Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Binayaran ang Nahawahang mga Hemophiliac
  • Nakamamatay na Biglang Paglitaw ng Kolera
  • Mga Napabayaang Puso
  • Humihina ang Kakayahan ng mga Lalaki sa Pag-aanak
  • Isang “Di-Nakikitang Karamdaman”
  • Pumapatay Pa Rin ang Trangkaso
  • Nanganganib ang Paruparong Monarch
  • Lumalaganap ang Kabatiran Tungkol sa Pang-aabuso sa Bata?
  • Hibang sa Kotse
  • Krisis sa Edukasyon
  • Nahawahang Dugo ang Ibinigay sa mga Hemophiliac
    Gumising!—1994
  • Biglang Paglitaw ng Kolera—Isang Talaarawan ng Taga-Kanlurang Aprika
    Gumising!—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Ang Kalagayan ng Pandaigdig na Kalusugan—Isang Lumalaking Agwat
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Binayaran ang Nahawahang mga Hemophiliac

Palibhasa’y inakusahan sila ng “hindi pagbabantay at pagkontrol” at “pag-antala sa pag-aalis ng [nahawahang] mga produkto,” ang Ministri ng Kalusugan sa Italya ay inutusan ng Korte Sibil ng Roma na bayaran ang 385 hemophiliac na nakakuha ng hepatitis o ng virus ng AIDS mula sa mga nahawahang produkto ng dugo. Sangkatlo sa kanila ang nangamatay na. Ayon sa abogadong si Mario Lana, presidente ng Italian Forensic Union for the Safeguard of Human Rights, “kinilala sa hatol na ito ang kitang-kitang kaugnayan ng mapaminsala at walang-ingat na pagkilos ng Estado ng Italya at ng pinsalang dinanas ng mga hemophiliac.” Sa Italya, mga 2,000 hemophiliac ang nahawahan ng virus ng AIDS, at halos 5,000 ang nagkaroon ng hepatitis C. Dahil sa sila’y nasalinan ng nahawahang mga produktong ito ng dugo, 1,246 na Italyano ang namatay.

Nakamamatay na Biglang Paglitaw ng Kolera

Dahil sa nakamamatay na biglang paglitaw ng kolera noong Pebrero, napilitan ang konseho ng lunsod ng Lusaka, Zambia na ipagbawal ang “pagbebenta sa lansangan ng lahat ng sariwang pagkain,” ulat ng Times of Zambia. Karagdagan pa, ang mga otel at restawran ay inilagay sa “24-oras na pagmamanman dahil ang dami ng namatay sa kolera sa kabisera ay biglang umabot sa 42,” sabi ng ulat. Nagpahayag ng pagkabahala ang mga opisyal sa kalusugan na ang karamdamang ito na kaugnay sa pagdumi ay “patuloy [ring] kumakalat sa iba pang bahagi ng bansa.” Upang labanan ang suliranin, ang mga opisyal ng Ministri ng Kalusugan at Edukasyon ay nagtatag ng isang task force laban sa kolera na uupa ng mas marami pang basurero at maglalagay ng chlorine sa mabababaw na balon, na madaling mahaluan ng tubig mula sa lupa. Ganito ang sabi ni Daniel M’soka, isang tagapagsalita para sa Konseho ng Lunsod ng Lusaka: “Layunin naming mabawasan ang salot ng kolera.”

Mga Napabayaang Puso

“Sa halip na gumawa ng mga hakbang upang pagbutihin ang kanilang kalusugan, hindi inaalagaan ng mga babaing taga-Canada ang kanilang puso,” sabi ng pahayagang National Post. Sa isang kamakailang surbey na isinagawa ng Heart and Stroke Foundation of Canada sa 400 babaing taga-Canada na may edad na 45 hanggang 74, natuklasan na “30% lamang ang nagpapanatili ng malusog na timbang, 36% ang aktibo sa pisikal, at 74% ang iniulat na dumaranas ng kaigtingan dahil sa maraming tungkulin na kanilang sabay-sabay na ginagampanan.” Naghinuha ang tagapagsalita ng Foundation na si Elissa Freeman na “mas mabuti ang pag-aasikaso ng mga babae sa kanilang mga kabiyak kaysa sa pag-aasikaso nila sa kanilang sarili.” Ayon sa ulat, “ang sakit sa puso at stroke ang siyang sanhi sa 40% ng mga namamatay na kababaihan​—mahigit na 41,000 taun-taon.”

