Ang Kabataan Ngayon—Pagharap sa mga Hamon ng 1990’s
NOBYEMBRE 1985. Nagtipun-tipon ang matataas na pinuno mula sa 103 bansa sa punong-tanggapan ng United Nations upang balangkasin ang “isang pangglobong estratehiya na patungkol sa mga suliranin ng mga kabataan sa daigdig.”—UN Chronicle.
Lumipas ang limang taon, at ang mga problema ng kabataan ay lalo pang lumaki. Binigo ng mga nagkakasalungatang pulitikal na pilosopya, kakulangan ng pondo, at ng pabagu-bagong mga prayoridad ang mabubuting pagsisikap ng mga pamahalaan na gumawang sama-sama alang-alang sa mga kabataan.
Bigo rin ang relihiyon na maging isang mabisang puwersa sa ikabubuti. Isinisiwalat ng Gallup surbey kamakailan sa Estados Unidos na ang karamihan ng mga kabataan (halos 90 porsiyento) ay naniniwala sa Diyos (o sa isang pansansinukob na espiritu), kaunti lamang ang may palagay na ang relihiyon ay napakahalaga sa kanilang buhay. Isa pa, kaunti lamang o walang nagawa ang relihiyon upang sugpuin ang handalapak na seksuwal na paggawi.
At nariyan din ang tinatawag na mga eksperto—mga sikologo, sosyologo, tagapayo, at mga tulad nito—na nagpapayo sa mga kabataan. Ang ilan sa mga ito ay mabuti at nakatutulong. Gayunman, ang kanilang payo ay tila nakatuon sa pisikal na mga pagkabahala: ang kahirapan sa buhay ng pagbubuntis ng tin-edyer, pag-iwas sa AIDS, ang mga panganib sa katawan ng pag-abuso sa droga. Bihira, kung ginagawa man nila, na harapin ang mas mahalagang moral na mga isyu na nasasangkot. Ang “mga eksperto” ay karaniwang kontentong sundin ang kasalukuyang popular na opinyon o ulitin ang nakalilinlang na mga sawikain, gaya ng “Ligtas na sekso” o “Basta tumanggi!”
Kumusta naman ang mga magulang? Ang marami ay abalang-abala sa pamumuhay. Palibhasa’y hindi nakatitiyak kung anong patnubay ang ibibigay o asiwa sa pagtalakay sa maselang mga bagay, maraming magulang ang waring umiiwas kapag bumabangon ang masyadong sensitibong usapin. Hindi kataka-taka, kung gayon, na maraming kabataan ang humihingi ng tulong sa walang karanasang mga kabarkada.
Ang Pinakamagaling na Pinagmumulan ng Tulong para sa mga Kabataan
Paano, kung gayon, makakukuha ang mga kabataan ng praktikal na kasagutan sa mga tanong na nakalilito sa kanila? Mga tanong na gaya ng: ‘Dapat ko bang subukin ang droga at inuming nakalalasing?’ ‘Tama Kaya ang Pagsisiping Muna Bago ang Kasal?’ ‘Paano ko malalaman kung ito nga’y tunay na pag-ibig?’ ‘Ano ang inilalaan sa akin ng kinabukasan?’
Maaaring makagulat sa ilan na marinig na ang pinakamagaling na pinagmumulan ng payo para sa mga kabataan ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang Bibliya? Oo, marami itong sinasabi sa mga kabataan. (Tingnan ang Kawikaan, kabanata 1-7; Efeso 6:1-3.) Isa pa, ito’y kinasihan ng ating Maylikha, na lubhang nakaaalam tungkol sa “maligalig na pita ng kabataan.” (2 Timoteo 2:20-22, Phillips; 2 Tim 3:16) Bago mo isaisang-tabi ang ideya na ang sinaunang aklat na ito ay maaaring may kaugnayan sa buhay sa 1990’s, isaalang-alang: Maaari kayang ang karamihan ng payo na iniaalok ng “mga eksperto” ngayon ay babasahin at igagalang mga 50 taon mula ngayon? Gayunman, ang payo ng Bibliya ay patuloy na dinidibdib libu-libong taon pagkatapos na ito’y isulat!
