Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 2/22 p. 12-17
  • Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inusig Dahil sa Aming Pananampalataya
  • Ang Pagsubok Kay Itay
  • Ang Dalamhati ni Inay
  • Pasimula ng Pambuong-Panahong Ministeryo
  • Pag-aresto at Pagkabilanggo
  • Ministeryo Matapos Mabilanggo
  • Pinakamamahal na Pribilehiyo ng Paglilingkod
  • Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Ano ang Igaganti Ko kay Jehova?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Matiyagang Naghihintay kay Jehova Mula pa sa Aking Kabataan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Pagtupad sa Aking Pangakong Maglingkod sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 2/22 p. 12-17

Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos

AYON SA PAGLALAHAD NI HORST HENSCHEL

“Matuwa kayo sa pagtanggap ng liham na ito, sapagkat ako’y nakapagbata hanggang sa wakas. Sa loob ng dalawang oras ay bibitayin na ako.” Iyan ang pambungad na pananalita ng huling liham ni Itay sa akin. Noong Mayo 10, 1944, siya’y binitay dahil sa pagtanggi niyang maglingkod sa hukbo ni Hitler. Ang kaniyang katapatan sa Diyos, gayundin ang katapatan ng aking ina at ng aking ate na si Elfriede, ay labis na nakaapekto sa aking buhay.

NOONG 1932, halos panahon nang ako’y isilang, nagsisimula na noong magbasa si Itay ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bukod sa ibang bagay, nakita niya ang pagpapaimbabaw ng mga klero. Resulta nito, nawalan na siya ng interes sa mga simbahan.

Di-nagtagal nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, si Itay ay tinawag para sa hukbong Aleman. “Ayon sa Bibliya, hindi ako dapat pumunta,” sabi niya kay Inay. “Hindi tama ang pagpapatayang ito.”

“Papatayin ka nila kung hindi ka pupunta,” sagot ni Inay. “Paano naman ang iyong pamilya?” Iyan ang dahilan kung kaya nagsundalo si Itay.

Nang bandang huli ay sinikap ni Inay, na hanggang noon ay hindi pa nag-aaral ng Bibliya, na makausap ang mga Saksi ni Jehova, bagaman ito’y mapanganib na pagtatangka noon. Natagpuan niya si Dora, na ang asawa’y nasa kampong piitan dahil sa pananampalataya nito. Binigyan siya ni Dora ng isang kopya ng Ang Bantayan, ngunit mariin nitong sinabi kay Inay: “Tandaan mo na maaaring mapatay ako kung matutuklasan ng Gestapo (sekreta) na ako ang nagbigay nito sa iyo.”

Pagkatapos nito, tumanggap si Inay ng higit pang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova at nagsimulang magpahalaga sa mga katotohanan ng Bibliya na siyang nilalaman ng mga ito. Sa kalaunan, si Max Ruebsam, taga-Dresden lamang, ay nagsimulang dumalaw sa amin sa tahanan namin sa Meissen. Ipinakipag-aral niya sa amin ang Bibliya bagaman isinasapanganib nito ang kaniyang sariling buhay. Sa katunayan, hindi nga nagtagal at siya’y inaresto.

Bilang resulta ng pag-aaral ni Inay ng Bibliya, nanampalataya siya kay Jehova at inialay niya rito ang kaniyang buhay, anupat sinagisagan ito ng bautismo sa tubig noong Mayo ng 1943. Kami ni Itay ay nabautismuhan pagkaraan ng ilang buwan. Ang aking 20-taóng-gulang na ate, si Elfriede, na nagtatrabaho sa Dresden, ay nabautismuhan din halos noong panahon ding iyon. Kaya nga, noon mismong kalagitnaan ng Digmaang Pandaigdig II, lahat kaming apat ay nag-alay ng aming buhay kay Jehova. Noong 1943, ipinanganak ni Inay ang aming kapatid na babae, si Renate.

Inusig Dahil sa Aming Pananampalataya

Bago ako bautismuhan, nagbitiw ako sa kilusan ng Hitler Youth. Nang hindi ko gawin ang pagbati ni Hitler, na kahilingan sa paaralan araw-araw, hinampas ako ng aking mga guro. Gayunman, natutuwa ako na palibhasa’y napatitibay ng aking mga magulang, nakapanatili akong tapat.

