Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/22 p. 4-7
  • Ano ang Kinabukasan ng Digmaan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Kinabukasan ng Digmaan?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagkaunawa na Isang Kahibangan ang Digmaan
  • Pagsisikap na Magkaroon ng Pangglobong Kapayapaan
  • Ang Anyo ng Darating na Digmaan
  • Ano Kaya ang Problema?
  • Ang United Nations—Mas Mabuting Paraan?
    Gumising!—1991
  • Sino ang Makapagdadala ng Namamalaging Kapayapaan?
    Gumising!—1996
  • Ang Wakas ng Lahat ng Digmaan—Matutupad Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Ang mga Pakana ng Tao Ukol sa Pandaigdig na Katiwasayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/22 p. 4-7

Ano ang Kinabukasan ng Digmaan?

“SA NAKALIPAS na 4000 taon ng pag-eeksperimento at pagpapaulit-ulit, kinaugalian na ang pakikidigma,” sabi ng militar na istoryador na si John Keegan. Posible pa bang maalis ang kinaugaliang ito? Hindi na mabilang ang buhay na ibinuwis sa labanan. Ang pakikidigma ay ginatungan ng pambihirang lakas at napakalawak na kakayahan. Sa loob ng libu-libong taon, ang marurunong na tao ay nakatalaga na sa pagtuklas ng bago at mas magagaling na paraan ng pagpatay at pagpuksa. Nagpapakita rin ba ang mga tao ng ganitong pananabik sa pagtataguyod ng kapayapaan? Malamang na hindi! Gayunman, marami ang buong-ingat na nangangatuwirang may ilang batayan upang umasa.

Ang Pagkaunawa na Isang Kahibangan ang Digmaan

Ang pag-asang iyan ay isinasalig sa paniniwalang hindi na gaya ng dati ang pangmalas ng mga naliwanagang tao hinggil sa digmaan. Noong ika-13 siglo, ang mandirigma ng Mongolia na si Genghis Khan ay iniulat na nagsabi: “Ang kaligayahan ay nakasalalay sa pagsakop sa mga kalaban, sa pagkontrol sa kanila, sa paglimas sa kanilang mga ari-arian, sa paglasap sa kanilang kawalan ng pag-asa, sa paghalay sa kanilang mga asawang babae at mga anak na babae.”

Malamang na hindi na maguguniguni ng isa ang isang pandaigdig na lider na magsasabi rin ng ganito sa ngayon! Ganito ang sabi ng aklat na A History of Warfare: “Bihirang-bihira na ngayon saanman sa daigdig ang makapagbabangon ng isang pinagsama-sama at pinag-isipang suporta sa ideya na ang digmaan ay isang makatuwirang gawain.” Ang digmaan ay hindi na ngayon lubusang minamalas bilang likas, katutubo, dakila, o marangal. Ang madugong patayan sa mga digmaan nitong ika-20 siglo ay nag-iwan sa mga tao ng matinding takot at pagkasuklam sa nagagawa ng digmaan. Ikinatuwiran ng isang manunulat na ang pagkamuhing ito sa karahasan ay umakay sa pag-aalis ng parusang kamatayan sa maraming bansa at lumikha ng simpatiya sa mga ayaw makibahagi sa mga gawaing pangmilitar.

Ang pagkapoot sa malupit na pagpatay ay hindi lamang siyang tanging dahilan ng pagbabago ng saloobin. Nariyan din ang mahalagang bagay hinggil sa pag-iingat sa sarili. Napakalakas ng kapangyarihang pumuksa ng modernong mga sandata, nuklear man o pangkaraniwan lamang, anupat anumang digmaan sa pagitan ng pangunahing kapangyarihan sa ngayon ay magdudulot ng panganib na parehong maubos ang lahi nila. Ang pagpapasimuno sa isang malawakang digmaan ay isang kahangalan at pagpapatiwakal. Ang pananalig na ito, katuwiran ng marami, ang naging dahilan kung kaya naiwasan ang nuklear na digmaan sa loob ng mahigit na 50 taon.

May isa pang dahilan kung bakit iba ang iniisip ng ilang tao hinggil sa kinabukasan. Ang malawakang digmaan ay inuunawa bilang isang kahibangan hindi lamang dahil sa maaaring mauwi sa wala ang lahat kundi dahil na rin sa halos wala namang mahihita rito. Ganito ang pang-ekonomiyang pangangatuwiran laban sa posibilidad ng pagkakaroon ng malawakang digmaan: Napakalaki ng nagiging pakinabang ng mauunlad at makapangyarihang mga bansa sa daigdig dahil sa pagtutulungan sa ekonomiya. Hindi maipapantay ang anumang pakinabang na maaaring idulot ng digmaan sa materyal na pakinabang na tinatamasa ng mga bansang ito sa panahon ng kapayapaan. Kaya nga, may mabuting dahilan na panatilihin ng malalakas na bansa ang pakikipagpayapaan sa isa’t isa. Isa pa, para na rin sa kanilang kapakinabangan na sila’y makianib upang masugpo ang anumang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mas mahihinang puwersa na magsasapanganib sa umiiral na kalagayan sa ekonomiya.