Totoo, malaki ang ipinagbago ng lipunan ng tao mula noong panahon ng Bibliya, subalit ang kalikasan ng tao ay hindi nagbago. Ang mga pita ng kabataan ay pareho pa rin. Kaya ang Bibliya ay bago na gaya ng dati. At sinasabi nito ang ugat ng marami sa mga problema na nakakaharap ng mga kabataan ngayon. Kasabay nito, nagbibigay ito sa mga kabataan ng pag-asa sa hinaharap.
Yamang ang Bibliya ay galing sa ating Maylikha, ang payo nito ay maaasahan, praktikal. Ang tunay-sa-buhay na mga karanasan ng libu-libong kabataang Kristiyano ngayon, na sinusunod ang payo ng Bibliya, ay nagpapatunay na gayon nga ito! Upang matulungan ang mga kabataan, ang Samahang Watch Tower ay naglathala ng isang aklat na pinamagatang Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Sumasaklaw ito ng malawak na paksa na patungkol sa mga kabataan, at ang payo nito ay pawang salig sa Bibliya! Ang masiglang tugon ng kabataang mga mambabasa sa aklat na ito ay nagpapatunay hindi lamang sa bisa ng tagubilin ng Bibliya kundi sa bagay na nais at nagtatagumpay ang mga kabataan sa patnubay ng Bibliya. Ang sumusunod na artikulo ay naghaharap ng ilan sa taus-pusong mga kapahayagan ng mga kabataan mula sa buong daigdig.
Ikaw man ay bata o matanda, utang mo sa iyong sarili na maging pamilyar sa Bibliya. Natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang milyun-milyon na gawin iyon sa kaayusan ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya, at sila’y maliligayahan na tulungan ka. Sa pagiging pamilyar at pagkakapit ng payo ng Bibliya, matututuhan ng mga kabataan hindi lamang ang praktikal na mga lunas sa mga suliranin ngayon kundi kung paano kakamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, na nag-aanyaya sa mga kabataan na maglingkod sa kaniya.—Eclesiastes 12:1.
[Kahon sa pahina 8]
Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
Narito ang ilang halimbawa ng payo ng Bibliya na ibinibigay sa aklat na ito tungkol sa ilang kasalukuyang mga isyu.
Ang Epidemya ng AIDS: “Iwasan ang imoralidad. Anumang iba pang kasalanan na gawin ng isang lalaki [o, babae] ay hindi nakakaapekto sa kaniyang katawan; ngunit ang taong nagkakasala ng seksuwal na imoralidad ay nagkakasala sa kaniyang sariling katawan.”—1 Corinto 6:18, “Today’s English Version”; ihambing ang Kawikaan 5:3-20.
Pagmamalabis sa Alkohol: “Huwag kang mapasama sa mga malalakas uminom ng alak, sa mga mayamong mangangain ng karne. Sapagkat ang manlalasing at ang mayamo ay darating sa karalitaan, at ang antok ay magbibihis sa tao ng pagkapulubi. Sa huli’y kumakagat ito [ang alak] na parang ahas, at naglalabas ng lason na parang ulupong.”—Kawikaan 23:20, 21, 32.
Trabaho: “Nakikita mo ba ang taong bihasa sa kaniyang trabaho? Siya’y tatayo sa harap ng mga hari; hindi siya tatayo sa harap ng mga karaniwang tao.”—Kawikaan 22:29.
“Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong-kaluluwa gaya ng kay Jehova ginagawa, at hindi sa mga tao.”—Colosas 3:23.
Takot sa Nuklear na Pagkalipol: “Sapagkat ganito ang sabi ni Jehova, na Maylikha ng langit, Siyang tunay na Diyos, ang Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, Siyang Isa na nagtayong matatag nito, na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan, at kaniyang ginawa ito upang tahanan.”—Isaias 45:18; 55:10, 11; Eclesiastes 1:4.
Kawalang-katiyakan sa Kabuhayan: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. . . . Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan.”—Isaias 65:21-23.