Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 11/22 p. 21-23
  • Alternatibong Rock—Para sa Akin ba Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Alternatibong Rock—Para sa Akin ba Ito?
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Nakaaakit Dito?
  • Isang Babala
  • Maging Mapamili
  • Mag-ingat Laban sa Hindi Mabuting Musika!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Paano Ako Magiging Balanse sa Pakikinig ng Musika?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Talaga bang Makapipinsala sa Akin ang Musika?
    Gumising!—1993
  • Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 11/22 p. 21-23

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Alternatibong Rock​—Para sa Akin ba Ito?

“Naiuugnay ko ang aking sarili sa mga awitin tungkol sa iba’t ibang problema at mga karanasan na nakakaharap naming mga kabataan.”​—15-taóng-gulang na si George.a

“Nasa gitna ito ng pop at heavy metal.”​—19-na-taóng-gulang na si Dan.

“Bago ito. Kakaiba ito. Hindi ito ang pangkaraniwan, maramihang-ginagawang musika.”​—17-taóng-gulang na si Maria.

ALTERNATIBONG rock. Maraming kabataan ang nahihilig sa pakikinig dito. Ikinayayamot naman ito ng mga nasa hustong gulang na. At karamihan sa mga magulang marahil ay may kakaunti o walang ideya kung ano nga ba ito.

Walang alinlangan, hindi madaling ipaliwanag kung ano talaga ang alternatibong rock. Noong una, ito ang musika ng mga kabataan na ibig ang naiibang musika, isang alternatibo sa karaniwang nauusong musika na napapakinggan sa radyo. Sinasabi ng ilan na ito’y nagpasimula nang patugtugin ng lokal na mga istasyon ng radyo sa kolehiyo ang ilang talagang hindi mga kilalang banda​—mga grupo ng manunugtog na nagmamalaki mismong hindi sila nagbenta upang kumita lamang sa komersiyal na industriya ng musika. Iniwasan ng bagong sibol na ito ng mga manunugtog ang pangunahing mga kompanya ng recording at mga pamamaraan sa maramihang pagbebenta, gaya ng mga music video. Gayundin, sila’y sumulat din tungkol sa mga paksang hindi gaanong nababanggit sa mga awitin sa Top 40.

Hindi tulad ng musikang heavy metal o rap, ang alternatibong rock ay hindi laging madaling makilala o mauri. Maging ang mga dalubhasa sa industriya ng musika ay may iba’t ibang palagay sa kung ano ang alternatibong rock. Ito’y sa dahilang, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, sumasaklaw ito sa napakaraming tunog, kalooban, at damdamin. Ganito ang sabi ng isang binata: “Napakahirap uriin nito. Napakalawak ng sinasaklaw nitong musika sa ngayon.” Isa pang kabataan ang sumubok na ipaliwanag ito ng ganito: “Hindi naman ito laging maingay o malumanay, mabilis o mabagal, masigla o malungkot na musika.” Ganito pa ang inamin ng isang kabataan: “Hindi ko masabi kung gusto ko nga ang alternatibong rock dahil hindi ako sigurado kung ano ito.”

Sa paano man, ang popularidad ng alternatibong rock ay umabot sa punto na marami sa mas bantog na mga mang-aawit nito ang ipinalalagay ngayon na bahagi ng karaniwang musika. Isa pa, ang mga magulang ay hindi gaanong sumasalungat dito hindi gaya sa heavy metal o iba pang nakabibinging anyo ng rock. Kung sa bagay, iilang magulang ang waring nakaaalam kung anong mga grupo o pangalan ng album ang tinatawag na alternatibo. Magkagayon man, kailangan mong mag-ingat pagdating sa musikang ito.

Ano ang Nakaaakit Dito?

Halimbawa, isaalang-alang kung bakit maraming kabataan ang naaakit sa musikang ito. Para sa marami ito’y basta pagtulad sa kaibigan ng isa. Ito’y nagiging isang puntong mapagkakasunduan din naman sa usapan o sa mga gawain, gaya ng pagpapalitan ng mga tape o CD.

