Isang Pangakong Ipinasiya Kong Tuparin
GAYA NG INILAHAD NI MARIAN TSIBOULSKI
NOONG Pebrero 1945, ako’y isang 20-anyos na sundalo sa hukbong Sobyet, na nagtaboy sa mga Aleman ng mga daan-daang milya pabalik sa kanila mismong bansa. Nakita ko araw-araw ang mga kakilabutan ng digmaan, anupat nangamatay ang mga kasamahan ko sa palibot ko. Papalapit na kami sa Breslau, Alemanya, ngayo’y Wrocław, Poland. Doon isang gabi, palibhasa’y pagod na sa pagpatay at pagdurusa, nangako ako sa Diyos na kung hahayaan niya akong makauwi nang ligtas, iaalay ko ang aking buhay sa paggawa ng kaniyang kalooban.
Pagkalipas ng tatlong buwan, natalo ang Alemanya. Pagkatapos na pauwiin mula sa hukbo, noong Disyembre 1945 ay nilakad ko pauwi ang Rogizno, isang nayon na malapit sa Lvov (ngayo’y Lviv), Ukraine, ang bayan ng aking ama. Kinabukasan ay nakilala ko ang isa sa mga Saksi ni Jehova at ako’y lubos na pinatotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Bagaman may nalalaman na ako tungkol sa Bibliya at nakabasa pa nga ako ng ilang literatura ng mga Saksi, naantig ngayon ang puso ko. Natanto ko na ang pagtatagpong ito ay may kinalaman sa aking pangako.
Pagtupad sa Aking Pangako
Hindi nagtagal ay nakapagturo ako sa mababang paaralan. Subalit wala pang dalawang taon ang nakalilipas, ako’y tinanggal sa trabaho, nang ipasiya ng tagapamahala sa pandistritong tanggapan ng edukasyon na ituro sa mga bata ang ateismo. Kasabay nito, noong Mayo 1947, nagsimula akong makibahagi sa gawaing pangangaral sa madla na kasama ng mga Saksi ni Jehova. Pinatibay-loob ako ng mga Saksi na lumipat sa timog sa bayan ng Borislav, kung saan agad akong nakasumpong ng trabaho bilang isang elektrisyan.
Sa Borislav, nakilala ko ang mga taong naging mga Saksi noong dekada ng 1930. Marami silang publikasyon sa Bibliya, na binasa ko nang husto, lakip na ang mga tomo ng Studies in the Scriptures, at ang karamihan ng mga aklat na isinulat ni Joseph F. Rutherford, isang dating presidente ng Samahang Watch Tower. Binasa ko rin ang mga lumang kopya ng Ang Bantayan at ng The Golden Age (ngayo’y Gumising!), na mayroon ang ilang Saksi. Subalit ang higit na hinangaan ko ay ang koleksiyon ng mga liham na isinulat ng mga Saksing Aleman na nahatulan ng kamatayan sa ilalim ng rehimen ni Hitler. Ang mga liham na ito’y isinalin sa wikang Polako, minimeograp, at saka ginawang buklet. Nang maglaon, dahil sa naalaala ko ang integridad niyaong mga kapatid na Aleman, ako’y napalakas na batahin ko ang mga pagsubok.
Sa wakas, noong 1949, ako’y nabautismuhan sa isa sa mga lawa ng Borislav, sa gayo’y pormal na tinupad ang pangakong ginawa ko noong ako’y nasa digmaan pa na maglingkod sa Diyos. Subalit ngayon ito’y isang pangako na nakasalig sa tumpak na kaalaman.
Nagsimula Na ang Aking mga Pagsubok
Hindi nagtagal at ako’y nasesante sa aking trabaho. Kaya noong Pebrero 1950, ako’y lumipat sa kalapit na lunsod ng Stry, kung saan ako ay muling nakasumpong ng trabaho bilang isang elektrisyan. Ako’y malugod na tinanggap ng aking Kristiyanong mga kapatid at inanyayahan pa nga ako na magpahayag sa taunang Memoryal bilang pag-alaala sa kamatayan ni Jesu-Kristo na ginanap pagkalipas ng ilang linggo.
