Pagpapahalaga sa Kababaihan at sa Kanilang Gawain
TATLONG libong taon na ang nakalilipas, isang lalaking nagngangalang Lemuel ang sumulat ng napakagandang paglalarawan sa isang may-kakayahang asawang babae. Ito ay nakaulat sa Bibliya sa Mga Kawikaan kabanata 31. Ang babae, na pinuri niya nang lubos ang mga katangian, ay tiyak na napakamagawain. Inaasikaso niya ang kaniyang pamilya, nangangalakal sa pamilihan, bumibili at nagbibili ng lupain, gumagawa ng mga kasuutan para sa kaniyang sambahayan, at nagtatrabaho sa bukid.
Hindi ipinagwalang-bahala ang babaing ito. ‘Ang kaniyang mga anak ay tumatawag sa kaniya na pinagpala, at pinupuri siya ng kaniyang asawang lalaki.’ Ang gayong asawang babae ay isang kayamanan. Sinasabi ng Bibliya, “Siya ay higit na mahalaga kaysa sa mga rubi.”—Kawikaan 31:10-28, New International Version.
Mula noong panahon ni Lemuel, ang gawain ng mga babae ay naging lalong masalimuot. Ang kanilang papel sa ika-20-siglo ay malimit na humihiling sa kanila na maging mga asawa, ina, nars, guro, tagapaghanapbuhay, at mga magsasaka—pawang sabay-sabay. Napakaraming babae ang lubhang nagsasakripisyo upang tiyakin lamang na ang kanilang mga anak ay may sapat na makakain. Hindi ba karapat-dapat ding pahalagahan at purihin ang lahat ng babaing ito?
Ang mga Babae Bilang Tagapaghanapbuhay
Mas maraming babae sa ngayon higit kailanman ang kinakailangang magtrabaho sa labas ng tahanan upang makatulong na matustusan ang kanilang pamilya o kaya’y nag-iisang tumutustos sa kanilang pamilya. Binanggit ng aklat na Women and the World Economic Crisis ang isang ulat na nagsabi: “Hindi lamang gawaing-bahay ang trabaho ng kababaihan. Iilan na lamang na kababaihan saanmang dako sa daigdig ang makapagsasabing siya’y ‘isa lamang maybahay.’ ” At ang trabaho ng kababaihan ay bihirang kaakit-akit. Bagaman maaaring inilalarawan sa mga magasin at sa mga de-seryeng palabas ang mga babae bilang mga ehekutibo sa magagarang opisina, ang katotohanan ay karaniwan nang ibang-iba. Maraming babae sa daigdig ang nagpapagal nang mahahabang oras kapalit ng kaunting materyal na pakinabang.
Daan-daang milyong kababaihan ang nagtatrabaho sa lupa, nagsasaka, nag-aalaga sa maliliit na taniman ng pamilya, o nag-aalaga ng mga hayop. Ang trabahong ito—kadalasang kulang sa bayad o walang bayad—ang siyang nagpapakain sa kalahati ng populasyon sa daigdig. “Sa Aprika, 70 porsiyento ng pagkain ay itinanim ng mga babae, sa Asia ang bilang ay 50-60 porsiyento at 30 porsiyento sa Latin Amerika,” ulat ng aklat na Women and the Environment.
Kapag sumusuweldo naman ang kababaihan, karaniwan nang mas maliit ang kinikita nila kaysa sa mga lalaking manggagawa, dahil lamang sa sila’y mga babae. Ang diskriminasyong ito ay lalo nang mahirap lunukin ng isang ina na siyang tanging inaasahan ng pamilya, isang papel na nagiging lalong pangkaraniwan. Tinataya ng isang ulat ng United Nations na sa pagitan ng 30 at 50 porsiyento ng lahat ng sambahayan sa Aprika, Caribbean, at Latin Amerika ang umaasa sa isang babae bilang kanilang pangunahing tagapaglaan. At maging sa mas maunlad na mga lupain, dumaraming kababaihan ang napipilitang maging tanging tagapaglaan.
