Mula sa Aming mga Mambabasa
Memorya Taos puso akong nagpapasalamat sa artikulong “Maaari Mong Mapatalas ang Iyong Memorya.” (Abril 8, 1996) Noon ay sinisikap kong tandaan ang mga pangalan ng lahat ng miyembro ng aming lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova—subalit ako’y nabigo. Tumindi ang kaigtingan kamakailan nang ako’y maatasan ng Samahang Watch Tower upang maglingkod bilang isang naglalakbay na ministro. Sinagot ng artikulong ito ang aking panalangin! Dahil sa aking pagkakapit ng mga mungkahing ibinigay, nagawa kong matandaan ang mga pangalan ng mahigit sa kalahati ng aking nakilala sa walong iba’t ibang kongregasyon.
C. E. U., Nigeria
Nasumpungan ang Diyos Maraming salamat sa artikulong “Hinayaan ng Diyos na Masumpungan Namin Siya.” (Marso 22, 1996) Habang binabasa ko ito, natigib ng luha ng kagalakan ang aking mga mata dahil kina Scott at Steve Davis. Napatibay ng kanilang karanasan ang aking pasiya na kunin ang karera ng buong-panahong pagmiministro pagkatapos kong mag-aral.
G. G., Italya
Hindi pa ako kailanman nakabasa ng gayong kaganda at nakaaantig na karanasang gaya nito! Tiyak na napapangiti si Jehova nang makita niya ang dalawang kabataang lalaki na ito na nagsisikap nang husto na paglingkuran siya. Ang kanilang walang pag-iimbot na paglilingkod sa Diyos ay talagang kahanga-hanga.
J. D., Estados Unidos
Ang salaysay nina Scott at Steve tungkol sa paglilingkod sa Diyos ay totoong nakapagpapatibay. Hinanap ko rin ang Diyos sa maraming simbahan subalit hindi ako nasiyahan. Talagang ibig kong paluguran ang Diyos subalit wala akong ideya kung paano ito gawin. Gayon na lamang ang aking pasasalamat dahil sa batid ni Jehova kung ano ang nilulunggati ng aking puso! Ang paglilingkod kay Jehova ay nakapagligtas sa aking buhay at nagdulot ng kapayapaan sa akin.
D. C., Estados Unidos
Proteksiyon ng Diyos? Ako’y nanlumo nito lamang kamakailan dahil sa iniisip kong hindi nakikinig si Jehova sa aking mga panalangin. Gayunman, nakatulong sa akin ang artikulong “Makaaasa ba ang mga Tunay na Kristiyano ng Proteksiyon Mula sa Diyos?” (Abril 8, 1996) na maunawaan ko na ang Diyos ay kumikilos ayon sa kaniyang mga layunin at hindi lagi sa ating mga naisin. Harinawang pagpalain kayo ni Jehova sa inyong pagsusulat ng mga artikulong nakatutulong sa amin upang maglagak ng tiwala sa kaniya.
C. A. A., Brazil
Segunda Manong Kotse Salamat sa artikulong “Kung Paano Bibili ng Segunda Manong Kotse.” (Abril 8, 1996) Kabibili lamang naming mag-asawa ng segunda manong kotse. Maganda ang kondisyon nito noong pasimula, subalit pagkalipas ng dalawang linggo ay nagsimula kaming makarinig ng mga ingay. Pagkalipas ng anim na linggo ang kotse ay nasira na nang tuluyan. Kung nalaman lamang sana namin nang patiuna ang mabuting impormasyon na ito, disin sana’y wala kaming kotseng nakatambak sa aming driveway.
M. C., Estados Unidos
Bilang isang propesyonal na teknisyan ng kotse, ibig kong magdagdag ng isang punto. Bago kayo bumili ng segunda manong kotse, suriin kung ang numero sa kaha ng kotse at ng motor ay magkatugma sa numerong nasa rehistro. Kung hindi o kung ito’y binura, maaaring bumibili ka ng isang nakaw na kotse!
M. V., Czech Republic
Salamat sa nakatutulong na mungkahi.—ED.
Walang-Usok na Tabako Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Walang Usok na Tabako—Ito ba’y Hindi Nakapipinsala?” (Abril 22, 1996) Hindi ko gaanong naintindihan ang pamagat, na nagtulak sa akin na basahin ang artikulo. Bagaman wala pa akong nalalaman na problema na gaya nito sa Togo, nakatulong sa akin ang artikulo na maunawaan ang mga uri ng problema na nararanasan ng iba sa iba’t ibang panig ng daigdig.
C. H., Togo
Gustung-gusto kong basahin ang lahat ng inyong artikulo, subalit ito ang pinakamaganda. May mga kabataan dito na gumagamit ng walang-usok na tabako, subalit nagbabala ang artikulong ito tungkol sa mga panganib. Hindi ako kailanman gagamit ng mga ito.
P. H. W., Brazil