Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 10/8 p. 11-14
  • Pagpupuslit—Salot ng Europa sa Dekada ’90

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpupuslit—Salot ng Europa sa Dekada ’90
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ipinuslit ang mga Kayamanan ng Sining Ayon sa Pidido
  • Mga Lason​—Ibang Klaseng Pagpupuslit
  • Mga Sigarilyong Kontrabando
  • Pangangalakal ng mga Tao
  • Nakatatakot sa Lahat
  • Pagpupuslit​—Kalakalan na May Sandaling Kinabukasan
  • Bigong Pakikibaka Laban sa Krimen
    Gumising!—1998
  • Ang Bantang Nuklear—Hindi Pa Tapos
    Gumising!—1999
  • Ang Bantang Nuklear—Tapos na ba sa Wakas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 10/8 p. 11-14

Pagpupuslit​—Salot ng Europa sa Dekada ’90

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA

Isang speedboat ang nagtutumulin mula sa baybayin ng Hilagang Aprika, patungo sa Gibraltar; isang bagon na de motor ang palabas mula sa Poland at patungo sa kanluran; isang trak mula sa Bulgaria ang patungo sa hilagang Europa; isang eroplano ang lumilipad mula sa Moscow patungong Munich. Ano ang karaniwan sa mga transportasyong ito? Ang bawat isa rito’y ginagamit sa pagpupuslit.

ANG pagpupuslit ay palihim na pagpapasok o paglalabas ng mga bagay sa isang bansa o rehiyon, upang iwasan ang mga awtoridad sapagkat ang mga bagay na ito’y bawal o upang iwasan ang pagbabayad ng buwis sa mga ito. Ang pagpupuslit​—kung minsa’y kilala bilang pangongontrabando​—ay isinagawa na sa Europa mula pa noong ika-14 na siglo. Napakalaganap ng ilegal na gawaing ito anupat kabilang na ngayon sa kuwentong-bayan ng maraming lupain ang romantikong mga kuwento ng mga kontrabandista, na ang ilan sa kanila ay naging kilalang mga bayani.

Ilegal at karaniwan nang nakapipinsala ang pagpupuslit​—bagaman kung minsan ito’y nagtataguyod ng kabutihan. Halimbawa, noong ika-16 na siglo, ang mga kopya ng salin ni William Tyndale sa mga bahagi ng Bibliya ay ipinuslit sa Inglatera, kung saan ang mga ito’y ipinagbawal. Bukod pa riyan, nang sakupin ng mga hukbong Aleman ang Pransiya noong 1940, ang mga kontrabandista​—dahil sa kanilang karanasan sa paggamit ng mga kalyehon at pangalawahing kalye sa Normandy​—“ang pinakamagagaling na lohistiko sa lihim na organisasyon [ng Pransiya],” ulat ng GEO.

Ngayon, pagkalipas ng 50 taon, ang pagpupuslit ay lumalakas na negosyo​—ngunit bilang isang salot sa halip na isang pagpapala. Gaya ng tawag dito ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung, ang Europa ay naging “isang paraiso para sa mga kontrabandista.” Ano ang umakay sa ganitong kalagayan?

Ang isang dahilan ay lumawak ang European Union, anupat ang bilang ng mga miyembrong estado nito ay dumami mula sa 6 tungo sa 15 sa loob ng 40 taon.a Ginawang madali ng maluwag na pagbibigay ng visa ang paglalakbay sa ibang bansa. Ganito ang sabi ng isang naninirahan sa Europa: “Mga tatlumpung taon na ang nakalipas, sinusuri ng mga opisyal ang iyong mga papeles sa bawat hangganan. Sa ngayon, makapagmamaneho ka sa mga hangganan ding iyon nang hindi pa nga kailangang huminto.”

Bukod pa riyan, binuksan ng Silangang Europa ang mga hangganan nito. Ang ilang hangganan, gaya niyaong dating umiral sa pagitan ng dalawang bahagi ng Alemanya, ay hindi na umiiral. Lahat ng ito’y nangangahulugan na mas madali ang kalakalan sa mga hangganan. Subalit gayundin ang pagpupuslit. At agad namang sinamantala ng organisadong krimen ang bagong kalagayan. Nagpapakadalubhasa ang mga gang ng mga kriminal sa iba’t ibang bagay na kontrabando.