Humihina ang Kakayahan ng mga Lalaki sa Pag-aanak

“Ang katamtamang sperm count ng mga lalaki sa Estados Unidos at Europa ay bumaba nang mahigit sa 50 porsiyento mula noong mga huling taon ng 1930,” ulat ng magasing World Watch. “Ginatungan ng natuklasang ito ang patuloy na pagkabahala na maaaring humihina na ang kakayahan ng mga lalaki sa pag-aanak, at na ang mga dumi mula sa kapaligiran ang maaaring siyang sanhi.” Ang konklusyong ito ay batay sa 61 pag-aaral na inilathala mula noong 1938, na isinagawa sa mahigit na 14,000 kalahok. Inaakala na ang ilang kemikal sa kapaligiran ay sumisira sa endocrine system ng katawan at nakahahadlang sa kakayahan nito na kumontrol ng paglaki, pagbuo, at pag-aanak. Mga 60 kemikal ang kilalang nagiging sanhi ng gayong pagkasira. Gayunman, “napakaliit na bahagi lamang ng tinatayang 80,000 produktong kemikal na ginagamit sa ngayon ang sinuri para sa nakasisirang mga epekto ng endocrine,” sabi ng World Watch.

Isang “Di-Nakikitang Karamdaman”

“Tinatayang 15 hanggang 18 milyong bata sa papaunlad na mga bansa ang apektado ng matataas na antas ng tingga sa kanilang dugo,” ulat ng Environment News Service. Halimbawa, sa India ay napatunayan ang kaugnayan ng intelektuwal na kakayahan ng mga bata at ng dami ng tingga na nakonsumo nila. Ayon kay Dr. Abraham George, ang mga bata “ay nawawalan ng kanilang intelektuwal na mga kakayahan . . . habang naapektuhan ang kanilang utak ng matagalang pagkalantad sa tingga,” ulat ng The Indian Express. Ang mga sasakyan na gumagamit pa rin ng gasolinang may tingga ang siyang pangunahing pinagmumulan ng pagkalason sa tingga sa mga lunsod sa India. Dahil sa hindi agad pinapansin ang pagkalason sa tingga kung ihahambing sa mga problema gaya ng kahirapan at gutom, ito ay tinawag na isang “di-nakikitang karamdaman” ni Dr. George.

Pumapatay Pa Rin ang Trangkaso

Mahigit sa 300 nangungunang eksperto sa trangkaso ang nagtipon kamakailan sa punong-tanggapan ng World Health Organization (WHO) sa Geneva, Switzerland, upang talakayin kung paano susugpuin ang nakamamatay na sakit na ito. Sa kabila ng malalaking pagsulong sa nakalipas na 50 taon, ang trangkaso ay patuloy na pumapatay ng daan-daang libo katao bawat taon, ulat ng United Nations Department of Public Information. Upang pag-ibayuhin ang paghadlang at pagkontrol sa trangkaso, ang WHO ay maglalathala ng isang plano na nilayong tutulong sa paghahanda ng tinatawag nitong “tiyak na salot ng trangkaso.” Ganito naman ang sabi ng panlahat na direktor ng WHO, si Dr. Gro Harlem Brundtland: “Maaaring napakaikli na lamang ng panahong nalalabi para kumilos​—mula sa unang pagkatuklas ng isang bagong uri ng sakit na ito at sa pasimula ng isang ganap na salot.”

