Ang Aming Pakikipaglaban Para sa Karapatang Mangaral
Gaya ng inilahad ni Grace Marsh
Ilang taon na ang nakalilipas, kinapanayam ako ni Propesor Newton, na noo’y kaugnay sa Huntingdon College sa Montgomery, Alabama, hinggil sa mga bagay na nangyari mahigit nang 50 taon ang nakalilipas. Noong 1946 isang kaso sa hukuman may kinalaman sa aking gawain bilang isang ministro ng mga Saksi ni Jehova ang pinagpasiyahan ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Ang interes ni Propesor Newton sa mga nangyari ay nagpanariwa sa maraming alaala. Hayaang umpisahan ko ito sa aking pagkabata.
AKO’Y ipinanganak noong 1906, sa Randolph, Alabama, E.U.A., isang ikaapat na salinlahi ng Estudyante sa Bibliya, na siyang pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Ang aking lolo-sa-tuhod na si Lewis Waldrop at ang aking lolo na si Sim Waldrop ay nabautismuhan bilang mga Estudyante sa Bibliya sa pagtatapos ng mga taon ng 1800.
Ang anak ni Sim Waldrop na si Joseph ang aking ama. Napukaw ni Joseph ang pansin ng isang babae na nagngangalang Belle dahilan sa pagbibigay niya sa kaniya ng isang buklet na naglantad sa turo ng simbahan hinggil sa maapoy na impiyerno. Si Belle ay lubhang nasiyahan sa kaniyang nabasa anupat sinabi niya iyon sa kaniyang ama na nagkaroon din ng interes dahilan dito. Di-natagalan ay napangasawa ni Joseph si Belle, at sila’y nagkaroon ng anim na anak. Ako ang ikalawa sa pinakamatanda.
Bawat gabi, tinitipon ni Tatay ang pamilya sa palibot ng apuyan at malakas na binabasa ang Bibliya at ang magasing Bantayan. Kapag nakatapos na siyang magbasa, kaming lahat ay luluhod habang taos-pusong nananalangin si Tatay. Bawat linggo, kami ay naglalakbay nang ilang milya sakay ng isang bagon na hinihila ng kabayo patungo sa bahay ni Lolo Sim para makipagpulong sa mga kapuwa Estudyante sa Bibliya.
Madalas na kami’y tinutuya ng aming mga kaklase sa paaralan, anupat tinatawag kaming mga Russellite. Ito’y hindi insulto gaya ng gusto nilang mangyari, sapagkat mataas ang pagtingin ko kay Charles Taze Russell, ang unang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society. Anong laking kasiyahan para sa akin na makita siya nang personal sa isang asamblea sa Birmingham, Alabama, noong 1914! Natatandaan ko pang siya’y nakatayo sa plataporma at ipinaliliwanag ang pagpapalabas ng larawan na tinatawag na “Photo-Drama of Creation.”
Noong 1920 ang aming pamilya ay lumipat sa Robertsdale, isang maliit na bayan sa dakong silangan ng Mobile, Alabama. Paglipas ng limang taon napangasawa ko si Herbert Marsh. Kami ni Herbert ay lumipat sa Chicago, Illinois, at di-natagalan pagkatapos nito ay isinilang ang aming anak na lalaki, si Joseph Harold. Nakalulungkot, ako’y napahiwalay sa kinamulatan kong relihiyon, subalit ito’y nananatili pa rin sa aking puso.
Ang Aking Paninindigan Para sa Katotohanan ng Bibliya
Isang araw noong 1930, bigla akong nagising sa katotohanan nang makita kong buong dahas na itinulak sa hagdan ng aming kasero ang isang Estudyante sa Bibliya. Ako’y nagalit at pinagsabihan ko ang aming kasero hinggil sa kaniyang ginawa. Sinabi niya sa akin na kapag inanyayahan ko sa aming apartment ang lalaking iyon, kaming mag-asawa ay hindi na makatitira doon. Gaya ng dapat asahan, karaka-raka kong inanyayahan ang Estudyante sa Bibliya upang uminom ng tsa.
