Isang Daigdig na Naturuang Mapoot
ANG mga tao ay likas na masakim. At ang kasakiman, kung hindi sasawatain, ay maaaring humantong sa pagkapoot. Para bang hindi pa sapat ang likas na kasakiman, aktuwal na sinasanay ng lipunan ng tao ang mamamayan na maging sakim!
Mangyari pa, hindi naman ito laging kapit sa lahat, gayunman ang ilang saloobin ay napakapalasak upang ituring na mga kakatwang kilos lamang. Hindi ba’t karaniwan nang mas interesado ang mga pulitiko sa pagwawagi sa mga eleksiyon kaysa pagtulong nila sa kanilang mga nasasakupan? Hindi ba’t karaniwan nang mas interesado ang mga negosyante sa pagkita ng salapi, sa masamang paraan pa nga kung kinakailangan, kaysa paghadlang sa nakapipinsalang mga produkto na makapasok sa pamilihan? Hindi ba’t karaniwan nang mas interesado ang mga klerigo sa pagiging popular o sa pagkakamal ng salapi kaysa pagpatnubay sa kanilang kawan sa mga daan ng moralidad at pag-ibig?
Nagsisimula sa mga Bata
Kapag ang mga bata ay pinalaki sa kapaligiran ng pagpapalayaw, sila’y aktuwal na nasasanay na maging sakim, yamang ang pagiging makonsiderasyon at kawalang-kaimbutan ay ipinagwawalang-bahala mapagbigyan lamang ang kanilang isip-batang pagnanasa. Sa paaralan at kolehiyo, ang mga estudyante ay tinuturuang magsikap na maging numero uno, hindi lamang sa iskolastikong mga bagay kundi rin naman sa isports. Ang sawikain ay, “Kung ikaw ay pangalawa, para ka na ring huli!”
Ang mga laro sa video na nagtatampok ng karahasan ay nagtuturo sa mga kabataan na lutasin ang mga problema sa sakim na paraan—basta lipulin ang kaaway! Tiyak na hindi isang saloobin na nagpapaunlad ng pag-ibig! Mahigit na isang dekada na ang nakalipas, ang surgeon general ng Estados Unidos ay nagbabala na ang mga larong video ay nagsasapanganib sa mga kabataan. Aniya: “Pulos paglipol na lamang sa kaaway. Walang anumang bagay na kapaki-pakinabang sa mga laro.” Binanggit ng isang liham sa The New York Times na maraming laro sa video ang “nagbubuyo sa pinakamasamang hilig ng tao” at susog pa nito: “Nililinang ng mga ito ang isang salinlahi ng walang-isip, sumpunging mga kabataan.” Isang mahilig sa larong video mula sa Alemanya ang umamin sa katotohanan ng huling banggit na pangungusap na ito nang sabihin niya: “Samantalang naglalaro ng mga ito ako ay naililipat tungo sa isang bukod na daigdig ng guniguni kung saan kumakapit ang sinaunang sawikaing: ‘Pumatay ka o ikaw ang mapatay.’ ”
Kapag sinamahan pa ng pagtatangi ng lahi, ang pagkapoot ay lalo pang sumasama. Kaya maliwanag na nababahala ang mga Aleman tungkol sa pag-iral ng makakanang mga video na nagpapakita ng karahasan laban sa mga dayuhan, lalo na laban sa mga Turko. At may dahilan naman silang mabahala, yamang noong Enero 1, 1994, ang mga Turko ay bumubuo ng 27.9 porsiyento ng 6,878,100 banyagang residente sa Alemanya.
Pinatitindi ng pagtatangi ng lahi kung ano ang itinuturo ng nasyonalismo sa mga bata mula sa pagkasanggol, alalaong baga, hindi masamang mapoot sa mga kaaway ng iyong bansa. Ganito ang sabi ng isang sanaysay ni George M. Taber, isang sumusulat ng artikulo para sa Time: “Sa lahat ng pulitikal na mga ismo ng kasaysayan, marahil pinakamalakas ang nasyonalismo.” Ganito pa ang paliwanag niya: “Mas maraming dugo ang dumanak sa ngalan nito kaysa anumang iba pang dahilan maliban sa relihiyon. Mga lider sa loob ng mga dantaon ang pumukaw ng mga panatikong manggugulo sa pamamagitan ng pagsisi ng lahat nilang problema sa ilang kalapit na etnikong grupo.”
