Ang Puma—Biglang Lilitaw at Maglalaho
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Brazil
ANG sangkalangitan sa ibabaw ng maulang gubat ng Timog Amerika ay nagbabago na tungo sa di-mailarawang kulay nito bago ito burahin ng kadiliman ng gabing tropiko. Pagkatapos, biglang-bigla at buong-tahimik, hayun ang puma! Buong-ingat itong tumapak sa hinawang bahagi ng kagubatan at bigla na lamang huminto.
Sa loob ng ilang sandali ay walang katinag-tinag na tumayo ang malaking pusa, maliban sa dulo ng buntot nito, na patuloy na gumagalaw tulad ng isang mabagal na wiper sa salamin ng kotse. Pagkatapos, nang mapansin nito na siya’y pinagmamasdan, ang puma ay lumundag sa hawan at sumugod sa loob ng kagubatan. Nang hapong iyon mga ilang taon na ang nakalipas, naunawaan ko kung bakit ang mga pantakbong sapatos, matutuling kotse, at maging ang mga pandigmang jet ay may ganitong pangalan. Maliwanag, ang puma, o cougar, na pangalawa sa pinakamalaking pusa sa Amerika, ay dinisenyo para sa bilis.a
Talaksan ng Laman
Dahil sa liso at kayumangging kulay nito, ang puma ay maaaring magpaalaala sa iyo ng isang babaing leon. Subalit ang bahagi ng mukha nito sa ulo ay hindi parihaba ang hugis na gaya niyaong sa pinsan nitong Aprikano. Sa halip, ang ulo ng puma ay bilog at maliit at nasa ibabaw nito ang bilugan at maliliit ding tainga. Kung titingnan mula sa gilid, ang ulo nito ay parang isang bala—makinis at mahaba. Tititigan ka ng malalaking berdeng mga mata nito. Dahil sa isang patse ng puting balahibo sa palibot ng bibig nito ay iisipin mong isinubsob nito ang kaniyang nguso sa isang mangkok ng gatas at nakalimutang pahiran ang bibig nito. Ang katawan nito, malambot at malaman, ay maaaring umabot sa 1.5 metro o higit pa, hindi pa kasali ang makapal na buntot nito na maitim sa dulo.
Ang mahahaba at matitipunong binti nito sa likod ay nagpapangyaring mas mataas ang puwitan nito kaysa sa mga balikat nito. Ang malalakas na binting iyon ang nagbibigay sa 60-kilong talaksan ng laman na ito ng karagdagang lakas upang lumundag mula sa lupa na para bang isang rocket. Nakikita ang mga puma na lumulundag paitaas na umaabot hanggang 5 metro sa minsang paglundag. Iyan ay kagaya ng paglundag sa pole-vault nang hindi gumagamit ng isang pole!
Kapag lumulundag pababa, kahanga-hanga rin ang puma. Napag-alaman na nakalulundag ito sa lupa mula sa taas na 18 metro. Ito’y halos doble ng taas ng mga plataporma na ginagamit ng mga sumisisid sa Olimpiyada, ngunit hindi taglay ng puma ang kainaman ng isang swimming pool na puno ng tubig. Magkagayunman, nakalalapag ang pusa sa lupa anupat handa na namang tumalon na para bang bumagsak lamang sa isang trampoline.
“Ito ay isang malakas at nakatatakot na hayop,” sabi ng isang biyologo sa buhay-ilang na si Kenneth Logan. “Minsang matutuhan mo kung paano nabubuhay ang mga pusang ito, igagalang mo sila nang husto.” Kapansin-pansin, waring ang mga ito’y laging biglang lilitaw—ngunit maglalaho.
Laging Biglang Lilitaw, Subalit Di-Nakikita
Nang ang unang mga taga-kolonya ay nanirahan sa Bagong Daigdig, ang lugar na kinaroroonan ng puma ay umaabot sa buong kontinente, mula sa Atlantiko hanggang sa Pasipiko. Nabubuhay ito sa mga bundok, latian, parang, at gayundin sa kagubatan. Bagaman nilipol na ngayon ng mga mangangaso at magsasaka ang puma sa maraming bahagi ng Hilagang Amerika, nananatili pa rin itong tipikal na pusa sa Amerika, anupat pagala-gala pa rin sa Canada hanggang sa dulo ng Timog Amerika. Kung susukatin mo ang tagumpay ng isang hayop batay sa lawak ng lugar na nasasakupan nito at sa pagkasari-sari ng lugar na tinitirahan nito, kung gayon, ang puma ay tiyak na ang pinakamatagumpay na katutubong mamal sa Amerika ngayon. Ang sekreto ng tagumpay nito?
