Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 3/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Di-banal na Tubig
  • Suliranin sa Mina sa Lupa
  • Walang Matatakasan ang mga Bata
  • Ang Kontrobersiya ng Di-pag-aasawa
  • Delingkuwenteng mga Elepante
  • Ang Kauna-unahang “Hit-and-Run” na Aksidente sa Kalawakan
  • Nauna Rito ang mga Espongha
  • Pagkalugi ng mga Sugarol
  • Mga Bandidong May Bitbit na Ahas
  • Mga Nakatanim na Bomba—Tinataya ang Nagagawang Pinsala Nito
    Gumising!—2000
  • Kung Paano Sinisira ng Digmaan ang mga Bata
    Gumising!—1997
  • Garing—Gaano Kahalaga Ito?
    Gumising!—1998
  • Espongha—Simple Pero Kamangha-mangha
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 3/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Di-banal na Tubig

Nagtaka ang isang siruhano sa Ireland nang dalawang ulit na nagkaroon ng malalang impeksiyon sa mata ang isang 72-taóng-gulang na babae bago maoperahan sa katarata. Ano ang sanhi ng impeksiyon? Ang “banal” na tubig mula sa Lourdes na ipinanghihilamos niya. “Ang problema,” ang sabi ng The Irish Times, “ay na ang banal na tubig ay malimit na mahawahan ng mapanganib na baktirya.” Malamang na mas madaling nabulag ang babae dahil sa impeksiyon kung ang operasyon ay ginawa ayon sa iskedyul. Ganito pa ang sabi ng The Irish Times: “Hindi basta nakapapatay ng mikrobyo ang bendisyon. At ang pagwiwisik ng banal na tubig na nilayong makagaling, ay totoong maaaring maging sanhi ng impeksiyon na makapagsasapanganib ng buhay sa ilang kalagayan.” Ayon sa ulat, ang mga kaibigan o mga kamag-anak na may mabuting intensiyon na nagwiwisik sa iyo ng “banal” na tubig kapag nasa ospital ka ay maaaring maging ang “pinakamapanganib na bagay para sa iyong ikaliligtas.”

Suliranin sa Mina sa Lupa

“Nasumpungan ng pangglobong kampanya na ang layunin para alisin ang mga mina sa lupa sa buong mundo ay kasing-ilap ng mga mina mismo,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Walang sapat na kagamitan upang tiyakin ang ligtas na pag-aalis ng mga mina sa lupa.” Ginagamit pa rin ng mga sundalo sa ngayon ang sinaunang mga kagamitan na ginamit ng kanilang mga ninuno noong Digmaang Pandaigdig II​—tulad-patpat na instrumento at mga bakal na detektor. Subalit ang pinakabagong mga mina ay mas mahirap na matutop, yamang karamihan sa mga ito’y plastik at nakabaong kasama ng bomba at iba pang pira-piraso na maaaring pagmulan ng maraming maling alarma. Kapag nakatutop ng isang bagay ang bakal na detektor, ang isang baras na fiberglass ay maingat na ibabaon sa lupa sa isang anggulo. Ang layunin ay upang matuklasan ang mina sa pamamagitan ng pagtama sa gilid nito. Kapag ang mina ay nakabaon sa isang anggulo at natamaan ang ibabaw nito, ito’y sasabog sa mukha ng tao. Bagaman malimit na ang halaga ng mina ay wala pang $5 bawat isa, ang pag-aalis sa mga ito ay maaaring magkahalaga ng mahigit sa $1,000 bawat mina. Sa pagitan ng 1.5 milyon at 2 milyong mina ang ibinabaon sa lupa bawat taon, at mahigit na 25,000 katao​—kasali na ang maraming bata​—ang nababalda o napapatay ng mga ito.

Walang Matatakasan ang mga Bata

“Ang mga bata sa pangkalahatan ay nagiging mga biktima ng pag-aaway ng matatanda kapag naging lubusan ang digmaan: walang kinikilalang edad ang bomba at misil kapag ang mga ito’y pumapatay,” ang sabi ng The Economist. “Ang gera sibil​—na karaniwan sa mga panahong ito​—ay nagsasangkot sa kabuuan ng mga bansa. Sa ilang lugar ang mga ahensiyang tumutulong sa ngayon ay nagbibigay ng higit na atensiyon sa pag-aalis sa mga bata bilang sundalo bukod pa sa pagtutustos ng pangunahing mga pagkain. Inaasahan nila na saanman sila magpunta ay makasusumpong sila ng mga bata na kabilang sa mga takas, sugatan at patay na.” Bagaman sinasabi ng lahat na mahal nila ang mga bata, ang mga bata ang nagdurusa nang higit kailanman. Tinataya ng mga ahensiyang tumutulong na 24 na milyong bata na wala pang 18 ang edad ang napilitang umalis dahil sa digmaan noong nakaraang taon at halos 2 milyon ang napatay sa nakaraang sampung taon. Ang karagdagan pang apat na milyon hanggang limang milyon ang nabalda. “Ang epekto sa isip ay hindi masabi,” ayon sa The Economist.

