Pagmamasid sa Daigdig
Isang Bagong Papel ng Nikotina?
Ang mga kompanya ng gamot ay nagbibili ng tsuwing gam na nilagyan ng nikotina at mga patse o tapal na naglalabas ng nikotina sa balat bilang panandaliang tulong sa paghinto sa paninigarilyo. Bagaman ang mga produktong ito ay ipinalalagay na gagamitin nang hindi hihigit sa 6 hanggang 12 linggo, patuloy na ginagamit ng maraming maninigarilyo ang mga ito sa loob ng mga taon, ulat ng The Wall Street Journal. Sinisikap ngayon ng mga kompanya ng gamot ang mga pagbabago sa mga regulasyon ng pamahalaan upang ipahintulot ang pagbibili ng mga produktong naglalabas ng nikotina sa sistema ng katawan para sa pangmatagalang gamit. Hindi nababahala ang mga kompanya na maraming gumagamit nito ang patuloy na magiging sugapa sa nikotina, bagaman ayaw ng mga kompanya ng gamot na magkaroon ng katulad na reputasyon na taglay ng industriya ng tabako sa pakikinabang mula sa pagkasugapa ng mga gumagamit nito. Gayunpaman, ganito ang sabi ni David Sachs, patnugot ng Palo Alto Center for Pulmonary Disease Prevention sa California: “Talagang nakikita ng bawat kompanya ng gamot ang napakalaking pagkakataon sa pagbebenta nito.”
Lumulubog na Lunsod
“Lumulubog ang Mexico City,” sabi ng The New York Times. “Napakaraming tubig ang nabomba mula sa ilalim ng lupa upang masapatan ang 18 milyong residente sa malaking lunsod anupat napakabilis lumubog ng lupa.” Nakadaragdag pa sa problema ang bagay na “ang Mexico City ay isa sa mga may lubhang tumatagas na sistema ng paghahatid ng tubig sa buong daigdig. Halos sangkatlo ng bawat litro ng binobombang sariwang tubig ang tumatagas.” Nangangahulugan ito na kailangan pang magbomba nang higit anupat ang lunsod ay lalong lumulubog. Inaayos ng mga tauhang nagkukumpuni ang 40,000 sira sa isang taon, gayunman maraming pagtagas ang hindi iniuulat. Mangyari pa, ang Mexico City ay hindi siyang tanging lunsod na lumulubog. Halimbawa, ang Venice, Italya, ay lumubog ng dalawampu’t tatlong centimetro nitong ika-20 siglo. Subalit ang Mexico City ay lumubog ng 9 na metro!
Mga Batang Sutil
Natuklasan ng isang surbey sa 16,262 tin-edyer sa Amerika na humigit-kumulang 1 sa 5 ang nagdadala ng isang sandata at 1 sa 10 ang nagtangkang magpatiwakal, ulat ng The New York Times. Kasangkot sa surbey ang mga estudyante mula sa 151 paaralan sa buong bansa. Gumamit ng kompidensiyal na mga tanong upang makuha ang impormasyon may kinalaman sa pisikal at seksuwal na mga gawain ng mga estudyante gayundin ang kanilang paggamit ng droga, alkohol, at tabako. Si Laura Kann, ng National Center for Chronic Disease Prevention and Health Promotion, ay nagsabi: “Ang leksiyon dito ay na napakaraming kabataan ang patuloy na nagsasagawa ng mga paggawi na naglalagay sa kanila sa panganib—sa pinsala o kamatayan ngayon at sa talamak na sakit sa dakong huli.”