Nang panahong ito, tumindi ang pagpapagalit sa mga Saksi at ang mga pagbabanta sa kanila. Kami’y minanmanan ng mga miyembro ng KGB, ang Komite sa Seguridad ng Estado. Kaya kami ay nag-ingat habang kami’y naghahanda para sa posibleng pag-aresto at pagtatanong. Ang pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian sa mga pulong ay nakatulong sa amin na manatiling malakas sa espirituwal.
Noong Hulyo 3, 1950, ako’y hiniling na pumirma sa Stockholm Appeal, isang apela laban sa mga sandatang nuklear na iniulat na nilagdaan ng mahigit na 273,000,000 katao, mga karaniwang mamamayan ng mga bansang Komunista. Nang ako’y tumangging pumirma, na ipinaliliwanag na ako’y neutral may kaugnayan sa pulitika, ako’y minsan pang nasesante. Kasunod ng pangyayaring ito ako ay inaresto, nilitis, at nahatulan ng hanggang 25 taóng pagkabilanggo sa isang kampo ng sapilitan at mabibigat na trabaho.
Sa Iba’t Ibang Kampo
Noong Disyembre 1950, marami sa amin ang isinakay sa isang bagon ng baka at kami’y dinala sa isang lugar na mga 3,000 kilometro ang layo malapit sa gawing hilaga ng Ural Mountains, na bahagyang naghihiwalay sa Russia ng Asia mula sa Russia ng Europa. Doon ay ikinulong ako sa iba’t ibang kampo. Magkakapareho ang trato sa lahat ng kampo—mabigat na trabaho at kakarampot na pagkain. Ang dalawa o tatlong buwan ay sapat na upang magmistulang nabubuhay na mga bangkay ang mga bata’t malulusog na lalaki. Marami ang namatay. Hindi kami nangahas na mangarap na makaligtas, lalo na yaong mga kabilang sa amin na may mahahabang sentensiya.
Ang taon na wala akong literatura sa Bibliya at wala akong nakakausap na ibang Saksi ang pinakamahirap para sa akin. Totoong isang malupit na pahirap ang mabukod. Subalit ako’y napalalakas sa espirituwal kapag ang ilang bilanggo ay nakikinig habang ako’y nakikipag-usap sa kanila tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa wakas, sinagot ang aking taos-pusong panalangin, at ako’y inilipat mga 2,000 kilometro sa timog-silangan sa isang malaking grupo ng mga gusali ng mga kampo sa katatatag na lunsod ng Angarsk, sa gawing silangan ng Siberia. Isang malaking pagawaan ng kemikal ang itinatayo roon, at karamihan ng trabaho ay ginagawa ng mga bilanggo.
Ako’y naatasan sa Kampo 13, malapit sa dako ng konstruksiyon. Doon ay agad kong nakilala ang iba pang Saksi, na nagbigay sa akin ng pinakabagong kopya ng Ang Bantayan at ng Informant, gaya ng tawag sa Ating Ministeryo sa Kaharian noon. Anong laking espirituwal na piging! Subalit saan ba nanggaling ang lahat ng ito?
Noong Abril 1951, libu-libong Saksi sa Ukraine ang napatapon sa Siberia, marami sa kanila sa mga lugar na hindi kalayuan sa Angarsk. Ang mga kapatid na ito ay nakakuha at lihim na naglimbag muli ng mga kopya ng Ang Bantayan at ng iba pang mga publikasyon, at pagkatapos ay ipinuslit nila ang mga ito sa mga kampo. Nakakuha rin kami ng isang Bibliya. Hinati namin ito sa mga seksiyon, na ipinamahagi namin sa aming sarili. Sa gayon, sakali mang may maghalughog, bahagi lamang ng Bibliya ang mawawala. Nagdaos pa nga kami ng isang Pag-aaral sa Bantayan at Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa loob ng mga kampo!
