong Anak?’
“Pagkatapos ng miting isang ginoo ang lumapit at tinanong ako nang sarilinan: ‘Ibig ba ninyong sabihin ay hahayaan ninyong mamatay ang inyong anak kung siya’y naaksidente at dinala sa isang emergency room na nagdurugo nang husto?’ Tiniyak ko sa kaniya na ako ay nababahala rin, sapagkat may anak ako at siya’y namatay sa pagsabog ng eroplano sa Lockerbie, Scotland, noong 1988. Bilang sagot sa kaniyang tanong, sinabi ko muna sa kaniya na hindi ko nanaising mamatay ang aking anak.
“Hindi kami laban sa doktor, laban sa medisina, o laban sa ospital. Hindi kami gumagamot sa pamamagitan ng pananampalataya. Kailangan namin ang mga paglilingkod ng medikal na propesyon. Dapat naming ilagak ang aming tiwala sa Diyos at na nagtitiwala kami na ang kaniyang mga tagubilin sa bagay na ito tungkol sa dugo ay para sa aming walang-hanggang kabutihan. Ang Diyos ay inilalarawan sa Bibliya bilang ‘ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran.’ (Isaias 48:17) Binigyan niya ang kaniyang Anak ng kakayahang bumuhay-muli ng mga patay. Sinabi ni Jesus: ‘Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay; at bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay. Pinaniniwalaan mo ba ito?’—Juan 11:25, 26.
“Ang hinihiling lamang namin sa mga doktor ay unawain na ang aming paninindigan ay may kinalaman sa budhi at na ito ay hindi maaaring magbago. Hindi namin mababago ang bagay na ito kung paanong hindi mababago ang batas ng Diyos tungkol sa pangangalunya. Hindi tayo maaaring makipagtawaran sa Diyos at sabihin, ‘Diyos ko, may anuman bang kalagayan na doo’y maaari akong mangalunya?’ Saka ko sinabi sa lalaking ito: ‘Tinanong ninyo ako kung hahayaan ko bang mamatay ang aking anak sa pamamagitan ng pagtangging salinan siya ng dugo. Taglay ang lahat ng nararapat na paggalang, nais kong tanungin kayo kung hahayaan ba ninyong mamatay ang inyong anak sa isang paglilingkod militar ng anumang bansa?’ Karaka-raka at mariin siyang sumagot ng, ‘Oo! Sapagkat iyan ang katungkulan niya!’ Ang sabi ko: ‘Hahayaan ninyong mamatay ang inyong anak sapagkat ito ay para sa isang layunin na pinaniniwalaan ninyo. Ipahintulot ninyo sa akin ang gayunding pribilehiyo sa aking anak.’
“Isang kawili-wiling pangyayari sa lahat ng ito ay na inanyayahan kaming mag-asawa ng tsirman sa programa, si G. Dominguez, na maghapunan na kasama niya at ng kaniyang asawa. Inaakala niyang ang kaniyang asawa ay isang biktima ng maling impormasyon at ng mga maling akala tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Tama siya. Mali ang impormasyong tinanggap niya. Nagkaroon kami ng kasiya-siyang gabi, at maraming itinanong ang kaniyang asawa tungkol sa atin at sa ating gawain, na ipinahintulot niyang sagutin namin nang detalyado. Tinawagan niya ako sa telepono kinabukasan at sinabi na lubusang nasiyahan ang kaniyang asawa na makilala kaming mag-asawa at sa palagay niya kami’y napakabuting mga tao.
“Patuloy at regular akong dumadalaw kay G. Dominguez, at siya ay nagpapakita ng masidhing interes sa Bibliya. Sinabi niya sa akin: ‘Hindi ako mag-aatubiling himukin ka na makipagkita sa tsirman sa programa ng lahat ng mga Rotary Club sa dako ng Kalakhang San Francisco Bay at magpahayag sa kanilang club ng katulad ng ipinahayag mo sa aming club. Maaari mong gamitin ang pangalan ko bilang reperensiya, at kapag ako’y tinawagan, malugod kitang irerekomenda nang lubusan upang maanyayahan ka bilang panauhing tagapagsalita.’
“Ang mga Rotary Club ay internasyonal. Posible kayang tanggapin ng iba pang club sa Estados Unidos at sa buong daigdig ang mga presentasyon ng mga Saksi ni Jehova?”
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong 1989.
[Larawan sa pahina 18]
Si G. Renan Dominguez, sa kaliwa, at si Brother Ernest Garrett