Ang Trahedya ng Digmaan
SA Imperial War Museum sa London, Inglatera, pinagtatakhan ng mga panauhin ang isang pambihirang orasan at digital na pambilang. Ang orasang ito ay hindi nagsasabi ng oras. Ang layunin nito ay upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang saklaw ng isang pangunahing tampok sa siglong ito—ang digmaan. Habang umiikot ang kamay ng orasan, ang pambilang ay nagdaragdag ng isa pang numero sa talaan nito bawat 3.31 segundo. Bawat numero ay kumakatawan sa isang lalaki, babae, o batang namatay dahil sa digmaan nitong ika-20 siglo.
Nagsimula ang trabaho ng pambilang na ito noong Hunyo 1989. Pagsapit ng hatinggabi sa Disyembre 31, 1999, tatapusin na ang pagbilang. Kung gayon ay magrerehistro ito ng isandaang milyon, isang katamtamang pagtantiya sa bilang ng mga namatay sa digmaan sa nakalipas na 100 taon.
Isip-isipin lamang—isandaang milyong tao! Iyan ay mahigit sa doble ng populasyon ng Inglatera. Gayunman, hindi isinisiwalat ng estadistikang iyan ang hilakbot at kirot na dinanas ng mga biktima. Ni inilalarawan man nito ang pagdurusa ng mga mahal sa buhay ng mga namatay—ang di-mabilang na milyun-milyong ina at ama, mga kapatid, mga biyuda at mga ulila. Ang sinasabi sa atin ng estadistika ay ito: Ang siglo nating ito ay makapupong higit na pinakamapangwasak na siglo sa buong kasaysayan ng tao; walang maitutulad sa kalupitan nito.
Ipinakikita rin ng kasaysayan ng ika-20 siglo kung hanggang saan nakaabot ang pagiging eksperto ng mga tao sa larangan ng pagpatay. Sa buong kasaysayan, ang paglikha ng mga bagong sandata ay mabagal hanggang sa sumapit ang ika-20 siglo, na doo’y dumagsa ang paggawa ng mga sandata. Nang sumiklab ang unang digmaang pandaigdig noong 1914, kabilang sa mga hukbo ng Europa ang mga lalaking nakasakay sa kabayo, na nasasandatahan ng mga lanse. Sa ngayon, sa tulong ng mga sensor ng satelayt at mga sistemang pang-asinta na pinaaandar ng computer, ang mga missile ay nakapaghahatid ng kamatayan saanmang bahagi ng lupa, taglay ang nakagugulat na kaeksaktuhan. Nakita sa lumipas na mga taon ang pagsulong at pagpapahusay sa mga baril, tangke, submarino, eroplanong pandigma, sandatang biyolohikal at kemikal at, mangyari pa, “ang bomba.”
Kapansin-pansin, ang sangkatauhan ay naging napakahusay sa pakikidigma anupat ang digmaan ay isa nang laro na hindi na makakayanang laruin ng mga tao. Gaya ng kathang kuwento tungkol kay Frankenstein, na dito’y pininsala ng halimaw ang gumawa sa kaniya, nanganganib na pinsalain din ng digmaan yaong nagbigay rito ng gayong kalaking kapangyarihan. Posible pa kayang makontrol o maalis ang halimaw na ito? Susuriin ng sumusunod na mga artikulo ang tanong na ito.
[Picture Credit Lines sa pahina 3]
U.S. National Archives photo
U.S. Coast Guard photo
By Courtesy of the Imperial War Museum