Ang Kontrobersiya ng Di-pag-aasawa

“Ang Simbahang Romano Katoliko ay nawawalan ng napakaraming kuwalipikadong pari dahil sa paggiit nito sa hindi pag-aasawa ng mga pari,” ayon sa ulat na inilathala ng ENI Bulletin. Sa Fourth International Congress of Married Priests, na ginanap sa Brasília, iniulat na 100,000 paring Romano Katoliko sa buong mundo ang tumalikod sa kanilang pagkapari at nagsipag-asawa. Ayon sa dating pari na si Jorge Ponciano Ribeiro, ngayo’y isang propesor sa University of Brasília, 1 sa bawat 5 pari ang tumalikod sa kaniyang pagkapari upang mag-asawa. Ang Brazil lamang ay may 3,500 may-asawang pari. Ang sabi ni Ribeiro: “Itinatag ang di-pag-aasawa upang maiwasan ang mga problema sa pagitan ng simbahan at ng mga tagapagmana ng mga pari, at hindi dahil sa higit na maipalalaganap ang Salita ng Diyos ng mga taong hindi nakikipagtalik.”

Delingkuwenteng mga Elepante

“Tulad ng mga bata, ang mga batang elepante ay nangangailangan ng disiplina kung ibig ng mga ito na lumaking responsableng mga miyembro ng lipunan,” ang sabi ng New Scientist. “Sinasabi ng mga dalubhasa sa buhay-ilang na ang mga ulilang batang elepante sa Pilanesberg Game Reserve sa Timog Aprika ay naging delingkuwente dahil sa hindi kailanman nadisiplina ang mga ito ng matatanda.” Sinalakay ng salbaheng mga elepante ang mga tao, ginutay-gutay hanggang sa mamatay ang 19 na puting rhinoceros noong nakaraang tatlong taon, at sinubukan pa ngang sumiping sa mga rhino. Dalawang tao ang namatay, kasali na ang isang propesyonal na mangangaso na ipinadala upang barilin ang isang nananakit na elepante pagkatapos nitong tugisin ang isang grupo ng mga turista. Sa bawat pangyayari, ang delingkuwenteng hayop ay nagmula sa isang grupo ng mga lalaking elepante na dinala sa mga reserbadong lugar mula sa Kruger National Park pagkatapos na patayin ang iba sa kanilang kawan upang makontrol ang pagdami ng elepante. Bagaman maraming salik ang nagpaigting sa mga elepante, ipinalalagay ng mga siyentipiko na ang kawalan ng disiplina at pangangalaga ng mas matatandang hayop, na isang pangunahing pitak ng normal na buhay ng mga pamilyang elepante, ang bahagyang may pananagutan sa suwail na pag-uugali ng mga ito. Ngayon, ang buong mga pamilya lamang ng elepante ang ililipat upang ang mga batang elepante ay “patuloy na tumanggap ng mahigpit na pagdidisiplina ng mga magulang na kailangan ng mga ito,” ang sabi ng artikulo.

Ang Kauna-unahang “Hit-and-Run” na Aksidente sa Kalawakan

Ang kauna-unahang natiyak na aksidenteng hit-and-run sa kalawakan ay naganap mahigit na 700 kilometro sa itaas ng lupa, ang ulat ng New Scientist. Ang satelayt ng Pransiya na Cerise ay bumali-baligtad nang sumingaw ang stabilizing boom pagkatapos na banggain ng sampung-taon nang tipak ng raket na Ariane na naglalakbay sa bilis na 50,000 kilometro bawat oras sa gayunding altitud. Ang kaganapan ng gayong mga banggaan ay mabilis na dumarami taun-taon habang naiipon ang mga basura sa orbita ng lupa. Mayroon nang mahigit na 20,000 piraso ng nakilalang basura sa kalawakan ang umiikot-ikot sa globo. Samantalang ang mga nasa mababang orbita ay malimit na naalis sa pamamagitan ng likas na mga proseso, gaya ng paglawak ng atmospera, ang mga nasa matataas na orbita naman ay maaaring manatili roon sa loob ng libu-libong taon. Kapag bumangga ang mga ito sa iba pang piraso ng basura, ang mga ito’y nahahati sa mas maliliit na piraso na nakapapasok sa loob ng damit ng mga astronot o sa pananggalang ng sasakyang pangkalawakan. Kahit ang maliliit na piraso ng pinta ay maaaring makapinsala. Sa kasalukuyan, halos may 4 na satelayt na hindi na gumagana sa bawat 1 na gumagana pa sa orbit, at ang gamit nang mga raket na sumabog na sa orbit ang bumubuo sa dalampu’t limang porsiyento ng nakilalang mga basura sa kalawakan.

