Gaano Kainteresado ang mga Kabataan sa Relihiyon?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
PARA sa 750,000 kabataang manonood, ang gabing ito ay magiging lipos ng matinding kagalakan. Nagwagayway sila ng mga bandila, nag-awitan, at nagpalakpakan. May mga pagtatanghal sa himpapawid na ginamitan ng mga laser at kuwitis, at pinukaw ng mga musikero ang napakaraming tao. Ang kapaligiran ay nahahawig sa isang “napakalaking ginawang discotheque.” Sa wakas, umakyat sa entablado ang taong kanilang pinakahihintay habang sila’y naghihiyawan sa labis na paghanga.
Ito ba’y isang pasimula para sa paglilibot sa daigdig ng isang banda ng musikang rock? Hindi. Iyon ay isang relihiyosong miting na dinaluhan ng karamihan sa Paris sa panahon ng Catholic World Youth Days, at ang tao ay walang iba kundi si Papa John Paul II!
Para sa ilan, waring di-pangkaraniwan ang ganitong interes ng mga kabataan sa relihiyosong pagdiriwang. Ngunit pinag-uusapan ngayon sa media ang tungkol sa panunumbalik ng mga kabataan sa relihiyon.
Panlabas na Anyo
Kung titingnan, waring maganda ang kalagayan ng relihiyon. Mga 68 porsiyento ng mga kabataan sa Europa ang nagsasabi na kabilang sila sa isang relihiyon, at ang bilang na ito ay lumalampas pa ng 90 porsiyento sa Ireland. Sa Armenia, isang dating republikang Sobyet kung saan itinuturing noon ng marami ang relihiyon bilang isang alaala ng nakalipas na panahon, ganito ang sabi ng isang pari tungkol sa dating walang-taong mga simbahan na ngayon ay napupuno na: “Nagugulat ako sa pang-akit ng relihiyon sa nakababatang henerasyon.”
Ang media sa maraming bansa ay malawakang nagbabalita tungkol sa pagkakasangkot ng mga kabataan sa mga kulto at grupong karismatik. Popular na ang mga relihiyosong pagdiriwang, gaya ng nabanggit sa pasimula. Subalit ano ang mangyayari kapag susuriin natin ang nasa likuran nito?
Masusing Pagsusuri
Ang isang masusing pagsusuri ay nagsisiwalat na noong 1967, 81 porsiyento ng mga kabataang Pranses ang naniniwala sa Diyos, ngunit noong 1997 wala pa sa kalahati ang naging persentahe. Sa Europa bilang kabuuan, 28 porsiyento lamang ng mga kabataan ang naniniwala sa isang Diyos na persona. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na 12 porsiyento lamang ng mga kabataan sa Europa ang nananalangin nang madalas. Paano ito nasasalamin sa paraan ng pangmalas ng mga kabataan sa relihiyon?
Sa Denmark, 90 porsiyento ng mga kabataan ang nagsasabi na kabilang sila sa pambansang simbahan. Tatlong porsiyento lamang ang naglalarawan sa kanilang sarili bilang aktibong miyembro. Sa isang surbey noong 1997 na isinagawa ng La Croix, isang Katolikong pahayagan sa Pransiya, ipinakita na 70 porsiyento ng mga kabataang Pranses ang umamin na walang bahaging ginagampanan ang relihiyon sa kanilang buhay. Ang tatlong-kaapat sa kanila ay mas nagpapahalaga sa personal na karanasan kaysa sa turo ng isang relihiyon. Totoo rin ito sa karamihan ng iba pang bansa sa Europa.
Bakit lumalayo sa relihiyon ang mga kabataan? Para sa karamihan sa kanila, hindi mapagkatiwalaan ang mga pangunahing relihiyon. Halimbawa, ang karamihan ng mga kabataan sa Pransiya ay may palagay na ang relihiyon ay isang salik ng pagkakabaha-bahagi sa daigdig. Karagdagan pa, pangkaraniwan nang makatagpo ng mga kabataan na nadarama ang gaya ng nadarama ng 15-anyos na si Judith, isang Katolikong taga-Espanya. Ganito ang sabi niya: “Hindi ako sang-ayon sa sinasabi ng simbahan tungkol sa moralidad.” Katulad nito, para sa 20-anyos na si Joseph mula sa Taiwan, ang relihiyon ay “masyadong tradisyonal.” Ngunit kung karamihan ng mga kabataan ay hindi sumasang-ayon sa mga turo ng kanilang sariling relihiyon, ano ba ang pinaniniwalaan nila?