Kami ng aking asawa ay dumalo sa pulong ng mga Estudyante sa Bibliya nang sumunod na Linggo at natuwang makita si Joseph F. Rutherford, na naging presidente ng Samahang Watch Tower pagkamatay ni Russell. Nagkataong dumadalaw noon si Rutherford sa Chicago. Ang mga pangyayaring ito ay nagpakilos sa akin upang maging aktibong muli sa Kristiyanong ministeryo. Di-natagalan pagkatapos nito, kami ay bumalik sa Robertsdale, Alabama.
Sa isang kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1937, nagpasiya akong maging isang payunir, na siyang tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, ang aking asawa, si Herbert, ay nabautismuhan, at di-natagalan siya’y nagpasimulang maglingkod bilang punong tagapangasiwa sa Kongregasyon ng Robertsdale. Ang aming anak, si Harold, ang madalas kong kasama sa ministeryo sa bahay-bahay.
Noong 1941, ako ay tumanggap ng isang paanyaya na maglingkod bilang isang special pioneer sa Brookhaven, Mississippi. Si Violet Babin, isang Kristiyanong kapatid mula sa New Orleans, ang naging kasama ko. Tinanggap namin ang hamon at kinuha ang aming trailer at isinama ang aming mga anak upang maglatag ng pinakatuntungan sa Brookhaven. Ang aming mga asawa ay susunod na lamang sa dakong huli.
Sa pasimula, nagkaroon kami ng tagumpay sa aming ministeryo, at naging mabuti naman ang pag-aaral ng anak na babae ni Violet at ni Harold. Gayunman, pagkatapos na bombahin ng Hapones ang Pearl Harbor noong Disyembre 1941 at ang Estados Unidos ay pumasok sa digmaan, malaki ang ipinagbago ng reaksiyon sa aming gawain. Nagkaroon ng espiritu ng sobrang pagkamakabayan at pagkatakot sa sabuwatan. Dahilan sa aming pagiging neutral sa pulitika, pinaghinalaan kami ng mga tao, anupat pinaratangan pa nga kaming mga espiya ng Aleman.
Si Harold ay pinaalis sa paaralan dahilan sa kaniyang pagtangging makibahagi sa seremonya sa bandila. Sinabi sa akin ng kaniyang guro na si Harold ay matalino at may mabuting pag-uugali, subalit inakala ng prinsipal na siya’y isang masamang halimbawa dahilan sa hindi siya sumasaludo sa bandila. Hindi nasiyahan ang superintendente ng mga paaralan sa naging desisyon ng prinsipal at ng konseho ng paaralan sa bagay na ito anupat siya’y nagbitiw at nag-alok na babayaran niya ang pag-aaral ni Harold sa isang pribadong paaralan!
Sa araw-araw kami’y nakatatanggap ng mga pagbabanta ng marahas na pang-uumog. Sa isang pagkakataon ay itinulak kami ng pulis mula sa pintuan ng isang babae, inihampas ang aming ponograpo sa isang punungkahoy, binasag ang aming mga plaka ng mga pahayag sa Bibliya, pinagpunit-punit ang aming mga Bibliya at literatura, at sa dakong huli ay sinilaban ang lahat ng nakumpiska nila sa amin. Sinabihan nila kaming umalis sa bayan bago gumabi at kung hindi’y palalayasin kami ng mga mang-uumog. Karaka-raka kaming sumulat at iniabot ang mga liham sa mga opisyal ng bayan, na humihingi ng proteksiyon. Subalit tumanggi silang magbigay nito. Tumawag pa nga ako sa Federal Bureau of Investigation sa Jackson, Mississippi, at humingi ng tulong. Pinayuhan din nila kami na lisanin ang bayan.
Nang gabing iyon halos isang daang tao na galit-na-galit ang pumalibot sa aming trailer. Dadalawa lamang kaming babae kasama ng aming mga anak. Ikinandado namin ang pintuan, pinatay ang mga ilaw, at taimtim na nanalangin kay Jehova. Sa wakas, ang pulutong ay naghiwa-hiwalay nang hindi kami pinipinsala.
Dahilan sa mga pangyayaring ito, nagpasiya si Herbert na karaka-rakang sumama sa amin sa Brookhaven. Ibinalik namin si Harold sa kaniyang mga lolo’t lola sa Robertsdale, kung saan ang lokal na prinsipal ng paaralan ay nagbigay sa amin ng kasiguruhan na siya’y makapag-aaral. Nang kami ay bumalik sa Brookhaven, ang trailer ay sinira at sa loob nito ay isang mandamyento-de-aresto para sa amin ang nakapaskil sa isang panig ng dingding. Sa kabila ng pagsalansang na ito, kami’y nananatiling matatag at nagpatuloy sa aming ministeryo.
