Mula sa Aming mga Mambabasa
Isang Siglo ng mga Kalupitan Natanggap ko ngayon ang Agosto 8, 1998, na labas ng Gumising! mula sa koreo. Pagkakita ko sa pabalat, basta ako naupo at binasa ang “Isang Siglo ng mga Kalupitan—Panahon Na ba Para Lumimot?” Talagang nakalulungkot sa akin na makita ang mga kasamaan na gawa ng mga tao. Gayon na lamang ang pananabik ko sa panahon na ang buong sangkatauhan ay mamumuhay sa tunay na kapayapaan!
T. D., Estados Unidos
Sinagot ng labas na ito ang mga katanungan ko sa loob ng ilang panahon na ngayon. Sa palagay ko’y kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ng inyong mga publikasyon upang tulungan ang mga taong gaya ko.
T. C., Estados Unidos
Musikang Latino Maraming salamat sa artikulong “Ang Pangglobong Pang-akit ng Musikang Latino.” (Agosto 8, 1998) Mahilig akong sumayaw at mahilig ako sa musika. Salamat sa pagbanggit ninyo sa ilang posibleng panganib, gaya ng musikang tinatawag na narco corrido. Ito ang impormasyon na hindi ko masusumpungan saanman. Labis ko itong pinasasalamatan.
J. B., Estados Unidos
Hiwaga ni Shakespeare “Kahanga-hanga” ang tanging salitang magagamit ko upang ilarawan ang artikulong “Ang Palaisipan Tungkol kay William Shakespeare.” (Agosto 8, 1998) Nagtuturo ako ng wika at panitikang Portuges sa mga estudyante sa paaralang primarya at sekondarya at madalas kong gamitin sa klase ang inyong mga artikulo.
J. S. G., Brazil
Nais kong batiin kayo sa inyong artikulo tungkol sa pagiging may-akda sa mga dula ni Shakespeare. Ipinaliliwanag nito kung bakit nasusumpungang hindi kapani-paniwala ng maraming tao ang ortodoksong teoriya na si Shakespeare ang may akda ng mga dulang ito.
F. C., Inglatera
Kahanga-hangang Gawang-Sining Nag-aral ako ng disenyo mga ilang taon na ang nakalipas, at sa palagay ko, ang labas ng Gumising! ng Agosto 8, 1998, ay napakahusay. Katangi-tangi ang alambreng-tinik na pagilid na naging mga rosas na pagilid gayundin ang mga larawang may kulay ng “Mga Hiyas sa Himpapawid ng Aprika” at ang napakagagandang larawan sa kabila ng pabalat sa likod.
S. K. C., Inglatera
Pag-aanunsiyo Ang aking anak na babae ay hindi Saksi ni Jehova. Yamang nagtatrabaho siya sa larangan ng pag-aanunsiyo, pinadalhan ko siya sa pamamagitan ng koreo ng labas ng Agosto 22, 1998, na may serye ng artikulo tungkol sa “Pag-aanunsiyo—Paano Ka Naaapektuhan Nito?” Puring-puri niya ito at sinabi niyang nakuha ng inyong mga manunulat ang pinakadiwa ng sining ng panghihikayat.
R. S., Estados Unidos
Panlasa Mula sa pagkasanggol, ang aking 13-anyos na anak na babae ay ayaw tumikim ng bagong mga pagkain. Kaya gayon na lamang ang aking pasasalamat sa artikulong “Ang Panlasa—Regalo ng Isang Maibiging Maylalang.” (Agosto 22, 1998) Pinahahalagahan ko lalo na ang inyong mga mungkahi na tulungan ang mga bata na magkaroon ng panlasa sa bagong mga pagkain. Sinimulan kong hilingin sa aking anak na babae na tulungan ako sa pagtitimpla ng ilang pagkain na hindi niya gusto noon. Naging mabisa ang inyong mungkahi! Kumakain na siya ngayon ng masustansiyang mga pagkain na dating ayaw niya.
B. M., Poland
Sisihin si Satanas? Ako po’y 17 anyos at nabasa ko kamakailan ang Gumising! sa unang pagkakataon. Ngayon ay wiling-wili ako sa pagbabasa nito! Mayroon itong mahalagang impormasyon, gaya ng “Ang Pangmalas ng Bibliya: Dapat ba Nating Sisihin si Satanas sa Ating mga Kasalanan?” (Setyembre 8, 1998) Bago ko nabasa ito, akala ko ay masisisi ko siya kapag ako’y nagkasala. Sa paano man, numero-uno ang inyong magasin, at inirerekomenda ko ito sa lahat. Pakisuyong ilagay ninyo ako sa inyong talaan ng padadalhan sa koreo!
M. M., Estados Unidos