Noong mga huling buwan ng 1952, ako’y inilipat sa Kampo 8. Nang sumunod na Marso ay ipinagdiwang namin ang Memoryal sa isang maliit na silid kung saan itinatago ng mga bilanggo ang kanilang personal na mga ari-arian. Tanging 12 ang naroroon—3 Saksi at 9 na interesadong tao. Nalaman ng mga awtoridad ang tungkol sa aming pulong, at ako’y ipinatapon sa kulungang Kampo 12 dahil sa pagiging tinatawag nilang “isang mapaminsalang manunulsol.” Lima pang Saksi, na pinarusahan din dahil sa kanilang pangangaral, ang naroon na sa kampong ito. Samantalang naroroon, kami’y sapilitang pinaghukay ng isang malaking pundasyong dako sa pamamagitan lamang ng mga piko’t pala.
Maraming bilanggo sa Kampo 12 ang pusakal na mga kriminal. Maliwanag na inaakala ng mga opisyal na ang paglalagay sa amin na kasama nila ay magpapahinang-loob sa amin. Subalit ipinakipag-usap namin sa kanila ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, at sa mga kuwartel ay inawit namin ang mga awiting pang-Kaharian. Minsan, matapos kaming umawit, ang naghahari-harian sa kampo ay naudyukang lumapit sa isang Saksi at nagsabi: “Kung may gagalaw sa inyo, papatayin ko!” Natutuhan maging ng ilang kriminal ang ating mga himig pang-Kaharian at nakiawit!
Noong kalagitnaan ng 1953, maraming Saksi ang inilipat sa Kampo 1 mula sa ibang kampo. Sa simula, mayroon kaming 48 Saksi sa Kampo 1, subalit wala pang tatlong taon, ang aming bilang ay lumago tungo sa 64. Oo, noong panahong iyon ay 16 ang nanindigan sa katotohanan ng Bibliya at nabautismuhan! Bagaman ang mga opisyal ng kampo ay laging nagmamanman para sa ebidensiya ng relihiyosong gawain, naidaraos namin ang aming mga pulong at mga bautismo sa banyo sa loob ng kampo sapagkat ang isa na nangangasiwa rito ay isang Saksi.
Kalayaan, at Isang Pamilya
Noong 1956 ang karamihan ng mga Saksi sa mga kampo ay pinalaya, sa gayo’y pinangangalat ang mga mensahero ng mabuting balita sa lahat ng sulok ng malawak na teritoryong Sobyet. Ang aking sentensiyang 25-taong pagkabilanggo ay nabawasan tungo sa 10 taon at sa bandang huli ay tungo sa 6 na taon at 6 na buwan. Kaya noong Pebrero 1957, ako man ay napalaya.
Nagpunta muna ako sa Biryusinsk, isang bayan sa Siberia, mga 600 kilometro sa hilagang-kanluran ng Angarsk. Maraming Saksing taga-Ukraine ang ipinatapon sa lugar na iyon, at tuwang-tuwa akong makipagkuwentuhan sa kanila ng mga karanasan at malaman ang tungkol sa mga kapuwa Saksi na kilala namin. Mula roon ay bumalik ako sa Borislav, sa Ukraine, kung saan nakatira ang isang Saksing taga-Ukraine na nagngangalang Eugenia Bachinskaja. Siya’y napalaya sa bilangguan isang taon bago ako napalaya.
Si Eugenia ay isang matatag na Saksi na nahatulan ng kamatayan noong 1950 dahil sa kaniyang gawaing pangangaral. Gayunman, pagkaraan ng 18 araw sa death row, ang kaniyang sentensiya ay nabawasan tungo sa 25 taon sa isang pantanging kampo. Sa pagtatapos ng 1957, nang bumalik ako sa Ukraine, kami’y nagpakasal. Pagkatapos ng aming kasal, binalak naming tumira sa Borislav, kung saan ako nabautismuhan siyam na taon na ang nakalipas. Sa halip, ako’y binigyan ng 48 oras upang lisanin ang Ukraine!