Gayunman, para sa karamihan ng mga kabataan, ang tunog at mensahe ng alternatibong rock ang nagpapangyaring maging kaakit-akit ito. Lalo na, nasusumpungan ng maraming kabataan na naiuugnay nila ang kanilang mga karanasan at damdamin sa mga sumusulat ng awitin. Tinalakay ng sunud-sunod na artikulo sa magasing Time ang paksang ito na may ganitong paliwanag: “Samantalang ang mga awiting pop ay kalimitang tungkol sa pag-ibig, ang mga liriko naman ng musikang alternatibo ay karaniwang tungkol sa masisidhing damdamin: kawalan ng pag-asa, kahalayan, kalituhan. . . . Kung ikaw ay isang tin-edyer o nasa mga edad 20, malamang na nagkaroon ng pagdidiborsiyo sa iyong pamilya. Ang alternatibong musika ay nagiging isang sound track ng emosyon, na tuwirang tumutukoy sa hindi malutas na mga problema tungkol sa pagpapabaya at kawalang-katarungan.” Kaya, ang 21-taóng-gulang na nasa kolehiyong disc jockey ay nagsabi ng ganito: “Maganda ito para sa aming magkakaibigan dahil ang aming henerasyon ay talagang walang pakialam sa mundo. Wala naman talagang pag-asang naghihintay sa amin pagkatapos naming mag-aral.”

Ang ilang kabataang Kristiyano ay nahihilig na rin sa alternatibong rock. Likas naman, ang karamihan ay umiiwas sa mas magugulo, mas mapaghimagsik, marahas, o imoral na mga awitin. Magkagayon man, ang ilang kabataang Kristiyano ay may pagtutol tungkol sa waring hindi nakapipinsalang mga awiting ito. Ganito ang sabi ng kabataang si Dan: “Ang ilan sa mga umaawit ay kilalang mga homoseksuwal at tomboy o nagdodroga, at ang kanilang mga liriko ay nagpapamalas ng kanilang istilo ng buhay.” Isa pang kabataan, na nagngangalang Jack, ang nagsabi ng ganito: “Ang ilang grupo ay may kaisipang walang nagmamalasakit sa kanila, sa kanilang mga problema, o sa kinabukasan ng mga kabataan sa ngayon, kaya ipinahahayag nila ito sa kanilang awitin. Marami ang nawawalan ng sigla o pag-asa.”

Isang Babala

Sinasabi sa atin ng Bibliya na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Kaya naman, hindi dapat makabigla sa iyo na ang musika ay isa sa ginagamit na paraan ni Satanas upang iligaw ang mga kabataan. Ang nakaraang mga artikulo sa babasahing ito at sa kasama nitong magasin, Ang Bantayan, ay paulit-ulit na nagpapakita ng totoong mga bagay na ito.b Ang mga babalang ibinigay hinggil sa musikang heavy metal at rap ay angkop din naman kung alternatibong rock ang pag-uusapan. Gaya ng sabi ng Bibliya, “ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.”​—Kawikaan 14:15.

Isang halimbawa, walang kabuluhan na sumunod sa karamihan pagdating sa iyong naiibigang musika. Pansinin ang simulaing ito ng Bibliya, na maaaring kumapit sa pagpapahintulot mo sa iba na magpasiya para sa iyo: “Hindi ba ninyo alam na kung patuloy ninyong inihaharap ang inyong mga sarili sa kaninuman bilang mga alipin upang sumunod sa kaniya, kayo ay mga alipin niya sapagkat sumusunod kayo sa kaniya?” (Roma 6:16) Para sa isang kabataang Kristiyano, ang usapin ay hindi kung ano ang kaayaaya sa mga kasama ng isa kundi kung ano “ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Isa pa, anong uri ng mga kabataan ang nahuhumaling sa alternatibong rock? Sila ba’y mga kabataan na waring masaya, timbang, at interesado sa espirituwal na mga bagay? O hindi ba’t waring ang tagapakinig nito ay pangunahin nang mga kabataang masasama ang loob, hindi maligaya, o galit pa nga?

Totoo, ang ilang kabataan na may personalidad na masaya, optimistiko ay maaaring mahumaling pa rin sa alternatibong rock. Subalit isaalang-alang ito: ang mga Kristiyano, kabataan man o may edad na, ay may isang magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila. (2 Pedro 3:13) Ipinaaalaala sa atin ni apostol Pablo ang katiyakan ng katuparan ng mga pangako ng Diyos, na nagsasabi ng ganito: “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Kung gayon, anong kapakinabangan mayroon sa pagkalantad ng iyong sarili sa mapanglaw, negatibong pangmalas sa kinabukasan na ipinahahayag ng ilang awitin ng alternatibong rock? Maaari kayang mapahina ang iyong pananampalataya ng pagiging buhos na buhos ang isip sa musika na nagpapahayag ng pagkatakot, pagkasira ng loob, at kawalang-pag-asa? Isa pa, ano ang maaaring maging epekto ng palaging pakikinig sa gayong musika sa iyong emosyonal na kalagayan?

