Ang Pagpili Ko sa Pagitan ng Dalawang Ama
“Hindi na kita anak! Lumayas ka sa bahay na ito ngayon din, at huwag ka nang babalik hanggang hindi mo tinatalikdan ang relihiyong iyan!”
TAGLAY lamang ang damit na suot ko, ako’y umalis. Nagpuputukan ang kanyon sa palibot ng lugar namin nang gabing iyon, at hindi ko alam kung saan ako pupunta. Mahigit na anim na taon ang lumipas bago ako nakabalik sa bahay.
Ano ang makapagpapagalit ng gayon na lamang sa isang ama anupat palalayasin niya ang kaniya mismong anak? Buweno, hayaan mong ipaliwanag ko sa iyo kung paano ito nagsimula.
Paglaki sa Isang Daigdig na Puno ng Poot
Ang aking mga magulang ay nakatira sa Beirut, Lebanon, isang bansa na dati’y kilalang lugar na nakaaakit sa mga turista. Subalit, mula noong 1975 hanggang 1990, ang lunsod ay sentro ng mapangwasak na digmaan. Ako’y isinilang noong 1969, ang panganay sa isang pamilyang Armeniano na may tatlong anak. Kaya nga, ang aking maagang mga alaala ay yaong mga panahong mapayapa.
Ang aking mga magulang ay kabilang sa Simbahang Apostoliko Armeniano, ngunit isinasama kami ni Inay sa simbahan dalawang beses lamang sa isang taon—kung Pasko ng Pagkabuhay at Pasko. Kaya ang aming pamilya ay hindi talagang napakarelihiyoso. Gayunpaman, ako’y pinag-aral sa isang haiskul na pinangangasiwaan ng mga Evangelical, kung saan ako’y tumanggap ng pagtuturo sa relihiyon. Nang panahong iyon, hindi rin nakainteres sa akin ang relihiyon.
Ang isang bagay na natutuhan ng maraming Armeniano sa pagkabata ay ang kapootan ang mga Turko. Noong Digmaang Pandaigdig I, pinagpapatay ng mga Turko ang daan-daang libong Armeniano at sinakop ang kalakhang bahagi ng bansang Armenia. Noong 1920 ang silangang bahagi na naiwan ay naging isang republika ng Unyong Sobyet. Bilang isang kabataan, determinado akong makipaglaban upang matamo ang katarungan.
Nagbago ng Pag-iisip
Gayunman, noong mga taon ng 1980, nang ako’y nasa kalagitnaan ng aking pagiging tin-edyer, ang mga bagay na sinabi sa akin ng tiyo ko sa ina ay nagpabago sa aking pag-iisip. Sinabi niyang malapit nang ituwid ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang lahat ng kawalan ng katarungan. Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng Kaharian na itinuro ni Jesu-Kristo na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod, maging yaong mga pinaslang sa mga masaker ay bubuhaying-muli sa lupa.—Mateo 6:9, 10; Gawa 24:15; Apocalipsis 21:3, 4.
Tuwang-tuwa ako. Palibhasa’y gusto kong makarinig ng higit pa, patuloy akong nagtanong sa kaniya. Ito’y humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya, na idinaos sa bahay ng isa pang Saksi.
Habang natututo ako tungkol sa aking makalangit na Ama, si Jehova, at natutuhan kong ibigin siya nang higit, nangamba akong isang araw ay makakaharap ko ang isang mahirap na pagpapasiya—ang pagpili sa pagitan ng aking pamilya at ng Diyos na Jehova.—Awit 83:18.
Mahirap na Pagpili Para sa Isang 17-Anyos
Sa wakas, nabalitaan ni Inay ang tungkol sa pagsama ko sa mga Saksi ni Jehova. Galit na galit siya at pinagsabihan akong ihinto ko ang aking pag-aaral ng Bibliya. Nang matanto niya na seryoso ako sa aking mga paniniwala, nagbanta siyang sasabihin ito kay Itay. Nang panahong iyon, hindi ko iyon alintana sapagkat iniisip kong makakaya kong harapin ang situwasyon at maninindigan ako laban sa kagustuhan ni Itay. Subalit nagkamali ako.
Nang malaman ni Itay na ako’y nakikisama sa mga Saksi ni Jehova, galit na galit siya. Nagbanta siyang palalayasin ako sa bahay kung hindi ko ihihinto ang aking pag-aaral ng Bibliya. Sinabi ko sa kaniya na hindi ko ito maihihinto sapagkat ang natututuhan ko’y ang katotohanan. Nang matapos ang kaniyang pagsigaw, paghiyaw, at pagsumpa, siya’y umiyak na parang bata. Literal na nagmakaawa siya sa akin na tigilan ko na ang pakikisama sa mga Saksi.
