Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Bang Maging Pasipista ang mga Kristiyano?
“Ang simbahan ay dapat na maging pasipista muli gaya noong unang mga siglo ng Kristiyanismo.”—Hubert Butler, manunulat na taga-Ireland.
PAGKATAPOS na dumalaw sa Yugoslavia kasunod ng Digmaang Pandaigdig II, may katapangang isinulat ni Hubert Butler ang mga salita sa itaas sa isang sanaysay na isinulat noong 1947 subalit nito lamang nakaraang taon nailathala! Siya’y gulat na gulat kung paano “ang Simbahang Kristiyano noong panahon ng digmaan ay nakipagsabuwatan sa di-mailarawang mga krimen at humiwalay nang husto sa turo ni Kristo.”
Hindi takot si Butler na magsalita para sa di-kilalang mga kilusan o mga grupo. Nang gawin niya ito, nag-iisa siyang nagpahayag nito. Walang takot na nagpahayag siya nang kaniyang paghambingin ang ikinilos ng simbahan sa may kagitingang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, na inilarawan sa The Irish Times bilang “totoong pinakawalang-malay at walang kasalanan sa lahat ng relihiyosong sekta na walang pinapanigan sa pulitika.” Sa kaniyang sanaysay, “Ulat Tungkol sa Yugoslavia,” isinulat ni Butler na ang mga Saksi, na “tumanggi sa lahat ng mapandayang pangangatuwiran kung saan binigyang-katuwiran ng mga lider sa pulitika at relihiyon ang digmaan,” ay nilitis ng mga awtoridad ng Yugoslavia dahil sa kanilang pagtangging sumali sa kilusan ng digmaan.
Gayunman, wasto ba ayon sa Kasulatan na ilarawan ang mga Saksi ni Jehova bilang mga pasipista? Upang maliwanagan ang mga bagay-bagay, nakasalig ito sa kung ano ang kahulugan ng salitang “pasipista.” Ginamit ni Butler ang kataga upang papurihan ang mga Saksi dahil sa kanilang katapangan sa pagtanggi, na humawak ng sandatang pandigma, sa kabila ng matinding paghihirap. Subalit, nakalulungkot dahil sa minamalas lamang ng maraming taong nadala sa kainitan ng digmaan ang pasipista bilang “isang duwag o traidor, na sabik sa pag-iwas sa kaniyang pananagutan sa kaniyang bansa.” Tama ba ang pangmalas na iyan?
Pagtutol sa Digmaan o Karahasan
Sinasabi ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary na ang isang pasipista ay isang tao na “may katatagan at lubusang tutol sa alitan at [lalo na] sa digmaan.” Binigyang-kahulugan nito ang “pasipismo” bilang “pagtutol sa digmaan o karahasan bilang paraan ng paglutas sa mga alitan; [lalo na]: ang pagtangging humawak ng sandata dahil sa moral o relihiyosong mga kadahilanan.” Paano kakapit ang mga pangangahulugang ito sa mga mananampalataya noong sinaunang Kristiyanong kongregasyon?
Sila’y ‘tumangging humawak ng mga sandata dahil sa moral at relihiyosong mga kadahilanan’ at umiwas sa lahat ng ‘alitan at digmaan.’ Bakit? Sapagkat batid nila na sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan” at na “lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Juan 15:19; Mateo 26:52) Sa aklat na The Early Church and the World, sinabi ng isang mananalaysay na “hanggang noong pamumuno ni Marcus Aurelius mga [161-180 C.E.], walang Kristiyano ang naging sundalo pagkatapos na mabautismuhan.” Sa The New World’s Foundations in the Old, isa pa ang nagsabi: “Inaakala ng sinaunang mga Kristiyano na mali ang makipaglaban, at hindi sila naglingkod sa hukbo maging nang kailanganin ng Imperyo ang mga sundalo.”
