Louis Pasteur—Ang Isiniwalat ng Kaniyang Gawa
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
MAAARI kayang ang buhay ay lumitaw na lamang nang kusa? Noong ika-19 na siglo, gayon nga ang inisip ng mga siyentipiko. Ipinalagay nila na kusa na lamang lumitaw ang buhay mula sa walang-buhay na bagay, nang walang pamamagitan ng maylikha.
Subalit noong gabi ng taglagas noong Abril 1864, ang mga tagapakinig na naroroon sa isang bulwagang pulungan sa Sorbonne University sa Paris ay nakarinig ng ibang bagay. Sa isang napakahusay na presentasyon sa harap ng lupon ng mga siyentipiko, matagumpay na pinasinungalingan ni Louis Pasteur, nang isa-isa, ang teoriya ng kusang paglitaw ng buhay.
Ang lektyur na ito at ang mga natuklasan sa dakong huli ay nagpangyari sa kaniya na “isa sa pinakamagagaling na siyentipiko sa daigdig,” gaya ng sabi ng The World Book Encyclopedia. Subalit bakit gumawa ng gayong impresyon ang taong ito sa mga tao noong kapanahunan niya, at paano siya naging kilala sa buong daigdig? Sa anong paraan tayo ngayon nakikinabang mula sa ilan sa kaniyang natuklasan?
Ang Unang Pananaliksik
Si Louis Pasteur ay isinilang noong 1822 sa maliit na bayan ng Dôle, sa gawing silangan ng Pransiya. Ang kaniyang ama, na nagkukulay ng balat ng hayop, ay may ambisyon para sa kaniyang anak na lalaki. Sa kabila ng kaniyang hilig sa sining, gayundin sa pagkakaroon ng tunay na artistikong talino, si Louis ay nag-aral ng siyensiya. Nagtamo pa nga siya ng titulo sa siyensiya sa edad na 25.
Ang unang pananaliksik niya ay may kinalaman sa tartaric acid, isang halo na masusumpungan sa latak na naiwan sa mga bariles ng alak. Ang mga resulta ng pananaliksik na iyan ay ginamit ng iba pang mananaliksik pagkalipas ng ilang taon upang itatag ang saligan para sa makabagong organikong kimika. Pagkatapos ay nagpatuloy si Pasteur sa pag-aaral ng mga pampakasim na elemento.
Bago pa man ang pananaliksik ni Pasteur, kilala na ang mga pampakasim na elementong gaya ng yeast. Subalit ipinalalagay na ito’y bunga ng permentasyon. Gayunman, pinatunayan ni Pasteur na ang mga pampakasim na elementong ito ay, hindi resulta ng permentasyon, kundi sa halip sanhi nito. Ipinakita niya na ang bawat uri ng pampakasim na elemento ay nagdudulot ng ibang uri ng permentasyon. Ang ulat na kaniyang inilathala hinggil dito noong 1857 ay minamalas sa ngayon bilang “ang sertipiko sa pagsilang ng microbiology.”
Mula noon, sumulong ang kaniyang gawain at mga pagtuklas. Dahil sa kaniyang katanyagan, ipinatawag siya ng mga gumagawa ng suka sa Orléans upang lutasin ang napakarami nilang teknikal na mga problema. Pinatunayan ni Pasteur na ang elementong may pananagutan sa pagbabago ng alak tungo sa pagiging suka ay ang tinatawag sa ngayon na mikroorganismo, na naroroon sa ibabaw ng likido. Sa pagtatapos ng kaniyang pananaliksik, iniharap niya sa mga gumagawa ng suka sa bayan at sa mga kilalang tao ang kaniyang bantog na “Lesson on Wine Vinegar.”