Ngunit may mga pagkakataon na, dahil sa pisikal na pagpaparusa o dahil sa takot, nakapagsasabi ako ng “Heil Hitler!” Kapag nagkakagayon ay umuuwi akong luhaan ang aking mga mata, at nananalangin kami ng aking mga magulang na sana sa susunod na pagkakataon ay magkaroon ako ng lakas ng loob na mapaglabanan ang mga atake ng kaaway. Hindi miminsan na dahil sa takot ay nag-aatubili akong gawin ang tama, subalit kailanman ay hindi ako pinabayaan ni Jehova.

Isang araw ay dumating ang Gestapo at hinalughog ang aming bahay. “Saksi ka ba ni Jehova?” tanong ng isang miyembro ng Gestapo kay Inay. Waring nakikita ko pa siya na nakasandig sa hamba ng pinto, habang matatag na sinasabi, “Oo”​—bagaman alam niyang magiging dahilan ito para dakpin siya.

Makalipas ang dalawang linggo abala si Inay sa pag-aasikaso kay Renate, na wala pang isang taon, nang dumating ang Gestapo upang dakpin siya. Tumutol si Inay: “Pinasususo ko pa ang aking anak!” Gayunman, kinuha ng babaing kasama ng pulis ang sanggol sa kaniyang pagkakakalong at nag-utos: “Maghanda ka na! Dapat ka nang umalis.” Tiyak na hindi ito naging madali para kay Inay.

Yamang hindi pa inaaresto si Itay, kami ng aking sanggol na kapatid ay nanatili sa pangangalaga niya. Isang umaga makalipas ang mga dalawang linggo matapos kunin si Inay, mahigpit kong niyakap si Itay bago ako pumasok sa paaralan. Nang araw na iyon ay inaresto si Itay dahil sa pagtangging maglingkod muli sa militar. Kaya pag-uwi ko nang hapong iyon, wala na siya, at hindi ko na siya nakita pang muli.

Ang aming mga lolo’t lola at iba pang kamag-anak​—na pawang salansang sa mga Saksi ni Jehova at ang iba sa kanila’y mga miyembro ng lapiang Nazi​—ang nangalaga sa aming magkapatid. Hindi nila ako pinayagang magbasa ng Bibliya. Ngunit nang lihim akong makakuha ng isa mula sa isang babaing kapitbahay, binabasa ko iyon. Lumuluhod din ako sa harap ng kama ng aking nakababatang kapatid at nananalangin.

Samantala, ang kapatid kong si Elfriede ay dumaranas na ng mga pagsubok sa kaniyang pananampalataya. Ayaw na niyang ipagpatuloy pa ang kaniyang pagtatrabaho sa isang pabrika sa Dresden na gumagawa ng mga sandata, ngunit nagtagumpay naman siya na makapagtrabaho sa pangangalaga ng mga parke at mga halamanan sa Meissen. Nang pumunta siya sa opisina para kunin ang kaniyang suweldo, hindi siya bumati ng “Heil Hitler!” Nang maglaon, siya’y inaresto at ibinilanggo.

Nakapanlulumong sabihin, nagkasakit si Elfriede ng dipterya at scarlet fever at namatay makalipas ang ilang linggo matapos na siya’y mabilanggo. Siya’y 21 lamang. Sa isa sa kaniyang huling liham, sinipi niya ang Lucas 17:10: “Kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, sabihin ninyo, Kami ay walang-pakinabang na mga alipin: ginawa namin ang tungkulin naming gawin.” Ang kaniyang katapatan sa Diyos ay nanatiling isang nakapagpapatibay na tulong sa akin.​—Colosas 4:11.

Ang Pagsubok Kay Itay

Noong nakabilanggo si Itay, ang aking lolo​—tatay ni Inay​—ay dumalaw sa kaniya upang kumbinsihin siyang baguhin niya ang kaniyang isip. Habang nakakadena ang kamay at paa, dinala si Itay sa kaniya. Matatag na tinanggihan ni Itay ang mungkahi na magserbisyo siya sa militar alang-alang sa kaniyang mga anak. Isa sa mga guwardiya sa bilangguan ang nagsabi kay Lolo: “Kahit sampu pa ang anak ng taong ito, hindi pa rin ito magbabago.”

Galit na galit si Lolo nang umuwi. “Ang kriminal na iyan!” sigaw niya. “Ang walang-kuwentang taong iyan! Bakit niya nagagawang pabayaan ang kaniyang mga anak?” Bagaman galit si Lolo, masaya naman ako nang malaman kong nananatiling matatag si Itay.

Nang maglaon, sinentensiyahan si Itay ng kamatayan at pinugutan ng ulo. Di pa natatagalan pagkaraan, natanggap ko ang huling liham na iyon mula sa kaniya. Palibhasa’y hindi niya alam kung saan ibinilanggo si Inay, sa akin siya sumulat. Umakyat ako sa aking kuwarto sa itaas at binasa ko ang pambungad na pananalitang iyon na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Nalungkot ako at umiyak, ngunit natutuwa akong malaman na siya’y nanatiling tapat kay Jehova.