Pagsisikap na Magkaroon ng Pangglobong Kapayapaan

Ang adhikain na wakasan na ang digmaan ay ipinahahayag sa priyambulo ng karta ng Estados Unidos. Doon ay mababasa natin ang determinasyon ng mga miyembrong estado na “iligtas ang susunod na mga salinlahi buhat sa salot ng digmaan, na dalawang ulit na nagdulot sa yugto ng ating buhay [sa dalawang digmaang pandaigdig] ng di-maubos-maisip na dalamhati sa sangkatauhan.” Ang determinasyong iyan na iligtas ang darating na mga salinlahi mula sa digmaan ay ipinahahayag sa konsepto ng sama-samang pagtatanggol​—ang ideya na dapat magkaisa ang mga bansa laban sa alinmang estado na gustong sumalakay. Samakatuwid kapag may isang bansa na gustong magpasimuno ng digmaan, haharapin nito ang matinding galit ng internasyonal na komunidad.

Bagaman simple lamang at makatuwiran ang teoriya ng ideyang ito, ibang usapan naman ang pagkakapit nito. Ganito ang sabi ng The Encyclopædia Britannica: “Bagaman ang sama-samang pagtatanggol, sa bahagyang naiibang anyo, ay gumanap ng isang prominenteng bahagi sa Kasunduan ng Liga ng mga Bansa at nakapaloob sa Karta ng Nagkakaisang mga Bansa, ito’y lubusang nabigo sa dalawang pagkakataon. Dahil sa kawalan ng internasyonal na pamahalaan na siyang pangwakas na magpapasiya sa mga isyu, hindi magkaisa ang mga bansa sa kung ano ang maliwanag na maituturing na pananalakay, at hindi nila aktuwal na matanggap ang simulain na dapat salansangin ang pananalakay sinuman ang may kagagawan nito, kung kaya’t hindi tuloy makapagtatag ng internasyonal na puwersa ng sama-samang pagtatanggol, na siyang pangarap ng Karta.”

Magkagayunman, ang ideya ng paglikha ng isang lupon na walang kinikilingang bansa upang itaguyod ang kapayapaan ay isang bagay na bago sa gawain ng mga tao. Para sa marami na nangangarap ng kapayapaan, ang naka-blue beret na sundalo ng Nagkakaisang mga Bansa ay nananatiling sagisag ng pag-asa. Nakiisa sila sa palagay ng mananalaysay na pumuri “sa konsepto ng kawal ng kapayapaan, na isinugo sa isang lugar na di-nagkakaunawaan, hindi upang makidigma, kundi upang magtaguyod ng kapayapaan, hindi upang makipaglaban sa mga kaaway, kundi upang tumulong sa mga kaibigan.”

Sa loob ng mga dekada, nahati sa dalawang bloke ng kapangyarihan ang UN dahil sa Cold War, anupat naghaharangan sa anumang naisin ng bawat isa. Bagaman hindi rin naalis ng pagtatapos ng Cold War ang awayan, pagdududahan, at paghihinalaan ng mga bansa, marami ang naniniwala na nakikita na ngayon sa larangan ng pulitika ang di-akalaing pagkakataon para sa UN na kumilos ayon sa binabalak nito.

Nagbibigay rin ng pag-asa sa mga nangangarap ng kapayapaan ang iba pang mga pangyayari sa ika-20 siglo. Halimbawa, ang adhikain ng internasyonal na diplomasya ay upang malutas ang pag-aaway sa mapayapang paraan. Ang pagkakawanggawa ay tumutulong sa mga bansa na maisaayos-muli ang ibang mga bansa at tumutulong sa mga taong napinsala ng digmaan. Ang pakikipagpayapaan at pagiging makatao ay kapuwa naging bahagi ng patakarang panlabas. Pinararangalan ang mga nagtataguyod ng kapayapaan.

Ang Anyo ng Darating na Digmaan

Bagaman may dahilan tayo para umasa, dapat nating isaalang-alang ang mapapait na katotohanan. Nang matapos ang Cold War noong 1989, marami ang nagtiwala sa pagkakaroon ng isang mapayapang kalagayan sa daigdig. Gayunman, nagpatuloy pa rin ang digmaan. Sa sumunod na pitong taon, tinatayang 101 pag-aalitan ang sumiklab sa iba’t ibang lugar. Karamihan ay mga digmaan hindi sa pagitan ng mga estado kundi sa loob mismo ng estado. Ang mga ito’y labanan ng dalawang magkasalungat na grupo na gumagamit ng mga simpleng sandata. Halimbawa, sa Rwanda, karamihan sa pagpatay ay ginamitan ng mga itak.