Ang hirap ng buhay sa lalawigan sa karamihan ng mga bansang nagpapaunlad ang siyang mabilis na nagpapalaganap ng ganitong kausuhan. Ang isang asawang lalaki na palaging nakikipagpunyagi upang mapakain ang kaniyang pamilya ay baka magpasiya na lumipat sa isang kalapit na lunsod o maging sa ibang bansa upang makapagtrabaho. Iniiwan niya ang kaniyang kabiyak upang mangalaga sa pamilya. Kung pagpalain siyang makakuha ng trabaho, nagpapadala siya ng suweldo sa kanila. Ngunit sa kabila ng kaniyang mabuting layunin, malimit na hindi ito nagpapatuloy. Baka lalong maghikahos ang pamilyang iniwan niya, at ang kanilang kapakanan ay nakasalalay na ngayon sa ina.
Ang ganitong malupit na siklo, na angkop na inilarawan bilang ang “pagiging babae ng mukha ng karukhaan,” ay naglalagay ng napakabigat na pasanin sa milyun-milyong kababaihan. “Ang mga sambahayang pinangangasiwaan ng mga babae, na tinatayang sangkatlo ng kabuuang bilang sa buong daigdig, ay mas maraming ulit na malamang na maging dukha kaysa roon sa mga pinangangasiwaan ng mga lalaki, at dumarami ang gayong mga sambahayan,” paliwanag ng aklat na Women and Health. Ngunit bukod sa hirap na ito, hindi lamang ang paglalaan ng pagkain ang hamon na kinakaharap ng mga kababaihan.
Mga Ina at Guro
Kailangan ding pangalagaan ng isang ina ang emosyonal na kapakanan ng kaniyang mga anak. Gumaganap siya ng isang mahalagang papel upang tulungan ang anak na matutong umibig at magmahal—mga aral na maaaring kasinghalaga ng pagtugon sa pisikal na mga pangangailangan. Upang lumaking isang matinong adulto, ang isang bata ay nangangailangan ng magiliw at tiwasay na kapaligiran habang lumalaki. Minsan pa, mahalaga ang bahagi ng isang ina.
Sa aklat na The Developing Child, sumulat si Helen Bee: “Ang isang magiliw na magulang ay nagmamalasakit sa anak, nagmamahal, madalas o palagiang inuuna ang mga pangangailangan ng bata, pinananabikan ang mga gawain ng anak, at sensitibo at madamaying tumutugon sa damdamin ng anak.” Ang mga anak na nakadama ng gayong pagmamahal mula sa isang mapagmalasakit na ina ay tiyak na dapat magpakita sa kaniya ng kanilang pagpapahalaga.—Kawikaan 23:22.
Sa pamamagitan ng pagpapasuso, maraming ina ang naglalaan ng mapagmahal na kapaligiran sa kanilang anak mula pa sa pagkasilang. Ang sariling gatas ng ina ay isang napakahalagang kaloob na maibibigay niya sa kaniyang bagong silang na sanggol lalo na sa mahihirap na sambahayan. (Tingnan ang kahon sa pahina 10-11.) Kapansin-pansin, sinasabi sa atin ng Bibliya na inihambing ni apostol Pablo ang kaniyang magiliw na pagmamahal para sa mga Kristiyano sa Tesalonica sa nadarama niyaong isang “nagpapasusong ina” na “nag-aaruga sa kaniyang sariling mga anak.”—1 Tesalonica 2:7, 8.
Bukod sa pagpapakain at pag-aaruga sa kaniyang mga anak, malimit na ang ina ang kanilang pangunahing guro. “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang batas ng iyong ina,” ang payo ng Bibliya, na tinutukoy ang malaking papel na ginagampanan ng mga ina sa pagtuturo sa kanilang mga anak. (Kawikaan 1:8) Pangunahin nang ang ina o ang lola ang siyang matiyagang nagtuturo sa bata na magsalita, maglakad, at gumawa ng mga gawaing-bahay at napakarami pang ibang bagay.
Kailangang-Kailangan ang Pagdamay
Ang isa sa pinakadakilang kaloob na maibibigay ng mga kababaihan sa kanilang pamilya ay ang pagdamay. Kapag nagkasakit ang isang miyembro ng pamilya, nagsisilbing isang nars ang ina, samantalang ginagampanan pa rin niya ang iba pang pananagutan. “Sa katunayan ay mga babae ang naglalaan ng malaking bahagi ng pangangalaga sa kalusugan sa daigdig,” paliwanag ng aklat na Women and Health.
