Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 6/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paghahanap ng Espirituwal na Kaliwanagan
  • Nilabag ang Kalayaan ng Relihiyon sa Europa
  • “Teolohiya ng Kasaganaan”
  • Suriin ang mga Larong Video
  • “Ang Nakaligtaang Katulong”
  • Mga Panganib ng Labis-Labis na Ehersisyo
  • Isang Problema sa Timbang
  • Walang Lunas Para sa Sipon?
  • Ang Nagawa ni Mitch
  • Pagsagip Mula sa Pumapatay na Bagyo!
    Gumising!—1999
  • Gaano Kainteresado ang mga Kabataan sa Relihiyon?
    Gumising!—1998
  • Dapat ba Akong Maglaro ng mga Laro sa Computer o Video?
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 6/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Paghahanap ng Espirituwal na Kaliwanagan

“Habang papalapit na ang pagtatapos ng dantaon, ang mga Britano ay naghahanap ng isang bagay na espirituwal sa kanilang buhay, kung ibabatay sa kanilang labis na pananabik sa mga aklat tungkol sa paniniwala sa Diyos, sa okulto at sa sobrenatural,” sabi ng pahayagang The Times. Ayon sa isang pag-aaral na lumitaw sa Cultural Trends, tumaas ng 83 porsiyento ang bilang ng mga aklat na may relihiyosong mga pamagat sa nakalipas na limang taon at yaon namang may kinalaman sa Bagong Panahon at sa okulto ay dumami ng hanggang 75 porsiyento. Sa kabaligtaran, bumaba naman ang bilang ng mga aklat sa siyensiya na nailathala, yaong hinggil sa kemistri at pisika ay bumaba ng 27 porsiyento. Batay sa mga estadistikang ito, sinabi ni Sara Selwood, editor ng ulat, na “sa pagtatapos ng dantaon, ang mga tao’y lalong nag-iisip at nagtatanong kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng buhay.” Kung gayon, bakit dumami ng 185 porsiyento ang mga atlas (aklat ng mga mapa) at mga aklat sa heograpiya? Maaaring ipinahihiwatig nito ang “pangangailangan na makatakas sa katotohanan,” aniya.

Nilabag ang Kalayaan ng Relihiyon sa Europa

Ang International Helsinki Federation “ay nagparatang sa 19 na bansa sa Europa ng paglabag sa mga kalayaan sa relihiyon,” ulat ng magasing Catholic International. Binanggit ng pederasyon na ang panggigipit laban sa relihiyosong mga minorya ay lalo nang malakas sa mga bansang Ortodokso. Bukod pa riyan, ang ilang miyembrong estado ng European Union ay “gumagawa ng mga batas upang palakasin ang katayuan ng tradisyonal na mga relihiyon samantalang nagbabawal sa maliliit na grupo na gaya ng [mga Saksi ni Jehova],” sabi ng magasin. Ganito pa ang susog ng patnugot ng pederasyon, si Aaron Rhodes: “Ang mga Kanluraning lipunan ay nagpapakita ng mga palatandaan ng pagkatakot sa ‘pagsalakay ng sekta’ anupat kanilang sinisikil ang mga relihiyosong minorya. Lalalâ pa ang situwasyon hangga’t hindi kinikilala ng mga tao ang kalayaan sa paniniwala bilang bahagi ng kalipunan ng mga simulain at mga alituntunin na dapat na pantay-pantay na ipatupad sa lahat.”

“Teolohiya ng Kasaganaan”

Sinisipi ang teologong Lutherano na si Wanda Deifelt, sinabi ng ENI Bulletin na ang “tradisyonal na mga relihiyong Protestante sa Latin Amerika ay ‘nahihigitan sa bilang’ ng bago at mabilis-lumagong mga kilusang relihiyoso na nangangaral ng ‘teolohiya ng kasaganaan.’” Ayon kay Deifelt, ang mga relihiyong Pentecostal at karismatik sa Brazil ngayon ay may “dalawa hanggang tatlong ulit na dami ng miyembro kaysa sa tradisyonal na pangunahing mga relihiyon.” Ang “teolohiya ng kasaganaan” ay nangangako sa mga mananampalataya ng “kagyat na mga gantimpala kapalit ng pinansiyal na mga abuloy sa simbahan,” aniya. “Halos parang isang transaksiyon sa negosyo ang isang panalangin sa Diyos . . . Kung may ibibigay akong isang bagay sa Diyos, may ibibigay rin sa akin ang Diyos.” Ang kilusan ay nangangalap ng mga miyembro mula sa mahihirap ng Brazil. Bakit nananatili ang mga tagasunod gayong hindi naman natutupad ang kasaganaan at ang mga lider ng simbahan ang siyang lubhang nakikinabang? Sabi ni Deifelt: “Ang pinakakaraniwang saloobin ay ang magkaroon ng dalawang [relihiyon] upang makatiyak na kung hindi umubra ang isa, uubra ang isa pa.” Bukod pa riyan, “sila’y nagsasalita sa wika na nauunawaan ng mga tao, at sinasabi nila ang nais marinig ng mga tao.”