Nagtungo ako sa Caucasus, sa gawing timog ng Russia, kung saan nang dakong huli’y sumunod sa akin si Eugenia. Subalit, pagkatapos manirahan doon sa isang maliit na bodega sa loob ng halos anim na buwan, umalis kami patungong Biryusinsk upang makisama sa ating ipinatapong Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae. May mga 500 sa kanila sa Biryusinsk at limang kongregasyon, at ako’y nahirang na punong tagapangasiwa ng isa sa mga kongregasyon. Noong 1959 ang aming anak na babaing si Oksana ay isinilang, at sumunod si Marianna noong 1960. Mula sa pagkasanggol ay lagi silang nasa mga pulong, at sila’y lumaki na nasanay sa espirituwal na gawain ng kongregasyon sa Siberia.
Ang mga awtoridad sa Siberia ay mapagparaya sa aming mga gawain sa kongregasyon, sa paanuman kung ihahambing sa matinding mga pagbabawal na inilagay sa ating gawain sa Ukraine. Gayunman, hindi madali para sa aming buong kongregasyon na magtipong sama-sama. Sa mga libing lamang kami nagkakaroon ng pagkakataon na magkatipun-tipon sa malaki-laking grupo. Sa mga okasyong ito, ang ilang kapatid na lalaki ay nagbibigay ng nakapagtuturong mga pahayag sa Bibliya. Subalit nang malaman ng mga awtoridad kung ano ang nangyayari, kumilos sila. Halimbawa, noong minsan, isang prusisyon sa libing ang pinatigil at ang kabaong ay sapilitang dinala sa sementeryo at inilibing.
Balik sa Ukraine
Noong 1965 ay nagbalik kami sa Ukraine, at nanirahan sa Kremenchug. Ang lunsod na ito, halos 800 kilometro sa silangan ng Borislav, ay may 12 Saksi lamang. Tumira kami roon ng mga limang taon; na sa kalakhang bahagi ng panahong iyon, ako’y naglingkod sa mga kongregasyon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Noong 1969, nang ang aming mga anak na babae ay siyam at sampung taong gulang, kami’y hinilingan na lumipat sa timog upang tulungan ang mga kapatid sa maliit na bayan ng Molochansk.
Sa Molochansk ay ipinatawag ako ng KGB sa isang talakayan na tumagal ng ilang oras. Sa katunayan, anim na beses akong ipinatawag! Sa isa sa mga pag-uusap, ako’y pinangakuan ng isang magandang kinabukasan kung itatakwil ko ang aking kaugnayan sa mga “Jehovist.” Sa wakas, nawalan na ng pasensiya ang KGB, at kami ng isa pang Saksi ay sinentensiyahan ng isang taóng pagkabilanggo.
Pagkatapos gugulin ang aking sentensiya, noong 1973 ay lumipat ako kasama ng aking pamilya sa isang maliit na nayon malapit sa Kremenchug. Palihim naming idinaos ang Kristiyanong mga pulong sa aming tahanan, pati na ang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo, noong 1974. Kinabukasan ang aming bahay ay hinalughog, at ako’y inaresto.
Isang Paglilitis, Kampo ng Mabigat na Trabaho, at Pagkatapon
Ang aking paglilitis ay inilihim sa publiko, anupat ipinag-aanyaya lamang ang pagpunta roon. Yaong mga naroroon ay matataas na opisyal at mga lider sa komunidad, ang mga taong nasa mataas na posisyon sa lipunan. Pinili kong huwag magkaroon ng isang abogado anupat ako’y binigyan ng 45 minuto upang iharap ang aking sariling depensa. Noong araw bago ang paglilitis, si Eugenia at ang aming mga anak na babae ay lumuhod sa panalangin at humiling, hindi upang ako’y mabigyan ng mas magaang na sentensiya o mapawalang-sala, kundi upang makapagbigay lamang ako ng isang mabuting patotoo sa Kaharian at sa banal na pangalan ni Jehova.