Ang pagkamadamayin ng ina ay maaari pa ngang mag-udyok sa kaniya na di-gaanong kumain upang makakain ang kaniyang mga anak. Natuklasan ng mga mananaliksik na inaakala ng ilang kababaihan na sapat na ang kinakain nila bagaman kulang sila sa pagkain. Nasanay na sila sa pagbibigay ng mas malaking bahagi sa kanilang asawa at mga anak kung kaya hangga’t nakapagtatrabaho pa sila, inaakala nilang sapat na ang kinakain nila.
Kung minsan ay nakikita ang pagkamadamayin ng babae sa kaniyang pagmamalasakit sa kanilang kapaligiran. Mahalaga sa kaniya ang kapaligirang iyon, yamang nagdurusa rin siya kapag ang tagtuyot, paglawak ng disyerto, at pagkalbo sa kagubatan ay sumaid sa lupain. Sa isang bayan sa India, gayon na lamang ang galit ng mga kababaihan nang malaman nilang puputulin ng isang kompanya sa pagtotroso ang 2,500 punungkahoy sa isang kalapit na gubat. Kailangan ng mga babae ang mga punungkahoy na iyon para sa pagkain, panggatong, at sakate. Nang dumating ang mga magtotroso, naroon na ang mga kababaihan, magkakahawak ang kamay, at nakapalibot upang ipagsanggalang ang mga puno. ‘Kailangan muna ninyong putulin ang aming mga ulo kung gusto ninyong maputol ang mga punungkahoy,’ sabi ng mga babae sa mga magtotroso. Nailigtas ang kagubatan.
“Ibigay sa Kaniya ang Gantimpalang Nararapat sa Kaniya”
Ang papel man niya ay isang tagapaghanapbuhay, ina, guro, o bukal ng pagdamay, ang babae ay karapat-dapat sa paggalang at pagkilala, gayundin ang kaniyang gawain. Pinahahalagahan ng pantas na lalaking si Lemuel, na pumuri ng gayon na lamang sa isang may-kakayahang asawang babae, kapuwa ang gawain ng babae at ang payo nito. Sa katunayan, ipinaliliwanag ng Bibliya na ang kaniyang mensahe ay pangunahing halaw sa pagtuturo ng kaniyang ina sa kaniya. (Kawikaan 31:1) Naniniwala si Lemuel na ang isang maingat na asawang babae at ina ay hindi dapat ipagwalang-bahala. “Ibigay sa kaniya ang gantimpalang nararapat sa kaniya,” sumulat siya. “Nagdudulot sa kaniya ng papuri ang kaniyang mga gawa.”—Kawikaan 31:31, NIV.
Gayunman, nang isulat ni Lemuel ang mga pananaw na ito, ang mga ito ay hindi lamang bunga ng pag-iisip ng tao. Ang mga ito ay nakaulat sa Bibliya, na siyang Salita ng Diyos. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Ang damdaming iyon ay nagpapaaninaw ng pangmalas ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa kababaihan, yamang kinasihan ng Diyos ang mga talatang iyon sa Bibliya para sa ating ikatututo.
Isa pa, sinasabi ng kinasihang Salita ng Diyos na ang mga asawang lalaki ay dapat na ‘mag-ukol sa kanilang asawang babae ng karangalan.’ (1 Pedro 3:7) At sa Efeso 5:33, sinabihan ang asawang lalaki: “Ibigin . . . ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.” Sa katunayan, sinasabi sa Efeso 5:25: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” Oo, ipinahayag ni Kristo ang gayong pag-ibig sa kaniyang mga tagasunod anupat handa siyang mamatay alang-alang sa kanila. Tunay na isang mainam at walang-pag-iimbot na halimbawa ang ipinakita niya para sa mga asawang lalaki! At ang mga pamantayan na itinuro at tinupad ni Jesus ay nagpapaaninaw ng mga pamantayan ng Diyos, na iniulat sa Bibliya para sa ating kapakinabangan.