Ang utos sa mga Kristiyano ay mangaral ng mabuting balita. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Nauunawaan nila na hindi sila pinag-utusan ng Diyos na makipagdigma laban sa kaniyang mga kaaway, kumilos bilang mga tagapagbitay ng Diyos, wika nga. (Mateo 5:9; Roma 12:17-21) Tanging kapag ang diumanong mga Kristiyano ‘ay humiwalay sa turo ni Kristo,’ gaya ng sabi ni Butler, saka sila napapasama sa digmaan ng mga bansa. Pagkatapos ay binabasbasan ng mga klero ang mga hukbo at nananalangin para sa tagumpay, malimit sa magkabilang panig ng nagdirigmaan. (Ihambing ang Juan 17:16; 18:36.) Halimbawa, noong Edad Medya ay nagkaroon ng maraming madugong digmaan ang mga Protestante at mga Katoliko, na nagbunga ng “sindak na [umabot] sa Kanlurang Europa, anupat ipinahahayag ng magkabilang panig ang kanilang mga sarili bilang mga instrumento ng galit ng Diyos,” ang sulat ni Kenneth Clark sa kaniyang aklat na Civilisation. Ang mga argumento upang bigyang-katuwiran ang uring ito ng digmaan, sabi ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature nina McClintock at Strong, “ay maliwanag na nagmula sa isang pagnanais na makipagpayapaan sa sibil na kapangyarihan, at ito’y maliwanag na salungat sa sinaunang doktrinang Kristiyano at sa buong diwa ng Ebanghelyo.”—Santiago 4:4.
Lubusang Salungat sa Digmaan?
Gayunman, ‘ang sinaunang Kristiyanong doktrina ba at ang buong diwa ng Ebanghelyo’ ay talagang pasipista? Talaga bang mailalarawan ang sinaunang mga Kristiyano bilang mga pasipista, gaya ng pagkalarawan sa pasimula? Hindi! Bakit hindi? Ang isang dahilan, kanilang kinikilala ang karapatan ng Diyos na makipagdigma. (Exodo 14:13, 14; 15:1-4; Josue 10:14; Isaias 30:30-32) Bukod pa riyan, hindi nila kailanman pinag-alinlanganan ang karapatan ng Diyos na pahintulutan ang sinaunang Israel na makipagdigma para sa kaniya nang ang bansang iyan ay magsilbing nag-iisa niyang instrumento sa lupa.—Awit 144:1; Gawa 7:45; Hebreo 11:32-34.
Hindi lamang may karapatan ang Diyos kundi may pananagutan din naman salig sa katarungan na alisin ang mga taong balakyot mula sa lupa. Maraming manggagawa ng masama ang hindi kailanman tutugon sa matiyagang pamamanhik ng Diyos sa kanila na ituwid ang kanilang landas. (Isaias 45:22; Mateo 7:13, 14) Ang pagpapahintulot ng Diyos sa kasamaan ay may hangganan. (Isaias 61:2; Gawa 17:30) Kaya, kinikilala ng mga Kristiyano na sa wakas ay aalisin ng Diyos sa makapangyarihang paraan ang masasamang tao sa lupa. (2 Pedro 3:9, 10) Gaya ng inihuhula ng Bibliya, ito’y magaganap “sa pagkakasiwalat sa Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kaniyang makapangyarihang mga anghel sa isang nagliliyab na apoy, samantalang nagdadala siya ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.”—2 Tesalonica 1:6-9.
Inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya ang labanang ito bilang ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” o ang Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Sinasabi nito na si Jesu-Kristo ang mangunguna rito, na siya’y “nakikipagdigma sa katuwiran.” (Apocalipsis 19:11, 14, 15) Angkop na tawagin si Jesu-Kristo na “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Subalit hindi siya isang pasipista. Nakipaglaban na siya sa langit upang alisin ang lahat ng mapaghimagsik na mga kaaway ng Diyos. (Apocalipsis 12:7-9) Hindi na magtatagal at makikipaglaban siya sa isa pang digmaan “upang dalhin sa pagkasira yaong mga sumisira sa lupa.” Gayunman, ang kaniyang mga tagasunod sa lupa ay hindi makikibahagi sa paghatol na iyan ng Diyos.—Apocalipsis 11:17, 18.
Ibig ng tunay na mga Kristiyano ang kapayapaan. Nananatili silang lubusang walang pinapanigan sa militar, pulitikal, at etnikong mga labanan sa daigdig. Subalit, sa tuwirang pananalita, sila’y hindi mga pasipista. Bakit? Sapagkat tinatanggap nila ang digmaan ng Diyos na sa wakas siyang tutupad sa kaniyang kalooban sa lupa—isang digmaan na lulutas sa dakilang usapin ng pansansinukob na pagkasoberanya at mag-aalis sa lupa ng lahat ng kaaway ng kapayapaan minsan at magpakailanman.—Jeremias 25:31-33; Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Paglibak kay Kristo/The Doré Bible Illustrations/Dover Publications, Inc.