Relihiyong à la Carte
Karaniwan nang pinipili ngayon ng mga kabataan ang relihiyosong paniniwala na kagaya ng pagpili nila ng putahe sa isang menu. Relihiyosong “gawaing à la carte,” ang tawag dito ng isang magasin. Tinukoy ito ng isang Katolikong magasin bilang “relihiyosong panonood lamang ng paninda.” Ang mga ideyang nagiging lipas na sa uso ay pangkaraniwan na ngayon. Kaya naman, sa Europa, mga 33 porsiyento ng mga kabataan ang naniniwala sa mga anting-anting, 40 porsiyento ang naniniwala na masasabi ng mga manghuhula kung ano ang kinabukasan, at 27 ang naniniwala na may epekto ang mga bituin sa buhay ng mga tao. Ang mga ideyang gaya ng reinkarnasyon ay bahagi na ngayon ng mga paniniwala ng maraming kabataan sa Europa.
Gayon na lamang ang pagkakasari-sari ng relihiyosong mga paniniwala anupat maaaring pumili ang mga kabataan ng ideya na aangkop sa kanilang panlasa. Kakaunti na lamang ang naniniwala na iisang relihiyon lamang ang nagtataglay ng katotohanan. Dahil sa pumipili ang mga kabataan ayon sa kanilang kagustuhan, hindi na gaanong malinaw ang pagkakaiba sa kanilang mga relihiyosong paniniwala. Kaya naman, bumabanggit ngayon ang mga sosyologo tungkol sa “unti-unting paglaho” o “pangkalahatang pagguho” ng pormal na mga doktrina. Sa ganitong espirituwal na kalagayan, paano tumutugon ang tradisyonal na mga relihiyon?
Ang Paghahanap ng Relihiyon sa mga Kabataan
Nasusumpungan ng mga relihiyon na isang hamon ang pag-akit sa mga kabataan. Nagtanong ang isang paring Pranses tungkol sa mga pulutong na dumalo sa pagdiriwang ng Catholic World Youth Days sa Paris: “Saan ba nanggaling ang mga kabataang ito? Walang mga kabataan sa aking mga simbahan. Hindi ko sila kailanman nakikita.” Sa paghahangad nito na maakit at mapanatili ang atensiyon ng mga kabataan, binabago ng Simbahang Katoliko ang presentasyon at reputasyon nito.
“Binabago ng simbahan ang istilo nito!” pahayag ng pahayagang Le Figaro sa Pransiya. Para sa pagdiriwang ng 12th World Youth Days sa Paris, gumamit ang simbahan ng mga ahensiyang mas makaranasan sa pag-oorganisa ng mga konsiyertong rock upang asikasuhin ang pagtatanghal. Mahigit na 300 palabas ang itinanghal upang aliwin ang mga kabataang bumisita buhat sa mahigit na 100 bansa, at may-pangalang kasuutan ang pantanging ginawa para sa klero.
Palibhasa’y hindi naiintindihan ang mga kabataan ngayon at nadarama ang pangangailangang makibagay, maraming relihiyon ang tumatanggap sa lahat ng pananampalataya. Sa pagpapakita ng ganitong patakaran, ganito ang sabi ni Michel Dubost, ang klerigo na nag-organisa sa pagdiriwang ng World Youth Days sa Paris: “Mangyari pa, nais ko na ang lahat ng nabinyagan ay maging tapat kay Kristo. Ngunit kahit na hindi sila ganoon, mayroon pa rin silang dako sa simbahan.”
Paghahanap ng mga Kabataan ng Kasagutan
Upang idiin na totoo ang paghahanap ng mga kabataan ng kasagutan, sinabi ng isang pahayagan na ang pagdalo ng mga kabataan sa relihiyosong pagdiriwang sa Paris ay “isang panawagan para sa pananampalataya, sa halip na kapahayagan ng pananampalataya.” Sinagot ba ng Simbahang Katoliko ang gayong panawagan?
