Paano Nakuha ng Passionflower ang Pangalan Nito?
ANONG passion ang tinutukoy namin? Maliwanag na hindi ito romantikong pagkahaling.
Ang kuwento ay na noong ika-16 na siglo, mga paring Romano Katoliko ang nagbigay ng pangalan sa halamang ito. Sinabi nila na ang ilang bahagi ng bulaklak ay nagpaalaala sa kanila ng pasyon, o paghihirap, at kamatayan ni Jesu-Kristo. Tingnang mabuti ang ilustrasyon, at baka maunawaan mo ang paliwanag nila. Sinabi nila na ang limang talulot at limang tulad-talulot na mga sepalo ng bulaklak ay kumakatawan sa sampung tapat na apostol na nanatiling kasama ni Kristo noong panahon ng kaniyang paghihirap. (Hindi nila isinama si Judas, ang traidor, at si Pedro, na nagkanulo kay Kristo nang tatlong beses.) Nakita pa nga nila ang koronang tinik ni Kristo sa tulad-buhok na mga silahis sa ibabaw ng mga talulot. Ang limang istamen (gumagawa ng polen sa mga lalaking halaman) ay kumakatawan sa sinasabing limang sugat ni Kristo. Ang tatlong style, na nakaangat sa ibabaw ng obaryo, ay may dulo ng isang tulad-butones na stigma, parang pako na may malaking ulo. Sinasabi nilang ang mga ito’y kumakatawan sa mga pakong ginamit sa pagpatay kay Jesus. Talagang sagana sa imahinasyon ang mga paring ito!
Nang matuklasan nila ang magandang bulaklak na ito, ito’y tumutubo sa ngayo’y tinatawag nating Latin Amerika. Itinatanim ito ngayon sa maraming bahagi ng daigdig, pati na sa maraming botanikal na hardin. Iba-iba ang diyametro nito, mula sa labintatlo hanggang sandaan at limampung milimetro, at sari-sari ang kulay nito.
May humigit-kumulang 400 uri ng passionflower, na karaniwang tumutubo sa mas mainit na mga rehiyon ng daigdig. Ang ilan ay namumunga pa nga ng nakakaing prutas na maaaring medyo maasim o napakatamis. Ang bunga nito ay magagamit sa paggawa ng juice, marmalade, at sorbetes pa nga. Ang napakalaking granadilla ay parang upo at maaaring tumimbang ng hanggang tatlo at kalahating kilo.
Gaya ng mauunawaan mo, higit pa kaysa sa hitsura lamang ang kahalagahan ng bulaklak na ito. At mayroon halos 250,000 uri ng mga angiosperm o mga halamang namumulaklak! Ngayon nariyan ang isang larangan ng kaalaman para sa isang masigasig na estudyante ng pag-aalaga o pagtatanim ng mga halamang namumulaklak.
[Dayagram sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SEPALO
SILAHIS
TALULOT
STYLES
ISTAMEN