Mapangwasak na Bagyong Mitch
Noong Oktubre 27, 1998, humampas ang Bagyong Mitch sa Sentral Amerika, anupat sumawi ng mahigit na 11,000 katao. Libu-libo pa ang nawawala at ipinalalagay na patay, at mga 2.3 milyon ang iniulat na nawalan ng tahanan. Pinakamatinding tinamaan ang Honduras at Nicaragua. Mahigit na isang metro ng ulan ang bumuhos sa mga sakahan sa lalawigan, anupat lumikha ng inilalarawang pinakagrabeng likas na sakuna sa dakong iyon sa loob ng dalawang dantaon. Maraming nayon ang literal na nilamon ng humuhugos na putik o tinangay ng tumataas na tubig-baha. Ganito ang sabi ng presidente ng Honduras, si Carlos Flores Facusse: “Sa loob ng 72 oras, naiwala namin ang unti-unti naming itinayo sa loob ng 50 taon.” Nakaragdag pa sa kamatayan at pagkawasak ang pagkakabukod. Naputol ang mga linya ng kuryente at telepono sa karamihan ng maliliit na bayan na dinaanan ng bagyo. Nasira ang daan-daang kalye at tulay, anupat ang mga nakaligtas ay walang pagkain, malinis na tubig, o medisina sa loob ng ilang araw. May sapat na pagkain ang mga ahensiyang tumutulong subalit wala silang paraan upang maipamahagi ito. Bukod pa sa nawalang mga ari-arian, karamihan ng mga tao ay nawalan ng kanilang trabaho. Mga 70 porsiyento ng mga pangunahing pananim na saging, melon, balatong na kape, at bigas ay napalis. “Hindi maihahambing dito ang Bagyong Fifi noong 1974,” sabi ng pangalawang pangulo ng Honduras, si William Handal. “Nangailangan ng 12 hanggang 14 na taon ng pagsisikap upang makabawi sa Fifi. Ang isang ito ay mangangailangan ng 30 o 40 taon.”
Pagdaig sa Pagkamahiyain
Ayon sa Toronto Star ng Canada, “halos 13 porsiyento ng mga adulto ay dumaranas ng matinding pagkamahiyain.” Iniulat ng pahayagan na ito’y “humahadlang sa kanila sa pagkakaroon ng kasiya-siyang buhay.” Binanggit ng mga dalubhasa ang mga tip upang madaig ang pagkamahiyain: “Mag-isip ng mga pansimula sa pag-uusap mula sa mga pangyayari sa balita, mga artikulo sa magasin, mga aklat, mga libangan o mga pelikula.” “Magsanay sa berbal at di-berbal na mga kakayahan sa pakikipag-usap, kasali na ang pagtitig sa mata [at] aktibong pakikinig.” “Pilitin mo ang iyong sarili na gawin ang mga bagay na kinatatakutan mo.” “Kung ikaw ay isang magulang ng isang mahiyaing bata, mahalaga na maglaan ka ng maraming pagkakataon para makisalamuha sa mga tao ang iyong anak.” Himukin silang huwag sumuko, sapagkat ipinakikita ng karanasan na habang sinisikap ng isa na madaig ang pagkamahiyain, mas madali itong nagagawa.
Mga Epekto ng Mababang Bilang ng Ipinanganganak na Sanggol
‘Ang mababang bilang ng mga ipinanganganak na sanggol ay naging isang dahilan ng pagkabahala sa industriyal na daigdig,’ ulat ng International Herald Tribune ng Paris. Bakit? Sapagkat ito’y nangangahulugan na sa dakong huli ay hindi na magkakaroon ng sapat na mga kabataan upang itaguyod ang isang tumatandang populasyon. Halimbawa, maraming bansa sa Europa ang may populasyon kung saan mas maraming tao ang mahigit 60 taóng gulang kaysa sa wala pang 20 anyos. Kabilang sa mga dahilan na binanggit sa tumatandang populasyon ay ang hilig ng mga mag-asawa na iantala ang pagkakaroon ng mga anak upang makapaglakbay, magtaguyod ng isang karera, o mapabuti pa ang kanilang edukasyon. Ang iba pang dahilang ibinigay ay ang mga panggigipit sa kabuhayan, anupat nagiging “isang pasanin” o “isang kahirapan” ang pagkakaroon ng mga anak, at ang bagay na mas mahaba ang buhay ng mga tao kaysa noon.
Labag sa Kalooban ng Diyos ang Sinturong Pangkaligtasan?