Ang Dalamhati ni Inay

Si Inay ay ipinadala sa bilangguan sa timugang Alemanya upang hintayin ang paglilitis sa kaniya. Isang araw ay dumating ang isang guwardiya sa kaniyang selda at sa palakaibigang paraan ay sinabi sa kaniya na manatili siyang nakaupo. Subalit tumayo si Inay at sinabi: “Alam kong pinatay na ang aking asawa.” Pagkaraan, ipinadala sa kaniya ang damit nito na tigmak sa dugo, na siyang piping saksi sa pahirap na dinanas nito bago ito namatay.

Minsan naman ay ipinatawag si Inay sa opisina ng bilangguan at biglang sinabihan: “Patay na ang iyong anak na babae sa bilangguan. Ano ang gusto mong paglilibing sa kaniya?” Ang pagbabalita ay biglang-bigla at di-inaasahan anupat sa pasimula’y natigilan si Inay. Datapwat inalalayan siya ng kaniyang matibay na pananampalataya kay Jehova.

Naging mabuti naman ang pag-aalaga ng aming mga kamag-anak sa aming magkapatid. Napakabait nila sa amin. Sa katunayan, kinausap ng isa sa kanila ang aking mga guro at hiniling na pagpapasensiyahan ako. Kaya ang mga guro ay naging napakababait din sa akin at hindi ako pinarurusahan kapag hindi ko sila binati ng “Heil Hitler!” Ngunit lahat ng kabaitang ito na ipinakikita sa akin ay sa layuning maitalikod ako sa aking salig-Bibliyang paninindigan. At, nakalulungkot sabihin, waring nagtagumpay ito.

Mga ilang buwan lamang bago magwakas ang digmaan noong Mayo 1945, nagboluntaryo akong dumalo sa ilang serbisyo ng organisasyon ng Nazi Youth. Isinulat ko ito kay Inay, at nadama niya mula sa aking mga liham na tinalikuran ko na ang aking tunguhin na maglingkod kay Jehova. Nang maglaon, sinabi niya na higit siyang nanlumo sa mga liham na ito kaysa noong mabalitaan niya ang tungkol sa pagkamatay ni Itay at ni Elfriede.

Di-nagtagal, natapos ang digmaan, at umuwi si Inay mula sa bilangguan. Sa tulong niya ay nabawi ko ang aking espirituwal na panimbang.

Pasimula ng Pambuong-Panahong Ministeryo

Sa pagtatapos ng 1949, apat na taon matapos ang Digmaang Pandaigdig II, tinalakay ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang teksto sa Bibliya sa Malakias 3:10: “‘Dalhin ninyo sa kamalig ang buong ikasampung bahagi, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.” Naudyukan akong sulatan ang aplikasyon para sa pambuong-panahon na gawaing pangangaral. Kaya nga, noong Enero 1, 1950, ako’y naging payunir, gaya ng tawag sa mga pambuong-panahong ministro. Pagkaraan, lumipat ako sa Spremberg, kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga payunir.

Noong Agosto ng taóng iyon, tumanggap ako ng imbitasyon na maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Magdeburg, sa Silangang Alemanya. Gayunman, dalawang araw lamang pagdating ko roon, noong Agosto 31, nagdatingan ang mga pulis sa aming sangay, na sinasabing nagtatago roon ang mga kriminal. Karamihan sa mga Saksi ay inaresto at ibinilanggo, ngunit nakatakas ako at naglakbay patungong West Berlin, na kinaroroonan ng isang tanggapan ng Watch Tower Society. Doon, ikinuwento ko ang nangyari sa Magdeburg. Kasabay nito, sinabi sa akin na maraming Saksi ang inaresto sa buong Silangang Alemanya. Sa katunayan, napag-alaman kong hinahanap ako ng mga pulis doon sa Spremberg!

Pag-aresto at Pagkabilanggo

Inatasan akong magpayunir sa East Berlin. Makalipas ang ilang buwan, habang naglilingkod ako bilang tagapagdala ng mga literatura sa Bibliya mula sa West Berlin tungo sa Silangang Alemanya, ako’y inaresto at dinala sa lunsod ng Cottbus, kung saan ako’y nilitis at sinentensiyahan ng 12 taóng pagkabilanggo.