Pastyurisasyon
Ang pananaliksik ni Pasteur tungkol sa permentasyon ay nagpangyari sa kaniya na maghinuha na ang karamihan ng mga problema sa pagkasira sa industriya ng pagkain ay sanhi ng mga mikrobyo. Ang mga mikrobyo ay matatagpuan sa hangin o sa mga lalagyan na hindi nahugasang mabuti. Sinabi ni Pasteur na ang pagkasira ng mga pagkain dahil sa baktirya ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kalinisan at na ang pagkasira ng likido ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng temperaturang sa pagitan ng 50 at 60 digri Celsius sa loob ng ilang minuto. Ang paraan na ito ay unang ginamit sa alak upang maiwasan ang di-normal na permentasyon. Ang pangunahing mga mikrobyo ay napapatay nang walang gaanong pagbabago sa lasa o sa masarap na amoy nito.
Ang prosesong ito, na tinatawag na pastyurisasyon, na pinapatente ni Pasteur, ang nagpabago sa industriya ng pagkain. Sa ngayon ang pamamaraang ito ay hindi na ginagamit sa alak subalit angkop pa rin para sa maraming produktong gaya ng gatas o katas ng prutas. Gayunman, ang iba pang paraan, gaya ng pagpapakulo sa mas mataas na temperatura, ay maaari ring gawin.
Ang isa pang malaking industriya na nakinabang sa pananaliksik ni Pasteur ay ang industriya sa paggawa ng serbesa. Noong panahong iyon, napakaraming problema ang mga Pranses sa produksiyon at may napakahigpit ng kompetisyon sa mga Aleman. Pinagtuunan itong mabuti ng pansin ni Pasteur at nagpayong mabuti sa mga gumagawa ng serbesa. Sinabi niya na sila’y magbigay ng higit na pansin sa kadalisayan ng likidong nabubuo at pinaaasim upang gawing serbesa gayundin ang pangkalahatang kalinisan ng nakapaligid na hangin. Naging bigla ang tagumpay, at pagkatapos noo’y nagtamo siya ng napakaraming patente.
Ang Buhay ay Galing sa Buhay
Mula noong unang panahon, ang pinakakakatwang mga ideya ay iniharap upang ipaliwanag ang paglitaw ng mga insekto, bulati, o iba pang mga nilalang sa nabubulok na bagay. Halimbawa, noong ika-17 siglo, ipinagmalaki ng isang kimikong taga-Belgium na nakapagpalabas siya ng mga daga sa pamamagitan ng paglalagay sa isang maruming blusa sa tapayan ng trigo!
Nagkaroon ng mainitang usapan noong panahon ni Pasteur sa gitna ng mga siyentipiko. Ang salungatin ang mga tagapagtaguyod ng teoriya ng kusang paglitaw ng buhay ay isang tunay na hamon. Subalit dahil sa resulta ng kaniyang natutuhan sa kaniyang pananaliksik tungkol sa permentasyon, may pagtitiwala si Pasteur. Kaya nagsagawa siya ng mga eksperimento upang tapusin nang minsanan ang ideya tungkol sa kusang paglitaw ng buhay.
Ang kaniyang eksperimento kung saan siya’y gumamit ng prasko na may hugis ng leeg ng sisne ang isa sa pinakabantog niyang gawa. Ang isang likidong sangkap na nakahantad sa hangin na nasa praskong walang takip ay mabilis na sinira ng mga mikrobyo. Gayunman, kapag itinago sa isang prasko na ang dulo ay may hugis na tulad ng leeg ng sisne, ang likidong sangkap ding iyon ay hindi nasisira. Bakit ganito ang kalagayan?
Simple lamang ang paliwanag ni Pasteur: Kapag dumaan sa pinakaleeg na tulad ng sisne, napupunta ang baktiryang nasa hangin sa ibabaw ng bote, anupat ang hangin ay nasasala bago pa man ito makaabot sa likido. Ang mga mikrobyo na dumami sa bukas na prasko ay hindi nalikha ng kusang paglitaw dahil sa likidong sangkap kundi dinala roon ng hangin.
