Isang Naiibang Pera sa Kanlurang Aprika
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Sierra Leone
NAKAKITA ka na ba ng perang kamukha nito? Ito ay isang perang Kissi. Ang ilan sa mga baryang ito ay nakadispley sa Sierra Leone National Museum, sa Freetown. Ganito ang mababasa sa kard ng impormasyon: “Ang kakatwang anyo ng perang ito ay matatagpuan kapuwa sa Sierra Leone at Liberia. Karaniwan itong ginagamit sa mga lalawigan noon pa mang 1945. Yamang ito ang sagisag ng isang ulo (pabilog na gilid) at paa (matutulis na dulo) sinasabing ito ay pera na may espiritu. Kapag namatay ang isang pinuno, ang mga barya ay bibiyakin at itutusok sa kaniyang libingan. Ang huling halaga ng palitan na naitala ay 50 Kissi sa isang Shilling ng Kanlurang Aprika.”
Ayon sa aklat na The African Slave Trade, ni Basil Davidson, ang mga alipin noon ay binibili sa pamamagitan ng “haba ng bakal.” Iyon na kaya ang mga perang Kissi? Naniniwala ang ilang eksperto na iyon na nga. Hindi naman sumasang-ayon ang iba. Gayunman, bagaman maaaring hindi ginamit ang mga baryang ito sa pagbili ng mga alipin, tiyak na ginamit ang mga ito sa pagbili ng mga asawang babae.
Gaya ng nabanggit na, ang mga baryang ito kung minsan ay ginagamit sa relihiyosong paraan, lalo na may kinalaman sa di-makakasulatang paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa. Kapag namatay ang isang tao, itinuturing na wastong ilibing siya sa kaniyang sariling nayon. Sabihin pa, kung namatay siya sa isang malayong lugar, hindi laging madali na iuwi ang bangkay. Ang solusyon ay ihatid ang kaluluwa sa pamamagitan ng perang Kissi.
Ang isang kamag-anak ng namatay ay maglalakbay sa nayon kung saan ito namatay at kukuha siya ng pera mula sa albularyo, na, sa pamamagitan ng orasyon, ipinagpapalagay na siyang magkakabit dito ng kaluluwa ng namatay. Pagkatapos ay tungkulin ng kamag-anak na iuwi ang kaluluwa (ang pera) at ilibing ito sa libingan ng mga ninuno.
Ibabalot ng kamag-anak ang pera sa isang malinis na tela at nagsisimulang maglakbay, na kailangan niyang tapusin nang hindi umiimik. Pinaniniwalaan na kung makikipag-usap siya sa sinuman habang nasa daan, iiwan ng kaluluwa ang barya at babalik ito sa nayon na kinamatayan. Kung gayo’y kailangan na namang bumalik ang kamag-anak at kunin ito—tiyak na pagkatapos na magbayad uli sa albularyo!
Kung kailanganing magsalita habang naglalakbay, magagawa iyon ng kamag-anak kung maingat niyang ilalapag ang pera, bagaman hindi sa lupa, bago siya magsalita. Kapag pinulot na uli ang pera, kailangan na naman siyang manahimik.
Sa sukat nito na 13 hanggang 14 na pulgada ang haba, ang mga perang Kissi ay talagang hindi magkakasiya sa bulsa o sa pitaka. Gayunman, ang hugis ay praktikal noong panahong iyon, yamang madali itong maibubungkos at maisusunong. Itinatago ng mayayaman ang mga perang ito sa kanilang mga atik. Kapag maganda ang panahon, magpapawis ang pera at tutulo iyon sa silid sa ibaba. Ang dami ng “ulan” ay isang mabuting palatandaan ng kayamanan ng may-ari ng bahay na dinadalaw mo.