Bukod sa iba pa, ako’y pinaratangang nanunulsol ng digmaan. Sa paglilitis sa akin, sinabi ko sa aking huling pananalita: “Paanong ako, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay mahahatulan bilang manunulsol ng digmaan gayong ang aking ama ay tumanggi ngang makibahagi sa digmaan sapagkat siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova at dahil diyan ay napugutan siya ng ulo?” Subalit, mangyari pa, hindi naman interesado ang mga taong iyon sa kung ano ang totoo.

Sa edad na 19 ay hindi naging madali para sa akin na isiping ako’y mabibilanggo sa loob ng 12 taon. Gayunman, alam kong marami pang iba ang tumanggap ng gayunding sentensiya. Kung minsan, pinaghihiwa-hiwalay ng mga awtoridad ang mga Saksi, ngunit ipinakikipag-usap naman namin sa iba pang mga bilanggo ang mga katotohanan sa Bibliya, at ang ilan ay naging mga Saksi.

Minsan naman, pinagsama-sama kaming mga Saksi sa isang cellblock. Sa gayon ay pinagtutuunan namin ng pansin ang higit pang pag-aaral ng Bibliya. Naisaulo namin ang buong mga kabanata ng Bibliya at sinikap pa nga naming maisaulo ang lahat ng aklat ng Bibliya. Naglalagay kami ng ilang tunguhin para sa aming sarili sa kung ano ang aming gagawin at pag-aaralan bawat araw. Kung minsan ay abalang-abala kami anupat nasasabi namin sa isa’t isa, “Wala na tayong panahon,” bagaman kami’y magha-maghapon sa aming mga selda na wala namang anumang atas na trabaho!

Ang pagtatanong ng mga sekreta ay nakapapagod. Nagpapatuloy iyon araw at gabi, kasabay ng lahat ng uri ng pananakot. Minsan, gayon na lamang ang aking pagod at pagkasira ng loob, anupat hindi ko na kayang manalangin pa. Makalipas ang dalawa o tatlong araw, sa di malamang dahilan, tinanggal ko sa dingding ng selda ko ang isang pirasong karton na kinalalagyan ng mga patakaran ng bilangguan na nakasulat doon. Nang baligtarin ko ito, may nakita akong nakasulat. Nang itapat ko ito sa kaunting liwanag na naroroon, nakita ko ang pananalitang: “Katawan ma’y mapahamak,” at “Iingatan kong lahat ang matapat maglingkuran.” Ang mga ito’y bahagi ngayon ng awit bilang 27 sa aklat-awitan ng mga Saksi ni Jehova!

Walang-alinlangan, may nanggaling na isa pang kapatid na lalaki sa seldang ito na napalagay sa ganito ring kalagayan, at pinalakas siya ng Diyos na Jehova. Dagli kong nabawi ang espirituwal na lakas at nagpasalamat ako kay Jehova sa pampatibay-loob na ito. Hindi ko kailanman malilimot ang aral na ito, sapagkat itinuro nito sa akin na bagaman hindi ako magtagumpay sa aking sariling lakas, sa tulong ng Diyos na Jehova, walang imposible.

Si Inay ay lumipat na noon sa Kanlurang Alemanya, kung kaya hindi na kami nagkakabalitaan nang panahong iyon. Gayunman, naririyan si Hanna, na lumaki sa aming kongregasyon at naging malapit sa aming pamilya. Dumadalaw siya sa akin sa loob ng mga taóng iyon ng aking pagkabilanggo, at nagpapadala rin sa akin ng mga liham na pampatibay-loob at ng mahahalagang binalot na pagkain. Pinakasalan ko siya nang makalaya ako sa bilangguan noong 1957, matapos kong pagdusahan nang 6 na taon ang aking 12-taóng sentensiya.

Bilang mahal kong asawa, si Hanna ay tapat na naglingkod na kasama ko sa aming iba’t ibang atas at nanatiling isang malaking tulong sa akin. Ang nagawa niya para sa akin sa loob ng panahon ng aming pambuong-panahong paglilingkod na magkasama ay isang bagay na tanging si Jehova lamang ang makagaganti sa kaniya.

Ministeryo Matapos Mabilanggo

Pinasimulan namin ni Hanna ang aming pambuong-panahong ministeryo sa tanggapan na tinutustusan noon ng Watch Tower Society sa West Berlin. Naatasan ako sa konstruksiyon doon bilang karpintero. Nang maglaon, kami’y magkasamang nagpayunir sa West Berlin.