Nanganganib ang Paruparong Monarch

Tuwing taglagas, milyun-milyong paruparong monarch ang nandarayuhan nang mahigit sa 3,200 kilometro mula sa Canada patungo sa kanilang tahanan kung taglamig sa California at sa kabundukan ng Sierra Madre sa gitnang Mexico. Subalit kamakailan, ang mga kanlungan ng monarch sa Mexico ay nanganib dahil sa pagguho ng lupa at sa ilegal na pagtotroso ng oyamel fir tree (isang punungkahoy na uring Abietaceae). Bunga nito, “sa nakalipas na dalawang taon, ang bilang ng mga monarch na nagpapalipas dito ng taglamig ay nabawasan ng 70 porsiyento,” ulat ng The News ng Mexico City. Samantalang ang turismo ay pinagkakakitaan ng ilang tagaroon, ang iba naman ay kumikita sa pamamagitan ng paghahakot kung gabi ng pinangangalagaang mga punungkahoy sakay ng mga trak. “Kung magpapatuloy ang paninirang ito,” sabi ng The News, “ang mga monarch sa tag-araw ng Hilagang Amerika ay maaaring maglaho sa dakong huli.”

Lumalaganap ang Kabatiran Tungkol sa Pang-aabuso sa Bata?

Ayon sa El Universal, isang pahayagan sa Caracas, ang persentahe ng mga batang seksuwal na inabuso sa Venezuela ay dumami mula 1 sa bawat 10 bata noong 1980 tungo sa 3 sa bawat 10 bata sa kasalukuyan. Noong 1980, ang karaniwang edad ng inabusong bata ay sa pagitan ng 12 at 14. Sa ngayon, karamihan ay wala pang tatlong taong gulang. Sino ang mga pangunahing gumagawa ng gayong kahila-hilakbot na mga krimen? Hindi na makatotohanan ang ideya na sila’y mga tusong estranghero na pagala-gala sa palibot ng mga palaruan sa paaralan na nag-aabang sa mga bata upang takamin sila sa pamamagitan ng kendi. Ipinaliwanag ng El Universal na 70 porsiyento ng mga salarin ay mga kamag-anak o kaibigan ng pamilya. Mahigit sa kalahati ng bilang na iyan ay mga amain o madrasta, at ang natitirang bahagi ay karaniwan nang isang tao na may awtoridad, gaya ng isang nakatatandang kapatid, pinsan, o isang guro.

Hibang sa Kotse

Ayon sa American Automobile Manufacturers Association, naabot kamakailan ng Estados Unidos ang ikasandaang milyong bilang sa paggawa ng sasakyang de motor. “Nangailangan ng 25 taon bago nagawa ang unang isang milyong makina,” ulat ng magasing Compressed Air. Subalit ngayon, “ang kasalukuyang produksiyon ay 30 pampasaherong kotse at sampung trak at bus por minuto sa bawat araw ng trabaho.” Kung isasaalang-alang mo ang mga planta ng kotse, mga pabrika ng piyesa, mga tauhan sa pagbebenta at pagkukumpuni, at propesyonal na mga tsuper, ang industriya ng sasakyan sa Estados Unidos ay kinabibilangan ng mga 1 sa bawat 7 naghahanapbuhay. Tinataya na mga 40 milyong sasakyan ang ginagamit ngayon sa Estados Unidos.

Krisis sa Edukasyon

“Nakakaharap ng papaunlad na mga bansa ang krisis sa edukasyon dahil sa 125 milyong bata, karamihan ay babae, ang hindi nag-aaral at 150 milyon pa ang humihinto sa pag-aaral bago pa man sila matutong bumasa o sumulat,” ulat ng News Unlimited ng Inglatera. Sa kasalukuyan, 1 sa 4 na adulto, o 872 milyon katao sa papaunlad na mga bansa ang hindi marunong bumasa’t sumulat. Bukod dito, lumalala pa ang krisis sa edukasyon kapag ang mga bansa na may maraming mamamayan na hindi marunong bumasa’t sumulat ay umuutang ng salapi mula sa mas mayayamang bansa. Bakit? Dahil sa ang salaping kailangang-kailangan para sa edukasyon ay kadalasang ibinabayad sa mga pagkakautang. Kaya nananatili ang suliranin tungkol sa pagdami ng hindi marunong bumasa’t sumulat, na siya namang sanhi ng kahirapan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share