Ipinuslit ang mga Kayamanan ng Sining Ayon sa Pidido

Sa loob ng maraming taon bago binuksan ng Silangang Europa ang mga hangganan nito, hindi maabot ng mga kolektor sa Kanluran ang mga kayamanan ng sining sa Russia. Subalit ngayon, ang gayong kayamanan ay “dinarambong ng isang pambihirang pagsasanib ng mga galerya ng sining sa kanlurang Europa at ng pumapaslang na mga gang ng mga kontrabandistang Ruso,” ulat ng The European. Oo, “ang pagpupuslit ng nakaw na mga kayamanang sining [sa Europa] ayon sa paniniwala ng pulisya ay naging ang ikatlong malakas-kumitang gawaing kriminal kasunod ng pagpupuslit ng droga at kalakalan ng ilegal na mga sandata.”

Ang pagpupuslit ng gawang sining ay malaking negosyo sa Russia at sa iba pang dako. Sa Italya, sa loob lamang ng dalawang taon, ninakaw ang mga gawang sining na nagkakahalaga ng mahigit na $500 milyon. Animnapung porsiyento ng mga nakaw na gawang sining ng Europa ay napupunta sa London, kung saan masusumpungan ang mga mamimili. Sa katunayan, maraming bagay pa nga ang “ninanakaw ayon sa pidido ng isang walang-konsiyensiyang pribadong kolektor.” Hindi nga kataka-taka na 15 porsiyento lamang ang tsansang mabawi ang mga ito.

Mga Lason​—Ibang Klaseng Pagpupuslit

Sa gawang sining, ang mga kriminal ay binabayaran upang ipuslit ang mga bagay papasok sa bansa, samantalang sa ibang bagay naman, binabayaran sila upang ilabas ang mga ito. Isang halimbawa ang basurang lason. Bakit magpapakahirap sa pagpuslit ng nakalalasong basura sa labas ng bansa? Sapagkat lubhang tumataas sa maraming bansa ang halaga ng legal na pagtatapon ng nakalalasong bagay. Ito pati na ang banta ng mas mahigpit na pangangasiwa sa kapaligiran ang nagpapangyaring maging isang kaakit-akit na negosasyon ang bayaran ang mga kontrabandista upang itapon ang nakalalasong basura ng mga industriya sa ibang bansa.

Saan napupunta ang mga materyales na ito? Ipinahihiwatig ng mga pagsisiyasat ng German Federal Crime Bureau na ipinupuslit ng mga gang ang nakalalasong mga basura​—gaya ng lumang mga batirya ng kotse, mga solvent, pintura, pestisidyo, at nakalalasong metal​—mula sa Kanluran at itinatambak ang mga ito sa mga bansang gaya ng Poland, Romania, at sa dating Unyong Sobyet. Isasapanganib ng mga bagay na ito ang kalusugan ng mga mamamayan ng mga bansang ito sa darating na mga taon.

Mga Sigarilyong Kontrabando

Ang ibang pangkat ng mga kriminal ay dalubhasa sa pangongontrabando ng mga sigarilyo. Halimbawa, ang mga sigarilyo ay inihahatid mula sa Hilagang Aprika tungo sa Iberian Peninsula sakay ng mga speedboat o mula sa Poland papuntang Alemanya sakay ng mga kotse. Napakalaking salapi ang nasasangkot. Halos isang libong milyong mark ($674 milyon, U.S.) sa isang taon ang nalulugi sa Estado ng Alemanya sa mga buwis na hindi nasingil dahil sa ilegal na kalakalan ng mga sigarilyo.

Ayon sa Die Welt, sa mga lansangan ng Berlin, mga 10,000 tagapaglako​—kung minsa’y tinatawag na mga nagtutulak​—ang nag-aalok ng mga sigarilyong kontrabando at mababa ang halaga.

Pangangalakal ng mga Tao

Isa pang espesyalidad ng organisadong krimen​—isa na lalo nang napakasama​—ay ang ilegal na pangangalakal ng mga tao. Ang presyo upang ang isang tao ay maipuslit patungo sa Kanlurang Europa​—marahil sakay ng isang trak na gaya ng nabanggit sa simula ng artikulo​—ay napakamahal. Sa katunayan, tinataya ng International Centre for Migration Policy Development, sa Vienna, na ang pangangalakal ng mga tao ay kumikita ng mahigit na $1.1 bilyon taun-taon.