Suriin ang mga Larong Video

“Ang mga magulang ay ipinalalagay na mga tanga,” sabi ng pahayagang Pranses na Le Figaro. Bakit? Sapagkat ang karamihan ay maliwanag na walang kaalam-alam tungkol sa nilalaman ng mga larong video para sa mga kabataan. Halimbawa, ang layon ng isang laro ay pahirapan ang kaaway, ang layon naman ng isa pa ay sagasaan ang mga tao. Ang isa sa pinakamatagumpay na laro kamakailan lamang ay nagtatampok ng sampung nakapangingilabot na paraan upang pahirapan ang mga babae. Hinihimok ng Le Figaro ang mga magulang na magsagawa ng “isang detalyadong pagsusuri” sa mga laro ng kanilang mga anak upang matuklasan ang “natatagong kabangisan,” na kadalasang naroroon. Ang pagsang-ayon na “bilhin nang pikit-mata kung ano ang hinihingi ng mga kabataan ay lalong nagiging mapanganib,” sabi ng pahayagan. Ibinangon din nito ang katanungang, “Anong karapatan nating magsalita tungkol sa mga karapatang pantao kung hinahayaan nating mapuno ang mga istante ng mga bagay na tahasang nagwawalang-bahala sa mga karapatang ito?”

“Ang Nakaligtaang Katulong”

Isang mahalagang salik sa proseso ng paggaling ng mga pasyente sa ospital ay malaon nang ipinagwalang-bahala, sabi ng babasahing Aleman na Psychologie Heute. Ito ang pasyente sa kalapit na kama. Ipinakita ng isang pag-aaral na ang pagkakaroon ng isang kapuwa maysakit sa malapit ay nakatutulong sa paggaling at na, salungat sa popular na paniniwala, minorya lamang ng lahat ng pasyente, mga 7 porsiyento, ang nagnanais na mag-isa. Ang karamihan ay nagnanais na may kasamang isa o dalawang pasyente sa kanilang silid sa ospital. Gayunman, malaki ang epekto ng uri ng mga indibiduwal na kalapit nila. Ang tamang-tamang kasama sa silid ay “dapat na una sa lahat maging palakaibigan at mapagparaya,” ang sabi ng artikulo. Ang sumusunod na kanais-nais na mga katangian ay itinala ayon sa pagkakasunud-sunod: “maunawain, mapagpatawa, malinis, bukás ang isip, matulungin, makonsiderasyon, maayos, palakaibigan, matapat, masinop, timbang, matiisin, maingat, mabait, tahimik, matalino, magaling makibagay, at alisto.”

Mga Panganib ng Labis-Labis na Ehersisyo

Bagaman ang ehersisyo ay mabuti para sa puso at sa baga, ang labis-labis na ehersisyo ay makapagpapahina sa mga buto, anupat humahantong sa mga problema sa pagtanda. Iyan ang iniulat sa isang komperensiyang may kinalaman sa epekto ng ehersisyo sa mga buto ng tao, ayon sa The Guardian ng London. Ang mga mananakbo at yaong “naghahangad ng nakahihigit na kalakasan ng katawan” ay lubhang nanganganib. Ang mga kabataang babae na napakadalas sumali sa mga klase ng aerobic o sayaw ay nakararanas ng mas maraming pilay at sinasabing nanganganib magkaroon ng osteoporosis pagtanda nila. “Ang mga manlalaro ay binabalaan na patibayin ang kanilang mga buto hanggang sa edad na 18 o 19 lamang bago sila magsimulang humina sa paglipas ng panahon,” sabi ng artikulo. “Ang larong squash at tenis ay kinilala bilang ang pinakamahusay na isports na maaaring laruin upang lalong tumibay ang buto.” Si Michael Horton, pinuno sa sentro para sa buto mula sa University College ng London, ay nagpayo na tantiyahin ang tamang pagkakatimbang sa pagitan ng ehersisyo at kalusugan. Siya’y nagbabala: “Patuloy na sinasabi ng Pamahalaan na dapat magsagawa ng maraming ehersisyo ang mga kabataan. Maaaring may pansamantalang pakinabang ito, subalit walang isa man ang nag-isip kung ano ang magiging wakas na resulta kapag sumapit na sa edad 50 ang mga kabataang ito.”