Hinimok ako ni Willi Pohl, na nangangasiwa noon sa aming gawain sa West Berlin, na ipagpatuloy ko ang pag-aaral ng wikang Ingles. “Wala akong panahon,” sagot ko. Ngunit, tuwang-tuwa ako at masunurin kong ipinagpatuloy ang aking pag-aaral ng Ingles! Bilang resulta, noong 1962, ako’y inanyayahan sa sampung-buwang kurso ng ika-37 klase ng Gilead School, sa Brooklyn, New York. Nang bumalik ako sa Alemanya noong Disyembre 2, 1962, ginugol namin ni Hanna ang 16 na taon sa gawaing paglalakbay, na dumadalaw sa mga kongregasyon sa buong Alemanya. Pagkatapos, noong 1978, kami’y inanyayahan na maglingkod sa tanggapang pansangay sa Wiesbaden. Nang ilipat ang operasyon ng sangay sa malalaki at mga bagong pasilidad sa Selters noong kalagitnaan ng dekada 1980, naglingkod kami sa magandang pasilidad na iyan sa loob ng ilang taon.

Pinakamamahal na Pribilehiyo ng Paglilingkod

Noong 1989 isang bagay na talagang di-inaasahan ang naganap​—gumuho ang Pader ng Berlin, at tinamasa ng mga Saksi sa mga bansa sa Silangang Europa ang kalayaan sa pagsamba. Noong 1992, kami ni Hanna ay inanyayahan sa Lviv, sa Ukraine, upang sumuporta sa mabilis na lumalagong bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian sa lugar na iyon.

Nang sumunod na taon, kami’y hinilingan na pumunta sa Russia upang tumulong sa pag-oorganisa ng gawaing pang-Kaharian doon. Sa Solnechnoye, isang nayon na mga 40 kilometro sa labas ng St. Petersburg, isang tanggapan ang itinayo upang mangalaga sa gawaing pangangaral sa buong Russia at sa karamihan sa iba pang republika ng dating Unyong Sobyet. Nang kami’y dumating, nagsisimula na ang paggawa sa mga gusaling tirahan gayundin sa isang malaking tanggapan at mga bodega.

Walang paglagyan ang aming kagalakan nang ialay ang aming mga bagong pasilidad ng sangay noong Hunyo 21, 1997. Isang kabuuang bilang na 1,492 mula sa 42 bansa ang nagtipon sa Solnechnoye para sa pantanging programa. Kinabukasan ay nagtipon naman ang mahigit na 8,400 sa Petrovsky Stadium ng St. Petersburg para sa pagrerepaso sa programa ng pag-aalay at para sa mga nakapagpapatibay na pag-uulat ng mga panauhin mula sa ibang mga bansa.

Tunay na isang kahanga-hangang paglago ang aming natatamasa sa 15 republika ng dating Unyong Sobyet! Noong 1946, mga 4,800 mamamahayag ng Kaharian ang nangangaral sa teritoryong ito. Makalipas ang halos 40 taon, noong 1985, ang bilang ay dumami hanggang 26,905. Ngayon, mahigit nang 125,000 mamamahayag ng Kaharian sa sampung republika ng dating Unyong Sobyet ang inaasikaso ng aming tanggapang pansangay dito sa Solnechnoye, at mahigit na 100,000 ang nangangaral sa limang iba pang dating republika ng Sobyet! Tuwang-tuwa kami nang malaman na sa 15 dating republika ng Sobyet, mahigit na 600,000 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong nakaraang Abril!

Namamangha ako kapag nakikita ko kung gaano kagaling ang Diyos na Jehova sa kaniyang pagpatnubay sa pagtitipon at pag-oorganisa ng kaniyang bayan sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Gaya ng sabi ng salmista sa Bibliya, binibigyan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod ng malalim na unawa, tinuturuan sila sa daang dapat nilang lakaran, at pinapayuhan sila habang ang kaniyang mga mata’y nakamasid sa kanila. (Awit 32:8) Isang malaking pribilehiyo para sa akin na mapabilang sa internasyonal na organisasyon ng bayan ni Jehova!

[Larawan sa pahina 13]

Kasama ng aking dalawang kapatid na babae, noong 1943

[Larawan sa pahina 14]

Pinugutan ng ulo si Itay

[Larawan sa pahina 14]

Tinulungan ako ni Inay na mabawi ang espirituwal na panimbang

[Larawan sa pahina 15]

Kasama ng aking asawa, si Hanna

[Larawan sa pahina 16]

Noong pahayag sa pag-aalay sa Kingdom Hall sa sangay ng Russia

[Mga larawan sa pahina 17]

Looban at mga bintana ng silid-kainan sa aming bagong sangay sa Russia

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share