Kapag inalis mo ang nakabalot dito o sinilip mo ang loob ng tinawag ng isang Katolikong pahayagan bilang ang “nakikitang ilusyon” ng malalaking relihiyosong pagdiriwang, ano ang matitira? Nagkomento ang pahayagang Pranses na Le Monde tungkol sa “kawalan ng tunay na diwa” sa ilalim nito.
Bagaman mahalaga ang paraan ng paghahain nito, ang pagkain ay kailangang maging masustansiya. Ang katanungan ng mga kabataan tungkol sa kahulugan ng buhay ay nangangailangan ng kasagutang masustansiya sa espirituwal. Ang nakaaakit ngunit walang-kabuluhang kasagutan na inihaharap sa mga kabataan ay hindi nakapagbibigay-kasiyahan sa kanila.
Palibhasa’y walang tunay na kabuluhan, mayroon bang namamalaging epekto sa mga kabataan ngayon ang gayong relihiyosong mga okasyon? Ganito ang sabi ng sosyologong Pranses na si Danièle Hervieu-Léger: “Ang pambihirang mga pagdiriwang na ito ay malayong magkaroon ng matibay na mga epekto sa lipunan.” Saan, kung gayon, masusumpungan ng mga kabataan ang kasiya-siyang kasagutan sa kanilang mga tanong?
Kasiya-siyang Kasagutan
Inilathala noong 1997 ng magasing Pranses na Le Point ang isang artikulo tungkol sa mga suliraning nakakaharap ng mga kabataan. Bukod sa mga tanong tungkol sa kahulugan ng buhay na siyang pangkaraniwan sa maraming kabataan, kailangan ding harapin ng mga kabataan ang krimen at karahasan. Posible kayang mapagtagumpayan ito? Nagpaliwanag ang artikulo sa magasin: “Sa edad na 30, si David ay nagsimulang mabahala tungkol sa nagiging epekto ng alak, droga, at karahasan sa kaniyang katawan. Kumatok ang mga Saksi ni Jehova sa kaniyang pintuan taglay ang sagot sa kaniyang pag-asang magbagong-buhay. Nakipag-aral siya. Nakumberte siya. Binayaran niya ang kaniyang mga pagkakautang sa sugal at lahat niyaong hindi man lamang nakaalam na dinaya niya sila sa larong poker. Hindi na siya nanigarilyo, naglasing, o nakipag-away pang muli.”
Hinggil sa ibang kabataan na nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nagpatuloy ang artikulo: “Nasumpungan nila ang kasagutan sa lahat ng kanilang katanungan.” Simple ang pagkasabi ng isang kabataang Saksi: “Dalawang libong taon nang nagsasabi ng katotohanan ang Bibliya, kaya bakit pa ako pupunta sa iba para sa patnubay?”
Taglay ng Salita ng Diyos ang isang mensahe para sa mga kabataan. Ang praktikal na payo nito ay tumutulong sa kanila na makayanan ang mga suliranin sa ngayon at nagbibigay sa kanila ng matibay na saligan para maniwala sa isang kinabukasan na may kapayapaan at kapatiran. Sa isang daigdig na laging nagbabago, ang pag-asa na inilalaan ng Bibliya ay isang “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag,” na naglalaan ng katatagan at kaaliwan. (Hebreo 6:19) Daan-daang libong kabataan ang nakasumpong ng tunay na kahulugan sa kanilang buhay sa pamamagitan ng isang personal na pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nakita nila mismo kung paano nagdudulot ng pagbabago ang Bibliya na hindi sa panlabas lamang. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga kasagutan ng Bibliya, nasusumpungan ng mga kabataan na ginagantimpalaan ang kanilang paghahanap sa tunay na pananampalataya.
[Larawan sa pahina 12]
Naakit sa relihiyosong pagdiriwang ang libu-libong kabataan sa Paris
[Larawan sa pahina 13]
World Youth Days sa Paris—isa bang tunay na pagpapanumbalik sa relihiyon?