Ang paglilitis ay nagpatuloy at binasa ng hukom ang ilang sipi mula sa mga magasing Bantayan at Gumising! Ang reaksiyon ng mga tagapakinig ay hindi siyang inaasahan ng hukom. Habang naririnig ng mga tao na lilipas na ang balakyot na sanlibutang ito sa Armagedon at na ang Kaharian ng Diyos ang mamamahala sa lupa, nalito sila—hindi matiyak kung ano ang paniniwalaan. Di-nagtagal ay natanto ng hukom ang kaniyang pagkakamali, at noong aking pansarang mga argumento, sinikap niyang iligtas ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng patuloy na paggambala niya sa aking paglalahad. Gayunman, sa pamamagitan ng pagbasa nang tuwiran mula sa ating mga publikasyon, ang hukom ay nakatulong sa paghaharap ng isang mainam na patotoo, at ang aking puso ay nag-uumapaw sa pasasalamat. Gayunpaman, ako’y nahatulang magtrabaho nang mabigat sa loob ng limang taon, na susundan ng limang taong pagpapatapon.
Ginugol ko ang sumunod na limang taon kasama ng pusakal na mga kriminal sa dulong hilaga sa kampo ng mabibigat na trabaho sa Yodva sa Komi Autonomous Soviet Socialist Republic. Noong panahong iyon ay marami akong pagkakataon upang magpatotoo tungkol sa Kaharian sa halos 1,200 bilanggo gayundin sa pangasiwaan ng kampo. Pagkalabas ko noong 1979, ako’y ipinatapon sa Vorkuta, sa ibabaw ng Arctic Circle. Di-nagtagal nang makasumpong ako ng trabaho at isang dakong matitirhan sa Vorkuta, sumama sa akin ang aking pamilya.
Ang Vorkuta ay kilalang-kilalang naitayo dahil sa mga bilanggong namatay rito, kasama na ang maraming Saksi na nabilanggo rito noong nakalipas na mga dekada. Ngayon ito ay isang normal na lunsod, at hindi na makikita rito ang mga kampo para sa mabibigat na trabaho. Subalit naroroon sa nagyeyelong ilalim sa loob at palibot ng lunsod ang mga bangkay ng di-mabilang na mga martir na nagbuwis ng kanilang buhay sa kapurihan ni Jehova.
Ang Kagalakan ng Kalayaan sa Relihiyon
Noong 1989 ay naglakbay kami mula sa Vorkuta tungo sa Poland upang dumalo sa dalawang internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Hindi kami nahihiyang lumuha sa kagalakan habang minamasdan namin ang sampu-sampung libong Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae sa Warsaw at Katowice na nagtatamasa ng maligayang pakikisama nang hindi nangangambang maaresto. Isang pangarap na nagkatotoo. Nagbalik kami sa Vorkuta taglay ang panibagong kapasiyahan na maglingkod sa mga kapakanan ng Kaharian.
Subalit, ang klima sa ibabaw ng Arctic Circle ay matindi, at naapektuhan ang kalusugan ni Eugenia. Kaya nang dakong huli ng taóng iyon ay nagbalik kami sa Kremenchug, kung saan ay nagalak kami sa aming paglilingkod kay Jehova taglay ang higit na kalayaan na ngayo’y tinatamasa namin. Ang dalawa naming manugang na lalaki ay mga matanda sa kongregasyon dito sa Ukraine. At ang aming mga anak na babae, bagaman nagpapalaki ng apat na anak, ay mga payunir gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro.
Sa pana-panahon, nagugunita ko pa rin ang larangan ng digmaan noong 1945 at ang pangakong ginawa ko mahigit nang kalahating siglo ang nakalipas. Upang matupad ko ito, binigyan ako ni Jehova ng tumpak na kaalaman, ang mismong kaalaman na nagpangyari sa milyun-milyong iba pa na gumawa ng kahawig na pangako—ang maglingkod kay Jehova magpakailanman.
[Mapa/Larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
RUSSIA
Vorkuta
Lviv
Borislav
UKRAINE
Kremenchug
Molochansk
Caucasus
Biryusinsk
Angarsk
Kapiling ng aming dalawang anak na babae, ng kani-kanilang mga asawa, at ng kanilang apat na anak
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.