Nauna Rito ang mga Espongha

“Ang napakaraming matatalinong ideya ng mga tao ay natuklasan na dati nang alam ng kalikasan,” ang sabi ng The Washington Post. “Kuning halimbawa ang fiber optic. Noong 1951 ay nakagawa ang mga siyentipiko ng tulad-bubog na fiber upang makuha at maihatid ang liwanag kahit pa sa mga may kanto. Natuklasan na matagal na matagal na itong ginagawa ng mga espongha sa kailaliman ng dagat sa Ross Sea sa Antartica.” Ang gahiganteng mga espongha, na natuklasan sa tubig hanggang sa 100 talampakan ang lalim, ay may matutulis na fiber na nakausli sa mga ito na kumukuha ng liwanag at naihahatid ito, kahit sa may kantong 90 digri, sa mga lumot na potosintetiko na nasa kaloob-looban ng katawan ng espongha. Ipinakita ng mga eksperimento na ang liwanag na tumatama sa isang anggulo ay natitipon din, na nagpapahiwatig na ang mga matutulis na tusok sa tagiliran ng espongha ay may kakayahan din na makapagpapasok ng liwanag sa lumot.

Pagkalugi ng mga Sugarol

“Dinisenyo nang husto ang mga pasugalan upang ang mga may-ari nito ay hindi malugi,” ang sabi ng ekonomistang si Ricardo Gazel na taga-Brazil. “Ang bilang ng pagkakataon na mananalo ang isang sugarol ay napakaliit.” Nagbababala na ang kadaliang makapunta sa mga pasugalan ay malamang na lumikha ng mas maraming pusakal na sugarol, ganito pa ang sabi ni Gazel: “Nariyan ang nakahihibang na pag-asa na kumita ng salapi sa madaling paraan. Pinapangarap ng mga tao ang posibilidad na sa isang iglap ng suwerte, yayaman sila agad.” Isa pa, siya’y sinisipi ng Veja na ganito ang sabi hinggil sa kawalan ng saligan ng pagbatikos ng simbahan o pamahalaan: “Ang pamahalaan ang pinakamalaking establisimyento ng sugalan sa bansa. May anim na iba’t ibang uri ng loterya ang sinusuportahan ng pamahalaang pederal, puwera pa ang mga loterya ng pamahalaan. Hindi mabatikos ng simbahan ang pagiging legal ng pagsusugal dahil upang makalikom ng salapi ang mga parokya, itinataguyod ng simbahan ang bisyo sa mga basar, kung saan laging may maliliit na puwesto na ang mga miyembro ng simbahan ay natatalo sa pustahan.” Ayon kay Gazel, ‘sinasabi ng mga espesyalista na ang mga sugapang sugarol na hindi humihingi ng tulong ay nabibilanggo, nagpapatiwakal, o nasisiraan ng bait.’

Mga Bandidong May Bitbit na Ahas

Binibiktima ng mga magnanakaw ang mga nakatira sa Diriamba, isang bayan sa Nicaragua na 50 kilometro ang layo sa gawing timog ng Managua, sa pamamagitan ng mga ahas na makamandag. Gaya ng iniulat sa pahayagang El Nuevo Diario, nag-iipon ang isang gang ng mga rattlesnake sa malalapit na bukid, inaalis ang kamandag ng mga ito, at saka pagnanakawan ang mga tao habang sila’y naglalakbay sa daan sa labas ng bayan sa pamamagitan ng pananakot na ipatutuklaw sila sa ahas. Nang matauhan ang isang batang babae, na hinimatay nang kaniyang makita ang mga pangil ng ahas, na natuklasan niyang ninakaw ang kaniyang gintong kuwintas. Ninakawan din ng gang ang mga magbubukid ng mga pagkain at pera.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share