Taglay ng puma ang mga katangian upang makaligtas. Mayroon itong matibay na sikmura at gumagamit ito ng iba’t ibang paraan sa panghuhuli. Maaari nitong kainin ang halos anumang uri ng pagkain sa isang lugar. “Kaya nitong pumatay at humila ng isang hayop na mas malaki rito nang limang ulit, ngunit kumakain din ito ng mga tipaklong kapag wala nang ibang makuha,” sabi ng isang beterinaryo na sumuri sa mga laman ng sikmura ng ilang puma na napatay sa Brazil. “Pagdating sa pagkain, mas madaling makibagay ang puma kaysa sa alinmang ibang uri ng pusa.”
Ang sari-saring pagkain ay nangangailangan din ng sari-saring kakayahan sa panghuhuli. Halimbawa, ang pagdakma sa isang ibon ay nangangailangan ng taktika na naiiba sa pagsunggab sa isang usa. Paano ito ginagawa ng puma? Sa Atlantikong kagubatan ng Brazil, inaakit nito ang tinamou sa pamamagitan ng paggaya sa huni ng ibong ito. “Isang eksaktong panggagaya,” sabi ng isang tagamasid. “Ilang ulit lamang humuni ang tinamou, ngunit patuloy na pumipito ang puma—10 o 20 beses.” Gayunpaman, mabisa ito. Iniisip ng tinamou na ang isang maingay na lalaking ibon ay sumalakay sa teritoryo nito at nagpasiya itong lumabas at harapin ang kaniyang karibal—isang nakamamatay na pagkilos.
Hinahanap mo man ang puma sa Hilaga, Sentral, o Timog Amerika, kadalasa’y nagagawa nitong hindi magpakita—tulad ng hangin, nasa lahat ng dako ngunit di-nakikita. Ang mga pang-uring napakadalas gamitin ng mga mananaliksik na nag-aaral ng puma ay “malihim, mailap at maingat.” Pagkatapos makapatay ng mga 70 puma, inamin ng isang mangangaso na “hindi pa niya kailanman nakita ang kaniyang mga biktima bago pa ito maitaboy ng mga aso paakyat sa isang punungkahoy.” Hindi nakapagtatakang tinatawag ng nasiphayong mga mananaliksik ang pusang ito na “napakailap”!
Isang Pusang May Maraming Pangalan
Subalit ang tipikal na pusa sa Amerika ay hindi lamang mahirap makita kundi mahirap din namang bigyan ng katuturan. Ang puma, sabi ng The Guinness Book of Animal Records, “ay may mas maraming pangalan kaysa alinmang ibang mamal sa daigdig.” Bukod sa mahigit sa 40 pangalan na kilala sa Ingles, “ito rin ay may di-kukulangin sa 18 katutubong pangalan sa Timog Amerika at 25 pang katutubong pangalan sa Hilagang Amerika.”
Ang puma, na siyang pangalan na kadalasang ginagamit ng mga dalubhasa sa mga hayop, ay galing sa wikang Quechua ng Peru. Ang leon sa kabundukan, catamount, panther, painter, pulang tigre, at usang tigre ay ilan lamang sa iba pang ipinangalan sa pusang ito.
Ganito ang sabi ni Dr. Faiçal Simon, tagapangasiwa ng São Paulo Zoo at isang eksperto sa mga puma: “Ang gawi at pisikal na kakayahan ng puma ay hindi katulad sa ibang malalaking pusa.” Ito ay tunay na naiibang uri ng pusa at isa na may sari-saring laki at kulay. Hanggang 30 uri ng puma ang kilala sa buong mga lupain ng Amerika, na ang 6 sa mga ito ay nasa Brazil.
Dapat ba Itong Lipulin?