Para akong nasa dalawang nag-uumpugang bato, naiipit ako sa pagitan ng dalawang ama—si Jehova at siya. Batid kong mahal na mahal nila ako kapuwa, at nais kong palugdan silang dalawa; ngunit waring ito’y imposible. Ang panggigipit ay hindi ko kayang batahin. Sinabi ko kay Itay na gagawin ko ang gusto niya, na nangangatuwirang ipagpapatuloy ko ang aking pag-aaral at magiging isang Saksi kapag ako’y nagkaedad na. Ako’y 17 lamang noon.
Nang sumunod na mga araw, nahihiya ako sa aking ginawa. Sa palagay ko’y hindi maligaya si Jehova at na hindi ako nagtiwala sa mga salita ng salmistang si David, na nagsabing: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, kukunin nga ako ni Jehova.” (Awit 27:10) Subalit nasa haiskul pa lamang ako noon, at ang mga magulang ko ang nagpapaaral sa akin.
Isang Mas Matatag na Paninindigan
Sa loob ng mahigit na dalawang taon, hindi ko dinalaw ang aking tiyo o nakipagkita man ako sa mga Saksi, yamang alam kong sinusubaybayan ng aking mga magulang ang bawat kilos ko. Isang araw noong 1989, sa gulang na 20, nakatagpo ko ang isang Saksi na kilala ko. May kabaitang tinanong niya ako kung gusto ko bang dumalaw sa kaniya. Yamang wala naman siyang binanggit na anuman tungkol sa pag-aaral ng Bibliya, sa dakong huli’y dumalaw nga ako sa kaniya.
Nang maglaon, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Kingdom Hall. Nag-aral ako sa dako ng aking trabaho, kung saan walang makaiistorbo sa akin. Bunga nito, nagkaroon ako ng higit na pagpapahalaga sa maibiging katangian ni Jehova gayundin ng mas mabuting pagkaunawa sa kahalagahan ng pagkakaroon at pagpapanatili ng isang malapit na kaugnayan sa kaniya sa ilalim ng anumang kalagayan. Noong Agosto nang taong iyon, sinimulan ko pa ngang ibahagi sa iba ang aking natutuhan.
Hanggang noong panahong iyon ay walang kaalam-alam ang aking pamilya. Subalit, pagkaraan ng ilang araw ay muli kaming nagkaharap ng tatay ko, ngunit sa pagkakataong ito’y mas handa ako para sa komprontasyon. Sinikap niyang magtanong nang mahinahon: “Anak, totoo bang nakikisama ka pa rin sa mga Saksi ni Jehova?” Nangingilid ang mga luha sa kaniyang mga mata habang hinihintay niya ang aking sagot. Ang aking ina at kapatid na babae ay tahimik na umiiyak.
Ipinaliwanag ko na kamakailan lamang ako nakisama sa mga Saksi at na determinado akong maging isa sa kanila. Sa gayon, napakabilis na nangyari ang mga bagay-bagay. Isinigaw ni Itay ang mga salitang iyon na nasa simula ng artikulong ito. Pagkatapos ay sinunggaban niya ako at sumigaw na hindi niya ako palalabasin ng bahay nang buháy. Nakaalpas ako, at habang tumatakbo akong pababa ng hagdan, narinig ko ang aking nakababatang kapatid na lalaking pinahihinahon si Itay. “Mula ngayon ay kayo na po ang aking Ama,” dalangin ko kay Jehova. “Kayo po ang pinili ko, kaya pakisuyong pangalagaan po ninyo ako.”
Mga Pagganti
Pagkalipas ng ilang araw, si Itay ay nagtungo sa bahay ng aking tiyo, sa pag-aakalang masusumpungan niya ako roon. Sinalakay niya ito at gusto niyang patayin ito, subalit namagitan ang ilang Saksi na dumadalaw noon. Umalis si Itay, na nagbabantang babalik. Di-nagtagal ay bumalik nga siya, kasama ang mga militia na nasasandatahan ng mga baril. Dinala nila ang mga Saksi at ang aking tiyo, na may malubhang sakit, sa kanilang hedkuwarter ng mga militar.