Hiniling ng isang 65-anyos na Olandes na siya’y malibre mula sa batas ng Netherlands tungkol sa sinturong pangkaligtasan dahil sa kaniyang relihiyosong paniniwala. Ayon sa pahayagang Frankfurter Allgemeine Zeitung, ang lalaki ay isang miyembro ng Reformed Church. Sinasabi ng mga turo ng kaniyang simbahan na hindi dapat pangalagaan ng isang tao ang kaniyang sarili mula sa mga aksidente kundi tanggapin ito bilang bigay-Diyos. Ang iba pang miyembro ng simbahan ay walang seguro sa kotse at tumatanggi sa mga bakuna sa dahilang ang mga ito umano ay humahadlang sa “plano ng Diyos.” Pagkatapos repasuhin ang bagay na ito, ang pinakamataas na hukuman ng Netherlands ay nagpasiya laban sa umapela, anupat sinasabing ang pagkakabit ng sinturong pangkaligtasan ay hindi isang paghihigpit sa kalayaan sa relihiyon ng isa.
Malangis na Pagkain
Noong Marso 1978, ang tangker ng langis na Amoco Cadiz ay sumadsad sa baybayin ng Brittany, Pransiya, anupat natapon ang 230,000 tonelada ng langis na krudo at nadumhan ang 350 kilometro ng baybayin. Anong pinsala ang nananatili? Mula noong 1992, lubusan nang naglaho ang mga epekto ng polusyong ito, kahit na sa pinakailalim ng buhangin sa mga dalampasigan, sabi ni Propesor Gilbert Mille na propesor ng siyensiya sa Marseilles. Ang papuri para sa kahanga-hangang panunumbalik na ito ay sa likas na baktirya na kumakain ng mga hydrocarbon. Malapit na nakikipagtulungan sa mga mikrobyong ito ang mga mollusk at mga bulati na patuloy na naghuhukay sa buhangin, anupat napaiibabaw nito ang anumang langis, kung saan kinakain naman ito ng gutom na baktirya.
Dumarami ang Kulang sa Tulog
Ang mga Amerikano ay “nabawasan ng isa at kalahating oras sa pagtulog gabi-gabi kaysa pagtulog [nila] noong pagpapasimula ng siglo,” ang sabi ng Newsweek, “at malamang na lumala pa ang problema.” Bakit? “Itinuring ng mga tao ang pagtulog bilang isang paninda na maaari nilang dayain,” sabi ni Terry Young, isang propesor ng preventive medicine sa University of Wisconsin. “Itinuturing na palatandaan ng lubhang masikap na paggawa ang hindi gaanong pagtulog.” Subalit ang hindi pagtulog ay maraming masamang bunga, kasali na ang mga karamdaman na mula sa panlulumo hanggang sa sakit sa puso. Ang mga daga na pinagkaitan ng tulog ay namatay pagkaraan ng dalawa at kalahating linggo. “Malamang na hindi ka naman mamatay nang bigla sa katulad na paraan,” sabi ng Newsweek, “subalit ang hindi pagtulog ay maaaring di-tuwirang mangahulugan ng iyong buhay, kapag nagreseta ng maling dosis ang isang pagod na doktor o isang inaantok na tsuper ang sumingit sa iyong linya.” Ganito ang sabi ng mananaliksik tungkol sa pagtulog na si James Walsh: “Kailangang maturuan ang mga tao na ang pagkakaroon ng sapat na panahon para matulog at maidlip ang pinakamaaasahang paraan upang maging alisto samantalang nagmamaneho at nasa trabaho.”
Mga Aksidente—Hindi Kapalaran
Hindi kukulangin sa 22,000 bata at mga tin-edyer ang namamatay taun-taon sa Brazil dahil sa mga aksidente, ang ulat ng Ministri sa Kalusugan ng Brazil. Ang mga aksidente sa trapiko ang sumasawi ng pinakamaraming buhay. Gayunman, ang presidente ng Society of Pediatrics sa Brazil, si Lincoln Freire, ay nagsabi: “Maiiwasan ang mga aksidente at hindi na ito maituturing na kapalaran.” Bukod pa riyan, binanggit ni Tereza Costa, tagapag-ugnay ng isang pambansang kampanya sa pag-iwas sa aksidente, na yamang ‘nabawasan ng pagkilos ng gobyerno noong nakaraang 15 taon ang bilang ng namamatay dahil sa diarrhea, mga impeksiyon sa palahingahan, at mga sakit na nakahahawa,’ ang pag-iwas sa aksidente ay maaari ring magligtas ng buhay.