Yamang ang karamihan ng ilegal na mga nandarayuhan ay galing sa mahihirap na bansa, kaunti ang nakababayad nang patiuna sa mga kontrabandista. Kaya naman, pagdating sa Europa, ang mga ito’y napipilitang magbayad ng utang sa pamamagitan ng pagtatrabaho para sa mga kontrabandista at sa kanilang kriminal na mga gang. Sa gayo’y nasusumpungan ng kaawa-awang mga nandarayuhan ang kanilang sarili na nakakadena sa walang-katapusang makabagong-panahong pang-aalipin, patuloy na pinagsasamantalahan, pinupuwersa, pinagnanakawan, at hinahalay. Ang ilan ay nagtatrabaho pa nga sa inilalarawan ng Die Welt bilang mafia ng sigarilyo; ang iba naman ay napapasadlak sa prostitusyon.

Ang kawalan ng bagong bansang tumatanggap sa kanila ay hindi sinusukat sa mga nawawalang buwis lamang. Ang magkaribal na mga gang ay nasasangkot sa mga labanan anupat inilarawan ito ng Süddeutsche Zeitung bilang “di-maubos-maisip na kalupitan.” Ang mga bilang ay nangungusap sa ganang sarili: Sa dating Silangang Alemanya, 74 na mga pagpaslang ang ginawa ng mga gang sa loob ng apat na taon.

Nakatatakot sa Lahat

“Sa lahat ng di-inaasahang kinalabasan ng pagbagsak ng Unyong Sobyet,” ang sulat ng isang magasin ng mga balita, “marahil ay wala nang mas nakatatakot pa kaysa sa ilegal na kalakalan ng nuklear na mga materyal.” Ang radyaktibong bagay ay sinasabing ipinupuslit mula sa Russia tungo sa Alemanya, sa gayo’y nagiging “problema ng daigdig, at problema ng Alemanya lalo na” ang nakatatakot na paglabas na ito.

Kuning halimbawa ang paglipad ng eroplano mula sa Moscow na nabanggit sa simula ng artikulong ito. Pagdating sa Munich, isang pasahero ang natuklasang may dalang plutonium, isang radyaktibong sangkap, sa loob ng kaniyang portpolyo. Yamang ang plutonium ay lubhang nakalalason at maaaring pagmulan ng kanser, labis sanang napahamak ang Munich at ang mga residente dahil sa radyasyon nito.

Maaga noong 1996, inaresto at pinaratangan ang isang pisikong Ruso ng pagpupuslit sa ibang bansa ng mahigit na isang kilo ng radyaktibong bagay na, ayon sa Süddeutsche Zeitung, sinasabing “angkop para sa paggawa ng isang bombang nuklear.” May dahilang mabahala ang mga Kanluraning bansa. Sa isang summit meeting sa Moscow, sumang-ayon ang mga pulitiko mula sa nangungunang industriyal na mga bansa sa isang plano na sikaping “hadlangan ang pagpupuslit ng mga materyal para sa sandatang nuklear mula sa dating Unyong Sobyet patungo sa mga terorista o sa ‘masasamang tao,’ ” sulat ng The Times ng London.

Yamang nasasaisip ang gayong mga panganib, maraming tao ang nagtatanong sa kanilang sarili: Mahahadlangan ba ng internasyonal na mga kasunduan ang pagpupuslit? Gaano man sila katapat at may mabuting-layon, masusugpo ba ng mga pamahalaan ang organisadong krimen? Ang pagpupuslit kaya na salot ng dekada ’90 ay magiging kilabot ng bagong milenyo? O makatuwiran bang umasa na malapit nang magwakas ang mga nagpupuslit?

Pagpupuslit​—Kalakalan na May Sandaling Kinabukasan

May mabubuting dahilan upang maniwala na malapit nang maging lipas na bagay ang pagpupuslit. Ito’y dahilan sa aalisin na ang mga kalagayan na nagpapangyaring maging posible at, para sa ilan, kaakit-akit ang pagpupuslit. Anu-anong kalagayan?