Ang matagal nang pagkapoot sa ibang etnikong grupo, lahi, o nasyonalidad ang nasa likuran ng marami sa mga problema sa daigdig ngayon. At ang xenophobia, ang takot sa mga estranghero o mga banyaga, ay sumisidhi. Subalit, kapansin-pansin, natuklasan ng isang pangkat ng mga sosyologong Aleman na ang xenophobia ay lalo nang kapansin-pansin kung saan kakaunting banyaga ang nakatira. Wari bang pinatutunayan nito na ito ay kadalasang dahil sa maling akala kaysa personal na karanasan. “Ang mga maling akala ng mga kabataan ay pangunahin nang udyok ng kanilang mga kaibigan at mga pamilya,” ang natuklasan ng mga sosyologo. Oo, 77 porsiyento niyaong mga kinapanayam, bagaman may maling akala, ay walang tuwirang pakikisalimuha, o bahagya lamang kung mayroon man, sa mga banyaga.
Hindi mahirap ang pagtuturo ng kasakiman, sapagkat tayong lahat ay nagmana ng kasakiman mula sa di-sakdal na mga magulang. Subalit anong papel ang ginagampanan ng relihiyon sa alitan sa pagitan ng pag-ibig at poot?
Ano ba ang Itinuturo ng Relihiyon?
Karaniwan nang iniisip ng mga tao na ang relihiyon ay nagpapaunlad ng pag-ibig. Subalit kung gayon nga, bakit ang mga pagkakaiba sa relihiyon ang dahilan ng tensiyon sa Hilagang Ireland, sa Gitnang Silangan, at sa India, bilang pagbanggit sa tatlong halimbawa lamang? Mangyari pa, iginigiit ng ilang tao na ang mga pagkakaiba sa pulitika, hindi sa relihiyon, ang dapat sisihin sa mga kaguluhan. Iyan ay dapat pang patunayan. Sa paano man, maliwanag na nabigong ikintal ng organisadong relihiyon sa mga tao ang pag-ibig na gayon na lamang katibay upang madaig ang pulitikal at etnikong mga pagtatangi. Sa katunayan, kinukunsinti ng maraming mananampalatayang Katoliko at Ortodokso, at niyaong may ibang pananampalataya, ang pagkakaroon ng maling akala, na humahantong sa karahasan.
Walang masama na sikaping pabulaanan ang mga turo at mga gawain ng isang relihiyosong grupo na inaakala ng isang tao na mali. Subalit nagbibigay ba ito sa kaniya ng karapatang gamitin ang karahasan laban dito o sa mga miyembro nito? Ang The Encyclopedia of Religion ay matapat na umaamin: “Paulit-ulit na ipinag-utos ng mga lider ng relihiyon ang mararahas na pagsalakay sa ibang pangkat ng relihiyon sa kasaysayan ng Malapit na Silangan at Europa.”
Isinisiwalat ng ensayklopidiyang ito na ang karahasan ay mahalagang bahagi ng relihiyon, sa pagsasabing: “Ang mga Darwinista ay hindi nag-iisa sa pagsang-ayon na kailangan ang alitan kapuwa sa sosyal at sikolohikal na mga proseso ng pag-unlad. Ang relihiyon ay nagsilbing isang walang-katapusang pinagmumulan ng alitan, karahasan, at, sa gayon, ng pag-unlad.”
Hindi maaaring bigyang-matuwid na kailangan ang karahasan upang umunlad, sapagkat ito’y magiging salungat sa kilalang simulaing ibinigay ni Jesu-Kristo nang tangkain ni apostol Pedro na protektahan siya. Si Pedro “ay nag-unat ng kamay at hinugot ang kaniyang tabak at sinaktan ang alipin ng mataas na saserdote at tinagpas ang kaniyang tainga. Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.’ ”—Mateo 26:51, 52; Juan 18:10, 11.
Ang karahasang patungkol sa mga indibiduwal—sila man ay mabuti o masama—ay hindi siyang daan ng pag-ibig. Kaya, pinasisinungalingan ng mga taong bumabaling sa karahasan ang kanilang pag-aangkin na sila’y tumutulad sa isang maibiging Diyos. Ganito ang sabi kamakailan ng awtor na si Amos Oz: “Karaniwan na sa relihiyosong mga panatiko . . . na ang ‘mga utos’ na nakukuha nila mula sa Diyos ay sa totoo, iisang utos: Pumatay ka. Ang diyos ng lahat ng mga panatiko ay wari bang ang diyablo.”
Ang Bibliya ay may sinasabing katulad niyan: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa katotohanang ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao na may buhay na walang-hanggan na nananatili sa kaniya. Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita. At ang kautusang ito ay taglay natin mula sa kaniya, na ang umiibig sa Diyos ay dapat na umibig din sa kaniyang kapatid.”—1 Juan 3:10, 15; 4:20, 21.