Gayunman, sa kabila ng kanilang masikap na paggawa sa napakaraming larangan, bihirang papurihan ang mga kababaihan sa kanilang ginagawa. Paano kaya nila mapabubuti kahit ngayon ang kanilang kalagayan sa buhay? At, may posibilidad kayang magbago ang pakikitungo sa kanila? Ano kaya ang kinabukasan ng kababaihan?
[Kahon/Larawan sa pahina 10, 11]
Tatlong Paraan Upang Mapabuti ng Babae ang Kaniyang Kalagayan
Edukasyon. Mga 600 milyon kababaihan sa daigdig ang hindi marunong bumasa’t sumulat—karamihan sa kanila ay hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral. Baka ikaw mismo ay hindi gaanong nakapag-aral, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi mo na maaaring turuan ang iyong sarili. Hindi ito madali, ngunit maraming kababaihan ang nagtagumpay. “Ang relihiyosong mga dahilan ay maaaring gumanap ng mahalagang papel upang ganyakin ang mga nasa hustong gulang na mag-aral bumasa’t sumulat,” paliwanag ng aklat na Women and Literacy. Ang iyo mismong kakayahang makabasa ng Bibliya ay isang mainam na gantimpala ng pagkatutong bumasa. Ngunit marami pang ibang pakinabang.
Hindi lamang mas maraming pagkakakitaan ang isang ina na marunong bumasa’t sumulat kundi maaari rin niyang matutuhan ang mga kaugalian para sa mabuting kalusugan. Makikita sa estado ng Kerala sa India ang mga kapakinabangan ng pagkatutong bumasa’t sumulat. Bagaman mababa sa katamtaman ang kinikita sa rehiyong ito, ang 87 porsiyento ng kababaihan dito ay marunong bumasa’t sumulat. Kapansin-pansin, sa estado ring ito, mas mababa ng limang ulit ang bilang ng mga sanggol na namamatay kaysa sa ibang bahagi ng India; sa katamtaman, mas mahaba ng 15 taon ang buhay ng mga kababaihan; at lahat ng batang babae ay pumapasok sa paaralan.
Natural lamang, pinasisigla ng isang ina na marunong bumasa’t sumulat ang hilig na mag-aral sa mga anak—na isang kahanga-hangang gawa. Napakahusay na pamumuhunan ang edukasyon ng mga batang babae. Wala nang iba pa ang may gayon kalaking epekto sa pagpapabuti ng kalusugan ng pamilya at pagpapahusay ng buhay ng mga kababaihan mismo, sabi ng lathalain ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) na The State of the World’s Children 1991. Tiyak, ang kakayahang bumasa’t sumulat ay tutulong sa iyo na maging mas mabuting ina at tagapaglaan.a
Kalusugan. Bilang isang ina, kailangan mong alagaan ang iyong sarili, lalo na kung ikaw ay nagdadalang-tao o nagpapasuso. Maaari mo bang pagbutihin ang iyong pagkain? Halos dalawang-katlo ng mga babaing nagdadalang-tao sa Aprika gayundin sa katimugan at kanluraning Asia ay may anemya ayon sa pagsusuri. Bukod sa sinasaid ang iyong lakas, pinalalaki ng anemya ang panganib kaugnay ng panganganak at nagiging malaki ang posibilidad na magkaroon ng malarya. Bagaman maaaring kakaunti o may kamahalan ang karne o isda, baka naman may sapat na itlog at mga prutas o gulay na mayaman sa iron. Huwag hayaang mahadlangan ka ng pamahiin sa pagkain ng masustansiyang pagkain, at huwag hayaang mapagkaitan ka ng iyong bahagi sa pagkain ng pamilya dahil lamang sa lokal na mga kaugalian.b
Ang pagpapasuso ay mabuti para sa iyo at sa iyong anak. Mas mura, mas malinis, at mas masustansiya ang gatas ng ina kaysa sa alinmang panghalili. Tinataya ng UNICEF na maiiwasan ang pagkamatay ng isang milyong bata bawat taon kung pasususuhin ng mga ina ang kanilang mga sanggol sa unang apat hanggang anim na buwan ng mga ito. Mangyari pa, kung ang ina ay may isang nakahahawang sakit na nalalamang maipapasa sa pamamagitan ng kaniyang gatas, kung gayo’y dapat gumamit ng isang ligtas na kahalili ng pagpapasuso.