Upang ipakita ang kaugnayan ng hangin bilang tagapagdala ng mga mikrobyo, nagtungo si Pasteur sa Mer de Glace, isang mayelong taluktok ng Alps sa Pransiya. Sa taas na 6,000 talampakan, binuksan niya ang nakatakip na mga prasko at inihantad ang mga ito sa hangin. Mula sa 20 prasko, iisa lamang ang nasiraan ng laman. Pagkatapos ay nagtungo siya sa paanan ng Kabundukan ng Jura at inulit ang gayunding eksperimento. Dito, sa mas mababang altitud, walong prasko ang nasira ang laman. Kaya napatunayan niya na dahil sa mas malinis ang hangin sa mas mataas na altitud, hindi gaanong magkakaroon ng pagkasira.
Kumbinsidong ipinakita ni Pasteur sa pamamagitan ng gayong eksperimento na ang buhay ay magmumula lamang sa dati nang umiiral na buhay. Hindi ito kailanman iiral nang kusa na lamang, alalaong baga, sa ganang sarili lamang nito.
Paglaban sa Nakahahawang Sakit
Yamang kinakailangang may mikrobyo sa permentasyon, ipinangatuwiran ni Pasteur na totoo rin iyon sa mga sakit na nakahahawa. Pinagtibay ng kaniyang mga pagsusuri sa sakit ng uod na gumagawa ng seda, isang malubhang pang-ekonomiyang problema sa mga gumagawa ng seda sa timog ng Pransiya, na siya’y tama. Sa loob ng ilang taon, natuklasan niya ang mga sanhi ng dalawang sakit ng uod at nagharap ng mahihigpit na pamamaraan sa pagpili ng malulusog na uod na gumagawa ng seda. Ito’y nakahahadlang sa epidemya.
Habang sinusuri ang kolera sa mga ibong kinakain, napansin ni Pasteur na ang pag-aalaga ng mikrobyo na ilang buwan pa lamang ay hindi nagdulot ng sakit sa mga manok sa halip ay naingatan pa nga ang mga ito mula sa sakit. Kaya naman, natuklasan niya na magagawa niyang hindi tablan ang mga ito ng sakit sa pamamagitan ng pinahinang anyo ng mikrobyo.
Hindi si Pasteur ang unang gumamit ng pagbabakuna. Ginamit na ito ng taga-Inglaterang lalaki na si Edward Jenner bago pa sa kaniya. Subalit si Pasteur ang kauna-unahang gumamit ng aktuwal na nagdadala ng sakit sa isang pinahinang anyo sa halip na gamitin ang halos nahahawig na mikrobyo. Naging matagumpay rin siya sa pagbabakuna laban sa anthrax, isang nakahahawang sakit ng mga hayop na warm-blooded, gaya ng mga baka at tupa.
Pagkatapos nito, ginawa niya ang huli at ang pinakabantog niyang pakikipagbaka, laban sa rabis. Bagaman hindi niya natanto ito, sa pakikihamok sa rabis, nakakaharap ni Pasteur ang lubos na kakaibang larangan kaysa baktirya. Siya ngayo’y nakikipaglaban sa mga virus, isang uri na hindi niya maaaring makita sa mikroskopyo.
Noong Hulyo 6, 1885, dinala ng isang ina ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak na lalaki sa laboratoryo ni Pasteur. Kakakagat pa lamang noon sa bata ng isang asong may rabis. Sa kabila ng pagmamakaawa ng ina, nag-atubiling tulungan ni Pasteur ang batang lalaki. Hindi siya doktor at siya’y nanganganib na maparatangan ng ipinagbabawal na panggagamot. Higit pa rito, hindi pa niya nasubukang gawin ang mga pamamaraang ito sa tao. Gayunman, hiniling niya sa kaniyang kasama, si Dr. Grancher, na bakunahan ang batang lalaki. Gayon ang ginawa niya, na may mabubuting resulta. Mula sa 350 katao na ginamot sa loob ng wala pang isang taon, iisa lamang—na huli na nang dalhin—ang hindi nakaligtas.
Samantala, pinag-isipan ni Pasteur ang tungkol sa kalinisan sa ospital. Ang lagnat sa panahon ng pagsisilang ay nagdudulot ng kamatayan sa napakaraming babae taun-taon sa ospital sa panganganak sa Paris. Iminungkahi ni Pasteur ang mga pamamaraang humahadlang sa impeksiyon at ang mahigpit na alituntunin sa kalinisan, lalo na sa mga kamay. Ang mga pagsusuri sa dakong huli ng siruhanong Ingles na si Joseph Lister at ng iba pa ay nagpatunay sa katumpakan ng mga hinuha ni Pasteur.