Dapat sundin ng tunay na relihiyon ang huwaran ng pag-ibig, na kasali rito ang pagpapakita ng pag-ibig maging sa mga kaaway. Tungkol kay Jehova ay ating mababasa: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:44, 45; tingnan din ang 1 Juan 4:7-10.) Kay laki ngang pagkakaiba kay Satanas, ang diyos ng poot! Tinutukso at inaakit niya ang mga tao na mamuhay sa kabuktutan, krimen, at kasakiman, sa gayo’y pinupuno ang kanilang mga buhay ng pasakit at kahapisan. Patuloy niyang ginagawa ito bagaman alam na alam niyang ang lisyang istilo ng pamumuhay na ito ay hahantong sa wakas sa kanilang pagkapuksa. Iyan ba ang uri ng diyos na karapat-dapat paglingkuran, isa na hindi kaya—maliwanag na ayaw pa nga—na ingatan ang kaniyang mga tagasunod?
Takot, Galit, o Pagkadama ng Pinsala
Madaling patunayan na ang mga salik na ito ay pumupukaw ng poot. Ganito ang sabi ng isang ulat ng Time: “Noon lamang magulong mga taon ng 1930 sinamantala ng Europa ang iba’t ibang grupo ng makakanang mga kilusan ang napakaraming nakikitang pagkakataon . . . Palibhasa’y natatakot na mawala ang kanilang mga trabaho, ang mga tao’y lubhang nagagalit laban sa kawalang-kaya ng makasentrong mga pamahalaan at isinasangkalan ang mga banyaga sa gitna nila.” Itinawag-pansin ni Jörg Schindler, sa Rheinischer Merkur/Christ und Welt, ang sampu-sampung libong pulitikal na mga takas na nagdagsaan sa Alemanya sa nakalipas na dalawang dekada. Ang The German Tribune ay nagbabala: “Ang pagtatangi ng lahi ay tumitindi sa buong Europa.” Ang pagdagsa ng napakaraming mandarayuhan ay lumilikha ng pagkapoot. Ang mga tao’y naririnig na nagrereklamo: ‘Sila’y ginagastusan namin, inaagawan nila kami ng mga trabaho, sila’y panganib sa aming mga anak na babae.’ Si Theodore Zeldin, isang miyembro ng korporasyon ng St. Antony’s College, sa Oxford, ay nagsabi na ang mga tao “ay marahas sapagkat nadarama nilang sila’y nanganganib o hinahamak. Ito ang mga sanhi ng kanilang galit na nangangailangan ng pansin.”
Ang mamamahayag sa telebisyong Britano na si Joan Bakewell ay gumagamit ng nababagay na mga salita upang ilarawan ang ating daigdig, isa na nagtuturo sa mga mamamayan nito na mapoot. Siya’y sumulat: “Hindi ako isang Kristiyanong ortodokso, subalit nakikita ko sa turo ni Jesus ang malalim at lubos na katotohanan: ang kasamaan ay ang kapaha-pahamak na kawalan ng pag-ibig. . . . Alam kong tayo’y nabubuhay sa isang lipunan na hindi gaanong naniniwala sa doktrina ng pag-ibig. Oo, isang lipunang napakatuso anupat winawalang-halaga nito ang gayong doktrina bilang walang-muwang, sentimental, idealistiko, na kumukutya sa mga opinyon na mas pahalagahan ang pagmamahal at kawalan ng pag-iimbot kaysa pakinabang at sariling kapakanan. ‘Maging makatotohanan tayo,’ ang sabi nito habang pinagpapasiyahan nito ang pinakabagong mga transaksiyon sa negosyo, nandaraya sa mga pananagutan nito at pinagagaang ang katibayan na nagpapatunay na ito’y mali. Ang gayong daigdig ay lumilikha ng mga taong bigo, mapag-isa, mga taong talunan sa itinuturing ng lipunan na mga priyoridad gaya ng tagumpay, pagpapahalaga sa sarili at maliligayang pamilya.”
Maliwanag, ang diyos ng sanlibutang ito, si Satanas, ang nagtuturo sa sangkatauhan na mapoot. Subalit bilang mga indibiduwal, maaari tayong matutong umibig. Ipakikita ng susunod na artikulo na posible ito.
[Larawan sa pahina 7]
Maaari kayang tinuturuan ng mga laro sa video ang inyong mga anak na mapoot?
[Larawan sa pahina 8]
Ang karahasan sa mga digmaan ay sintoma ng kawalang-alam at pagkapoot
[Credit Line]
Pascal Beaudenon/Sipa Press