Mahalagang Komperensiya sa Moscow Hinggil sa Pag-opera Nang Walang Dugo
MGA PANGHALILI SA PAGSASALIN SA pag-oopera ang pangalan ng isang internasyonal na komperensiyang medikal na idinaos sa Moscow, Russia, noong Oktubre 6, 1998. Mahigit sa 800 doktor ang naroroon sa Vishnevskij Institute of Surgery para sa simposyum, na ginanap kaugnay sa Sixth All-Russian Congress of Anaesthesiologists and Intensive Care Specialists.
Malugod na tinanggap ni Propesor Andrey Ivanovich Vorobiev, na naglilingkod bilang punong hematologo sa Russian Academy of Medical Sciences, sa Moscow, ang mga doktor sa tinatawag niyang “ang simposyum na ito na itinalaga sa pagtuklas sa mga panghalili sa pagsasalin ng dugo.”
Bilang paglalarawan kung bakit mahalaga ang komperensiya, inilahad ni Vorobiev ang “matitinding kapahamakan sa mga pagsasalin ng dugo.” Sinabi niya na bunga ng mga pagsasalin ng dugo, karamihan sa mga batang hemophiliac sa mga bansang gaya ng Estados Unidos, Hapon, at Alemanya ay dinapuan ng AIDS. Pagkatapos, makaraang magbigay ng mga estadistika tungkol sa pagkalat ng hepatitis sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo, malungkot na sinabi niya: “Talagang nakagigitla ang mga bilang. Halos lahat ng mga pasyenteng hemophiliac ay nahawahan ng hepatitis.”
Sinabi ni Vorobiev na ayon sa medikal na opinyon, kapag “nawalan [ang isang tao] ng isang litro ng dugo, kung gayo’y dapat itong palitan ng isang litro ng dugo.” Pero “iyan ay isang pagkakamali!” ang pahayag niya. Bilang pagtatapos sa kaniyang pambungad na pananalita, sinabi niya: “Sinuportahan natin ang pagsasalin ng dugo, at ngayon ay sama-sama nating iwawaksi ang mga lumang pangmalas.”
Marami sa mga ekspertong medikal na sumubaybay sa programa ay galing sa Russia, ngunit naroon din ang mga tagapagsalita mula sa Pransiya, Sweden, Belgium, at Estados Unidos. Bukod sa paglalarawan sa mga pagsulong sa paggamot sa pagkaubos ng dugo sa pamamagitan ng mga panghalili sa pagsasalin ng dugo, binanggit ng mga doktor ang mga panganib sa pagsasalin ng dugo, pati na ang panganib na mabaligtad ang reaksiyon ng panlaban ng katawan sa sakit.
Ipinalabas sa Telebisyon
Ang pampublikong telebisyon sa Russia, na nakaaabot sa 235 milyon katao, ay naglaan ng mainam na kasunod na ulat tungkol sa komperensiya. Ang tagapamagitan, si Elena Malysheva, ay nagpaliwanag: ‘Ang mga siruhano, anestisyologo, at mga hematologo na sikat at kilala sa buong daigdig ay nagtipon sa Moscow upang sagutin ang isang tanong: Maisasagawa ba ang isang operasyon nang hindi nagsasalin ng dugo?’
Ipinabatid ni Elena sa kaniyang mga manonood sa TV ang tungkol sa mga karamdaman na maaaring mailipat sa pamamagitan ng dugo at kaniyang ipinaliwanag: “Iyan ang dahilan kung bakit humahanap ang mga doktor ng lunas. At natuklasan naman iyon. Tinatawag iyon na pag-opera nang walang dugo. Bawat tao na magpapaopera ay maaaring makipag-usap sa kaniyang doktor tungkol sa mga pamamaraan sa pag-opera nang walang dugo.”
Nang ipakita si Andrey Vorobiev sa telebisyon, sinabi niya: ‘Ang iniabuloy na dugo ay may mga protina na kontra sa katawan at maaaring maging sanhi ng di-matantiya at di-maiiwasang reaksiyon. Karagdagan pa, gaano man ang pagsisikap natin, maaaring mahawahan ng isang nag-abuloy ang pasyente ng mga virus na taglay niya at na hindi natin ito mahahalata.’ Kaya sinabi niya: ‘Kailangan nating bawasan ang pagsasalin ng iniabuloy na dugo sa mga pasyente.’