Kapaki-pakinabang na Gawa
Si Pasteur ay namatay noong 1895. Subalit ang kaniyang gawa ay naging kapaki-pakinabang, at tayo’y nakinabang mula sa mga pitak nito maging hanggang sa ngayon. Iyan ang dahilan kung bakit siya tinawag na “tagapagtaguyod ng sangkatauhan.” Ang kaniyang pangalan ay nauugnay pa rin sa bakuna at mga pamamaraan na pangkaraniwang kinikilala na siya ang nag-imbento.
Ang L’Institut Pasteur, isang institusyon na itinatag sa Paris noong nabubuhay pa si Pasteur para sa paggamot ng mga may rabis, ang sa ngayo’y bantog na sentro para sa pagsusuri sa nakahahawang sakit. Ito’y lalo nang kilala dahil sa mga pagbabakuna nito at mga gamot—at lalo pa sapol noong 1983 nang isang pangkat ng mga siyentipiko nito, na pinangunahan ni Propesor Luc Montagnier, ang unang nakakilala sa virus ng AIDS.
Ang pagtatalo tungkol sa kusang paglitaw ng buhay, kung saan nasangkot at nagtagumpay si Pasteur, ay hindi basta naging usapan lamang ng mga siyentipiko. Ito’y higit pa sa isang kawili-wiling paksa para sa ilang siyentipiko o matatalinong tao para pag-usapan lamang nila. Ito’y may higit na kahalagahan—nagsasangkot ito ng katibayan na may kaugnayan sa pag-iral ng Diyos.
Si François Dagognet, isang pilosopong Pranses na nagpakadalubhasa sa siyensiya, ay nagsabi na ang “mga kalaban [ni Pasteur], kapuwa ang mga materyalistiko at ateista, ay naniniwala na kaya nilang patunayan na ang isang organismo na may isang selula ay maaaring magmula sa nabubulok na molekula. Pinangyari nitong tanggihan nila ang paglalang ng Diyos. Gayunman, para kay Pasteur, walang posibilidad na magkaroon ng buhay mula sa patay na bagay.”
Hanggang sa ngayon ang lahat ng katibayan mula sa mga eksperimento, kasaysayan, biyolohiya, arkeolohiya, at antropolohiya ay patuloy na nagpapamalas ng bagay na ipinakita ni Pasteur—na ang buhay ay maaari lamang magmula sa dati nang umiiral na buhay, hindi mula sa isang bagay na walang buhay. At maliwanag na ipinakikita rin ng katibayan na ang buhay ay nakapagpaparami ng “ayon sa kaniyang uri,” gaya ng ulat ng Bibliya na sinasabi sa Genesis. Ang supling ay laging “kauri,” o kaanyo, ng mga magulang.—Genesis 1:11, 12, 20-25.
Kaya, batid man o hindi, dahil sa kaniyang gawa ay nakapagbigay ng matibay na katibayan at patotoo si Louis Pasteur laban sa teoriya ng ebolusyon at sa lubusang kahalagahan ng maylikha sa buhay na lumitaw sa lupa. Ipinamalas ng kaniyang gawa ang may kapakumbabaang kinilala ng salmista: “Alamin ninyo na si Jehova ay Diyos. Siya ang lumalalang sa atin, at hindi tayo.”—Awit 100:3.
[Mga larawan sa pahina 25]
Ang aparato sa itaas ay ginamit upang pastyurisahin ang alak, patayin ang hindi kinakailangang mga mikrobyo; itinampok ito ng larawan sa ibaba
[Larawan sa pahina 26]
Pinasinungalingan ng mga eksperimento ni Pasteur ang teoriya ng kusang paglitaw ng buhay
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Lahat ng larawan sa pahina 24-6: © Institut Pasteur