‘Paano Nakikinabang ang Komunidad sa Inyong Gawain?’
ITO ang itinanong ni Chandrakant Patel, isang peryodistang Indian, sa isang tauhan sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, sa Brooklyn, New York. Si G. Patel ay naglibot sa mga pasilidad at lubhang humanga sa kaniyang nakita at narinig anupat pag-uwi niya sa India, sumulat siya ng isang artikulo para sa isang pahayagan sa wikang Gujarati.
Sa paghahambing sa ilang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova at ng mga organisasyon ng simbahan sa India, isinulat ni G. Patel na ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala sa Diyos na makapangyarihan sa lahat, si Jehova, na kabaligtaran naman ng doktrina ng Trinidad na karaniwang itinuturo sa mga simbahan at na hindi sila gumagamit ng mga imahen sa kanilang pagsamba. Sinabi niya na ang mga Saksi ni Jehova ay may matataas na simulain dahil nanghahawakan silang mahigpit sa mga pamantayang Kristiyano na nakasaad sa Bibliya hinggil sa pangangalunya, aborsiyon, at sa pagkapoot o pagpaslang sa kapuwa tao. Inilarawan niya ang mga Saksi bilang mapapayapa, maibigin, may mahabang pagtitiis, at matulungin at saka walang-takot at masisigasig sa pagpapalaganap ng mensahe ng Bibliya sa iba.
Ano ang isinagot sa peryodistang taga-India sa kaniyang tanong na, ‘Paano nakikinabang ang komunidad sa inyong gawain?’ Sumulat siya: ‘Ang sagot ay na ang edukasyon sa Bibliya ay kapaki-pakinabang sa lahat ng aspekto ng buhay.’ Partikular na gustong malaman ni G. Patel ang tungkol sa mga larangan ng pangangalaga sa kalusugan at pagtatrabaho. Sa pagbanggit sa mga bahagi ng paliwanag na sinabi sa kaniya, iniulat niya: ‘Kung susundin ng isang tao ang maka-Kasulatang payo na iwasan ang nakapipinsalang mga bagay na gaya ng tabako at mga droga at mamumuhay nang malinis, maiiwasan niya ang iba’t ibang sakit. At ang masisipag, namumuhay nang malinis at matatapat na indibiduwal ay mas malamang na makakuha ng trabaho. Bukod dito, ang paglutas sa mga suliranin sa mabait at maibiging paraan ay nagbubunga ng mapayapang pakikipag-ugnayan sa iba. Kaya ang pagtuturo sa mga tao ng mga sinasabi ng Bibliya ay nagbibigay ng kapakinabangan sa komunidad.’
Nakita ng peryodistang ito ang nagagawa ng mga turo sa Bibliya sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Pinuri ng kaniyang artikulo ang kalinisan at pagkamasayahin ng mga debotong boluntaryong manggagawa sa pinakasentrong iyon ng espirituwal na gawain. Ikaw man ay maaaring makinabang mula sa mga turo ng Bibliya. Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na ipakita sa iyo kung paano.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Newspaper background: Courtesy Naya Padkar, Gujarati Daily published from Anand, India