Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangang Magkasakit Ako Nang Malubha?
NANG si Jason ay 13 taóng gulang, tiniyak niya sa kaniyang sarili na balang araw siya’y maglilingkod bilang isang pambuong-panahong ministro sa Bethel, ang punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Gumawa siya ng kahoy na kahon para sa kaniyang sarili at tinawag itong kaniyang kahon ng Bethel. Nagsimula siyang mag-ipon ng mga bagay na inaakala niyang magagamit kapag nagsimula siyang maglingkod sa Bethel.
Gayunman, tatlong buwan lamang pagkatapos ng kaniyang ika-18 kaarawan, narekunusi na si Jason ay may Crohn’s disease—isang sakit sa pagdumi na hindi naglulubag ang kirot at napakasakit. “Nasiraan ako ng loob dahil dito,” ang gunita niya. “Ang nagawa ko lamang ay tumawag kay Itay sa trabaho at mag-iiyak. Alam ko na, sa paano man, ito’y nangangahulugan na mahahadlangan ang aking pangarap na mapunta sa Bethel.”
Ang sakit ay isang pangunahing dahilan kung bakit “ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Ang milyun-milyong kabataan ay kabilang sa mga maysakit. Maraming kabataan sa wakas ay bumubuti naman. Subalit kailangang batahin ng iba ang malulubhang sakit, o sa ilang kalagayan, ay nagsasapanganib ng buhay. Kalakip sa mga sakit na malimit na dinaranas ng mga kabataan ay ang hika, diyabetis, sickle-cell disease, nakahahawang sakit, epilepsiya, sakit sa isip, at kanser. Ang ilang kabataan ay nabubuhay na may napakaraming sakit.
‘Bakit Ito Nangyayari sa Akin?’
Malimit na ang sakit ay lumilikha ng kaigtingan sa isip at emosyon, huwag nang banggitin pa ang hirap ng katawan. Halimbawa, kung dahil sa sakit ay hindi ka makapasok sa paaralan sa loob ng mga buwan, hindi ka lamang mahuhuli sa mga pinag-aaralan kundi nahihiwalay ka rin sa mga tao. Nang ang 12-taóng-gulang na si Sunny ay kailangang lumiban sa paaralan dahil sa palaging pagpasok sa ospital, ganito ang kaniyang pag-aalala: ‘Ano kaya ang ginagawa ng aking mga kaeskuwela? Ano kaya ngayon ang hindi ko napag-aaralan?’
Gayundin naman, maaaring ang pagsulong sa espirituwal ay waring maapektuhan kapag napakalubha ng iyong sakit para makadalo sa Kristiyanong mga pulong o makapagbasa man lamang ng Bibliya. Sa pagkakataong ito kailangan mo ng higit na tulong sa emosyon at espirituwal. Sa simula, hindi ka makapaniniwala sa resulta ng rekunusi. Sa dakong huli, magagalit ka nang husto, marahil sa iyong sarili, anupat naiisip mo na maaari sanang naiwasan mo ang sakit. Para bang ibig mong ibulalas, ‘Bakit pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito sa akin?’ (Ihambing ang Mateo 27:46.) Ang totoo, normal na maranasan sa paano man ang panlulumo.
Karagdagan pa, baka maaaring isipin ng isang kabataan na kung siya’y higit na magsisikap, gaya ng higit na pagpapakabait, papawiin ng Diyos ang kaniyang sakit. Gayunman, ang gayong pag-iisip ay maaaring umakay sa pagkabigo, yamang ang Diyos ay hindi nangangako ng makahimalang pagpapagaling sa panahong ito.—1 Corinto 12:30; 13:8, 13.