Inaresto at Pinagmalabisan
Noong Pebrero ng 1942, kami ni Herbert ay inaresto habang kami ay nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang maliit at simpleng tahanan. Ang maybahay ay galit-na-galit sa ginawang pagtrato sa amin anupat kinuha niya ang kaniyang baril mula sa dingding at nagbabalang babarilin ang pulis! Kami ay kinasuhan ng pagpasok nang walang pahintulot at hinatulang nagkasala ayon sa paglilitis na ginanap nang sumunod na araw.
Kami’y inilagay sa isang marumi at malamig na selda sa loob ng 11 araw. Isang lokal na ministro ng Baptist ang dumalaw sa amin samantalang kami’y naroroon, na nagbigay-katiyakan sa amin na kung kami’y papayag na lisanin ang bayan, gagamitin niya ang kaniyang impluwensiya upang makalaya kami. Naisip namin na ito’y kabalintunaan, yamang ang kaniyang impluwensiya ang dahilan kung bakit kami naroroon.
Ang isang sulok ng aming selda ay dating palikuran. Iyon ay pinamumugaran ng mga surot. Ang pagkain ay isinisilbi sa hindi nahugasan at maruruming latang lalagyan. Dahilan sa mga kalagayang ito, ako’y nagkasakit ng pulmonya. Isang doktor ang tinawag upang tingnan ako, at kami’y pinalaya. Nang gabing iyon ay may mga mang-uumog na lumitaw sa aming trailer, kaya kami ay umuwi sa Robertsdale upang hintayin ang paglilitis sa amin.
Ang Paglilitis
Ang mga Baptist mula sa iba’t ibang estado ay nagtungo sa Brookhaven sa panahon ng paglilitis sa amin, upang suportahan ang ministrong Baptist na naging dahilan ng pag-aresto sa amin. Ito’y nag-udyok sa akin na lumiham sa aking bayaw na si Oscar Skooglund, isang tapat na diyakonong Baptist. Iyon ay isang makabagbag-pusong liham at hindi masyadong mataktika. Gayunman, ang pagtrato sa akin at ang aking isinulat ay maaaring nakaimpluwensiyang mabuti kay Oscar, sapagkat hindi natagalan, siya’y naging isang taimtim na Saksi ni Jehova.
Ang aming mga abogado, sina G. C. Clark at Victor Blackwell, kapuwa mga Saksi ni Jehova, ay kumbinsido na hindi kami magkakaroon ng makatarungang paglilitis sa Brookhaven. Kaya sila’y nagpasiya na patuloy na tumutol hanggang sa pawalang-saysay ng korte ang kaso. Sa tuwing magsasalita ang taga-usig, isa sa aming abogado ang tututol. Sila’y tumutol ng halos 50 ulit. Sa wakas, pinawalang-saysay ng hukom ang lahat ng akusasyon.
Isang Bagong Atas sa Pangangaral
Matapos makapagpahinga at makapanumbalik ang aking kalusugan, ipinagpatuloy ko ang pagpapayunir, kasama ng aking anak na si Harold. Noong 1943 kami ay nabigyan ng atas na malapit lamang sa amin, ang Whistler at ang Chickasaw, maliliit na komunidad na malapit sa Mobile, Alabama. Akala ko’y hindi na masyadong magiging mapanganib ang mga bagong teritoryong ito, yamang katatapos pa lamang gumawa ng mga desisyon ang Korte Suprema ng Estados Unidos na pabor sa mga Saksi ni Jehova at ang saloobin ng madla hinggil sa ating gawain ay bumubuti na.
Di-natagalan at nagkaroon kami ng isang grupo ng mga estudyante sa Bibliya sa Whistler, at nangailangan kami ng sariling dakong pulungan. Ang lahat ng marunong gumamit ng martilyo ay tumulong sa pagtatayo ng aming maliit na Kingdom Hall, at 16 ang dumalo sa aming unang pulong. Gayunman, kakaiba ang kalagayan sa Chickasaw, yamang ito ay isang bayan ng kompanya, na pag-aari ng Gulf Shipbuilding Corporation. Subalit, ito’y parang katulad lamang ng iba pang maliit na bayan, na may lugar ng negosyo, tanggapan ng koreo, at shopping center.