Isang Problema sa Timbang

Mula noong mga huling taon ng dekada ng 1800, ang Le Grand K, isang silindrong platino-iridium na mga kasinlaki ng isang lalagyan ng pilm, ay naging pamantayang panukat ng daigdig sa isang kilo. Kahit na ang libra ng Estados Unidos ay nakabatay rito. Gayunman, nababahala ang mga siyentipiko na ang timbang ng silindrong ito ay waring nagbabago. Nakalagay sa loob ng tatlong garapon na hugis kampanilya at nasa loob ng isang kaha de yero sa isang arabal sa Paris, Pransiya, ang silindro ay tatlong beses lamang na inilabas sa loob ng isang dantaon. Ang babasahing Science ay nag-uulat na pagkatapos ng pinakahuling okasyon, ang mga siyentipiko ay “naghinuha na ang timbang ay nagbago nang wala pang 5 ikasangmilyon ng isang gramo sa isang taon.” Ang napakaliit na diperensiyang ito​—malamang na isang karagdagang timbang​—ay maaaring dahil sa naipong dumi sa ibabaw nito sa kabila ng mga pamamaraan sa paglilinis. Ang teknolohiya sa ngayon ay humihiling ng higit at higit na eksaktong sukat. Halimbawa, ang paglalakbay sa kalawakan ay depende sa napakaeksaktong mga orasan na nawawalan lamang ng isang segundo sa 1.4 milyong taon. Kaya, pinagtatalunan ng mga siyentipiko ang mga paraan na pagbabatayan ng isang kilo sa mas maaasahan pang pamantayan. Gayunman, sabi ng Science, mangangailangan ito ng “isang antas ng pagiging eksakto anupat mapipilitan ang mga siyentipiko na mabahala tungkol sa mga epekto na kasinliit ng nawawalang mga atomo.”

Walang Lunas Para sa Sipon?

Pagkaraan ng sampung taon ng pananaliksik na nagkakahalaga ng £5 milyon ($8 milyon), inamin sa wakas ng Common Cold Centre ng Britanya ang pagkatalo. Sa mahigit na 200 iba’t ibang virus na sanhi ng karaniwang sipon, ang paghahanap ng isang lunas para sa sipon ay “tulad ng paggamot sa tigdas, bulutong-tubig, beke at rubella nang minsanan,” komento ni Propesor Ronald Eccles, patnugot ng sentro sa University of Wales, Cardiff. “Wala akong nakikitang lunas na papawi sa lahat ng virus. Sa palagay ko ang pinakamabuting pag-asa ay ang mamuhay nang hindi ito gaanong iniintindi.”

Ang Nagawa ni Mitch

Bagaman si Mitch, ang mapaminsalang bagyo noong nakaraang taon, ay sumawi ng libu-libo pagkatapos nito at puminsala sa humigit-kumulang isang milyon katao, nagkaroon ito ng isang positibong epekto. Nakatulong ito sa mga arkeologo na naghuhukay sa mga kagibaan ng León Viejo, Nicaragua​—mga 90 kilometro sa hilagang-silangan ng kabisera​—sa pamamagitan ng “paglalantad sa mga bagong pader, buto, at mga pirasong pang-arkeolohiya,” ulat ng pahayagang Excelsior, ng Mexico City. Ipinaliwanag ni Rigoberto Navarro, patnugot ng León Viejo Ruins Historical Site, na tinangay ni Mitch ang lupa at inilantad ang isang dako na malaon nang hinahanap ng mga arkeologo subalit hindi nila masumpungan. Lumitaw ang isang pader na 2.5 metro ang taas, 70 centimetro ang lapad, at 100 metro ang haba. Ayon kay Navarro, “ginawa ng bagyo sa loob ng tatlong araw ang maaaring gawin ng mga arkeologo sa loob ng mga taon,” ang sabi ng pahayagan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share