Marahil ay umaasa kang hindi ka kailanman mamamatay—na ikaw ay buháy kapag pinasapit ng Diyos “ang malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14, 15; Juan 11:26) Kaya naman, mas nakagigitla pa kapag nalaman mong may sakit kang nagsasapanganib ng buhay. Baka maisip mo kung may nagawa kang masama kay Jehova, o baka isipin mong pinili ka ng Diyos para sa isang pantanging pagsubok sa katapatan. Gayunman, hindi ito ang tamang mga konklusyon. “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni siya mismo ay nanunubok ng sinuman,” ang sabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Santiago 1:13) Ang sakit at kamatayan ay nakalulungkot na bahagi ng kasalukuyang kalagayan ng tao, at tayong lahat ay sumasailalim ng “panahon at di-inaasahang pangyayari.”—Eclesiastes 9:11.
Pagharap sa Takot
Ang pagkakasakit nang malubha ay maaaring magdulot sa iyo ng matinding pagkatakot sa kauna-unahang pagkakataon. Itinala ng aklat na How It Feels to Fight for Your Life ang mga obserbasyon sa 14 na kabataang may malulubhang karamdaman. Halimbawa, si Anton, sampung taóng gulang, ay natatakot mamatay kapag sinusumpong ng hika. At si Elizabeth, 16, na nakikipagpunyagi sa kanser sa buto, ay natatakot matulog baka hindi na siya magising.
Subalit, ang ilang kabataan ay may kakaibang uri ng takot—ang pagkatakot na baka wala nang ibig na magpakasal sa kanila o takot na baka hindi na sila magkaroon ng malulusog na anak sa pagsapit nila sa hustong gulang. Ang ibang kabataan ay natatakot na baka mahawahan niya ng sakit ang mga miyembro ng pamilya, nakahahawa man o hindi ang sakit.
Maging kung ang sakit ay nananatili o nababawahan, anupat sumusumpung-sumpong, maaaring lumitaw muli ang takot. Kapag nadama mo ang gayong takot, alam mong ito’y totoong-totoo. Mabuti na lamang, ang unang bugso ng negatibong emosyon ay humuhupa naman sa kalaunan. Pagkatapos ay matitimbang mo ang iyong kalagayan nang mas makatuwiran.
Ang Hamon ng Pagkakasakit
“Kapag bata ka pa, nadarama mong magagawa mo ang lahat,” ang sabi ni Jason, na binanggit sa pasimula. “Pagkatapos, walang anu-ano, maiisip mo kapag nagkasakit ka nang malubha na hindi pala gayon. Pakiramdam mo’y para kang tumanda nang biglang-biglang, yamang kailangan mong maghinay-hinay.” Oo, ang pagharap sa bagong mga limitasyon ay isang hamon.
Nasumpungan ni Jason na ang isa pang malaking hamon ay dumarating kapag hindi nauunawaan ng iba ang iyong kalagayan. Si Jason ay may tinatawag na “hindi nakikitang sakit.” Ang kaniyang panlabas na hitsura ay nagbibigay ng maling akala sa problema sa loob ng katawan. “Hindi makatunaw ng pagkain ang aking katawan na dapat sana’y ginagawa nito,” ang paliwanag ni Jason, “kaya kailangan kong kumain nang malimit at mas marami akong kinakain kaysa iba. Subalit, payat pa rin ako. Isa pa, kung minsa’y pagod na pagod ako anupat ako’y nag-aantok sa bandang hapon. Subalit sinasabi ng mga tao na sa kanilang palagay ako’y umaabuso o tamad. Sasabihin nila ang gaya ng: ‘Alam mo marami ka pang magagawa. Hindi mo kasi pinagsisikapan!’ ”
Si Jason ay mayroong mas nakababatang mga kapatid na lalaki at babae na hindi laging nakauunawa kung bakit hindi na niya magawa ang dating ginagawa niya, gaya ng pakikipaglaro sa kanila ng bola. “Pero alam ko na kapag ako’y nasugatan,” ang sabi ni Jason, “tatagal ito ng mga linggo bago ako gumaling. Itinutulad nila ang kirot ng aking katawan sa kanila at sasabihin nila, ‘Dumaraing lang iyan para mapansin.’ Marahil ang pinakamakirot na nararamdaman nila ay gaya ng napilayang paa, kaya hindi nila mauunawaan kung ano ang gaya ng kirot na nadarama ko.”