Pagkatapos ay pinaghahanap ang iba pang Saksi sa lugar na iyon. Sinalakay rin ang bahay ng isa sa kanila. Ang mga aklat, pati na ang mga Bibliya, ay itinambak sa lansangan at sinunog. Subalit hindi lamang iyan. Anim na Saksi ang inaresto gayundin ang ilang tao na nakikipag-aral lamang sa kanila. Ang lahat ay inilagay sa isang maliit na silid, pinagtatanong, at pagkatapos ay binugbog. Ang iba ay pinaso sa pamamagitan ng mga sigarilyo. Ang balita tungkol sa mga pangyayaring ito’y mabilis na kumalat sa purok. Pinaghahanap ako ng mga militia sa lahat ng dako. Hiniling sa kanila ng tatay ko na hanapin ako at gawin ang lahat ng paraang magagawa nila upang baguhin ang aking pag-iisip.
Pagkaraan ng ilang araw, pinasok ng mga militia ang Kingdom Hall, kung saan ang isang kongregasyon ay nagdaraos ng pulong. Pinalikas nila ang buong kongregasyon—ang mga lalaki, mga babae, at mga bata. Kinumpiska nila ang kanilang mga Bibliya at pinalakad sila sa hedkuwarter ng mga militia, kung saan sila’y pinagtatanong.
Tumakas Tungo sa Gresya
Sa lahat ng panahong ito, ako ay kinukupkop ng isang pamilya ng mga Saksi na malayo sa eksena ng kaguluhan. Pagkaraan ng isang buwan ay umalis ako ng bansa patungong Gresya. Pagdating ko roon, inialay ko ang aking buhay sa Diyos na Jehova at ako’y nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay.
Sa Gresya ay nadama ko ang maibiging pangangalaga ng isang espirituwal na kapatiran na kinabibilangan ng mga tao mula sa maraming nasyonalidad—pati na ng mga Turko. Naranasan ko ang katotohanan ng mga salita ni Jesus: “Walang sinuman na nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ang hindi tatanggap ng sandaang ulit ngayon sa yugtong ito ng panahon, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang-hanggan.”—Marcos 10:29, 30.
Sa sumunod na tatlong taon, ako’y nanatili sa Gresya. Bagaman sumulat ako kay Itay nang ilang beses, hindi siya kailanman sumagot. Nang maglao’y sinabi sa akin na kailanma’t dumalaw ang mga kaibigan sa amin at nagtatanong tungkol sa akin, sasabihin niyang: “Wala akong anak na may ganiyang pangalan.”
Muling Pagkikita Pagkalipas ng Anim na Taon
Ako’y nagbalik upang manirahan sa Beirut noong 1992, matapos ang digmaan. Sa pamamagitan ng isang kaibigan ay ipinaalam ko kay Itay na nais kong magbalik sa bahay. Tumugon siya na ako’y malugod na tatanggapin—tangi lamang kung itatakwil ko ang aking pananampalataya. Kaya ako’y tumira sa isang inuupahang apartment sa sumunod na tatlong taon. Pagkatapos, noong Nobyembre 1995, biglang nagtungo si Itay sa dako ng aking trabaho at hiniling na makita ako. Wala ako noon, kaya nag-iwan siya ng mensahe na gusto niya akong umuwi ng bahay. Sa simula’y hindi ako halos makapaniwala. Kaya, lubhang bantulot, nagtungo ako upang makita siya. Isa itong emosyonal na muling pagkikita. Sinabi niyang hindi na siya tutol sa aking pagiging isang Saksi at na gusto niya akong umuwi!
Ngayon ako’y naglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda at isang buong-panahong ministro sa isang kongregasyong nagsasalita ng Armeniano. Madalas akong makatagpo ng mga taong katulad ng aking ama na sumasalansang sa mga miyembro ng pamilya sapagkat ang mga ito’y gustong maglingkod kay Jehova. Natalos ko na si Itay ay taimtim na naniniwalang tama ang ginagawa niya sa pagsalansang sa aking pagsamba. Inihahanda pa nga ng Bibliya ang mga Kristiyano sa pagsasabing sila’y makaaasa ng pagsalansang ng pamilya.—Mateo 10:34-37; 2 Timoteo 3:12.
Inaasahan ko na balang araw ang aking ama at ang iba pa sa aking pamilya ay makikibahagi sa aking pag-asang nasa Bibliya tungkol sa isang dumarating na mas mabuting daigdig. Sa panahong iyon ay mawawala na ang mga digmaan o mga masaker, at ang mga tao’y hindi na palalayasin sa kanilang mga lupain o pag-uusigin man dahil sa katuwiran. (2 Pedro 3:13) At sa panahong iyon ang mga tao’y hindi na mamimili sa pagitan ng dalawang bagay na totoong mahal sa kanilang puso.—Isinulat.