Maging Mapamili

Hindi naman ibig sabihin nito na ang lahat ng musikang tinatawag na “alternatibo” ay nakapipinsala o nakasasama. Subalit ipagpalagay nang nalaman mo na may isang tao na lumalason sa iyo. Bagaman hindi ka hihinto sa pagkain, tiyak na susuriin mong maingat ang iyong kinakain, hindi ba? Ang pagkaalam na sinisikap ni Satanas na lasunin ang iyong pangmalas at saloobin ay dapat na magpangyaring maging maingat ka sa musikang iyong pinipili. Gaya ng sabi ng Bibliya, “ang pakinig mismo ay sumusubok ng mga salita, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain.” (Job 34:3) Sa halip na bulag na sumunod sa karamihan, suriing mabuti ang pinakikinggan mong musika.

Paano mo magagawa iyan? Ang kahon na may pamagat na “Isang Giya sa Pagpili ng Musika” ay may ilang nakatutulong na mga mungkahi na maaari mong subukin. Gayundin, tanungin ang iyong Kristiyanong mga magulang kung ano ang kanilang palagay sa iyong musika. (Kawikaan 4:1) Maaaring magulat ka sa kanilang mga sagot! Mangyari pa, mas nakatatanda ang iyong mga magulang kaysa sa iyo. Mauunawaan naman, maaaring hindi nila maibigan ang iyong nagugustuhang musika. Subalit kung hindi nila magustuhan ang iyong musika hanggang sa ituring nila itong masama, mahalay, o nakasusuklam, ipagwawalang-bahala mo ba ang kanilang sasabihin? Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang taong pantas ay makikinig at kukuha ng higit pang turo.”​—Kawikaan 1:5.

Isaalang-alang kung paano ka naaapektuhan ng musika. Pinangyayari ka ba nitong makadama ng pagkagalit, pagrerebelde, o panlulumo? Kung gayon nga, ito’y mga babala na hindi mo dapat ipagwalang-bahala! Bakit hindi maghanap ng musika na makapagpaparelaks o makapagpapaginhawa sa iyo o na makapagpapasaya sa iyo?

Ang kausuhan sa musika ay patuloy na nagbabago. Hindi magtatagal, ibang istilo naman ng musika ang pagkakaguluhan. Subalit huwag padadala sa mga daluyong ng pagbabagong ito. Maging matalino at mapamili pagdating sa iyong musika. Tiyakin mo na ang iyong pinakikinggan ay mabuti at kapaki-pakinabang. (Filipos 4:8) Kung gayon ang musika ay magiging makabuluhan at kasiya-siyang bahagi ng iyong buhay!

[Mga talababa]

a Ang ilan sa pangalan ay pinalitan.

b Tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na lumitaw sa Pebrero 8, Pebrero 22, at Marso 22, 1993, na mga labas ng Gumising! Tingnan din ang “Mag-ingat Laban sa Hindi Mabuting Musika!,” sa Abril 15, 1993, labas ng Ang Bantayan.

[Blurb sa pahina 22]

“Samantalang ang mga awiting pop ay kalimitang tungkol sa pag-ibig, ang mga liriko naman ng musikang alternatibo ay karaniwang tungkol sa masisidhing damdamin: kawalan ng pag-asa, kahalayan, kalituhan.”​—Magasing Time

[Kahon sa pahina 23]

Isang Giya sa Pagpili ng Musika

◆ Suriin ang pabalat ng album. Kalimitang sasabihin nito sa iyo ang maraming bagay tungkol sa musika at sa mga tumutugtog mismo. Mag-ingat sa pabalat ng album na nagtatampok ng karanasan, makademonyong sagisag, kakatwang pananamit at pag-aayos, o kawalang saplot.

◆ Isaalang-alang ang mensahe ng mga liriko. Ipakikilala nito ang mga saloobin at istilo ng buhay ng mga manunugtog. Anong mga kaisipan ang ibig nilang tanggapin mo?

◆ Ang pangkalahatang tunog ng musika ay nagpapahiwatig ng kalooban at damdamin na ibig ng mga manunugtog na taglayin mo​—kapanglawan, kagalakan, paglaban, pagkapukaw sa sekso, kapayapaan, o pagkasiphayo.

◆ Isaalang-alang ang pangkaraniwang nakikinig na naaakit sa grupo ng manunugtog. Ibig mo bang maiugnay sa grupo ng mga taong iyon at sa kanilang mga saloobin?

[Larawan sa pahina 23]

Naiuugnay ng maraming kabataan ang kanilang sarili sa mga liriko ng mga awitin sa ngayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share