Kung ang iyong sakit ay waring nagpapabigat sa iyong pamilya, maaaring pinaglalabanan mo ang paninisi sa iyong sarili. Baka makadama rin ng pagkakasala ang iyong mga magulang. “Ipinalalagay ng pareho kong mga magulang na naipamana nila ang sakit sa akin,” sabi ni Jason. “Ang mga bata ay karaniwang nakababagay sa kanilang sakit kapag ito’y natanggap na nila. Subalit mas nahihirapan ang mga magulang. Paulit-ulit silang humihingi ng tawad. Palagi kong ginagawa ang pinakamabuting magagawa ko upang maibsan ang kanilang pagkadama ng pagkakasala.”
Pagpapatingin sa Doktor—Hindi Kaayaaya
Ang patuloy na pagpapatingin sa doktor ay maaaring pagmulan ng kabalisahan. Madarama mo na para bang wala kang halaga at walang kapag-a-pag-asa. Ang pag-upo mismo sa silid-hintayan sa ospital habang hinihintay na tawagin ka ay maaaring nakatatakot. “Ang pakiramdam mo’y . . . nag-iisa ka lang at mainam sana kung may kasama ka,” ang sabi ni Joseph, 14, isang pasyenteng may sakit sa puso. Nakalulungkot naman, hindi nakakakuha ng ganiyang suporta ang ilang kabataan, maging mula sa kanilang mga magulang.
Ang medikal na mga pagsusuri ay malamang ding pumukaw ng kabalisahan. Sa totoo, ang ilang pagsusuri ay maaari talagang maging di-kaayaaya. Pagkatapos, kailangang pagtiisan mo ang nakababalisang mga araw o mga linggo habang hinihintay mo ang mga resulta. Ngunit, itanim mo sa iyong isip: Ang medikal na pagsusuri ay hindi gaya ng pagsusulit sa paaralan; ang pagkakaroon ng problema sa kalusugan ay hindi naman nangangahulugang bigo ka na.
Ang totoo, ang isang pagsusuri ay makapagbibigay ng talagang nakatutulong na impormasyon. Maipakikita nito sa iyo na ikaw ay may problema sa kalusugan na madaling gamutin. O, kung hindi man, ang pagsusuri ay makatutulong sa iyo na makita mo kung ano ang magagawa mo upang mabata ang sakit. Maipababatid pa nga nito na sa paano man ay wala kang kahina-hinalang sakit. Kaya huwag kang mag-isip nang patapos sa iyong kalagayan.
Ang labis na pag-aalala ay makapagpapahapo lamang sa iyo. Ang sabi ng Bibliya: “Ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon.” (Kawikaan 12:25) Sa halip, inaanyayahan tayo ng Diyos na sabihin sa kaniya ang ating mga ikinababalisa. Kailangan nating magtiwala na siya’y nagmamalasakit sa atin at na papatnubayan niya tayo at bibigyan ng karunungan upang mabata ang problema sa pinakamabuting paraan.—Awit 41:3, Kawikaan 3:5, 6; Filipos 4:6, 7; Santiago 1:5.
Tayo’y magiging masaya sapagkat ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay gumagawa ng paglalaang dalhin ang bagong sanlibutan ng katuwiran. Bubuhayin pa nga niyang muli ang mga namatay, magbibigay sa kanila ng pagkakataon na masiyahan sa bagong sanlibutan. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa panahong iyon: “Walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y maysakit.’ ”—Isaias 33:24.
Hanggang sa panahong iyon, kailangan mong batahin ang malubhang sakit. Gayunman, maraming praktikal na mga bagay ang maaari mong gawin upang magawa ang pinakamabuti sa iyong kalagayan. Tatalakayin namin ito sa hinaharap na artikulo.
[Larawan sa pahina 18]
Maitatanong mo, ‘Bakit pinahintulutan ng Diyos na mangyari sa akin ito?’