Ipinakita rin sa programa si Jean-François Baron, pinuno ng anesthesiology and intensive care sa Broussais Hospital, sa Paris, Pransiya. Ganito ang paliwanag niya: “Sa aming institusyon, nakagawa kami ng pantanging mga likido na makapaghahatid ng oksiheno. Pawang taglay ng mga ito ang mga katangian ng dugo sa paghahatid ng oksiheno ngunit hindi ang anumang selula ng pulang dugo [na makapaglilipat ng sakit]. Hindi na magtatagal,” ang hula niya, “gagamitin ang mga timplang ito sa karaniwang paggamot.”
Ito ang nag-udyok sa tagapamagitan ng programa na banggitin ang tungkol sa Rusong propesor na si Felix F. Beloyartsev, na nagpakilala ng isang likido na naghahatid ng oksiheno bilang isang panghalili sa dugo mga 20 taon na ang nakalipas. Sinabi niya na noong panahong iyon, hindi tinanggap ng pamayanan ng mga manggagamot ang tuklas ni Beloyartsev at na ito’y “nagpakamatay dahil sa walang-tigil na pag-uusig na bunga ng tuklas na ito.”
Lumabas sa mga Babasahing Medikal
Nag-ulat din ang medikal na pahayagang Meditsinskaya Gazeta ng tungkol sa komperensiya. “Ang pangunahing konklusyon ng Simposyum,” sabi nito, “ay maaaring buuin ayon sa sumusunod: Kailangang gumamit ng mga panghalili sa pagsasalin ng dugo sa lahat ng situwasyon kung saan posible ito at magpasiya lamang na gumamit ng dugo matapos maingat na pagtimbang-timbangin ang antas ng panganib sa bawat indibiduwal para sa bawat pasyente at sa agaw-buhay na mga kalagayan lamang.”
Tinukoy rin ng pahayagan ang pag-ayaw ng ilang doktor na igalang ang pagtanggi ng isang pasyente na salinan siya ng dugo. Halimbawa, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapasalin ng dugo dahil sa tagubilin ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29) Subalit hinggil dito, sinipi ang sinabi ni Michel de Guillenschmidt, propesor sa batas mula sa Pransiya:
‘Dapat tayong magpasalamat sa mga Saksi ni Jehova dahil sa pamamagitan ng pagbabangon ng usaping ito, hindi lamang nila nakuha ang atensiyon para sa kanilang sariling mga karapatan kundi nakatulong din sila sa buong pamayanan ng mga manggagamot upang maunawaan ang mga panganib sa pagsasalin ng dugo. Ito naman ang nagpasigla sa mga siyentipiko na humanap ng mas mahusay na pamamaraan sa pag-opera nang walang dugo.’
Nagsimula ang isa sa mga artikulo sa Meditsinskaya Gazeta sa pagsasabi: “Sinasabi na ang pagsasalin ng dugo ay katulad sa pag-aasawa: Walang nakaaalam kung ano ang kasunod nito.” Pagkaraan, matapos sabihin na ‘ang dugo ng tao ay gaya ng bakas sa daliri ng isang tao—walang dalawang magkaparehong bakas,’ nagtanong ang pahayagan: “Posible kaya ngayon na magbigay ng ganap na garantiya na hindi maiimpeksiyon ang pasyente bunga ng pagsasalin?” Sumagot ito: ‘Kahit sa mga bansa na nagtamo ng kahanga-hangang mga resulta sa medisina, walang mabisang sistema ng pagkontrol sa mga produktong galing sa dugo.’
‘Kaya, batay sa siksikang awditoryum at sa maliwanag na interes ng mga delegado sa mga suliraning tinalakay,’ nagtapos ang artikulo, ‘nagbabago na ang isip ng mga doktor.’
Paglilingkod
Sa labas ng bulwagang pangkomperensiya, naglagay ang mga Saksi ni Jehova ng isang booth na doo’y naglaan sila sa mga doktor ng isang pakete ng mga artikulo mula sa mga babasahing medikal hinggil sa paggamit ng mga panghalili sa paggamot sa pagkaubos ng dugo. Daan-daang doktor ang malugod na tumanggap nito.
Maliwanag, ang may kabatirang propesyonal na mga manggagamot ay sumusulong tungo sa pagbabawas ng paggamit ng dugo sa medisina.
[Mga larawan sa pahina 26]
Naglaan ang mga Saksi ni Jehova sa daan-daang doktor ng mga artikulo tungkol sa pinakabagong pananaliksik sa dugo