Tiyaking may sapat na sariwang hangin kung nagluluto ka sa loob ng iyong bahay sa pamamagitan ng apoy. “Ang pagkahantad sa usok at nakalalasong mga gas sa pagluluto ang malamang na pinakamalubhang panganib sa kalusugan na nababatid sa ngayon,” babala ng aklat na Women and Health.
Huwag kang manigarilyo, gaano man katindi ang panggigipit. Ang malaganap na pag-aanunsiyo sa sigarilyo sa nagpapaunlad na mga bansa ay pumupuntirya sa kababaihan, anupat sinisikap na kumbinsihin sila na ang paninigarilyo ay isang katalinuhan. Ito’y malayung-malayo sa katotohanan. Ang paninigarilyo ay nakapipinsala sa iyong mga anak at maaaring ikamatay mo. Tinatayang sangkapat ng lahat ng naninigarilyo ang namamatay sa dakong huli dahil sa kanilang pagkasugapa sa tabako. Isa pa, nagbababala ang mga eksperto na napakataas ang tsansa na maging sugapa sa tabako ang mga naninigarilyo sa unang pagkakataon.
Kalinisan. Ang iyong halimbawa at ang iyong payo hinggil sa kalinisan ay napakahalaga sa kalusugan ng iyong pamilya. Binalangkas sa lathalaing Facts for Life ang sumusunod na mga pangunahing hakbang ukol sa mabuting kalinisan:
• Hugasan ang iyong kamay ng sabon at tubig pagkatapos na mapadaiti sa dumi at bago humawak ng pagkain. Tiyaking naghuhugas ng kamay ang iyong mga anak bago kumain.
• Gumamit ng palikuran, at panatilihin itong malinis at may takip. Kung hindi ito posible, ang pagdumi ay gawin sa malayong lugar hangga’t maaari mula sa inyong bahay, at tabunan kaagad ang dumi.—Ihambing ang Deuteronomio 23:12, 13.
• Sikaping gumamit ng malinis na tubig para sa iyong sambahayan. Sa layuning ito, panatilihing may takip ang mga balon at gumamit ng malinis na lalagyan sa pagdadala ng tubig.
• Kung wala kang mapagkukunan ng ligtas na inuming tubig, pakuluan ang tubig at saka hayaan itong lumamig bago inumin. Bagaman maaaring magmukhang malinis ang di-pinakuluang tubig, maaaring may dumi pa rin ito.
• Tandaan na ang di-lutong pagkain ay mas malamang na magdala ng impeksiyon. Ang mga pagkain na kakainin nang hilaw ay dapat hugasan bago kainin at pagkatapos ay ubusin kaagad hangga’t maaari. Ang iba pang pagkain ay dapat lutuing mabuti, lalo na ang karne at manok.
• Panatilihing malinis at may takip ang pagkain upang hindi ito madumhan ng mga insekto o hayop.
• Sigaan o ibaon ang mga basura sa bahay.c
[Mga talababa]
a Nagsasaayos ang mga Saksi ni Jehova ng libreng mga klase sa pagbasa’t pagsulat bilang bahagi ng kanilang malawak na programa sa pagtuturo ng Bibliya.
b Sa ilang lupain, may mga pamahiin na ang mga babae ay hindi dapat kumain ng isda, itlog, o manok habang nagdadalang-tao, sa takot na mapinsala ang hindi pa naisisilang na bata. Kung minsan dahil sa kaugalian ay kakainin lamang ng babae kung ano ang natira, pagkatapos na makakain ang mga lalaki at batang lalaki.
c Tingnan ang Gumising! ng Abril 8, 1995, pahina 6-11, para sa higit pang detalye.
[Larawan sa pahina 8]
Maraming kababaihan sa Kanluraning mga bansa ang nagtatrabaho sa mga opisina
[Larawan sa pahina 8, 9]
Maraming kababaihan ang kinakailangang magtrabaho sa napakaruming mga kalagayan
[Credit Line]
Godo-Foto
[Larawan sa pahina 9]
Ang mga ina ay mga guro sa tahanan