Kadalasan, ang mga modernong pook ng digmaan ay mga bayan at nayon, at bahagya lamang o walang pagkakakilanlan kung sino ang mga nakikipagdigma at kung sino naman ang mga sibilyan. Sumulat si Michael Harbottle, direktor ng Centre for International Peacebuilding: “Bagaman ang mga dahilan ng pag-aawayan noon ay nahuhulaan, sa ngayon ang mga ito’y makapupong higit na komplikado at mas mahirap kontrolin. Ang antas ng karahasan na kaakibat ng mga ito ay di-kapani-paniwala at talagang wala sa katuwiran. Ang mga ordinaryong mamamayan ang malamang na siyang nababaril na para bang sila ang nakikipaglaban.” Babahagya lamang ang pag-asang mawala ang gayong alitan na ginagamitan ng mga simpleng uri ng sandata.

Samantala, sa mayayamang bansa sa lupa, patuloy na sumusulong ang paggawa ng mga sandata ayon sa makabagong teknolohiya. Ang mga sensor​—ito man ay nasa himpapawid, nasa kalawakan, nasa dagat, o nasa lupa​— ay nagpapangyaring mas mabilis at mas maliwanag na makakita ang isang modernong hukbo, kahit sa mahihirap na lugar, gaya ng kagubatan. Kapag may nakitang target ang mga sensor, mapapatamaan ito ng mga missile, torpedo, o laser-guided na mga bomba​—na kadalasa’y nakagugulat ang pagkaeksakto. Habang napahuhusay at nabubuo ang mga modernong teknolohiya, ang “malayuang pakikidigma” ay naisasakatuparan, anupat lahat ay nakikita na ng isang hukbo, lahat ay napapatamaan, at halos lahat ng pag-aari ng kalaban ay nawawasak.

Sa pagsasaalang-alang ng darating na digmaan, hindi natin dapat kaligtaan ang mapanganib na presensiya ng mga sandatang nuklear. Inihula ng magasing The Futurist: “Dahil sa mabilis na pagdami ng mga sandatang atomika, lalong lumalaki ang posibilidad na magkaroon tayo ng isa o higit pang digmaang atomika sa susunod na 30 taon. Karagdagan pa, maaaring gamitin ng mga terorista ang mga sandatang atomika.”

Ano Kaya ang Problema?

Bakit kaya nabibigo ang mga pagsisikap na makamit ang pangglobong kapayapaan? Ang isang maliwanag na dahilan ay ang di-pagkakaisa ng pamilya ng tao. Ang sangkatauhan ay nagkakawatak-watak sa mga bansa at kultura na walang tiwala, napopoot, o natatakot sa isa’t isa. Nagkakasalungatan ang mga pamantayang moral, paniniwala, at mga adhikain. Isa pa, libu-libong taon nang nakikita na ang paggamit ng puwersang militar ay isang lehitimong paraan ng pagtataguyod sa pambansang kapakanan. Matapos aminin ang kalagayang ito, ganito ang sinabi sa ulat ng Strategic Studies Institute of the U.S. Army War College: “Para sa marami, ipinahihiwatig nito na sasapit lamang ang kapayapaan sa pamamagitan ng pandaigdig na pamahalaan.”

Inakala ng ilan na ang pamahalaang iyon ay ang United Nations. Ngunit ang UN ay hindi kailanman itinalaga na maging isang pandaigdig na pamahalaan na may kapangyarihang higit pa sa mga miyembrong bansa nito. Ito’y may lakas ayon lamang sa ipinahihintulot ng mga miyembrong bansa nito. Patuloy pa rin ang paghihinalaan at di-pagkakaunawaan ng mga bansang iyon, at ang kapangyarihang ipinagkaloob nila sa UN ay limitado lamang. Samakatuwid, sa halip na lumikha ng internasyonal na sistema, ang UN ay nananatiling isang larawan lamang niyaon.

Gayunman, tiyak na sasapit sa lupa ang pangglobong kapayapaan. Ipakikita sa susunod na artikulo kung paano mangyayari iyan.

[Blurb sa pahina 5]

“DAPAT NANG WAKASAN NG SANGKATAUHAN ANG DIGMAAN, KUNG HINDI AY WAWAKASAN NG DIGMAAN ANG SANGKATAUHAN.”​—JOHN F. KENNEDY

[Larawan sa pahina 7]

Hindi naging isang pandaigdig na pamahalaan ang UN

[Credit Line]

UN photo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share