Para sa mga may-ari o tauhan ng mga rantso ng baka sa Brazil at sa iba pang lugar, ang puma ay isang peste at dapat barilin sa sandaling mamataan. Ngunit talaga nga bang karapat-dapat sa puma ang reputasyon ng isang walang-humpay na mamamatay ng baka? “Kung may makikitang ligaw na mga hayop, ang puma ay bihirang pumatay ng baka,” paliwanag ni Dr. Simon. “Ang iilang pagkakataon na nangyari ito ay tiyak na hindi nagbibigay-katuwiran sa sistematikong paglipol sa hayop na ito. Ang totoo, sa pagbaril sa mga puma, pinipinsala ng mga rantsero ang kanilang sarili.” Sa anong paraan?
Halimbawa, sa Pantanal ng Brazil, isang latian na mas malaki pa sa Timog Korea, kung saan napakaraming baka ang malayang pagala-gala, pinapatay naman ng mga rantsero ang mga puma. Bunga nito, sabi ni Dr. Simon, ang armadillo—mas nagugustuhang pagkain ng puma sa pook na iyon—ay mabilis na dumarami. Ang mga armadillo ay mga mamal na may matigas na baluti na sinlaki ng mga kuneho at humuhukay ng mga butas. Dahil sa wala nang mga puma, ang mga pastulan ng Pantanal ay ginagawa ng mga armadillo na mga bukid na patayan. Paano?
Buweno, natatapakan ng mga baka ang mga butas, nababalian ng mga binti, at namamatay. “Mas maraming baka ngayon ang nawawala sa mga rantserong iyon kaysa sa dati dahil pinatay nila ang mga puma,” sabi ni Dr. Simon. “Isa na naman itong halimbawa ng kung ano ang nangyayari kapag pinakikialaman ng tao ang kalikasan.”
Dumarami ang mga tao sa mga lupain ng Amerika na nagnanais na iligtas ang puma. Kaya naman, ang mga awtoridad sa ilang bahagi ng Hilagang Amerika ay nagpasa ng pabor-sa-puma na mga batas na naglalagay ng mga restriksiyon sa pangangaso at nangangalaga sa karaniwang tirahan ng pusang ito.
Bunga nito, sa kanluraning Estados Unidos, nagbabalik ang puma, anupat muling tinitirahan ang mga dating lugar nito. Totoo, hindi lahat ay sang-ayon dito, ngunit marami ang sumasang-ayon. Sinabi ng magasing Smithsonian na ang puma “ay dumaan sa isang magandang . . . pagbabago sa halos maikling panahon, mula sa pagiging peste tungo sa pagiging kanais-nais na hayop.”
Ang puma ay gustung-gusto ng mahihilig sa kalikasan at ng mga mangangaso. Para sa nauna, ang pusa ay isang maringal na sagisag ng ilang, ngunit para sa huli, ito ay nanatiling isang tropeo. Ang tanong ay, Hanggang kailan magiging ganito ang puma?
[Talababa]
a Ang pinakamalaking pusa sa mga lupain ng Amerika ay ang jaguar; tingnan ang Gumising!, Agosto 22, 1990, pahina 25-7.
[Kahon sa pahina 26]
“Mabuhay at Hayaang Mabuhay ang Iba”?
Ang mga batas na nagsasanggalang sa puma, o cougar, sa kanluraning Estados Unidos ay hindi lamang nagparami sa bilang ng puma kundi humantong din sa pagdami ng mga engkuwentro sa pagitan ng mga puma at ng mga tao. Maliwanag ang dahilan: Dumaraming tao ang naninirahan na sa mga hangganan ng ilang—sa lupain ng puma—anupat nagdudulot ng suliranin sa kaligtasan ng publiko. Gayunman, bihira pa rin ang mga pagsalakay ng puma.
Ang mga mananaliksik ay nakapagtala ng 65 pagsalakay ng mga puma sa mga tao sa Estados Unidos at Canada mula noong 1890—katumbas ito ng mga 3 pagsalakay sa bawat limang taon. Sa 65 iyon, marahil 10 pagsalakay ang nakamatay. Kung ihahambing, sa Estados Unidos lamang, mga 40 katao sa isang taon ang namamatay sa tibo ng bubuyog.
“Kung mabibigyan lamang ng pagkakataon,” sabi ng biyologo sa buhay-ilang na si Kevin Hansen, “talaga namang bihirang-bihira ang mga pagsalakay sa mga tao, anupat nagpapahiwatig ng malaking pagnanais ng cougar na mabuhay at hayaang mabuhay ang iba, kahit paano kung tungkol sa mga tao.”
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Mga larawan: Sa kagandahang-loob ng São Paulo Zoo