Una, ang mapaniil at di-matuwid na mga sistema ng ekonomiya ngayon ay nagbunga ng hindi patas na pamamahagi ng kayamanan. Samantalang ang mga tao sa ilang bansa ay nagtatamasa ng kasaganaan, ang mga tao naman sa kabilang ibayo lamang ay namumuhay sa karalitaan o maaaring nagdarahop. Ang mga kalagayang ito ang nagpapangyaring kumita ng malaki sa pagpupuslit. Subalit nangako ang ating Maylikha sa Banal na Kasulatan na malapit na niyang pairalin ang isang sistema ng mga bagay na dito’y “tatahan ang katuwiran.” Maglalaho na ang mapaniil at di-matuwid na mga sistema ng ekonomiya.​—2 Pedro 3:13.

Bukod pa riyan, aalisin ang mga pambansang hangganan, sapagkat sa ilalim ng pamahalaan ng makalangit na Hari, si Jesu-Kristo, ang sangkatauhan ay magiging isang lipunan. Palibhasa’y may gayong internasyonal na kapatiran na naninirahan sa buong lupa, wala nang magiging ilegal na mga nandarayuhan. At yamang wala nang makikipagdigma, mawawala na ang panganib na maapektuhan ng radyaktibong mga basura mula sa digmaang nuklear. Sa bagong sistema ng mga bagay, matututuhang igalang ng sangkatauhan ang kapaligiran.​—Awit 46:8, 9.

Ang pangunahing mga salik na nag-uudyok sa makabagong-panahong pagpupuslit ay kasakiman, pandaraya, at kawalan ng pag-ibig sa iba. Ang bagay na maraming tao ang nagpapakita ng gayong mga katangian sa ngayon ay isang pahiwatig na tayo’y nabubuhay na sa inilalarawan ng Bibliya bilang “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Malapit na ang matuwid na bagong sistema ni Jehova. Mayroon tayong lahat ng dahilan upang may pagtitiwalang umasa sa hinaharap, hindi sa mga pamahalaan o sistema ng ekonomiya ng mga tao, kundi sa bagong sistema ni Jehova.

[Mga talababa]

a Ang mga miyembrong estado ng European Union ay ang Alemanya, Austria, Belgium, Britanya, Denmark, Espanya, Finland, Gresya, Ireland, Italya, Luxembourg, Netherlands, Portugal, Pransiya, at Sweden.

[Kahon sa pahina 13]

Iba Pang Kontrabandong mga Bagay

Pambihirang mga hayop: Isang lalaki ang nahuli na naghahatid ng pambihirang mga pagong mula sa Serbia patungo sa Alemanya. Inamin niya na nakapagpuslit siya ng 3,000 hayop na ito sa loob ng limang-taon, anupat kumikita ng kalahating milyong mark ($300,000, U.S.). Ang kalakalan ng pambihirang mga hayop ay pangunahin nang nasa mga kamay ng propesyonal na mga kriminal at ito’y dumarami. “Lumalakas ang ilegal na kalakalan,” ang sabi ng isang opisyal ng adwana. “Ang ilang kolektor ay nagbabayad ng napakalaking salapi.”

Huwad na mga produktong may kilalang tatak: Sa loob ng kalahating taon, nakumpiska ng mga opisyal sa adwana sa paliparan ng Frankfurt, sa Alemanya, ang mahigit na 50,000 produkto na nagtataglay ng kilalang mga tatak. Ang mga produkto​—gaya ng relo, computer software, mga bagay na pang-isports, at mga sunglass​—ay pawang mga imitasyon.

Mga kotse: Isang nangungunang kompanya sa Europa na nagpapaarkila ng kotse ang nag-ulat ng 130-porsiyentong pagdami sa pagnanakaw ng sasakyan sa loob ng limang taon. Inilarawan ng isang pahayagan ang pamamaraan ng “makabagong magnanakaw sa lansangang-bayan.” Umaarkila sila ng mga kotse, inuulat na ninakaw ang mga ito, at pagkatapos ay ipupuslit ang mga sasakyan palabas ng bansa.

Mahahalagang metal: Ang cobalt, nikel, tanso, ruthenium, at germanium ay pawang mabibili​—sa murang halaga​—sa Estonia, na naging isa sa mga kabisera ng pagpupuslit sa daigdig.

Gasolina at krudo: Ang mga kontrabandista na gumagamit ng mga bangka upang ihatid ang kontrabandong gasolina at krudo sa Ilog Danube sa pagitan ng Romania at Serbia ay kumikita ng hanggang $2,500 sa isang gabing trabaho. Sa rehiyong ito ang katamtamang buwanang sahod ay halos $80!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share