Isang araw noong Disyembre 1943, kami ni Aileen Stephens, isang kapuwa payunir, ay nag-aalok ng pinakabagong mga kopya ng ating mga magasin sa Bibliya sa mga dumaraan sa Chickasaw nang sabihin sa amin ni Deputy Chatham na wala kaming karapatang mangaral, dahilan sa kami ay nasa isang pribadong pag-aari. Ipinaliwanag namin na hindi kami nagtitinda at na ang aming gawain ay relihiyoso at ito’y protektado ng Unang Susog sa Saligang-Batas ng Estados Unidos.
Higit Pang Pag-aresto at Pagbibilanggo
Nang sumunod na linggo kami ni Aileen ay nakipagkita kay E. B. Peebles, ang bise presidente ng Gulf Shipbuilding, at ipinaliwanag namin ang kahalagahan ng aming relihiyosong gawain. Binabalaan niya kami na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay hindi pahihintulutan sa Chickasaw. Ipinaliwanag namin na ang mga tao ay nalulugod na tanggapin kami sa kanilang tahanan. Maaari bang ipagkait niya sa kanila ang karapatang mag-aral ng Bibliya? Siya’y nagalit at nagbanta na ipabibilanggo kami dahilan sa pagpasok nang walang pahintulot.
Ako’y nagbalik sa Chickasaw nang paulit-ulit at inaresto sa bawat pagkakataon. Subalit, sa tuwina, ako ay napalalaya dahilan sa piyansa. Nang dakong huli, ang piyansa ay masyadong itinaas, at kinailangang ako ay higit na magtagal sa bilangguan hanggang sa makapagtipon kami ng sapat na salapi. Ang mga kalagayan sa bilangguan ay marumi—walang palikuran, maruruming kutson na walang balot, at isang maruming kumot. Dahilan dito, ang aking problema sa kalusugan ay umulit.
Noong Enero 27, 1944, ang mga kaso ng anim na inarestong Saksi noong Disyembre 24, 1943, ay magkakasamang nilitis, at ang aking patotoo ay itinuring na kumakatawan sa iba pang mga nasasakdal. Bagaman ang paglilitis ay maliwanag na nagpakita ng hayagang pagtatangi laban sa mga Saksi ni Jehova, ako’y hinatulang nagkasala. Iniapela namin ang desisyon.
Noong Enero 15, 1945, ang korte ng apelasyon ay naglabas ng hatol nito: Ako’y nagkasala ng pagpasok nang walang pahintulot. Bukod dito, ang Korte Suprema ng Alabama ay tumangging dinggin ang aking kaso. Noong Mayo 3, 1945, si Hayden Covington, isang Saksi ni Jehova at isang matapang at masiglang abogado, ay nag-apela sa Korte Suprema ng Estados Unidos.
Habang kami ni Aileen ay naghihintay ng desisyon ng Korte Suprema, binaligtad namin ang situwasyon sa pamamagitan ng paghahain ng isang demanda sibil laban kay E. B. Peebles at sa kaniyang mga kasamahan sa departamento ng sheriff, para sa bayad-pinsala. Ang mga naghabla sa amin ay nagsikap na baguhin ang kanilang akusasyon laban sa amin mula sa pagpasok nang walang pahintulot tungo sa pang-aabala sa trapiko, subalit noong ako’y nasa bilangguan pa, nakapagpuslit ako ng papeles na pirmado ni Deputy Chatham, na naghahabla sa amin ng pagpasok nang walang pahintulot. Nang iharap ang ebidensiyang ito sa korte, si Sheriff Holcombe ay biglang napatayo at muntik ng malulon ang kaniyang tabako! Ang paglilitis, noong Pebrero 1945, ay nagtapos nang hindi nagkakaisa ang hurado.
Nagpasiya ang Korte Suprema
Ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay interesado sa aking kaso sapagkat ang pagpasok nang walang pahintulot sa pribadong pag-aari ay nagharap ng bagong aspekto may kaugnayan sa relihiyosong kalayaan. Pinatunayan ni Covington na ang regulasyon ng Chickasaw ay hindi lamang lumalabag sa kalayaan ng mga nasasakdal kundi ng komunidad sa kabuuan.
Noong Enero 7, 1946, binaligtad ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang hatol ng mababang hukuman at gumawa ng isang makasaysayang desisyon na pabor sa amin. Si Hukom Black ay nagpahayag ng desisyon, na naglalakip sa pananalitang ito: “Yamang ang Estado [ng Alabama] ay nagtangkang maglapat ng parusang kriminal sa umapela [Grace Marsh] dahilan sa pamamahagi ng relihiyosong literatura sa isang bayan ng kompanya, ang ginawa nito ay hindi makatarungan.”
Isang Nagpapatuloy na Pakikipaglaban
Sa wakas kami ni Herbert ay nanirahan sa Fairhope, Alabama, at nagpatuloy sa gawain alang-alang sa mga kapakanan ng Kaharian sa loob ng maraming taon. Namatay si Herbert noong 1981, subalit taglay ko ang maraming masasayang alaala noong mga panahong kami’y magkasama. Ang aming anak na si Harold ay tumigil sa paglilingkuran kay Jehova noong dakong huli at di-natagalan ay namatay, noong 1984. Ito ang isa sa pinakamalaking dalamhati ko sa buhay.
Gayunpaman, ako’y nagpapasalamat, na si Harold at ang kaniyang asawang si Elsie, ay nagbigay sa akin ng tatlong mabubuting apong babae at ngayo’y mayroon na rin akong mga apo-sa-tuhod na bautisadong mga Saksi. Tatlo sa aking nakababatang mga kapatid, sina Margaret, Ellen Jo, at Crystal, ay nabubuhay pa at nagpapatuloy bilang tapat na mga lingkod ni Jehova. Napangasawa ni Crystal si Lyman Swingle, na isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Sila’y naninirahan sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York. Sa kabila ng matinding suliranin sa kalusugan nitong nakaraang ilang mga taon na, si Crystal ay nanatiling isang napakabuting halimbawa at isang pampatibay-loob sa akin.
Sa aking mahigit na 90 taon, natutuhan kong huwag matakot kailanman sa kung ano ang magagawa ng tao, sapagkat si Jehova ay mas malakas kaysa kaninumang sheriff, sa kaninumang hukom, sa kaninumang tao. Habang ginugunita ko ang nakaraang mga pangyayaring ito, malaki ang aking pagpapahalaga sa pribilehiyo ng pagkakaroon ng bahagi sa “pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita”!—Filipos 1:7.
[Kahon sa pahina 22]
Ipinagsanggalang ng Konstitusyon
Noong 1995, si Merlin Owen Newton ay sumulat ng Armed With the Constitution, isang aklat na nagpapatunay sa papel ng mga Saksi ni Jehova sa pagbibigay-linaw sa aplikasyon ng Unang Susog sa Saligang-Batas ng Estados Unidos. Nang panahong iyon, si Gng. Newton ay isang katulong na propesor sa history at political science sa Huntingdon College sa Montgomery, Alabama. Ang kaniyang lubusang pagkakasaliksik at dokumentadong aklat ay nagrerepaso sa dalawang kaso sa korte ng Alabama na magkasunod na iniapela sa Korte Suprema ng Estados Unidos.
Ang isa sa mga kasong ito sa Korte Suprema ay may kinalaman kay Grace Marsh, na ang mismong salaysay niya’y lumitaw sa kalakip na artikulo. Ang isa pang kaso, Jones v. City of Opelika, ay tumalakay sa karapatang magpalaganap ng relihiyosong paniniwala sa pamamagitan ng pamamahagi ng literatura. Sina Rosco at Thelma Jones, mag-asawang itim, ay buong panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova.
Sa paghahanda ng kaniyang aklat, ginamit ni Propesor Newton ang mga magasin at legal na mga babasahin nang panahong iyon, mga talambuhay at mga sulat ng mga Saksi, mga pakikipanayam at materyal na inilathala ng mga Saksi mismo, at mga dalubhasang pag-aaral sa mga gawain ng Saksi. Ang kawili-wiling mga detalye at mismong mga kaisipan ng mga nasasakdal, mga abogado, at mga hukom sa Armed With the Constitution ay nagbigay-buhay sa isang bahagi ng legal na kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 20]
Kasama ng aking lolong si Sim Waldrop
[Larawan sa pahina 23]
Si Grace Marsh sa ngayon